NAPALUNOK si Danilo sa sinabing iyon ni Ipang. Makakaya ba niyang patayin ang taong maraming tao na tumutulong sa mamamayan ng Baryo Sapian? Ngunit, kapag ginawa naman niya iyon, kapalit naman niyon ay gagaling naman ang asawa niya at mawawala na ang sumpa sa kanilang baryo. Isang buhay kapalit ng maraming buhay. Marahil nga ay kailangan niyang tanggapin na muli na namang mababahiran ng dugo ang kamay niya. Nakapagdesisyon na siya. Papatayin na niya si Aling Divina! Lumabas siya ng kuweba na dala ang kuwintas at itak na gagamitin niya sa matandang albularya para wakasan ang buhay nito. Malalaki ang hakbang ni Danilo. Ngayong alam na niya na si Aling Divina ang may kagagawan ng lahat ay dapat na talaga niyang magmadali. Kasama ng asawa niya ang taong nagbigay dito ng sakit na iyon! --

