NAIINIS na naipadyak ni Katrina ang kanyang paa. Sa lahat naman ng araw na bubuhos ang malakas na ulan, nang araw na iyon pa!
“Bad trip,” bulong niya nang umanggi at mabasa siya. Nasa shed siya malapit sa gate ng kanilang eskuwelahan. Kaunti na lang ang mga estudyanteng naroon. Bago pa man bumuhos ang ulan ay nagsiuwian na ang mga estudyante. May kinailangan lang siyang tapusin para sa school organ nila kaya nahuli siya ng labas.
Madilim na ang kalangitan at wala siyang sundo. Kailangan kasi ng mama niya ang driver nila kaya hindi siya masusundo. Hindi naman siya mahihirapang umuwi kung hindi umuulan nang malakas.
“`Kainis talaga,” bulong niya. Basa na ang uniporme niya dahil wala siyang dalang payong.
Kanina pa siya nakatayo roon ngunit hindi naman humihina ang ulan.
Biglang bumilis ang t***k ng puso niya nang makita niya ang isang pamilyar na pigurang tumatakbo papunta sa waiting shed: Harvy. Wala itong dalang payong at basa na rin ito. Sumilong ito sa waiting shed.
Napangiti ito nang makita siya. “Hey,” hinihingal ngunit masiglang bati nito sa kanya. “What are you still doing here?”
Gumanti siya ng ngiti. Ang guwapu-guwapo nito. Tila ito modelo ng gel dahil sa wet look na hitsura nito. Bahagya siyang nahiya dahil kompara dito ay mukha siyang basang-sisiw.
Hinagod niya ng kamay ang basang buhok niya.
“May tinapos lang ako para sa school organ,” sagot niya. “Ikaw, bakit nandito ka pa?”
“Kinausap ako ng coach namin sa basketball kaya nahuli ako ng uwi kaysa sa mga kasama ko.” Binuksan nito ang dala nitong gym bag at kumuha ng tuwalya mula roon. Nagulat siya nang iabot nito iyon sa kanya.
“Sigurado ka?” tanong niya habang nakatingin sa iniaabot nito. Basa rin ito at kailangan din nito ng tuwalyang iyon.
Itinaklob nito sa ulo niya ang tuwalya kaya wala na siyang nagawa kundi ang tanggapin iyon. Tinuyo niya ang mga braso niya, ang mukha, at leeg. “Maraming salamat. Paano ka?”
“I’m okay. Baka sabihin mo pang ungentleman ako.”
“Baka naman magkasakit ka.”
Pinindot nito ang ilong niya. Napansin niyang nadadalas na ang pagpindot at pagpisil nito sa ilong niya. Tila wiling-wili itong gawin iyon. Tila pamilyar na pamilyar na sila sa isa’t isa.
Hindi naman siya nagrereklamo. Sa katunayan, kilig na kilig siya. Masaya siya na mabilis silang nagkagaanan ng loob. Sana nga ay noon pa niya ito kinaibigan.
“I’m really okay, Kat. Parang kanina ka pa nababasa. Hinihintay mo ang sundo mo?”
Umiling siya. “Hinihintay kong tumila ang ulan para makapunta na ako sa sakayan pauwi sa `min. Wala akong sundo ngayon.”
“Ihahatid na lang kita,” sabi nito habang pumapara ng taxi.
“Hindi na, Harvy,” nahihiyang sabi niya. “Sige na, mauna ka na.”
Tumigil sa harap nila ang isang taxi. Hinawakan nito ang kamay niya at pilit na pinasakay siya roon. Upang hindi na sila gaanong mabasa ay pumasok na siya. Lihim na kinikilig siya dahil ihahatid siya nito pauwi. Nais tuloy niyang magpantasyang isang tipikal na magnobyo sila.
“Saan ka ba nakatira?” tanong nito sa kanya.
Sinabi niya rito ang address niya. Ibinigay niya rito ang tuwalya nito upang makapagpunas ito. Lalo itong nabasa dahil pinauna siya nitong sumakay sa taxi, lalo tuloy itong naging makisig sa paningin niya.
Kinuha nito ang tuwalya at nagpunas. Nang matapos ito ay ibinalik nito iyon sa kanya.
“Okay na ako,” aniya.
Pilit na ibinigay nito sa kanya ang tuwalya. “Itakip mo sa dibdib mo.”
Yumuko siya. Nag-init ang mga pisngi niya nang mapagtantong bakat na bakat na ang katawan niya sa uniporme niya dahil nabasa ang manipis na blouse niya. Nahihiyang itinakip niya ang tuwalya sa dibdib niya.
Nang tingnan niya ito ay tila patay-malisya lang ito. Tila hindi ito naiilang. Kunsabagay, hindi siya gaanong gifted sa kanyang hinaharap. Ang kapal yata niyang umasa na maaapektuhan ito.
Tahimik sila hanggang sa makarating sila sa bahay nila. Tila ayaw pa niyang bumaba. Nais pa sana niyang makasama si Harvy. Nais sana niyang makakuwentuhan ito habang kumakain ng masarap na pagkain sa kanilang hapag.
“Gusto mong pumasok?” yaya niya rito. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Ayaw niyang magsisi mamaya dahil hindi niya ito inalok na pumasok muna sa kanilang bahay.
“Hindi ba nakakahiya?” tila nag-aalangang tanong nito.
“Hindi,” aniya na nagkabuhay ang tinig. Ang akala niya ay tatanggi ito sa alok niya. “Dito ka na mag-dinner.”
“Nandiyan ang mga magulang mo?”
Tumango siya. “Okay lang sa kanila. Mababait ang magulang ko, promise. Sige na, bumaba ka muna para makapagpalit ka ng damit. Baka sipunin ka, eh. Masarap ding magluto ang papa ko.”
Halos tumalon siya sa sobrang kaligayahan nang bumaba ito. Ito rin ang nagbayad ng taxi na sinakyan nila. Nais niyang magbigay ng share niya ngunit tinawanan lang siya nito.
Niyaya na niya itong pumasok sa bahay.
“Ate! Nandito ka na!”
Nakangiting lumuhod siya at sinalubong ng yakap ang bunso niyang kapatid na si Leon. Tila sadyang inaabangan nito ang pagdating niya. Ito lang ang nag-iisang kapatid niya. He was three years old. Dati, ang akala niya ay magiging only child siya. Mabuti na lamang at nagdalang-tao ang kanyang ina kay Leon. Tuwang-tuwa siya nang dumating ito sa pamilya nila. Ito na ang pinakamalambing na kapatid sa buong mundo.
Niyakap niya ito at hinagkan sa mga labi. “How’re you, love?”
“Okay!” masiglang sabi nito. Natigilan ito nang makitang may kasama siya. Namilog nang bahagya ang mga mata nito.
“Nandito ka na pala, Katrina,” anang kanyang ama na kalalabas lang mula sa kusina. May suut-suot pa itong apron. “May kasama ka?” Napatingin ito kay Harvy.
Nilapitan niya ang kanyang ama at hinagkan ito sa pisngi. Amoy-ulam ito. “Hello, `Pa. Masarap ba ang ulam? Siyanga po pala, si Harvy po, kaibigan ko. Harvy, ang papa ko at si Leon, ang kapatid ko.”
“Good evening po,” magalang na bati rito ni Harvy. Masuyong ginulo nito ang buhok ng kanyang nakababatang kapatid. “How are you, little boy?”
Binistahan ng kanyang ama ang binata mula ulo hanggang paa. “Ngayon ko lang yata siya nakita?” kaswal na tanong nito sa kanya. Ang kanyang kapatid ay nakatingin lamang sa bisita.
“Transferee po siya, `Pa,” sagot niya. “Dito na po siya magdi-dinner.”
Ngumiti na ang kanyang ama. “Ganoon ba? Tamang-tama, masarap ang niluto ko ngayon. Basang-basa kayo, ah. Magbihis muna kayo. Harvy, may dala ka bang damit o gusto mong pahiramin muna kita para hindi ka magkasakit? Tumawag ka na rin sa inyo para hindi ka mapagalitan.”
Napangiti siya sa mga sinabi ng kanyang ama. Mabait talaga ito sa lahat at may tiwala ito sa kanya. Tila nakahinga naman nang maluwag si Harvy. Muntik na siyang mapahagikgik. Huwag nitong sabihin na kinabahan ito nang makaharap nito ang kanyang ama?
“May dala po akong extra na damit,” magalang na sagot ni Harvy. “Maraming salamat po.”
“Si Mama po?” tanong niya sa kanyang ama habang patungo siya sa hagdan.
Napabuntong-hininga ang kanyang ama. “Umalis. May lakad daw sila ng mga kaibigan niya.”
Hindi na siya tumugon. Nagtuloy na lamang siya sa silid niya upang makapagpalit ng pambahay.
Pilit na iniintindi niya ang kanyang ina sa paglabas-labas nito kasama ng mga kaibigan nito. Kahit hirap na hirap siyang intindihin ito ay pinipilit pa rin niya. Kahit naiinis na siya dahil napapabayaan na nito ang mga responsibilidad nito sa kanila ay iniintindi pa rin niya ito. Wala siyang magawa, nanay niya ito.
Her mother suffered from postpartum depression after she gave birth to Leon. Her mother was never the same again. Dati naman itong isang mabuting nanay na laging nakaalalay sa mga pangangailangan ng pamilya nito. Ngunit hindi na ito bumalik sa dati mula nang maipanganak si Leon.
Naaawa siya sa kanyang kapatid dahil hindi ito naaasikaso ng kanyang ina. Yaya ang madalas na kasama nito kapag nasa trabaho ang kanyang ama at nasa eskuwelahan naman siya. Habang lumilipas ang mga araw ay nararamdaman niyang lalong lumalayo sa kanila ang kanyang ina. Hindi na yata sila nito nakikita. Pulos ito barkada, shopping, at casino.
Minsan ay narinig niyang nag-aaway ang mga magulang niya dahil nalululong na raw sa sugal ang kanyang ina. Sa casino raw ito nagpupunta kasama ng mga kaibigan nito. Kahit ano ang sabihin dito ng kanyang ama ay hindi ito nakikinig. Naghi-hysterical ito kapag hindi nito nakukuha ang gusto nito. Sa palagay niya ay natatakot ang kanyang ama na baka bumalik ito sa depression kapag hindi nito nakuha ang gusto.
Habang sinusuklay niya ang kanyang buhok ay nagpasya siyang huwag na munang isipin ang kanyang ina. Masaya siguro ito sa kinaroroonan nito ngayon. Ang dapat niyang intindihin ay ang bisita niya.
Nagmamadaling bumaba na siya bago pa mainip si Harvy. Nadatnan niyang nakikipaglaro ito sa kapatid niya.
HARVY could not believe it. He could not take his eyes off Katrina. Masarap sa mga tainga ang tawa nito. Malutong iyon at puno ng buhay. Masaya niyang pinapanood ito habang nakikipagkilitian ito sa kapatid nito. Nasa sala silang tatlo at hinihintay na maihanda ang hapunan. Nakapagpalit na siya ng tuyong damit at nakatawag na rin siya sa kanyang ina upang sabihin na nasa bahay siya ng isang kaibigan at doon na maghahapunan.
Kung tutuusin, maaari naman na siyang umuwi kanina. He just suddenly felt like he didn’t want to be away from Katrina. He still wanted to talk to her. Nais nga niyang kutusan ang kanyang sarili dahil hindi siya makapagsalita habang nasa taxi sila.
He found her very beautiful. Mamasa-masa ang buhok nito na lalong nagpaganda rito. Napansin din niyang basa ang suot nitong uniform at medyo bumakat ang katawan nito. She looked so sexy. Hindi naman pala ito ganoon kapayat.
Lalong gumaganda ito kapag tumatawa. Nagiging maaliwalas ang mukha nito. Parang masarap saluhan ito sa pagtawa.
Katrina was very natural. She was beautiful without even trying. Hindi nakakasawa ang ganda nito. Habang tinitingnan ito nang matagal ay lalo itong gumaganda.
Mula nang maging magkaibigan sila ay mas madali na para sa kanya ang tumawa, ang maging masaya. Katrina brought him unexplainable happiness everytime she was near. Parang napakahirap nang lumayo rito.
Sa totoo lang ay naguguluhan na siya sa nadarama niya. Hindi ba at hindi naman ito ang gusto niya? Kung ganoon, bakit hindi na niya maalis ang mga mata niya rito? Bakit bihira na siyang tumingin kay Laureen nitong mga nakaraang araw at natatagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na si Katrina ang hinahanap-hanap ng kanyang mga mata?
Tama bang makaramdam siya ng ganoon? Tama bang ganoon siya kabilis magbago ng nararamdaman para sa isang babae?
“Ate, stop!” tili ni Leon.
He liked her brother. Napaka-cute at napakabibo ni Leon. Wala siyang kapatid kaya sabik siya sa pagkakaroon ng isa. Naaalala pa niyang nagmakaawa siya dati sa mga magulang niya na bigyan siya ng mga ito ng kapatid.
Pinupog ni Katrina ng halik ang mukha at leeg ng kapatid nito. Tili nang tili ang bata. Naiinggit siya kay Leon. Sana ay siya rin ay mapupog ng halik. Napailing na lamang siya sa itinatakbo ng kanyang isip.
Yumakap sa leeg ng dalaga ang bata. “I love you, Ate.”
“I love you, too, baby ko.”
Tumingin si Katrina sa kanya at ngumiti. Bumilis nang husto ang t***k ng puso niya. Maling isipin na tila sa kanya nito sinasabi ang mga katagang iyon. Alam na para sa kapatid nito ang pagmamahal na sinasabi nito. Pero bakit ganoon? Bakit nais niyang marinig na sinasabi rin nito sa kanya ang mga katagang iyon?
It was like he wanted to be loved, and he wanted to love her.
What the hell was happening to him?
Bago pa man siya makahanap ng sagot sa tanong na iyon ay tinawag na sila ng ama nito. Nakahanda na raw ang hapag at kakain na sila. Tumalima silang lahat.
He thoroughly enjoyed the dinner. Masarap ngang magluto ang ama nito. Mabait din ang ginoo. Palakuwento si Leon at may kakulitan talaga. Paminsan-minsan ay sinusubuan ni Katrina ang kapatid nito. He got the impression that Katrina was the best sister in the whole world.
Lalo niyang nais na makasama ito. He liked her family. He liked her personality. He liked her beauty. He liked everything about her.