Five

1547 Words
At present "GABING-GABI na, bakit nandito ka pa? Umalis ka na." Hindi alam ni Regine kung paano pakikitunguhan si Rajed kaya paasik na lang ang pagkakasabi niya niyon, kung hindi ay mahahalata nitong nagustuhan niya ang pagkikita uli nila. "Rej, bisita siya ng Kuya Antonn mo. Hindi ganyan ang tamang pagtrato sa bisita," saway ng nanay niya sa mababang boses. Natahimik siya. Pero ang pinapaalis niya ay halatang-halata na nagpipigil ng ngisi. Bago magdilim kanina ay umalis na ang Kuya Antonn niya para umuwi sa bahay ng daddy nito. Buong linggo raw na magiging abala ito at sa susunod na linggo ay babalik na sa Amerika. Tama nga yata ang sinabi ni Rajed na ito ang papalit sa lugar ng kuya niya kapag wala ang kanyang kapatid. At sinisimulan na nga nitong gampanan ang "role". Wala naman talagang problema kung manatili man si Rajed sa bahay nila kahit isang taon pa. Siya lang kasi ang may problema dahil natatakot si Regine sa sarili. Okay na siya noong hindi na niya nakikita si Rajed pero ngayong nagbabalik ito bilang best friend ng kuya niya ay hindi na sigurado si Regine kung kaya pa niyang pigilan ang sarili. Ayaw pa niyang mapalapit dito nang husto. Sa sitwasyon kasi niya ngayon na nagsisimula pa lang siyang bawiin ang maraming bagay na nawala sa kanya dahil sa miserable nilang kalagayan noon ng nanay niya, mas gusto ni Regine na tutukan ang pag-aaral. Bale-wala sa kanya na third year high school pa lang siya. Mas importanteng makapagtapos siya ng pag-aaral hanggang sa kolehiyo. Salamat sa pagdating ng Kuya Antonn niya, abot-kamay na niya ang mga pangarap na inakala niyang sa panaginip na lang matutupad. "Late na kasi, 'Nay, eh," katwiran ni Regine. "Magla-lock na ako ng gate. Hindi naman na babalik si Kuya Antonn." Bumaling siya kay Rajed. "Kaya umalis ka na," sabi niya sa lalaki sa mas mahinang boses para hindi marinig ng nanay niya na abala sa pagliligpit sa kusina. Pagkatapos nitong magligpit ay matutulog na ito. "Bakit ba ang mean mo? Hindi naman kita ginugulo diyan sa ginagawa mo. Eleven PM pa po ako pupunta sa Mystic kaya pagtiisan mo na ang handsome face ko." "Handsome face ka diyan." Inirapan niya si Rajed. Mayamaya ay natigilan siya. "Mystic?" "Mystic Bar." "Ano'ng gagawin mo ro'n?" "Magtatrabaho." Umangat ang mga kilay ni Regine. "Sa bar ang trabaho mo? Macho dancer ka? Siguro, ang dami mong chicks na matrona, 'no?" Naalala niya ang magandang katawan nitong pinupunasan niya noong may sakit ang lalaki. Iyong tipo ng katawan at mukha nito ang nagpapa-swoon sa mga babaeng tinutukoy niya. Natawa si. "I own the place. FYI, walang matrona sa Mystic." "Oh?" Sinadyang lagyan ni Regine ng pagdududa ang kanyang hitsura. Ang totoo, hindi siya naniniwalang titingin si Rajed sa mga matrona. Sinusubukan lang niyang pikunin ito. "Eh, bading?" "Marami." "Wala kang 'something' sa isa sa kanila?" "That's hitting below the belt, young woman," pantay ang boses na sabi ni Rajed. Nawala ang ngiti at kislap sa mga mata nito at naging malamig ang hitsura. "Pantay ang tingin ko sa lahat ng empleyado ko sa bar, kasama ang mga gay performer. Sa maniwala ka o sa hindi, Rej, may kilala akong gay na mas karapat-dapat sa respeto kaysa sa ibang taong nagpapanggap na walang kapintasan. Alam 'yan ng kuya mo at kilala rin niya ang sinasabi kong gay. Mali na isipin mong dahil gay sila, masama na silang tao. O hindi por que maraming gay sa paligid ko, may ginagawa na rin akong hindi tama." Natameme si Regine. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa mahabang sinabi ni Rajed. Pipiliin na niya sa susunod ang bibitawan niyang biro. Namagitan sa kanila ang mahabang katahimikan. "O, bakit hindi kayo nagkikibuang dalawa riyan?" tanong ng nanay niya. Galing ito ng kusina at papunta na sa kuwarto nito. "Mauuna na akong matulog, anak. Ikaw na ang bahalang mag-lock ng gate at mga pinto. Alas-onse pa raw kasi aalis 'yang si Raj, 'sabi ng Kuya Antonn mo kaya kuwentuhan mo na muna siya nang hindi mabagot dito." "Nay—" "Sundin mo ako," agap ng kanyang ina. "Inaabot ka nga nang ala-una sa panonood ng TV na bata ka. Pasado alas-diyes na, ilang minuto lang naman na ang hihintayin mo. Wala namang ginagawang masama 'yang tao, itinataboy mo," sermon ng kanyang ina at itinuloy na ang pagpunta sa kuwarto nito. "Goodnight ho, Tita Perl," sabi ni Rajed sa masiglang boses. "Goodnight, hijo. Mag-iingat ka sa pagmamaneho mamaya." "I will, Tita. Thanks!" Pumasok na sa kuwarto ang nanay niya. Namayani uli ang katahimikan sa pagitan nila ni Rajed. Mayamaya ay biglang tumayo ang lalaki at deretsong tinungo ang pinto. "Pagbibigyan na kita. Aalis na ako—" "Sandali, Raj!" Napigilan ito ni Regine eksaktong nasa pintuan na ang lalaki. "'Yong joke ko kanina, wala namang ibig sabihin 'yon. Pipikunin lang sana kita. Mali 'yong atake ko. Hindi ibig sabihin n'on na pinag-iisipin talaga kita ng masama. Sorry." "Okay. Eh, 'yong pagtataboy mo sa akin?" "Gabi na kasi..." "Gabi na kasi..." Ginaya ni Rajed ang boses at tono niya bago nito itinuloy ang paglabas. Sinundan niya hanggang sa gate sa pinto. Ila-lock na niya iyon pagkaalis ng lalaki. Pagdaan ni Rajed sa kanyang tabi ay kaswal na hinapit siya ng lalaki sa baywang. Napahilig siya sa tagiliran nito. Sabay ang pag-awang ng kanyang mga labi at ang pagdampi ng mga labi nito sa kanyang sentido. Pagkatapos ay dere-deretso na itong sumakay sa kotse o na parang walang anuman ang ginawa nito. HINDI mapigilan ni Regine na tanawin ang papalayong sasakyan ni Rajed. Naguguluhan talaga siya sa lalaking iyon. Lagi na lang itong nanggugulat. Hindi niya alam kung may ibang kahulugan ang mga gesture na iyon ng lalaki. Siguro ay wala naman. Malisyosa lang siya. Mula nang makilala niya si Rajed bilang kaibigan ng Kuya Antonn niya ay madalas nang ganoon ang eksena sa pagitan nila kapag napapadaan ito sa bahay nila. Nang-aasar ito hanggang sa mapikon siya. At kapag pikon na siya ay nakangising aalis na ang lalaki. Hindi niya akalain na nang mga sumunod na araw ay marami siyang matutuklasan tungkol kay Rajed. Iba-iba ang mga babaeng nakikita niyang kasama nito. Curious kasi siya kaya kasama ang taxi driver-turned-friend niyang si Kuya Moi—na nagboluntaryong maging service niya dahil siya raw ang pinakamabait na pasahero nito—ay pinasusundan ni Regine nang palihim si Rajed kapag weekend at holidays. Nadismaya siya. Babaero pala ang crush niya. Bukod sa iba't ibang babae ang nakikita niyang kasama ni Rajed ay lagi rin itong nagpupunta sa isang lugar na kadalasan ay may dalang mga bulaklak. Sa tingin niya ay nanliligaw ito. At ang eksenang naging hudyat para isuko na ni Regine ang crush niya kay Rajed ay nang maabutan niyang may babae sa kuwarto sa condo unit ng lalaki at binigyan pa nito ang babae ng mga bulaklak bago iyon gumising. Inutusan kasi siya ng nanay niya na maghatid ng pagkain kaya siya nagpunta sa condo unit ni Rajed nang araw na iyon. Sa tingin niya ay kagigising lang ng lalaki. Bukas ang pinto ng kuwarto nito at nakita niya ang babae sa kama nito, tulog na tulog. Nakita rin niya na kinuha ni Rajed mula sa mesa ang mga bulaklak at maingat na inilagay sa tabi ng tulog na babae. Nadurog yata ang puso ni Regine sa nasaksihang iyon. Ayaw na niyang maging crush si Rajed. Umalis kaagad siya ng condo unit ng lalaki at mula noon ay halos hindi na niya ito pinapansin kapag napapadaan sa bahay nila ang lalaki. Dumistansiya na siya kay Rajed. Kung naramdaman nito ang pag-iwas niya o hindi ay wala na siyang pakialam. Sa tingin naman ni Regine ay nakahalata ang lalaki. Suplado na rin kasi ito pagdating sa kanya. Pero mabait naman si Rajed kapag ang nanay niya ang kausap nito. Naisip niyang mabuti ngang ganoon sila para hindi na siya lalong mapalapit pa sa lalaki. Hanggang nang nasa fourth year high school na si Regine ay ganoon pa rin ang ugnayan nila ni Rajed. Ang Kuya Antonn niya—na hindi pa rin nagtatagal sa Pilipinas at kadalasan ay mas matagal na wala ito sa bansa—ay napapailing na lang sa kanila. Pero nakahalata ang kanyang Kuya Antonn na secret crush niya ang kaibigan nito. Inaasar siya ng kapatid kapag silang dalawa lang. Pinagtatawanan pa nga siya ni Kuya Antonn tuwing napipilitan siyang magtimpla ng juice para sa kaibigan nito. Ang akala ni Regine ay madaling kalimutan ang crush pero hindi pala. Bumibilis pa rin ang pintig ng puso niya kapag nakikita si Rajed. At kapag nakikita niya ang ngiti ng lalaki—na sa nanay naman niya ibinibigay, hindi sa kanya—ay parang nakakalimutan ni Regine ang mga dahilan kung bakit hindi na niya gugustuhin pang maging crush ang lalaki. Hindi rin maramdaman ni Regine sa mga kaklase niyang nagpapa-cute sa kanya ang nararamdaman para kay Rajed kaya tinatapat agad niya ang mga ito na wala siyang gusto sa mga nagpapalipad-hangin. "Hay..." sabi ni Regine at tumingala sa mga bituin sa kalangitan. "Hindi siguro ako lucky sa love life. Mas madali pang mag-focus na lang sa Physics kaysa intindihin ang supladong Bumbay na 'yon!" "Supladong Bumbay" na ang tawag niya kay Rajed mula nang nagsusuplado ito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD