Chapter 02

1671 Words
ISANG malakas na tili ang pinakawalan ni Nenita nang biglang hawakan ng matanda ang masakit niyang paa. Mariin nitong pinisil iyon kaya halos masiraan na siya ng ulo sa sobrang kirot! Awtomatik niyang hinampas sa balikat ang matanda gamit ang nakuha niyang sanga. Iyon ay nagawa niya dahil sa kagustuhan na ipagtanggol ang kaniyang sarili. Napaupo ang matanda sa lupa. Sinamantala ni Nenita ang pagkakataon. Binuhat niya ang tapayan at malalaki ang hakbang na lumayo. Ngunit nakakalimang hakbang pa lang siya nang mapahinto siya. Nilingon niya ang matanda na ngayon ay tumatayo na at hawak ang nasaktang balikat. “Ano pong ginawa mo?” Hindi makapaniwalang tanong niya. Nawala na kasi ang pananakit ng paa niyang natapilok. Bumalik na iyon sa normal. Sigurado siya na ang matanda ang may kagagawan niyon dahil hinawakan nito ang paa niya kanina. “Ginamot ko ang bali mo sa paa,” sagot nito sa mahina at garalgal na boses. Maingat na ibinaba ni Nenita ang tapayan. “Kung ganoon, pinagaling niyo ang paa ko?” Hindi pa rin siya makapaniwala. “Gaya ng sinabi ko… oo.” Ganoon na lang ang konsensiyang naramdaman niya sa ginawa niya sa matanda. Wala naman pala itong masamang balak sa kaniya. Sa katunayan ay ginamot pa nito ang paa niya. Hinusgahan niya ito agad base sa nakakatakot nitong anyo. Nilapitan niya ang matanda na may pag-aalala. “P-pasensiya na po. Medyo natakot lang po kasi ako sa inyo. Akala ko po kasi ay may gagawin kayong masama sa akin. Patawarin mo po ako, lola.” Buong puso siyang humingi dito ng paumanhin. “Wala na iyon. Ang mahalaga ay maayos kang makakauwi sa inyo.” “Bago lang po kayo dito? Saan po kayo nakatira?” “Galing ako sa kapatagan. Inangkin ng gobyerno ang lupa at maliit na bahay na meron ako. Kaya dito ako sa kagubatan nakatira. Meron akong maliit na kubo na malapit sa ilog.” Bumaba ang mata nito at huminto iyon sa tiyan niya. Itinuro nito iyon. Napahawak tuloy siya sa tiyan niya. “Bakit po? May problema po ba?” “Buntis ka. Mag-iingat ka.” “Salamat po. Oo nga po pala, ako si Nenita. Kayo po? Anong pangalan mo?” “Ipang.” “Sige po. Kailangan ko nang umuwi, Aling Ipang. Paalam po.” Binalikan ni Nenita ang tapayan. Bubuhatin sana niya iyong nang magulat siya dahil tinulungan siya ni Ipang. “Buntis ka. Hindi ka dapat nagbubuhat ng mabibigat. Tutulungan na kita hanggang sa bahay mo,” anito. “Naku, nakakahiya naman po. Huwag na po.” Pero hindi niya napigilan si Ipang sa kagustuhan nitong tulungan siya. Ito na ang bumuhat sa tapayan kaya naman wala na rin siyang nagawa kundi ang tulungan ito sa pagbubuhat. Tunany ngang mabait ang matanda sa kabila ng nakakatakot nitong panlabas na anyo. Kung titingnan mo kasi si Ipang ay mukha itong bruha o mangkukulam. Naging madali ang pagbubuhat ni Nenita ng tapayan dahil sa tulong ng matanda. Mabilis din siyang nakauwi kaya naman ganoon na lang ang pasasalamat niya kay Ipang. “Aling Ipang, maraming-maraming salamat po. Bilang pasasalamat, iniimbita ko kayo dito bukas. Fiesta po dito bukas sa Baryo Sinapian. Punta po kayo. May kaunti po kaming salu-salo.” “Susubukan ko.” Napansin niya na hindi ito ganoong nagsasalita at palagi itong nakayuko o hindi kaya ay umiiwas ng tingin. “Basta, aasahan ko po kayo. At pasensiya na po ulit kayo kung nasaktan ko ang inyong balikat.” Hindi ito nagsalita. Huminga ito nang malalim na para bang sinasamyo nito nang maigi ang hangin. Naging malikot ang mata ni Ipang. “Hindi maganda ang hangin sa baryo niyo. May paparating na gulo. Maghanda ka, Nenita!” Tila ba nagbibigay ito ng babala. “G-ganoon po ba?” Inisip ni Nenita na baka may kakayahan si Ipang na masabi kung may paparating na bagyo. Ang gulo siguro na sinasabi nito ay bagyo o masamang panahon. “Maghahanda po ako. Salamat.” Pagkasabi niya niyon ay walang paalam itong umalis at tinahak na nito ang daan papuntang gubat. Ikinibit na lang niya ang kaniyang balikat at ipinasok na sa bahay ang tapayan. -----ooo----- KINABUKASAN, maaga pa lang ay nagluluto na si Nenita. Fiesta na kasi at kailangan niyang magluto ng kaunti dahil pupunta sa kanilang bahay ang ilang kaibigan ni Danilo. Habang hinahalo niya ang adobong baboy ramo ay niyakap siya ng kaniyang asawa mula sa likod. “Amoy usok pa ako, Danilo.” Hinahalik-halikan kasi siya nito sa batok kahit pawisan na siya. Kahoy kasi ang panggatong nila kaya mausok at mainit. “Ang bango-bango mo nga, e. Ano ba 'yang niluluto mo?” “Adobong baboy ramo. Mamaya naman ay mag-iihaw ako ng dalag. May manok din tayo. Baka tinola na lang ang gagawin ko doon.” “Ako na lang ang mag-iihaw ng dalag para hindi ka masyadong mapagod. Oo nga pala, nakabili ka ba ng tuba?” “Nasa likod ng pinto. Dalawang bote iyon. Anong oras ba darating ang mga bisita mo?” Tinakpan niya ang kaldero at binawasan ang gatong. Malapit na kasing maluto ang adobo. Humarap siya kay Danilo habang nakapulupot pa rin sa katawan niya ang braso nito. “Mamayang tanghali. Dito sila kakain ng tanghalian tapos mag-iinuman na kami.” “Ilan ba ang iyong bisita?” “Apat lang.” “Sapat lang pala ang niluto ko. Hindi naman pala sila ganoon karami.” “Ikaw ba? May inaasahan ka bang bisita?” “Meron. Pero isa lang. Si Aling Ipang. Iyong matanda na nakatira sa gubat.” Inalis na ni Danilo ang pagkakayakap nito sa kaniya. “Wala yata akong kilalang Ipang na taga-rito sa Baryo Sapian.” Kunot ang noo nito. Para bang inaapuhap nito kung may kilala itong Ipang. “Hindi mo talaga kilala si Aling Ipang. Mula siya sa kapatagan pero nawalan siya doon ng tirahan kaya sa gubat siya nakatira ngayon.” “Nenita, hindi ka dapat nagtitiwala sa hindi mo kilala lalo na’t hindi taga-rito sa atin.” “Wala kang dapat ikabahala sa kaniya, Danilo. Mabuting tao si Aling Ipang. Noong una ang akala ko ay masama siya pero tinulungan niya akong magbuhat ng tapayan hanggang dito sa ating kubo. Isa pa, hinilom niya ang napilayan kong paa. Sa tingin ko’y katulad din siya ni Aling Divina na isang mahusay na manggagamot!” Pagkukwento ni Nenita. “Kahit na. Basta mag-iingat ka sa mga taong hindi mo kilala. 'Wag na 'wag kang magtitiwala agad.” “Sige, Danilo. Maraming salamat!” “Siya. Tama na 'yan. Nasaan na iyong mga dalag para maiihaw ko na?” Itinuro ni Nenita ang batalan. “Nandoon. Linisin mo na rin muna. Babalatan ko na rin ang papaya para sa tinola.” nakangiti niyang sagot. -----ooo----- MASAYANG pinapanood ni Nenita sina Danilo at ang mga kaibigan nito na nag-iinuman ng tuba sa harapan ng kanilang bahay. Masaya ang lahat at may mga nagsasayawan sa hindi kalayuan. Masaya siya na masaya si Danilo. Ngayon lang din niya nakilala ang mga kaibigan nito. Isa sa mga iyon ay si Fredo na may-ari ng taniman ng patatas kung saan nagtatrabaho ang kaniyang asawa. “Oo nga pala, Danilo. Kailan mo ba ako babayaran sa utang mo?” Narinig niyang tanong ni Fredo sa kaniyang asawa. “Kapag nakaluwag-luwag ako. Taasan mo kasi ang sahod namin sa taniman mo!” At nagtawanan ang mga ito. Alam niyang nagbibiruan lang ang kaniyang asawa at ang mga kainuman nito. Nakaupo si Nenita sa isang mahabang upuan. Napatayo siya nang matanaw niya si Ipang na paparating. Sinalubong niya ang matanda at iniharap niya ito kay Danilo para ipakilala. “Danilo, siya si Aling Ipang. Iyong sinasabi ko sa iyo na tumulong sa akin kahapon.” “Pakainin mo na ang bisita mo, Nenita.” “Sige,” aniya sabay baling kay Ipang. “Tara po sa loob,” anyaya niya dito. Sumunod naman agad si Ipang sa kaniya. Dinulutan niya ito ng lahat ng pagkain na meron sila. Napansin niya na tila nahihiyang kumain si Ipang kaya kumuha na rin siya ng sarili niyang pagkain para sabayan ito. Wala silang imikan hanggang sa matapos silang kumain. “Uuwi na ako.” Tumayo na si Ipang. “Magbalot po kayo para may pagkain kayo mamayang gabi.” Mabilis na kumilos si Nenita. Kumuha siya ng isang plastik at nilagyan niya iyon ng ulam. Inabot niya iyon sa matanda pagkatapos. Nagpasalamat lang si Ipang at umalis na rin ito agad. Iniligpit ni Nenita ang pinagkainan nila at dinala iyon sa batalan upang hugasan. Baka kasi may biglaang bisita na dumatin at kailanganin nilang gamitin ang mga pinggan at kubyertos. Habang sinasabon niya ang isang pinggan ay narinig niya ang paglangitngit ng kawayan na sahig. Pagtingin niya sa may pinto ay nakita niya si Fredo. Malaking lalaki si Fredo. Malaki ang katawan at higit na matangkad ito sa kaniyang asawa. Brusko ang mukha dahil sa balbas at bigote nito ngunit palagi naman itong nakangiti. “Fredo. May kailangan ka ba?” tanong niya sa lalaki. Lumapit muna ito sa kaniya bago sumagot. “Meron ka ba ditong kalamansi? Masarap kasing sawsawan iyong sa inihaw na dalag.” “Meron yata kami dito. Sandali at titingnan ko lang.” Tumalikod si Nenita upang tingnan kung meron pa silang kalamansi sa lagayan nila ng mga ganoong bagay. May nakita naman siya. “Ilan ba ang kailangan mo--” Nagulat siya nang pagharap niya kay Fredo ay kahibla na lang ang layo nito sa kaniya. “Napaka swerte pala talaga ni Danilo sa iyo. Napakaganda mo, Nenita…” paanas nitong sabi. Agad na nakaramdam ng panganib si Nenita sa sinabi ni Fredo. Sa paraan ng pagkakatingin nito sa kaniya ay halatang meron itong pagnanasa sa kaniya. Natatakot siya sa pwedeng gawin nito. “F-fredo, k-kung ano man ang binabalak mo, 'wag mo nang ituloy…” banta niya dito. Isang nakakatakot na ngisi ang isinagot nito sa kaniya. Mas lalo siyang kinabahan dahil doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD