Two

1943 Words
A few months ago PUPUNGAS-PUNGAS na bumangon si Regine nang gisingin siya ng mga hampas sa kanyang braso. Muntik na siyang mapasigaw sa gulat nang isang animo mangkukulam sa isang horror movie ang nakatingin sa kanya nang magmulat siya ng mga mata. Nahagod niya ang kanyang dibdib. "May sunog ba?" nagkakamot sa ulong tanong ni Regine sa mangkukulam—este, sa kasamahan niyang si Mernaly. Tatlong taon ang tanda nito sa kanya pero ayaw nitong magpatawag ng "Ate" dahil mas mukha raw siyang matanda kaysa rito. Mas maganda rin daw si Mernaly kaysa sa kanya. Pinilit na lang niyang huwag matawa. Tatlong buwan pa lang si Regine bilang yaya ng limang taong gulang na bunso ng pamilya Nuvera kaya hindi niya gustong magkaroon agad ng maling impresyon sa kanya ang mga bago niyang amo. Gusto niya ang mag-asawa. Ibang-iba ang mga ito kompara sa dati nilang napagtrabahuhan ng nanay niya. Masungit at nananakit ang iniwan nilang amo kaya hindi nila natagalan. Kung siya lang ang sasaktan ay kaya niyang tiisin pero hindi kayang panoorin lang ni Regine ang pang-iinsulto at p*******t ng babae nilang amo sa may-edad na niyang ina. Ang pamilya Nuvera ang bagong pamilyang tumanggap sa kanya. Hindi na niya nakasama roon ang nanay niya dahil yaya lang ang kailangan ng pamilya. Tumatanggap na lang ng labada ang nanay niya dalawang beses sa isang buwan. Umuuwi siya sa bahay nila sa Valenzuela tuwing day off niya. Muling ibinalik ni Regine kay Mernaly ang tingin. Bad timing talaga ang isang ito. Madaling-araw pa kung mang-istorbo. Ginagawa lagi nito iyon kapag off niya kinabukasan. Para bang hindi nito gusto na magpahinga siya. Ramdam na niyang hindi siya gusto ni Mernaly mula noong unang araw na tumuntong siya sa bahay ng mga bago niyang amo. Mas nagngitngit pa yata ito sa kanya nang napansin ni Mernaly na madaling napalapit sa kanya ang supladong panganay na anak ng mga Nuvera na si Siddy. Hindi rin niya alam kung bakit gusto siyang nilalapitan ng binatilyo para magpaturo ng assignments nito. Fourth year high school na si Siddy at aminadong hirap sa mga subject nito. Kahit sinabi niyang baka wala siyang maitulong dahil second year high school lang ang natapos niya ay sige pa rin ang lapit ni Siddy sa kanya. Natuwa naman si Regine nang personal na magpasalamat sa kanya si Mrs. Sunshine Nuvera o "Ate Shine" para sa kanya. Ayon sa ginang ay tumaas ang mga score ni Siddy sa exam mula noong nagpaturo ito sa kanya. Sa nakitang saya ng amo niya ay mas pinagbuti niya ang pagtuturo kay Siddy. Sa paraan man lang na iyon ay maibalik niya ang kabutihan ng pamilya nito. Nangako pa si Ate Shine na pag-aaralin siya sa susunod na pagbubukas ng klase. Pinigil ni Regine na ngumiwi nang pandilatan siya ni Mernaly. Sa hitsura nito na sabog pa ang kulot na buhok ay mukhang kagigising lang din ng babae. "Kung manggising ka naman, parang mamamatay na tayo mamaya—" "Ako ang patay kapag hindi kita ginising kaya bumangon ka na riyan!" singhal nito. "Nasa sala si Ate Sunshine. May importante raw siyang iuutos. Ikaw ang gustong makausap! Larga na, dali!" Ipag-uutos sa madaling-araw? tanong ni Regine sa kanyang isip. Ano kaya ang ipag-uutos ni Ate Shine sa alanganing oras at gusto pang siya mismo ang gumawa? "Sige, lalabas na ako," sabi niyang mabilis na nakababa ng kama niya. Malalaki ang hakbang ni Regine palabas ng servants' quarters habang inaayos niya ang sarili. Naabutan niyang parang tuliro ang amo nila, paroo't-parito sa sala habang hawak ang cell phone nito. "Ate Shine?" pukaw ni Regine dito. "Ipinatawag n'yo po ako—" Bigla itong lumingon sa kanya. Segundo lang ang dumaan ay hawak na siya ng amo sa magkabilang balikat. "Nagpatawag na ako ng taxi sa guard," parang nagpa-panic na sabi nito. "Puntahan mo ang pamangkin ko. Kailangan niya ng kasama ngayon. Maaga ang flight ko bukas kaya hindi puwedeng ako ang personal na tumingin sa kanya. Si Benny na muna ang bahala kay Winny habang wala ka." Asawa nito si Kuya Benny. Mabait din ang lalaki tulad ni Ate Shine. "Kung hindi ka makauwi bukas, dodoblehin ko na lang ang sahod mo, ha? Gusto kong ikaw ang gumawa nito para sa akin." Binitawan siya ni Ate Shine at may kinuhang cell phone sa sofa. "Old cell phone 'yan ni Siddy. 'Yan na muna ang gamitin mo para tawagan ang Kuya Benny mo kung sakaling may problema. Mag-ayos ka na. Limang minuto, Rej. Dalian mo. Baka kung ano na ang nangyari sa batang 'yon." Bago pa siya makapagtanong ay ipinagtulakan na siya ni Ate Shine pabalik sa kanyang kuwarto. Mabilis siyang naghilamos at nagpalit ng damit kahit hindi pa niya gaanong naiintindihan ang mga sinabi ng amo. Pagbalik niya sa sala ay may iniabot itong paper bag sa kanya. "Initin mo ang pagkaing 'yan pagdating sa bahay ni Rajed. Nandiyan na rin ang gamot na kailangan niya. Huwag mo siyang iiwan hangga't hindi pa niya kayang mag-isa, ha?" Wala siyang nagawa kundi tumango. May ilang bagay pa sana siyang itatanong kay Ate Shine pero hinila na siya ng amo palabas ng bahay. Naghihintay na sa tapat ng bahay ang taxi na sasakyan niya. Si Ate Shine na rin ang nagbigay ng instructions kung saan siya ihahatid. Binigyan siya ng pera ng amo bago siya inalalayang sumakay sa taxi. "Wala ako bukas kaya ang Kuya Benny mo ang tawagan mo kapag may problema." Sunod nitong sinabi ang palapag at unit na pupuntahan niya. Isinara na nito ang pinto ng taxi pagkatapos. Mahigit sampung minuto lang ang naging biyahe ni Regine dahil maluwang ang kalsada. Ibinaba siya ng driver sa mismong tapat ng lobby ng condominium building na binanggit ni Ate Shine. Pinayagan kaagad siya ng guwardiya na umakyat pagkatapos niyang magsulat sa log-in sheet. Inaasahan na yata ng pamangkin ni Ate Shine ang kanyang pagdating. "Unit seven M," sabi niya habang sinisipat ang mga pintong dinadaanan pagkalabas niya ng elevator. Natagpuan ni Regine ang pintong hinahanap niya sa dulo. Kaagad siyang kumatok. Tatlong beses niyang inulit ang pagkatok bago bumukas ang pinto at tumambad sa kanya ang isang matangkad na lalaking magulo ang buhok, malamlam ang mga mata, at inuubo. Ang buong akala ni Regine ay bata ang kanyang aalagaan. Bakit higante ang nagbukas ng pinto sa kanya? "A-ako po si Rej," alanganing pagpapakilala niya sa sarili. "Ikaw ba si... Rajed? Inutusan ako ni Ate Shine na—" Tumumba ito pahilig sa kanya kaya hindi na niya naituloy ang sasabihin. Awtomatikong niyakap niya ang lalaki para alalayan. Naramdaman kaagad niya ang mataas na temperatura ng katawan nito. Hindi siya sigurado kung paano niya nadala sa sofa ang lalaki sa kabila ng bigat nito. Ang payat-payat niya para umalalay sa isang tulad nito. Sanay siyang mag-alaga ng maysakit dahil ginagawa ni Regine iyon sa nanay niya tuwing may sakit ito. Sa tingin niya ay tinamaan lang ng trangkaso ang lalaki. Kailangan lang niyang painumin ito ng gamot at hayaang magpahinga. "Sandali lang," sabi niya at mabilis na itong iniwan para initin ang mga dala niyang pagkain. Inihanda ni Regine ang tubig at gamot habang iniinit niya ang pagkain nito. Pagkalipas ng ilang minuto ay binalikan niya ang kanyang pasyente. Nakasandal ito sa backrest ng sofa, nakapikit, at paminsan-minsang inuubo. Sinalat ni Regine ang noo at leeg ng lalaki. Mataas nga ang lagnat nito. Hindi na niya pinansin ang pagdilat ng lalaki. Kinapa niya ang likod nito. Tama ang kutob niya, basa iyon ng pawis. "'Yon ba ang kuwarto mo?" tanong ni Regine na ang tinutukoy ay ang kuwartong nakabukas ang pinto. Simpleng tango lang ang isinagot nito. "Ikukuha kita ng pamalit na damit," sabi niya at iniwan na ito. Pagkapasok ni Regine sa kuwarto ng lalaki ay deretso siya sa closet. Ang unang T-shirt na nakita niya ang kanyang kinuha. Face towel ang sunod niyang hinanap. Pagbalik niya sa sala ay nasa parehong puwesto pa rin ito at hindi na tumitinag. Sa tingin niya ay masamang-masama ang pakiramdam nito. Tahimik siyang lumapit at umupo sa tabi ng lalaki. Inayos niya ang pagkakaupo nito para mahubad niya ang T-shirt. Nakapikit pa rin ito pero naging masunurin ang mga braso. Tinuyo niya ang pawis sa likod at dibdib nito. "Kaya ka inuubo, eh, pawis na pawis ka." Ilang segundo niyang pinunasan ang katawan ng lalaki bago niya isinuot dito ang bagong T-shirt. Humilig uli ito sa backrest pagkatapos. Tinapik ni Regine nang mahina ang upper arm nito. Marahang dumilat ang lalaki at hinanap siya ng mga mata nito. Sandali niyang nakalimutan kung ano ang ginagawa niya sa harap ng lalaki nang magtama ang mga mata nila. Noon lang siya naging aware sa hitsura nito. Hindi niya napansin iyon kanina. Kung dahil iyon sa inaantok pa siya o dahil sa pagkabigla nang bigla na lang itong tumumba ay hindi siya sigurado. Pero ngayon ay napansin na niya. Ang guwapo pala ng kanyang pasyente! Napalunok si Regine. Pilit niyang hinagilap sa kanyang isip ang susunod niyang sasabihin. "Kumain!" bulalas niya, sabay tayo. Nasa tabi pa rin pala siya ng lalaki. "Tama! Kailangan mong kumain. Inumin mo raw ang gamot na dala ko, 'sabi ni Ate Shine," sabi niya at kinuha ang mangkok ng nilagang baka. "Sabaw muna para mainitan ang tiyan mo." Sinubuan niya ang lalaki. Tahimik naman nitong tinanggap ang kanyang isinubo. "Kanin," sabi niyang isinubo ang tinukoy. Sunod niyang isinubo rito ang gulay na sahog ng nilaga at isang piraso ng karne. Pinahigop uli niya ng sabaw ang lalaki pagkatapos. Hindi na niya ito pinilit nang tanggihan nito ang sunod niyang isinubo. Sapat na ang nakain nito. Sunod ay ipinainom ni Regine sa lalaki ang gamot at tubig. "Magpahinga ka na sa kuwarto mo," sabi niya habang inililigpit na ang pinagkainan nito. Hindi ito umimik. Sumandal uli ito sa backrest ng sofa at pumikit. Dinala na niya sa kusina ang tray. Mamaya na siya magliligpit kapag maayos na ito sa kuwarto. Hindi na siya nagtanong pa. Kinuha ni Regine ang isang braso nito at isinampay iyon sa kanyang balikat. Nagpaubaya ito. Hindi siya gaanong nabigatan sa paglilipat sa lalaki sa kuwarto dahil naging masunurin ang mga paa nito. Inalalayan niyang humiga ang lalaki sa kama. Nang makahiga na ay inayos niya ang mga binti nito. Kumuha uli siya ng face towel sa mga gamit ng lalaki at inilagay iyon sa likod nito. Kinumutan niya ito pagkatapos. Nakatodo ang aircon sa kuwarto kaya hininaan niya iyon. Dinama uli ni Regine ang noo at leeg ng lalaki. Napaawang ang kanyang mga labi nang hawakan nito ang bisig niya kasunod ang pagdilat. "M-mataas pa ang lagnat mo," sabi niya para basagin ang katahimikan sa kuwarto. "M-magpahinga ka na—" "Aalis ka ba agad?" mahinang tanong nito, saka napaubo. Awtomatikong hinagod ni Regine ang likod ng lalaki. Ganoon ang kanyang ginagawa sa nanay niya kapag nagkakasakit ito at pinahihirapan ng sunod-sunod na pag-ubo. "Hindi pa naman," sagot niya habang patuloy sa paghagod sa likod nito. Nakapuwesto siya sa may ulunan ng lalaki. Nakatagilid ito paharap sa kanyang puwesto. "Bilin ni Ate Shine na huwag kitang iwan hangga't hindi mo pa kayang mag-isa," dugtong niya. "Utusan mo lang ako kapag may kailangan ka." Tumango ito at pumikit. Tumingin siya sa kanyang bisig. Hawak pa rin iyon ng lalaki na para bang ayaw nitong magpaiwan. Sinubukan niyang bawiin iyon pero hinigpitan nito ang pagkakahawak sa bisig niya. Sumandal na lang sa headboard ng kama si Regine. Mahabang sandali na ganoon lang sila—hawak nito ang isang bisig niya habang ang isang kamay ay abala naman sa paghagod sa likod nito. Mayamaya pa ay nakatulog na ito. Hinayaan na rin ni Regine ang sariling tangayin ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD