Three

1904 Words
NAGISING si Alexandrei Rajed Viezo na mabigat at maalinsangan ang pakiramdam. Iaangat na sana niya ang kanyang kamay para hagurin ang ulo na mabigat pa rin nang matigilan siya. May hawak siyang maliit na kamay? Nakakunot-noong umangat ang kanyang tingin at hinanap ang mukha ng may-ari ng kamay na iyon. Pagkakita sa maliit na mukha ng babaeng tulog sa kanyang ulunan ay saka niya naalala ang lahat—tinawagan niya si Tita Shine  at humingi ng assistance. Masamang-masama na ang kanyang pakiramdam at hindi na niya kayang alagaan ang sarili. Hindi naman niya gustong tawagan isa man sa mga babaeng kilala niya. Wala siyang tiwala sa mga iyon. Mas gusto niyang isa sa mga pinagkakatiwalaang maid ni Tita Shine ang mag-asikaso sa kanya. Ilang buwan na siyang hindi nadadalaw sa bahay ni Tita Shine kaya hindi pamilyar sa kanya ang babaeng ipinadala nito. Namumukhaan ni Rajed ang ilan sa mga kasambahay nito sa ilang beses na pagbisita niya sa bahay ng Tita noong isang taon. Naging abala siya sa maraming bagay kaya kadalasan ay sa opisina na lang ni Tito Benny o sa dinner sa labas ang naging pagtatagpo nila ng mga ito. Sa tingin niya ay bagong kasambahay ni Tita Shine ang babae. Hindi alam ni Rajed kung bakit napatitig siya sa mukha ng babae. Isang magandang manyika kaagad ang sumagi sa kanyang isip pagkakita sa mukha nito. Maliit na mukhang binagayan ng itim na itim at mahabang buhok. Kasing-itim ng buhok ng babae ang eyelashes nito. Bagay sa mukha ang maliit at matangos na ilong. Maninipis at makikipot ang labi ng babae. Hindi niya napansin kagabi ang hitsurang iyon ng babae dahil umiikot na ang kanyang pakiramdam. Pero natatandaan niya ang pag-aasikaso nito. Ito ang una at kaisa-isang tao na masuyong humagod sa kanyang likod hanggang sa makatulog siya. Napangiti si Rajed. Hindi niya kaano-ano ang babae pero naramdaman niya ang genuine concern sa kilos. Alam na niya kung bakit ito ang ipinadala ni Tita Shine para alagaan siya: pinagkakatiwalaan nito ang babae. Hinigpitan ni Rajed ang pagkakahawak sa kamay ng babae. Umungol ito. Pumikit siya, nagpanggap na tulog pa rin. "Maliwanag na pala," narinig niyang sabi ng babae bago niya naramdaman ang maingat na paglapat ng palad nito sa kanyang noo at leeg. "May lagnat pa rin," dugtong nito. Kinapa ang kanyang likod, pagkatapos ay naramdaman niyang bumangon ito. Mayamaya pa ay naramdaman ni Rajed na pinunasan nito ang kanyang likod bago iyon nilagyan ng bagong face towel. Umatake ang ubo niya. Hinagod-hagod nito ang kanyang likod hanggang sa kumalma siya. Mahabang katahimikan ang dumaan sa pagitan nila. Hindi inaasahan ni Rajed ang sumunod niyang naramdaman. Maingat nitong hinaplos-haplos ang kanyang buhok bago siya kinumutan. Nang sumunod na sandali ay lumabas na  ang babae sa kuwarto. Sa halip na bumangon na ay nanatili si Rajed sa kama. Masarap pala sa pakiramdam nang may nag-aalaga. All these years, siya ang nag-alaga sa mga taong mahal niya pero hindi pala sapat ang kanyang mga sakripisyo. Sa huli, iniwan pa rin siya ng mga taong pinaglaanan nang halos buong buhay niya. Sobrang sakit ang dulot niyon sa kanya. Salamat kay Tita Shine, ang nag-iisang itinuring niyang pamilya, ramdam pa rin ni Rajed ngayon na may natitira pa siyang kadugo. Ipinilig ni ang kanyang ulo. Hindi niya gustong isipin ang masasakit na pangyayari sa nakaraan dahil ibabalik lang niyon ang pait at sakit sa kanyang dibdib. Nagawa na niyang umahon sa sitwasyong iyon. Bagaman nasa dibdib pa rin ang hapdi, masasabi ni Rajed na unti-unti na siyang nakakalaya sa parang tanikalang nagkukulong sa kanya sa mga kinatatakutan niya. At umaasa siyang darating din ang panahon na tuluyan na siyang lalaya. Na hindi na siya masasaktan at matatakot na maulit ang ganoong sakit. Nanatiling nakapikit at nakasubsob pa rin sa unan si Rajed kahit nang bumalik na ang "nurse" niya. Naramdaman niya ang pag-upo nito sa kanyang tabi. "R-Rajed?" parang alanganing sabi nito sa pangalan niya kasunod ang pagtapik sa kanyang balikat. "Gumising ka na. Kailangan mong kumain at uminom ng gamot para mawala ang lagnat mo." Nagpanggap siyang tulog pa rin. Hindi niya alam kung bakit natutuwa siya sa sitwasyon. "Uy, gising na muna." Inulit ng babae ang pagtapik sa kanyang balikat. Nang hindi pa rin siya tuminag ay sa pisngi na siya ng babae tinapik nang mahina. Hinuli ni Rajed ang bisig nito, saka siya marahang dumilat. Huling-huli niya ang pagbuka ng bibig nito kasunod ang paglunok. Sa hitsura ng babae ay halatang nawalan ito ng sasabihin pero mayamaya lang ay unti-unti nang ngumiti. Mas maganda ito kapag nakangiti. Pamilyar sa kanya ang mga mata ng babae. Parang nakita na niya ang mga iyon pero hindi niya sigurado kung saan at kailan. "Matutulog pa ako," pantay ang boses na sabi ni Rajed habang nananatiling nakatingin sa mukha nito. Napansin niya ang namumuong pawis sa noo at sentido ng babae. Nainitan yata ito sa kitchen niya. "Mamaya na," sabi nito. "'Kain muna kita para makainom ka na uli ng gamot. May lagnat ka pa rin." Kinuha nito ang tray at inilapag iyon sa kama. Inalalayan siya sa pagbangon. Tahimik siyang sinubuan nito ng pagkain. Napansin ni Rajed na hindi ito tumitingin nang deretso sa kanyang mga mata. Naka-focus lang ito sa pagsubo sa kanya. Hindi iisang beses na pinunasan nito ang sulok ng bibig niya gamit ang mga daliri. Sa kilos ng babae, parang sanay na sanay na mag-alaga ng taong may-sakit. Ang totoo, hindi nalasahan ni Rajed ang pagkain. Pero dahil gusto niya kung paano siya subuan ng babae kahit kaya naman niyang kumain nang mag-isa ay naparami ang kanyang kain. Isinunod kaagad nito ang gamot at tubig nang tumanggi na siyang kumain. Tahimik pa rin ang babae nang lumabas ng kanyang kuwarto. Pagbalik nito ay dumeretso sa closet niya at naglabas ng bagong T-shirt. "Bibihisan kita," sabi nito paglapit uli. "Gusto kong maligo." "Hindi pa puwede. May lagnat ka pa. Ubo ka nga nang ubo, eh. Gusto mo bang mapulmonya?" "Nakakapulmonya ang paliligo?" Pinipigil ni Rajed na mapangiti nang malapad. Nahuli niya ang pagsimangot nito. Napangiti na siya nang tuluyan. "Huwag kang pilosopo diyan," sabi nito at tiningnan siya nang masama. "Ako ang malalagot kay Ate Shine 'pag namatay ka." "Kanina, nakakapulmonya ang pagligo. Ngayon naman, nakamamatay na?" Parang hindi na nito napigilan ang sarili at hinampas siya ng dala nitong T-shirt. Pero nag-sorry din agad nang parang ma-realize ang ginawa. "Ang sabi ng nanay ko, masamang maligo kapag may lagnat pa. Mamayang hapon, 'pag wala ka nang lagnat, puwede ka nang maligo. Maligamgam na tubig ang ipaligo mo para hindi malamigan ang likod mo. Pupunasan na lang muna kita bago kita bihisan para maging presko ang pakiramdam mo." Nagustuhan ni Rajed ang ideya. "Okay," sabi niya at inihanda na ang sarili sa gagawin nitong pagpupunas. Lumabas na ito ng kanyang kuwarto. Pagbalik ng babae ay may mga dala nang kailangan para i-sponge bath siya. Umupo ito sa tabi niya at sinimulan siyang punasan sa mukha, sa mga braso, sa dibdib, at sa likod hanggang sa kanyang mga binti. Agad nitong pinupunasan ng tuyong face towel ang bawat bahagi ng katawan niyang pinupunasan nito. Pinagmamasdan niya ang babae habang pinupunasan siya kaya alam niyang sinusupil lang nito ang pagkaasiwa. Hindi ito kumportableng gawin iyon sa hubad niyang upper body. Na-appreciate ni Rajed nang husto ang ginagawa ng babae. Binihisan siya nito ng bagong T-shirt at nilagyan uli ng sapin sa likod. Gusto niyang magbihis ng buong katawan pero hindi na niya puwedeng dagdagan pa ang pagkaasiwa nito. Bumangon siya mula sa kama. Nahilo si Rajed nang tumayo kaya sumuray siya. Kaagad siyang inalalayan ng babae. Sabay ang pagyakap ng braso nito sa kanyang baywang at sa pagpaikot naman ng isang braso niya sa likod nito. "M-mahina ka pa," usal nito. Naramdaman ni Rajed ang tensiyon sa katawan nito. Halata niyang hindi ito sanay sa hawak at yakap ng isang lalaki pero pinipilit lang maging panatag. "A-ano ba'ng gagawin mo? Iutos mo na lang, ako na ang gagawa." "Maghuhubad ako sa harap mo, okay lang?" "Binihisan na kita, ah. Bakit maghuhubad ka—" "Lower part," agaw niya. Halos yakap pa rin niya ang babae kaya ramdam niyang lalong tumindi ang nerbiyos nito. "K-kaya mo na ba ang katawan mo?" halos wala nang tunog na tanong nito. Unti-unti na siyang binitawan pero tinatantiya pa rin sa tayo niya kung kaya na niya. "Kaya ko na. Thanks." Sa mabagal na hakbang ay naglakad siya papunta sa closet at kumuha ng bihisan. Sinundan siya ng tingin ng babae habang papunta siya sa banyo. "Huwag kang maliligo, ha?" pahabol nito sa nag-aalalang tono na nagpangiti sa kanya. Ginawa ni Rajed ang morning routine niya kaya natagalan siya sa loob ng banyo. Nagtu-toothbrush na siya nang kumatok ito. "Okay ka lang ba? Parang ang tagal mo." Lumapad ang ngiti niya habang nakatingin sa kanyang repleksiyon sa salamin. Naaliw siya sa "nurse" niya. Tatawagan agad niya si Tita Shine pagkabalik nito mula sa Taiwan para pasalamatan. Ang babae na rin ang palagi niyang ire-request na ipadala sa unit niya kapag kailangan niya ng tulong. Paglabas ni Rajed ng banyo ay nabungaran niya ang nag-aalalang hitsura ng babae. Naudlot ang pagpupunas niya ng towel sa mukha. "Bakit?" "Bakit hindi ka sumasagot? Akala ko, nag-collapse ka na sa loob." "Okay na ako," sabi ni Rajed. Isinabit niya ang asul na towel sa towel rack, pagkatapos ay bumalik siya sa kama at humiga. Lumapit ito at kinumutan siya. "Gigisingin kita mga eleven mamaya para kumain," sabi nito sa mababang boses. Tumango siya. Tahimik na lumabas ito ng kuwarto. "Huwag ka nang lumabas. Hindi ka mahahawa sa sakit ko. Maupo ka ro'n," sabi niya, sabay turo sa nag-iisang upuan sa kuwarto. Ilang segundong tiningnan ng babae ang upuan bago tahimik na sumunod sa kanyang sinabi. "Ano na nga uli ang pangalan mo?" "Rej," sagot nito. Itinaas nito sa upuan ang mga paa at niyakap ang mga binti. "Ang lamig ng aircon mo rito." Humikab ito. Naalala ni Rajed na napuyat nga pala ito dahil sa kanya. "Gusto mo bang matulog? Bakante ang kuwarto sa kabila. Gamitin mo." Umiling ito. "Okay lang ako. Kailangan kitang bantayan." "Matutulog lang naman ako. Hindi mo kailangang magbantay buong oras na tulog ako," sabi niya. "'Pag nabasa ng pawis ang likod mo, lalo kang uubuhin kaya kailangan kitang bantayan." Napangiti si Rajed. Nasa hitsura nga ni Rej na walang balak na pabayaan siya. Mukhang imo-monitor nito ang kalagayan niya minu-minuto. Nakita niyang yumupyop si Rej sa mga tuhod nito habang yakap pa rin ang mga binti. "Ilang taon ka na, Rej?" "Nineteen," hindi nag-aangat ng mukha na sagot nito. "Nagpupunta ako kina Tita Shine,  hindi kita napansin do'n." "Three months pa lang ako ro'n. Yaya ako ni Winny." "Nasaan ang pamilya mo?" "Nasa Valenzuela. Kaming dalawa na lang ni Nanay ang magkasama. Bakit ang dami mong tanong? Magpahinga ka na." Napangiti siya. "Salamat," taos-pusong sabi niya. Nag-angat ng mukha si Rej at ilang sandaling tumingin sa kanyang mga mata bago ito ngumiti. "Off ko ngayon kaya double pay raw ako, 'sabi ni Ate Shine. Huwag kang magpasalamat. Malaki ang bayad sa akin kaya kita inaalagaan." "Salamat pa rin." Para sa kanya ay walang katapat na halaga ang naramdaman niyang concern ni Rej sa kanya. Hindi niya naramdamang ginawa iyon ng babae dahil sa pera. Pakiramdam niya ay natural na taglay nito ang maging mapag-alaga. Tumango lang si Rej, pagkatapos ay bumalik sa pagkakayupyop sa mga tuhod nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD