SA bawat hakbang ni Fredo palapit sa kaniya ay siyang pag-atras ni Nenita. Hanggang sa maramdaman niya na wala na siyang maaatrasan pa dahil nasa likod na niya ang batalan. Kinapa niya ang kutsilyo na alam niyang naroon. Nahawakan naman niya ang kutsilyo at mariin iyong hinawakan. Kapag sinubukan talaga nitong gawan siya ng masama ay hindi siya mangingiming ipagtanggol ang sarili.
“Sisigaw ako, Fredo. Subukan mo lang,” pinipigilan niya na lakasan ang boses niya. Hangga’t maaari ay ayaw niyang gumawa ng eksena lalo na at may kasiyahan sa labas.
Mahinang tumawa si Fredo. “Ikaw naman. Nagbibiro lang ako, Nenita.” Ito na ang kumuha ng kalamansi at lumabas na rin ito.
Nanginginig ang buong katawan ni Nenita sa sobrang tensiyon na kaniyang nararamdaman. Kung nagbibiro nga lang si Fredo ay hindi siya natutuwa. Kakaibang takot ang ibinigay nito sa kaniya.
Inilapag na niya ang kutsilyo at tinapos ang ginagawa. Matapos iyon ay sumilip siya sa labas. Tuloy pa rin ang inuman ng asawa niya kasama ang mga kaibigan nito pero wala na si Fredo. Marahil ay nahiya ito sa ginawa sa kaniya kanina kaya umalis na lang. Naroon pala si Aling Divina. Kausap nito ang kaniyang asawa. Lumabas siya para makausap ang matanda.
“Aling Divina, nandito po pala kayo.” Nakangiti niyang bati dito.
“Sino 'yong matandang pumunta dito sa inyo?” seryosong taong ni Aling Divina sa kaniya.
“Si Aling Ipang po. Iyong nakatira sa gubat--”
“Hindi ka dapat nakikipagkaibigan sa matandang iyon. Masama ang pakiramdam ko sa kaniya. Nararamdaman ko na may hindi siya magandang gagawin sa bayan natin. Kilala niyo ako. Paminsan-minsan ay nakikita ko ang hinaharap at nakita ko na may paparating na malaking delubyo sa bayan natin na isang dayo ang magiging sanhi!”
Parang ayaw maniwala ni Nenita sa sinabing iyon ni Aling Divina. Ngunit gaya ng sinabi nito ay nakikita talaga nito ang hinaharap. “S-sige po. Huwag po kayong mag-alala dahil hindi na ako makikipag-usap o lalapit man lang kay Aling Ipang. Asahan niyo po iyan,” sabi na lang niya.
“Mabuti naman kung ganoon. Sana ay gawin mo ang sinabi mong iyan, Nenita. Ayokong ikaw ay mapapahamak lalo na’t maselan ang iyong kalagayan.”
“Maraming salamat po sa pag-aalala niyo. Teka po, kayo ba ay kumain na? Pumasok po muna kayo sa loob para matikman ang aming mga handa.”
Umiling si Aling Divina. “Hindi na, Nenita.” Isang plastik ang inilabas nito mula sa bitbit nitong basket at ibinigay iyon sa kaniya. “Ipagbalot mo na lang ako ng mg handa niyo,” utos nito sa kaniya.
“Sige po,” turan ni Nenita.
-----ooo-----
MATIWASAY na natapos ang fiesta sa Baryo Sapian. Kinabukasan ay balik na naman sa normal na gawain ang mga kabaryo ni Nenita.
Maaga siyang gumising upang ipaghanda ng almusal ang kaniyang asawa. May natira pa silang pagkain sa nakaraang fiesta. Ininit na lang niya ang mga iyon at kinain nila ng umagang iyon.
“Oo nga pala, Nenita. Gusto kong magpunta ka sa bahay ni Fredo. May ibibigay siya sa iyo. Alam mo naman siguro ang bahay niya, 'di ba?” ani Danilo sa kaniya.
Napahinto siya sa pagsubo ng pagkain. “Alam ko naman kaya lang hindi ba pwedeng ikaw na lang ang kumuha ng bagay na sinasabi mo?” Paano ba niya sasabihin dito na natatakot siyang pumunta sa bahay ng amo nito dahil sa nangyari kahapon?
Ayaw lang niya talagang gumawa ng gulo dahil sigurado siyang magagalit si Danilo kay Fredo. Baka sugurin nito ang lalaki. Magiging sanhi pa iyon ng pagkakatanggal ng asawa niya sa trabaho.
“Alam mo naman na may pasok ako, 'di ba? Hindi naman mabigat ang bagay na iyon kung iniisip mo na baka mabigat. Sige na. Nakikiusap ako sa iyo.”
Wala nang nagawa pa si Nenita kundi ang pumayag sa inuutos ni Danilo sa kaniya kahit ayaw na niyang makaharap pa ulit si Fredo.
-----ooo-----
ISANG maliit na kutsilyo ang baon ni Nenita sa pagpunta niya sa bahay ni Fredo. Nakaipit iyon sa gilid ng kaniyang palda. Ipinagdadasal na lang niya na sana ay totoo ang sinabi ni Fredo noon na nagbibiro lang ito. Dahil kapag tinangka nitong gawan siya ng masama ay baka kung ano ang magawa niya upang ipagtanggol ang sarili.
Mabuti na ang handa siya sa maaaring mangyari.
Para makapunta sa bahay ni Fredo ay kailangan niyang dumaan sa gubat. Nasa medyo liblib kasi ng Baryo Sapian ang bahay nito.
Pagkaalis ni Danilo ay saka siya umalis. Anito ay nasa bahay naman nito si Fredo.
Halos kalahating oras din siyang naglakad bago niya narating ang kaniyang pupuntahan. Kubo rin ang bahay ni Fredo ngunit medyo malaki. May bakod ang bahay nito at may ilang pananim sa harapan. May banyo sa labas na yari sa pawid ang dingding at bubong.
Huminga siya nang malalim bago niya tinawag si Fredo. Bukas kasi ang pinto ng bahay nito pero hindi niya ito nakikita.
“Fredo?” tawag niya.
Nagulat siya nang lumabas si Fredo sa banyo. Basa pa ang buhok nito at may nakatapis na tuwalya sa beywang kaya nahinuha niyang naligo ito.
“Nenita! Anong ginagawa mo dito?” Bigla na naman siyang natakot sa paraan ng pagkakangisi nito.
“P-pinapunta ako ng asawa ko. Aniya ay may ibibigay ka sa kaniya. Pinapakuha lang niya sa akin.” Napaatras siya nang lumapit ito.
“Bakit naman parang natatakot ka sa akin? Ha?”
“Ibigay mo na lang ang ibibigay mo, Fredo. Kailangan ko nang umuwi at may mga gawain pa akong dapat tapusin.”
“Masyado kang namang nagmamadali. Pumasok ka muna sa loob at uminom ng tsaa.”
Hinawakan siya nito sa kamay pero pumiksi siya. “Ano ba, Fredo? Kunin mo na ang ibibigay mo!” Hindi niya ipinahalata ang kaba sa kaniyang dibdib. Kailangang malaman nito na lalaban siya.
Mahina itong tumawa. Hindi na ito nagsalita at pumasok na ito sa loob ng bahay.
Sinadya yata ni Fredo na tagalan dahil kanina pa siya naghihintay sa labas ay hindi pa ito bumabalik. Hindi na siya nakatiis pa at tinawag na niya ang lalaki. “Matagal ka pa ba diyan, Fredo? Kung matagal ka pa ay uuwi na lamang ako.”
“Hindi ko kasi makuha. Maaari bang pumasok ka dito at tulungan ako?”
Gusto nang makaalis doon ni Nenita kaya pumasok na siya sa loob ng bahay ni Fredo. Ngunit hindi niya nakita si Fredo sa loob. Nagulat na lang siya nang biglang sumara ang pinto. Paglingon niya ay nakita niya si Fredo. Mukhang nagtago ito sa likod ng pinto.
Unti-unti itong lumapit sa kaniya. Titig na titig ito sa mukha niya. Nakakatakot ang kaseryosohan ng mukha nito.
“F-fredo…” Napaatras siya pero naging malalaki ang paghakbang ng lalaki. Mabilis niyang inilabas ang maliit na kutsilyo sa kaniyang tagiliran sabay tutok niyon dito. “Huwag kang lalapit! Sasaksakin kita, subukan mo lang!” banta ni Nenita.
Hindi umimik si Fredo. Mabilis nitong nahawakan ang kamay niya. Pinilipit nito iyon kaya nabitawan niya ang kutsilyo. Itinulak siya nito at napahiga siya sa sahig. Sa isang iglap ay nasa ibabaw na niya si Fredo at hawak ang magkabila niyang kamay.
“Bitiwan mo ako, Fredo! Tulong!!!” sigaw at pagwawala niya.
“Sige! Sigaw lang! Sayangin mo ang lakas mo, Nenita! Parang hindi mo naman alam na wala akong kapitbahay dito!” anito at pinaghahalikan siya nito sa leeg.
Nakawala ang isang kamay ni Nenita. Kinalmot niya sa mukha si Fredo.
“Putang ina ka!” galit na mura nito. Nadampot ni Fredo ang maliit na kutsilyong nabitawan niya. Itinutok nito iyon sa leeg niya. “Ano?! Lalaban ka pa?! Subukan mo lang na lumaban dahil gigilitan kita! Hindi ako nagbibiro, Nenita! Kayang-kaya kitang patayin!”
Doon na siya napaiyak dahil wala na siyang kalaban-laban dito. “Hayop ka, Fredo! Isusumbong kita kay Danilo!” Umiiyak na turan niya.
Malakas na tumawa si Fredo. Akala mo ay isa itong demonyo. “Si Danilo? E, si Danilo nga ang nagpapunta sa iyo dito para pambayad sa utang niya sa akin! Iyong asawa mong magaling, malaki na ang utang sa akin dahil sa kakasugal niya sa bayan! Sa laki ng utang niya, hindi na niya kayang bayaran kahit magtrabaho siya ng magdamag sa taniman ko. Kaya ang sabi ko, ikaw na lang ang ibayad niya. Isang beses lang naman kitang gagalawin tapos bayad na siya sa lahat ng utang niya. Kaya kung ako sa iyo, kung ayaw mong ipakulong ko ang asawa mo sa laki ng utang niya sa akin ay huwag ka nang pumalag!”
Tigalgal si Nenita sa sinabi ni Fredo. Marahan siyang napailing. “H-hindi totoo iyan. Hindi 'yan magagawa sa akin ng asawa ko…” Pakiramdam niya ay sasabog ang ulo niya ng sandaling iyon. Hindi niya kayang tanggapin kung sakaling totoo ang sinabi ni Fredo.
Mas lalong lumakas ang balong ng luha niya. Pati puso niya ay parang unti-unting dinudurog.
“Anong hindi magagawa, e, ginawa na nga niya! Kaya tumahimik ka na lang dahil alam ito ng asawa mo. Ipinangbayad utang ka niya sa akin!”
“M-maawa ka, Fredo. B-buntis ako. Ang anak ko, b-baka kung anong mangyari sa kaniya. Maawa ka… 'W-wag.” Pagmamakaawa niya. Pinagsalikop pa niya ang dalawang kamay.
Natigilan si Fredo. Tila nagdalawang-isip ito. Dahil doon ay nagkaroon ng kaunting pag-asa si Nenita na hindi na ituloy ng lalaki ang gusto nitong gawin sa kaniya.
Pero naging mabalasik na naman ang mukha nito. “Wala akong pakialam!” anito. “Kaya kung ayaw mong makulong ang asawa mo, pagbigyan mo ako!”
“Maawa ka, Fredo!” Impit siyang napatili nang ibaba nito ang kaniyang palda.
Sa sandaling iyon ay inisip na lang ni Nenita si Danilo. Ayaw niya itong makulong dahil mahal niya ito. Ang inaalala lang niya ay ang bata na nasa kaniyang sinapupunan. Naalala niya kasi na pinagbawalan sila ni Aling Divina na magsiping dahil makakasama iyon sa kanilang magiging anak.
Diyos ko, Ikaw na po ang bahala sa akin at sa anak ko. 'Wag Niyo po kaming papabayaan… piping dasal ni Nenita habang walang patid ang pag-agos ng luha.
Matapos maibaba ni Fredo ang kaniyang palda ay isinunod naman nitong alisin ang kaniyang damit pang-itaas. Nang panloob na lang ang natitira niyang saplot ay inalis na nito ang tuwalyang nakatapis dito. Kitang-kita niya ang naghuhumindig nitong p*********i.
“Hubarin mo na 'yan!” Pasigaw na utos nito sa kaniya. Ang tinutukoy ni Fredo ay ang panty at bra niya.
Naging sunud-sunuran na lang si Nenita sa mga iniutos ng lalaki. Alang-ala kay Danilo ay gagawin niya ito. Kahit na ginawa siyang pambayad ng utang ng sarili niyang asawa.