ISA PANG napansin ni Regine kay Rajed kapag napapadaan ito sa bahay nila ay blangko na lagi ang mukha at halos ayaw na siyang tingnan. Hindi niya naman alam ang dahilan. Ngumingiti naman ito kapag kausap ang nanay niya kaya napapaisip siya kung bakit parang kaaway na ang tingin ni Rajed sa kanya. Siguro ay ibinabalik lang nito ang pakikitungong ipinapakita niya sa lalaki.
Sa isang banda, naisip ni Regine na nagbabait-baitan lang ito noong nasa Pilipinas pa ang Kuya Antonn niya. Ngayong hindi na makikita ng kapatid ang pakikitungo ni Rajed sa kanya, lumabas na ang tunay nitong ugali.
Pero hindi ba mabait naman ang lalaki noong pasyente pa niya ito? Ah, hindi talaga niya maintindihan si Rajed. Bahala na nga ito kung anong gustong gawin sa buhay. Ano ba ang pakialam niya kung hindi na siya kausapin ng lalaki?
"'Pasok na po ako, 'Nay!" paalam ni Regine sa nanay niyang abala sa paghahanda ng almusal ng suplado at mukhang Bumbay na lalaki. Ang pinakagusto niya sa mukha ni Rajed ay ang mga kilay nito at ang mga ngipin na maputing-maputi at pantay-pantay. Kaya walang katulad ang ganda ng ngiti ni Rajed. Sayang at hindi na siya nginingitian nito ngayon. Maagang dumaan sa bahay nila ang "Bumbay" nang araw na iyon.
"Ingat ka, anak!" pahabol ng nanay niya. "Umuwi ka agad."
Sinamsam ni Regine ang mga gamit niyang nasa sofa. "Baka late na akong makauwi, 'Nay. May group project ho kaming tatapusin. Isa pa, Friday ngayon. Tutorial day ko po." Ang tutorial day na tinutukoy ni Regine ay ang pagtuturo niya sa mga nasa lower level students na hindi makasabay sa lessons. Isa iyon sa mga project ng student organization sa academy. Silang mga senior ang nagtuturo.
Marami sa mga tinuturuan niya ang nagpapa-cute sa kanya pero tinatawanan lang ni Regine. Mga nakababatang kapatid lang ang turing niya sa mga school mate. Napabilang siya sa Section A pagtuntong niya ng fourth year dahil kay Sir Brillo, isa sa mga professor nila. Ni-recommend siya ng professor na mapunta sa section na iyon kahit transferee siya last year. Hindi niya sasayangin ang tiwala at mataas na tingin ni Sir Brillo sa kanya kaya patuloy siyang nagsumikap.
"Bakit kasi kailangan mo pang mag-tutor?" tanong ng kanyang ina. Tutol ito sa ginagawa niya dahil puwede na raw niyang ipahinga ang oras na iginugugol niya roon.
"Kawanggawa 'yon, 'Nay." Nauna nang ipinaliwanag ni Regine na extracurricular activities niya iyon sa school pero hindi pa rin nito maintindihan. "Huwag ho kayong mag-alala, pagpapalain tayo lalo dahil super-bait ako," sabi niya, saka tumawa nang magaan. Gusto niyang batuhin ng sapatos si Rajed nang maubo ito na sa tingin niya ay sinadya ng lalaki. Sa hitsura nito ay mukhang hindi sang-ayon sa sinabi niyang mabait siya. Inirapan niya si Rajed kahit hindi naman nakatingin sa kanya. Lumabas na siya ng kabahayan.
Mabilis na sumakay si Regine sa naghihintay niyang taxi service. Hatid-sundo siya niyon kaya wala siyang problema. Gusto ng Kuya Antonn niya na mag-aral siyang magmaneho. Gusto ng kapatid niya na makakuha raw siya ng lisensiya para siya na mismo ang magda-drive para sa mga lakad nila ng kanyang nanay pero tumanggi siya. Sinabi niyang darating sila roon. Takot pa siyang humawak ng manibela.
"Gloomy morning, Rej!"
Ngumiti si Regine sa driver. "Gloomy nga. Parang uulan nang malakas mamaya. Tara na, Kuya Moi," sabi niya sa driver na kaedad lang yata ng Kuya Antonn niya. Ang hula ni Regine ay binata si Kuya Moi kaya laging nakaporma at mabango. Madalas niyang inililibre ng merienda ang driver kapag nagutom siya pagkalabas ng school. Tuwang-tuwa naman si Kuya Moi. Paborito siyang pasahero ng driver kaya kahit malayo raw ang way nito ay pinipilit ni Kuya Moi na masundo siya. Binibigyan naman lagi niya ng tip ang driver. Sobra ang pasasalamat nito sa libreng merienda dahil dinner na raw iyon ni Kuya Moi. Hindi na raw mababawasan ng gastos sa dinner nito ang iuuwing kita sa pamilya. Breadwinner daw si Kuya Moi at may pinag-aaral na kapatid kaya todo-tipid ito. Hulog nga raw siya ng langit dito.
"May exam ka?" tanong nito. Tahimik kasi siya at nakatutok ang atensiyon sa binubuklat niyang notebook. Dati-rati ay hindi siya nauubusan ng kuwento sa driver habang bumibiyahe sila.
Tumingin siya sa rearview mirror at ngumiti. "Physics at Math, Kuya Moi. Nosebleed ako. Medyo nahihilo ang brain cells ko sa mga computation, eh."
"Kaya mo, 'yan. Ikaw pa."
"Magdilang-anghel ka sana."
"Perfect score ka niyan."
"Wish ko rin," sabi niya, saka tumawa.
Hindi sila naipit ng traffic kaya maaga silang nakarating sa school. Binigyan niya ng bayad at tip si Kuya Moi. "Ingat sa pasada. Good luck!"
"Kaya kita mahal, eh," abot hanggang tainga ang ngiti na sabi nito. Sumaludo pa sa kanya ang driver.
Magaan ang mga hakbang ni Regine papasok sa St. Michael's Academy o SMA. Kapag ganoon kagaan ang pagsisimula ng kanyang araw ay matatapos din iyon na nakangiti pa rin siya.
"Susunduin kita nang alas-singko."
Nakangiting kumaway siya sa driver.
HINDI nasundo si Regine ni Kuya Moi Naghatid daw ito ng pasahero sa Pangasinan at naipit sa traffic. Ang lakas kasi ng ulan. Hindi na raw ito makakarating sa oras dahil hihintayin ng driver na bumaba ang tubig sa daan. Late ang naging text nito. Nakaalis na ang sundo ng mga kaklase niya kaya wala siyang puwedeng pakiusapan na idaan siya sa bahay nila. Sa lakas ng ulan na may kasama pang kulog at kidlat ay mahihirapan siyang mag-commute. Nataon pang hindi siya nagdala ng payong. Hindi naman kasi niya inaasahan na ganoon kalakas ang ulan pagsapit ng hapon. Sa malas pa, ang text ni Kuya Moi ang huling natanggap ni Regine bago namatay ang cell phone niya pagkatapos ma-drain ang baterya niyon.
Lampas alas-sais na. Wala pa ring tigil ang ulan. Sa hula ni Regine ay tatagal pa iyon kaya kung hindi siya makakauwi ngayon ay baka abutan siya nang hatinggabi sa eskuwelahan. Napakahirap pa namang makakuha ng taxi sa ganoong panahon dahil agawan niyon ang mga estudyanteng walang sundo. May tatlo siyang pagpipilian para makauwi.
Una, ang sumugod sa malakas na ulan at maglakad papunta sa pinakamalapit na LRT station. Pangalawa, ang maglakad pa rin at lumusong sa tubig sa kalsada na hanggang kalahati ng binti niya ang lalim at mag-jeep papunta sa likuran ng mall na maraming nakaparadang masasakyang taxi. Pangatlo, ang maghintay hanggang tumila ang ulan at bumaba ang tubig sa kalsada. Hindi magaan ang pakiramdam ni Regine para gawin ang unang dalawa kaya nagdesisyon siyang maghintay na lang. Pero lumalim na ang gabi ay patuloy pa rin ang malakas na buhos ng ulan.