_THE HOSTAGE TAKING
NOTE: This story is purely a fictional and if there's any resemblance to real life it is not intentional and just a coincidence.
INTRO:
Kasalukuyang nagsasagawa ng medical at dental mission ang isang kilalang kumpanya mula Maynila. Ito ay ang Cervantes Realty Corporation na siyang naging panata na nila na tumulong lalo na sa mga kapos sa buhay at walang kakayahan para magpunta ng hospital.
"Doc' ang daming tao." saad ng isa nilang staff. Dahil hindi magkamayaw ang mga ito sa pagdagsa ng mga taong gustong magpakonsulta ng libre at makakuha ng libreng gamot.
"Yes. Ayusin niyo ng mabuti ang inyong mga trabaho okay. Siguraduhin ninyo na ang lahat ay mabibigyan ng medical attention. Bata man o matanda siguraduhin ninyong mabibigyan ng kaukulang mga gamot at mga vitamin's." masaya si Akira na pagmasdan ang lahat. Masaya siya na makatulong sa kanyang kapwa.
May mga kabataan, mga matatanda na gustong magpakonsulta.
"Salamat sa inyong pagdating Doktora' dahil halos ang mga tao dito sa amin ay walang kakayahan para magpunta ng hospital. Bukod sa malayo ang hospital ay mahal din po ang mga gamot." saad ng isang Ginang na noon ay katatapos lang nilang suriin at bigyan ng libreng gamot.
"Walang anuman po Manang," nakangiti si Akira. Ito ang tanging layunin nila. Ang panata ng kanilang pamilya. Ang makatulong sa mga kapos sa buhay na walang kakayahan para magpakonsulta sa hospital.
Mula pagkabata ay pinangarap na ni Akira na maging isang doktor dahil iyon sa kanyang Tito Lawrence na nagkasakit noon ng malubha. Ito ang nagsilbing motivation niya.
Hindi lingid sa kaalaman ni Akira ang mga hirap na pinagdaanan ng kanyang Ina noon—lalo noong nagkasakit ng malubha ang Tito Lawrence niya at hindi malaman kung saan hihingi ng tulong dahil walang-wala sila. Sila ay ulila ng lubos at sa Ina naatang ang lahat ng responsibilidad para buhayin ang nakababatang kapatid. Kaya naman ginawa ng Ina ang lahat ng kanyang makakaya para mabuhay silang magkapatid. Lahat ng pwedeng pagkakitaan ay pinasok noon ng kanyang Ina para lamang makapag-aral at mabuhay silang magkapatid.
Nasa fourth year college na at graduating na noon ang kanyang Ina ng nagkasakit ng malubha ang Tito Lawrence niya at nangangailangan ng agarang operasyon.
Wala silang malapitan. Wala silang mahingan ng tulong—dahil pati ang mga kamag-anak nila noon ay wala ding maitulong. Kaya labag man sa kalooban ng Ina—siya ay napilitang sumali noon sa isang bidding sa bar kung saan siya nagtatrabaho bilang isang waitress para maisalba ang buhay ng nag-iisang kapatid.
Dahil sa nakuhang pera noon ng kanyang Ina—naisalba niya ang buhay ng kanyang kapatid at sila ay nakapagtapos ng pag-aaral.
Walang kaalam-alam noon ang kanyang Ina kung sino ang lalakeng nakabili sa kanya noong gabing iyon at sa hindi inaasahan nabuntis ang kanyang Ina— at silang tatlong magkakapatid, sina Fin at Fox silang triplets ang naging bunga.
Mag-isa silang pinalaki ng kanyang Mama Khiara—dahil ng mga panahon na iyon ay hindi pa nila nakikilala ang tunay nilang Ama.
Tulad ng ibang bata naghangad si Akira na magkaroon ng Ama. Naiinggit siya sa mga ka- klase at kalaro niya noon na may mga kanya-kanyang Tatay. At noong apat na taong gulang na sila at ganap ng Pulis noon ang kanyang Ina—ay dito nila nakilala ang tunay nilang Ama na walang iba kundi si Kent Cervantes na CEO ng Cervantes Realty Corporation na noon ay boss ng kanyang Ina dahil isa siya sa kanyang mga security personnel.
Masaya siya. Dahil ang tanging pangarap niya noon na magkaroon ng Ama ay natupad nga. At hindi lamang iyon isa na siyang ganap na doktor ngayon—kasama ng kapatid nitong si Quillan na isa na ding doktor ngayon.
Ito ang isa sa mga layunin nila. At ang Tita Dhira niya na kapatid ng kanyang Ama na isa ding doktor na siyang naging inspirasyon din niya para matupad ang kanyang pangarap.
Ngayon masaya siya na nakakatulong sa iba. Walang kahit na anong halaga ang makakatumbas sa kasiyahan niyang makatulong sa kapwa niya.
Nasa ganoong pag-iisip siya nakangiti, nakatayo at masayang pinagmamasdan ang lahat ng bigla na lamang niyang naramdaman na may tila isang matigas na bagay na tumutusok sa kanyang tagiliran.
"Sumama ka sa akin Doktora," gulat na gulat siya ng hilahin siya ng lalake at itinutok ang matigas na bagay na iyon sa kanyang tagiliran. Baril. Nanlaki ang kanyang mga mata.
"Sumama ka ng maayos sa akin Doktora. Huwag kang sisigaw—sige lakad lang!" natakot man ay pinili niyang pakalmahin ang kanyang sarili.
Abala ang lahat at walang kahit na sino ang nakapansin sa suspek. Sa dami ng ng mga taong gustong magpakonsulta ay hindi na nila napansin ang paglapit sa kanya ng suspek.
Guwardiyado ang buong paligid. May mga nagkalat na mga kasundaluhan dahil bago sila nagpunta sa lugar na ito sila ay nakipag- coordinate muna sa AFP. Sinigurado muna nila ang kaligtasan ng lahat bago sila tumulak sa liblib na lugar na ito.
Isang liblib na lugar. Malayo sa kabihasnan. Isa at kalahating oras ang biyahe mula sa bayan ng Tuguegarao. Bulubundikin ang lugar na tila napag-iwanan na ng ilang bayan dahil sa dami ng mga mahihirap na pamilya ang nakatira dito. Nagpagawa siya ng initial na report. At dito nila nakita ang kakulangan ng lugar sa medikal na atensyon.
At bukod doon; napag-alaman din nila na madaming namumugad na mga makakaliwang grupo o mga rebelde sa lugar na ito. Ngunit sa tulong AFP na secured nila ang buong lugar bago pa sila tumulak dito at ayon sa mga ito ay ligtas naman daw ang buong lugar.
"Si-sino ka?" Nauutal-utal ngunit buong tapang niyang sabi.
"Lakad lang Doktora. Binabalaan kita' huwag kang sisisgaw at huwag kang magpapahalata! Sige lakad!" kumilos si Akira, hindi niya malaman ang kanyang gagawin. Natataranta na din siya.
"Ano ang kailangan mo?" ngunit hindi sumagot ang suspek at lalong diniinan ang pagkakatutok nito ng baril sa kanyang tagiliran.
"Sa-bi-hin mo kung ano kailangan mo' baka makatulong ako." napalunok siya at buong tapang niyang sabi.
"Kayong mga doktor ang dahilan kung bakit naghihirap ngayon ang anak ko!" madiin at tila puno ng galit na wika ng suspek.
"A-a-no? Ba-bakit kami?" naguguluhan niyang tanong. Siya ay pasimpleng naglakad hanggang sa isang nurse ang nakapansin sa kanila.
"Doc' saan ka pupunta? Sino ka? Saan mo dadalhin si Doktora?" sumigaw ito ng mapansin nitong may kung anong bagay sa tagiliran ni Akira.
"Tulong! Tulong!" sigaw ng Nurse at mabilis ang ginawang pagkilos ng suspek at itinutok ang dala nitong baril sa ulo ni Akira at hinila ito palayo sa kanilang lahat.
"Walang susunod!" hawak niya sa leeg si Akira sa kanyang kaliwang kamay habang nakatutok naman ang hawak nitong baril gamit ang kanyang kanang kamay.
Nakuha na nila ang atensyon ng lahat. Nagkakagulo na ang iba—at ang ilan ay nagsisitakbuhan na dahil sa takot.
Nakita niya ang mga kasundaluhan na nakapwesto na. Lahat ng hawak na baril ay sa kanila nakatutok.
"Madadaan natin ito sa magandang usapan! Bitawan mo ang baril at pakawalan mo si Doktora!" sigaw ng isang sundalo.
"Hindi! Kayo ang magbaba ng inyong mga armas kung ayaw ninyong pasabugin ko ang ulo ng doktor na ito! Siya lang ang kailangan ko at hindi kayo!" huminga si Akira ng malalim. Nag-iisip ng kung ano'ng pwede niyang gawin.
"Ate!" mula sa malapit narinig niyang sumigaw si Quillan ang nakababata niyang kapatid na isang doktor din.
"Ano'ng ginagawa ninyo?! Gumawa kayo ng paraan' nasa panganib ang buhay ng kapatid ko!" muli ay sigaw niya sa mga kasundaluhan. Nanginginig na si Akira pero hindi siya dapat padadala sa takot niya.
"Nasaan si Col. Fajardo? Gusto ko siyang makausap! Siya ang kailangan ko at ng doktorang ito! Ibigay ninyo ang kahilingan ko kung nais niyo pang mabuhay ang doktorang ito!" muli ay hiling ng suspek.
"Mag-isip ka ng maayos Manong' sa-bi-hin mo sa akin kung ano ang gusto mo at ibibigay ko?" muli ay saad ni Akira ngunit tila sarado na ang isip ng suspek.
"Mga wala kayong puso! Puro pera ang mahalaga sa inyo! Wala kayong awa sa mga kagaya naming mahihirap!" galit na ngunit tila naiiyak na wika ng suspek. Dito naramdaman ni Akira na tila may pinagdadaanan na mabigat ang hostage taker.
"Kung ganoon ano ang gusto mo? Sabihin mo' ano'ng maitutulong namin?" pilit niyang pinapalakas ang kanyang kalooban.
"Makinig kayong lahat! Hindi ako rebelde at lalong hindi ako masamang tao! Ako si Simon na isang magsasaka at dahil sa mga katulad ng doktorang ito na mukhang pera ay nanganganib ngayon ang buhay ng anak ko! Kayo ang dahilan! Kasalanan ko ba na naging mahirap ako? Tinanggihan ninyo ang anak ko—dahil wala kaming pambayad! Wala kayong puso' mga ganid sa salapi!" sobrang galit nito. Ito ngayon ang nakikita ni Akira sa suspek.
Kung ganoon—ito ang nagtulak sa suspect para gumawa ng masama?
"Sana kinausap mo ako ng maayos. Hin-di 'yong ganito na kailangan mo pang gumawa ng masama!"
"Nagpabalik-balik kami ng hospital' paulit-ulit akong nakikiusap pero ayaw ninyong tanggapin ang anak ko! Pera na lang ba ang mahalaga sa inyong mga doktor?!" muli ay galit na wika ni Simon.