bc

Rajed (Complete)

book_age16+
903
FOLLOW
2.3K
READ
sweet
lighthearted
like
intro-logo
Blurb

Unang nakilala ni Regine si Alexandrei Rajed Viezo bilang pasyenteng kailangan ng mag-aalaga. Inalagaan nga niya ito nang hindi iisang beses lang. Magmula noon, lagi na niyang naiisip ang guwapong mukha nito, at ang ngiti nito. Pero naisip niyang imposible ang fairy tale story sa kaso niya kaya pilit niyang kinalimutan ito.

Pagkatapos ng ilang buwan na hindi na sila nagkita ay nagbabalik sa buhay niya si Rajed hindi bilang nagpapaalagang pasyente kundi bilang best friend ng newfound Kuya niyang si Antonn Benito Villaguerre. Hindi niya inakalang parehong mundo ang ginagalawan ng dalawa.

Nabulabog ang tahimik na sanang puso ni Regine. Kailangan niyang maging mean dito para hindi nito mahalatang nalalaglag ang puso niya tuwing nginingitian siya nito.

Pero pasaway talaga ang puso. Patuloy siyang nahulog sa charm ni Rajed hanggang sa hindi na niya kayang umiwas pa...

chap-preview
Free preview
One
NARINIG ni Regine at ni Nanay Perlita—ang kanyang matatag na ina—ang tunog ng sasakyan na huminto sa tapat ng bahay nila. Sabay pa silang tumayo. "Ang Kuya Antonn mo na 'yan, Rej," nakangiting sabi ng ina, nasa mga mata ang saya. Ilang buwang hindi nila nakita ang newfound Kuya Antonn niya mula nang matagpuan sila ng kapatid. Nasa Amerika kasi ito para sa pag-aaral na katatapos lang at sa negosyo ng pamilya nito. Ang pag-uwi ng kapatid nang araw na iyon ay isa lang sa mga madaliang pag-uwi nito sa Pilipinas. Hindi pa raw maiwan ng kapatid ang branch ng negosyo ng ama nito sa Amerika. Isang beses pa lang nilang nakaharap ang kinilalang ama ni Kuya Antonn na si Adriano Villaguerre, ang negosyanteng pinag-iwanan ng tunay nilang ama sa Kuya Antonn niya noon pagkatapos kumuha ng malaking halaga sa mayamang negosyante. Minahal na parang isang tunay na anak ni Adriano Villaguerre ang kanyang kapatid. Tandang-tanda pa ni Regine ang unang pagkikita nilang tatlo sa bahay nila sa Valenzuela. Linggo noon, off niya sa trabaho kaya siya ang naghahanda ng lunch nila. Ang nanay niya ay abala sa labada nito... "Mareng Perlita! Mare!" tawag ng tsismosa nilang kapitbahay na si Aling Corcing. Napakalakas ng boses nito. Hindi ito kumare ng nanay niya sa tunay na kahulugan ng salita. Hindi nga niya alam kung bakit naging "mare" na bigla ang tawag nito sa nanay niya. Siguro dahil sa barumbado nitong anak na si Carling na "Nanay" na rin ang tawag sa kanyang nanay. Lantaran ang pagpapahayag ni Carling ng pagtingin sa kanya. Sila raw ang nakatadhana sa isa't isa kaya hihintayin nitong mahalin din niya ng lalaki. Salamat sa galing niyang dumiskarte, laging natatakasan ni Regine ang loko. Kapag alam niyang uuwi galing sa buwanang trabaho si Carling ay hindi muna siya umuuwi. Sa tuwina ay nakikiusap siya sa bago niyang amo na si Ate Shine na baguhin ang araw ng day off niya. Pumapayag naman kaagad ang amo niya. Pag-uwi niya ay nasa trabaho na uli si Carling. Pero kung si Carling ay mabilis takasan, ang ina naman nito ay mukhang ang nanay niya ang gustong ligawan. Mabait sa lahat ang nanay niya kaya "mare" na rin ang tawag nito kay Aling Corcing. Napapangiwi na lang si Regine kapag sumisigaw ang huli ng "Kumusta na ang mamanugangin ko, mare?" tuwing dumadaan sa tapat ng bahay nila. Kunsabagay, may isang positibong dulot sa kanya ang maging love interest ni Carling—hindi siya kinakanti ng lahat ng loko sa kalyeng iyon dahil "syota" na raw siya ni Carling. Iyon pala ang ipinagkalat ng loko. "O, mare!" pasigaw rin na sagot ng nanay niyang nasa labas ng kusina nila at naglalaba. "Ano't humahangos ka na naman? May ibabalita ka?" Bumulaga sa kusina si Aling Corcing. Basta na lang siya pinamano ng ginang kahit hindi naman siya lumapit dito. Napakamot na lang siya sa ulo habang abala siya sa nilulutong nilagang baboy. Tumuloy si Aling Corcing sa puwesto ng nanay niya. "Naku, mare! Bitiwan mo muna 'yan at importante ang sadya ko. May guwapong lalaking naghahanap sa 'yo! Mukhang artista!" sabi ng ginang. Nasilip niyang parang hihimatayin na ito sa excitement. Natawa ang kanyang nanay. "Mare, naman. Baka mali lang ang dinig mo sa pangalan na hinahanap niya. Sino namang mukhang artista ang maghahanap sa akin?" "Ay, mare! Sa ilang taong sumasagap ako ng tsismis dito sa atin, malabong magkamali ako ng dinig. Isa pa, kayo lang ang Llamera dito, 'di ba? Ikaw talaga ang hinahanap ng artistahing lalaking iyon na may kasama pang parang alalay ni Lito Lapid sa pelikula. Tindig-militar ba, mare." Dumikit pa si Aling Corcing sa nanay niya. "Sa tingin ko ay bodyguard!" Napangiti si Regine. Si Lito Lapid lang ang kilalang artista ni Aling Corcing kaya hindi na siya nagulat sa sinabi nito. Na-curious siya kung sino ang tinutukoy nitong lalaki na nasa labas kaya inunahan na niya ang dalawa. Tinakpan niya ang niluluto at lumabas na ng maliit nilang bahay. Nahinto si Regine ilang hakbang mula sa pintuan dahil mukhang nainip na ang sinasabi ni Aling Corcing na bisita nila. Nasa may pintuan na kasi ito na aktong sisilip sa loob. Napatanga si Regine. Sa mga exaggerated na deskripsiyon ni Aling Corcing sa mga bagay-bagay ay ngayon lang yata ito tumama. Isang matangkad na lalaking naka-dark sunglasses ang nasa harap niya. At tama nga si Aling Corcing, artistahin ang lalaki. At nang alisin nito sa mga mata ang salamin at nagtama ang mga mata nila ay may kung anong sumikdo sa kanyang dibdib. Hindi niya maipaliwanag pero parang pamilyar ang lalaki. Parang hindi ito estranghero sa kanya. "Anak ka ba ni Perlita Llamera?" tanong nito sa mababang boses habang hindi inaalis ang tingin sa mga mata niya kaya hindi nakaligtas sa kanyang paningin na parang maiiyak ito anumang sandali. Hindi kasal ang mga magulang niya pero ipinarehistro si Regine sa apelyido ng kanyang amang hindi na niya gustong maalala. "Perlita Mirabaňas si Nanay pero Llamera nga ako. Regine ang pangalan ko. S-sino ho kayo?" Bigla nitong tinawid ang pagitan nila at mahigpit siyang niyakap. Nagulat siya. At hindi pa man siya nakakabawi sa kabiglaanan ay naroon na rin ang nanay niya at si Aling Corcing. "Ano'ng— Akala ko ba, si Mare ang hinahanap nitong guwapong ito? Bakit ang mamanugangin ko ang niyayakap—" Nagugulumihanang tumingin si Aling Corcing sa nanay niya na bumakas naman sa mukha ang pagtataka. "Kilala mo ba siya, Rej?" nakakunot-noong tanong ng nanay niya. Marahan siyang pinakawalan ng lalaki at hinarap nito ang nanay niya. "Ako ho si Antonn Benito Villaguerre," pakilala ng lalaki sa sarili. "Halos tatlong taon lang ho ako nang iwan ako sa poder ng kinilala kong ama kapalit ng malaking halaga. A-anak n'yo ho ako...'Nay." Napasinghap ang nanay niya. Rumehistro ang halo-halong emosyon sa mga mata nito. Mayamaya ay tinutop nito ang bibig. Nag-aalalang nilapitan niya ang kanyang nanay at hinagod-hagod ang likod nito. "Sino ho ba siya, 'Nay? Bakit... bakit kayo umiiyak? Bakit sinasabi niyang—" Yumakap ito sa kanya at humagulhol. Nag-aalalang tinapunan ni Regine ng nagtatanong na tingin ang lalaki. Si Aling Corcing naman ay lumabas na pero panay pa rin ang lingon nito habang palayo. "Ang nag-iwan sa akin sa poder ni Dad ay ang tunay kong ama—si Ferdinand Llamera. Kuya mo ako," naluluha na rin na sabi sa kanya ng lalaki. Ang sumunod na eksena ay emosyonal na. Nag-iyakan silang tatlo habang magkakayakap... Binago ng pagdating ng Kuya Antonn ni Regine ang maraming bagay sa buhay nilang mag-ina. Nakaahon sila mula sa squatters' area, nakalayo siya kay Carling, nakabalik siya sa kanyang pag-aaral nang hindi na niya kailangang magtrabaho, at naging magaan na ang lahat para sa kanilang mag-ina. Ang kuya na niya ang sumusuporta sa kanila. Magkasunod sila ng nanay niya na lumabas ng bahay. Gustong-gusto niyang umuuwi sa Pilipinas ang kapatid. Mula nang makilala niya si Kuya Antonn, pakiramdam ni Regine ay nagkaroon siya ng bagong pakpak. Sa isang iglap ay naging magaan ang lahat sa kanya. Masaya siyang hindi na siya mag-isang mag-aalaga at magmamahal sa nanay nila, bagay na maraming taong siya lang ang gumawa. Huminto ang taxi at mabilis na bumaba ang pamilyar na bulto ng kanyang Kuya Antonn. Hanggang ngayon ay iniisip pa rin ni Regine kung paanong naging matangkad ito gayong siya ay kulang sa height. Kulang-kulang six footer yata ang kapatid niya samantalang siya ay halos hanggang balikat lang nito. Ayon sa ina nila ay matangkad ang salbahe nilang ama—sumalangit nawa ang kaluluwa nito. Kahit gaano ito kasama ay ama pa rin nila ito. Kimkim niya dati ang galit dito pero nang malaman niya mula sa kanyang Kuya Antonn na patay na ito ay nasaktan pa rin siya. Siguro nga, iba talaga ang hatak ng dugo. Sa kabila ng lahat ng kasamaan ng tunay nilang ama ay kadugo nila ito—katotohanang hindi magbabago kahit ano ang gawin niya. Ang kanyang Kuya Antonn—na ibinenta ng ama nila sa kinagisnan nitong ama—ay nagpatawad na rin. Gusto niyang gawin iyon pero sa tingin ni Regine ay hindi muna ngayon. Nasa puso pa rin kasi niya ang galit tuwing naaalala ang mga sandaling naghirap sila nang husto ng kanyang nanay dahil sa tunay niyang ama. Gustong sumulak ng dugo ni Regine kapag naaalala niyang hindi iisang beses silang nagutom. Hindi rin iisang beses na halos mamalimos siya may maipampagamot lang siya sa kanyang nanay. Hindi rin iisang tag-ulan ang dumaan sa buhay nilang mag-ina na wala silang masilungan. Hindi mawala sa isip ni Regine na dinanas nila ang lahat ng mga iyon dahil sa kapabayaan at kasamaan ng kanyang ama. Sa pagdating ng Kuya Antonn niya sa buhay nila ay naramdaman ni Regine ang unti-unting paghilom ng mga sugat na baon niya mula sa nakaraan. Hindi pala napahamak ang kanyang kapatid. Masaya siyang hinanap pa rin sila ng kapatid. Ngayon ay buo na ang pamilya niya, sapat nang dahilan iyon para hanapan niya ng lugar sa kanyang puso ang pagpapatawad. "Antonn, anak!" Galak na sinalubong ng nanay niya ng yakap ang kanyang kuya na nakangiti nang malapad. Naluluha pa rin si Regine sa ganoong eksena nilang mag-iina. Nagbabalik kasi sa isip niyang napakahabang panahon ang nawala sa kanilang tatlo. Mga panahong dapat ay magkakasama sila. "Hey. How's my baby sis?" nakangiting baling sa kanya ng Kuya Antonn niya pagkatapos pakawalan ang nanay nila. Inilang-hakbang lang nito ang pagitan nila at pabuhat siyang niyakap na parang bata lang siya sa paningin nito. "Na-miss kita." Mahigpit na mahigpit ang itinugong yakap dito ni Regine habang tumatawa siya. "Na-miss din kita, Kuya. Sobra!" Pinupog niya ito ng halik. Lumakas ang halakhak nito. "Pasalubong ko?" "Sabi na nga ba, eh," sabi nito pagkatapos siyang ibaba. "Sweet ka lang dahil sa pasalubong!" Tumatawang yumakap siya sa baywang ng kapatid. "Nahalata mo pala?" Nagtawanan sila. Lumingon sa taxi ang kuya niya. "May kasama pala ako, 'Nay." Sabay silang napatingin ng nanay niya sa taxi. Babae ang naisip niyang kasama ng kapatid pero isang lalaking pamilyar sa kanya ang tindig at porma ang bumaba mula sa backseat. Naka-dark sunglasses ang lalaki kaya nagduda pa siya. Pero nang ngumiti ito ay nahulog yata ang puso niya. Ito ang dati niyang pasyente s***h crush! "S-si Raj..." wala sa loob na usal niya. Napabaling sa kanya ang kuya niya. "Kilala mo si Raj?" Napalunok si Regine. Nakalapit na sa kanila ang paborito niyang pasyente. "Family ko, Raj. Si Nanay Perl at bunsong kapatid ko, si Regine," pakilala sa kanila ng Kuya Antonn niya, pagkatapos ay bumaling ito sa kanila. "'Nay, Rej, si Rajed, best friend ko." "Kumusta ka, hijo?" magiliw na bati ng nanay niya kay Rajed. Humalik si Rajed sa pisngi nito. Nagmistula siyang tuod sa kanyang kinatatayuan. Hindi na siya umasang magkikita pa sila ni Rajed pagkatapos ng araw na iyon na umalis siya ng poder ng pamilya Nuvera. Isinuko na rin niya maging ang lihim na pagtingin sa lalaki dahil alam niya sa kanyang sarili na imposibleng magkaroon ito ng espesyal na damdamin para sa kanya. Unti-unti na siyang nakaka-move on, pero heto naman si Rajed, parang ipuipong nagbabalik sa buhay niya at matalik na kaibigan pa ito ng kapatid niya! Kumusta naman ang impact niyon sa puso niya? "Rej," sabi ni Rajed sa kanyang pangalan. Iba ang tunog ng pangalan niya kapag ito ang nagsasabi niyon. Hindi alam ni Regine kung bakit. Nang ngumiti si Rajed nang matamis habang nakatitig sa kanyang mga mata ay gustong hagurin ni Regine ang dibdib niya. Pakiramdam kasi niya ay nakaalpas mula sa kanyang rib cage ang puso niya.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Playboy Billionaire's Desire (tagalog)

read
1.1M
bc

His Obsession

read
71.7K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
87.7K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
67.6K
bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
156.8K
bc

The Hot Professor (Allen Dela Fuente)

read
18.4K
bc

Pleasured By My Bestfriend's Brother

read
10.4K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook