“`MIND if I join you?”
Nagtaas ng tingin si Katrina sa nagsalita. Napatulala siya nang makita ang guwapong mukha ni Harvy. Nakangiti ito sa kanya. Tila tumigil saglit sa pagtibok ang puso niya. Nang muli iyong tumibok ay eratiko na.
Nasa cafeteria siya isang tanghali at kumakain mag-isa. Absent si Laureen dahil kailangan daw nitong tulungan sa paglalabada ang nanay nito. Wala naman daw silang gagawin masyado sa araw na iyon kaya lumiban na lamang ito sa klase.
Natatawang pumitik si Harvy sa harap ng mukha niya. “Puwedeng maki-share?” untag nito sa kanya.
Hinamig niya ang kanyang sarili. Tumikhim siya at pilit na pinakalma ang puso niya. Nagmumukha na siyang tanga, at hindi siya dapat ganoon.
“S-sure,” sabi niya.
Umupo ito sa tapat niya. Hindi nabubura sa mga labi nito ang napakagandang ngiti. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili na titigan ito habang kumakain ito.
“You’re staring, and it’s making me blush,” natatawang sabi nito.
Bahagya siyang napahiya. Nagbaba siya ng tingin at nilaru-laro ang pagkain sa plato niya.
“How are you?” kaswal na tanong nito.
Napangiti siya. Nais sana niyang bumungisngis ngunit pinigil niya ang kanyang sarili.
Napansin yata nito ang kakaibang ngiti niya dahil pinuna siya nito. “What’s so funny?”
“You were asking me how I was,” natatawang sabi niya. “Iisang section lang tayo, Juan Harvelo. Halos araw-araw tayong nagkikita.”
Bahagya rin itong natawa. “Yeah, but this is actually our first time to talk. Ang tagal na nating magkaklase pero ngayon lang tayo nakapag-usap. Bakit kasi ganoon?”
“Caste system. You talk and mingle with your own kind.” Sa eskuwelahan nila ay kanya-kanya ang grupo. Ang mga magkakapareho ang nagsasama-sama.
Sanay na siya roon. Itinuturing nga niyang masuwerte siya dahil kinakausap siya ng lahat. Itinuturing siyang kaibigan ng lahat. Sadyang nahihiya lamang siyang kausapin si Harvy. Idagdag pang may pagtingin siya rito.
Nagpapasalamat siya dahil ito ang unang lumapit at nakipag-usap sa kanya. May nagawa siguro siyang maganda upang biyayaan siya nang ganoon.
Nagkibit-balikat ito bago sumubo. “Well, ganito rin naman sa States.”
Hindi niya alam kung ano ang kanyang itutugon. Tila ganoon din ito. Tahimik na kumain sila ng tanghalian. Pilit na kinakapa niya sa kanyang isip kung ano ang puwede nilang pag-usapan. Sayang kasi ang pagkakataong ibinigay sa kanya. Kailangan niyang makaisip ng magandang paksa ng usapan. Kailangan na niyang samantalahin ang pagkakataon upang maging magkaibigan sila. Ayaw na niyang pagmasdan ito mula sa malayo at nang palihim. Nais na niyang mabago ang sitwasyon nila.
“Kumusta ang basketball team?” tanong niya rito.
“Okay lang,” tugon nito.
Dead end uli. Napabuntong-hininga siya. Ano ba ang puwede nilang pag-usapan?
“Hindi mo yata kasama ang best friend mo? Absent yata siya?”
Nakahinga siya nang maluwag nang magtanong ito tungkol kay Laureen. “Kailangan daw niyang tulungan ang nanay niya. Alam mo naman iyon, tipikal na mabait na anak.”
“What does her mother do?”
“Labandera.”
“What about her father?”
“Nakakulong. Noon kasi ay kumapit sa patalim, nagtulak ng bawal na gamot para mabuhay ang pamilya. Mabait naman ang tatay ni Laureen. Nagipit lang si Mang Arnulfo noon. Alam kong mabait siya kasi nasamahan ko na dati si Laureen nang bisitahin niya ang tatay niya. Nakilala ko na rin ang nanay niya. Masipag at saka maalaga. Alam mo, hindi ako naaawa sa kanila kahit ganoon sila. Alam ko kasi na darating ang araw na giginhawa rin ang buhay nila. Sa talino pa lang ni Laureen, bawing-bawi na sila. Sa sipag nilang mag-ina, aahon din sila sa hirap. Hindi sila nakakaawa. Bilib nga ako sa kanila kasi hindi sila basta-basta sumusuko sa buhay. Hindi gumagawa ng ilegal ang nanay ni Laureen. Ang tatay naman niya ay nagsisisi na sa nagawa. Mapapalaya rin iyon dahil napakabait niya sa loob.”
Nang tumigil siya sa pagsasalita ay napansin niyang nakatingin lamang ito sa kanya. Tila namamangha ito. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Lumabas yata ang pagiging madaldal niya. Hindi na siya nahiyang magkuwento nang magkuwento. Baka magalit sa kanya si Laureen dahil sa mga sinabi niya tungkol dito. Wala siyang karapatang magkuwento sa iba ng buhay ng iba. Tila siya tipikal sa tsismosa.
“Sorry,” aniya sa maliit na tinig. “Nasobrahan yata ako sa kadaldalan. `Oy, huwag mong sasabihin kay Laureen na sinabi ko ang mga iyon sa `yo, ha? Secret lang natin `yon. Mag-promise ka.”
Natawa ito. “You look so cute when you’re babbling.”
Nag-init ang kanyang mga pisngi sa sinabi nito. “Huwag kang ganyan at baka maniwala ako.”
Lalo itong natawa. “Bakit ngayon lang kita nakausap? Sayang. Ang sarap-sarap mo pa namang kausap.”
“Ikaw, eh, hindi mo ako pinapansin.”
“Nagpapapansin ka ba? Hindi mo rin naman ako pinapansin, ah. Lagi kayong busy ni Laureen sa pag-aaral.”
“Nahahawa lang naman ako kay Laureen na masipag mag-aral. Friends na ba tayo, Harvy?” hindi niya napigilang itanong.
Ngayong nakausap na niya ito, lalong lumalim ang nadarama niya para dito. Parang nais niyang lagi itong makasama at makakuwentuhan. Tila masarap mangarap na puwedeng magkaroon ng sila. Ayaw na yata niya itong pagmasdan mula sa malayo. Gusto na yata niyang ipakita ang paghanga niya rito.
“Ikaw, kung gusto mo akong maging kaibigan.”
“Sino naman ang hindi ka gugustuhin bilang kaibigan?”
Inilahad nito ang kamay sa kanya. “Hi, I’m Juan Harvelo Villareal Coulter. Can you be my friend from now on?”
Nakangiting tinanggap niya ang kamay nito. Kahit may naramdaman siyang munting kuryente na nanulay sa katawan niya ay hindi niya hinila pabalik ang kamay niya. “I’m Katrina Santos. It’s nice to meet you, Juan Harvelo.”
“So, `ayan magkaibigan na tayo,” anito na tila tuwang-tuwa. “Magpapansinan na tayo sa daan tuwing magkakasalubong tayo, ha?”
Nakangiti pa ring tumango siya. Hindi na niya nagawang magsalita. Kahit naman wala siyang sabihin ay halatang masayang-masaya siya sa pagkakaibigan nila. Umpisa na yata ng katuparan ng mga pangarap niya.
NAPANGITI si Katrina nang bigla siyang lapitan ni Harvy kinaumagahan pagpasok nito sa kanilang classroom.
“Pakopya ng assignment sa Physics, Katrina,” sabi nito sa kanya na ngiting-ngiti.
Si Laureen ay nanlalaki ang mga mata habang nakatingin kay Harvy. Hindi pa niya nasasabi ritong magkaibigan na sila ng binata. Sa katunayan, sinamahan pa siya nito nang nagdaang hapon habang hinihintay niya ang kanyang sundo. Nagkuwentuhan sila ng kung anu-ano tungkol sa mga sarili nila. Marami rin siyang naikuwento rito tungkol kay Laureen.
Pabirong tinampal niya ang noo nito. She had to tiptoe to be able to reach his forehead. Hindi na siya nahihiyang gawin ang bagay na iyon. Madali itong makagaanan ng loob. Mabait ito at kuwela rin naman.
“Kinaibigan mo lang yata ako para may makopyahan ka ng mga assignment, eh,” kantiyaw niya rito.
Natatawang inakbayan siya nito. Kahit biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso ay pinilit niyang magpakakaswal. Kilig na kilig siya sa pagdadaiti ng mga katawan nila.
“I’m just kidding. Nagawa ko ang assignment. I just wanna say ‘good morning’ to you and to Laureen.” Bumaling ito sa kaibigan niyang nakatulala pa rin dito at ngumiti.
Napansin niyang bahagyang namula ang best friend niya. Napansin din niyang tila mas matamis ang ngiting ibinigay ni Harvy sa kaibigan niya kaysa sa kanya. Para ngang mas gusto nitong makita si Laureen kaysa sa kanya.
She mentally shook her head. Kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya. Hindi dapat ganoon, Katrina. Ano, bibigyan mo ng malisya ang pagba-blush ng kaibigan mo at mas matamis na ngiti ni Harvy rito? Sino ba ang akbay niya? Sino ang nakakasamyo ng bango niya? Ikaw! Ang sarap-sarap niyang samyuin sa umaga. Maging masaya ka na lang sa biyayang ito, Katrina. Do not dwell on negative things.
“Ako na lang ang kokopya sa `yo ng assignment kung ganoon,” pagbibiro niya. “Hindi ako magaling sa mga numero, eh. Talagang inagahan ko para makakopya ako.”
Masuyong pinindot nito ang ilong niya. It was amazing how they were already comfortable with each other. Parang kailan lang sila nagkakuwentuhan at naging tunay na magkaibigan.
Patuloy sa pagwawala ang puso niya. Natatakot na nga siya na baka marinig na nito ang t***k ng puso niya sa sobrang lakas niyon.
“Ganito pala ang style mo kaya ka number two, ha,” kantiyaw nito. “Ang daya.”
Natawa siya nang malakas. Ang saya-saya niya. Ang ganda-ganda ng simula ng umaga niya. “Talaga! Ganito ang mga tunay na smart, madiskarte.”
Binuksan nito ang bag nito at kinuha ang notebook nito sa Physics. Ibinigay nito iyon sa kanya. Tinanggap niya iyon. Kahit ayaw niyang kumawala sa pagkakaakbay nito, kailangan.
Umupo siya sa silya niya at kinuha ang sarili niyang notebook. Nagsimula siyang kopyahin ang mga sagot nito sa assignment nila.
“You’re not kidding?” tila manghang sabi ni Harvy habang nakatingin sa kanya. Tinabihan siya nito. “You really didn’t do your assignment?”
Nakalabing tumango siya. Patuloy siya sa pagsusulat sa notebook niya. Mukhang tama naman ang mga sagot nito.
“I can’t believe this,” he muttered.
Nginisihan niya ito. Mukhang hindi talaga ito makapaniwalang nangongopya ng assignment ang pumapangalawa sa klase. Ang totoo ay noon lamang niya ginawa iyon. Nang nagdaang gabi ay hindi siya makapag-concentrate sa kanyang mga aralin dahil abala siya sa pag-iisip at pagpapantasya rito. Nakalimutan niyang may mga assignment pala sila kinabukasan.
“Done!” masayang sabi niya pagkatapos niyang mangopya. “Thank you so much for your kindness,” aniya habang ibinabalik dito ang notebook nito.
Natatawa ito habang kinukuha uli ang notebook nito. “Ganyan ka pala, ha.” Tila amused na amused ito sa kanya. Hindi naman siguro ito mate-turn off sa ginawa niya. Noon lang naman niya ginawa iyon.
“Mula sa araw na ito ay pakokopyahin mo na ako, ha?” pagbibiro niya.
Muli nitong pinisil ang ilong niya. “Sure. Sandali muna, pupuntahan ko muna si Caleb. Kokopya rin `yon, eh.”
Hinayaan na niya itong magpunta sa kaibigan nito. Nang mapatingin siya kay Caleb, napansin niyang kakaiba ang ngiti nito. Paglapit ni Harvy rito ay narinig pa niya ang sinabi nitong, “good job, bro.”
Naagaw ang atensiyon niya kay Harvy nang may humila sa braso niya. Noon lamang uli niya naalala si Laureen.
“Ano ang ibig sabihin ng nakita ko?” tanong nito habang nakahalukipkip.
Nginitian niya ito nang matamis. “Friends na kami.”
“Paano nangyari `yon?”
“Secret,” pagbibiro niya.
Natawa siya nang kurutin nito ang tagiliran niya. “May secret-secret ka nang nalalaman ngayon, ha. Seryoso na. Ano nga ang nangyari? Para isang araw lang akong absent, ah.”
Hinila niya ito sa bandang likuran at masayang ikinuwento rito ang nangyari nang nagdaang araw. Hindi na niya itinago ang kanyang kilig.
“I’m in love, Laureen,” pahayag niya na tila nangangarap.
Isang matipid na ngiti lamang ang naging tugon nito.