NATALIA’S POV
Nang makapasok ako sa hotel room ko ay tumawag muna ako para umorder ng lunch ko. Alas tres na kasi ng hapon at hindi pa ako nagla-luch, medyo kumukulo na rin ang tiyan ko. Pagkatapos ay mabilis akong naghubad ng mga damit ko at nagtungo sa shower. May jetlag pa ako dahil sa mahabang byahe kaya balak kong magpahinga muna pagkatapos kong kumain.
Sinuot ko ang isang puting roba nang matapos akong maligo eksakto namang dumating ang pagkain ko nang makalabas ako ng banyo.
Kumain muna ako ng lunch. Hindi ko rin muna tinitingnan ang phone ko. Alam kong wala pang nakakaalam na nakabalik na ako. Bukas na ako magpapakita sa kanila, gusto ko munang ipunin ang energy ko dahil alam kong marami silang hihinging paliwanag buhat sa akin.
Nang matapos akong kumain ay nagpababa lang ako ng kinain ko bago ako nagtungo sa kama. Ilang oras din akong nakaupo sa eroplano kaya medyo masakit ang pwet at likod ko. Hindi naman kasi ako naka-business class kaya hindi ako makatulog ng maayos habang nasa byahe. Pero hindi pa ako natutuluyang makatulog nang magising ako dahil sa katok mula sa pinto kaya napabangon ako.
Binuksan ko ng maliit lang ang pinto para tingnan kung sino ang nasa labas at nakita ko ang isang lalaking mukhang lasing na agad na nakasandal pa sa may dingding. Agad naman itong napatayo ng tuwid nang makita ako.
Tumingin siya sa akin at napasinok pa ito. “Wait, I knocked the wrong room,” anito nang tingnan muli ang room number ko. “Sorry.” Yumuko pa siya sa akin bago tumalikod.
Napailing na lang ako. Ang aga-aga pa pero lasing na agad ito.
Bumalik na ako sa kama ko para matulog muna. Alas tres pa lang naman ng hapon. Matutulog lang ako saglit para makapagpahinga ako. Maaga kasi akong dumating pero dahil sa traffic ay medyo late na rin kami.
Masarap ang naging tulog ko pero nang magising ako ay alas sais na nang gabi kaya nagmamadali na akong bumangon. Nagbihis ako bago muna ako saglit. Nagsuot ako ng hoodie jacket bago ako tuluyang lumabas ng hotel room ko.
Pinindot ko ang elevator at sumakay doon. Lumabas ako ng hotel. Pwede naman akong magpa-deliver ulit ng pagkain o pumunta sa restaurant ng hotel pero mas gusto kong maglakad-lakad din muna. Maliwanag naman ang paligid dahil sa mga ilaw.
Na-miss ko ang Maynila. Mula sa ingay at usok nito. Maayos ang buhay ko sa London. Masaya ako, pero iba pa rin sa sariling bansa. Naglalakad lang ako dahil napapalibutan naman ng establishments ang buong lugar kung saan ako naka-check in na hotel.
Hindi ko alam kung gaano na kalayo ang narating ko. Nakaabot na kasi ako sa may park. Natutuwa ako sa mga ilaw doon kaya naglakad-lakad muna ako, hindi pa naman ako nagugutom.
Ngunit habang naglalakad ako ay may lalaking biglang sumabay sa akin kaya napatingin ako sa kaniya. Lalayo sana ako sa kaniya at sasabay sa ibang naglalakad pero bigla niya akong inakbayan. Natigilan ako nang biglang parang may matulis na bagay siyang itinutok sa akin.
“Subukan mong sumigaw, babaon ito sa tagiliran mo,” bulong niya sa akin kaya natakot ako.
Hinila niya ako sa may madilim na parte kung saan walang makakita sa amin.
“Akina, wallet mo,” utos niya at tinutok sa akin ang kutsilyong hawak niya.
“Wala akong wallet,” sagot ko sa kaniya. May dalawang libong cash lang ako sa bulsa ko. Wala naman akong planong magtagal sa labas kaya hindi ako nagdala ng wallet. Pero may ID ako sa bulsa ng likod ng pantalon ko just in case na kailanganin ko.
“Huwag kang sinungaling. Ibigay mo na kung ayaw mong masaktan!”
Napaatras ako nang itutok niya sa akin ang kutsilyo. Natatakot akong saktan niya pero wala naman talaga kong ibibigay sa kaniya.
KInuha ko ang perang dala ko at binigay sa kaniya.
“Ito, iyo nang lahat iyan. Iyan lang ang pera ko.”
Agad naman niyang kinuha ang dalawang libong inabot ko sa kaniya.
“Ginagago mo ba ako? Kita kitang lumabas ng isang mamahaling hotel tapos two-thousand lang pera mo! AKIN NA PERA!” nauubos ang pasensyang saad nito.
“Wala—”
Hinawakan niya ako bigla sa panga at tinutok sa leeg ko ang kutsilyo kaya mas lalo akong nanginig sa takot. Gusto kong sumigaw para humingi ng tulong pero natatakot akong biglang itarak sa leeg ko ang kutsilyo.
Sana pala hindi na lang ako lumabas ng hotel kung alam kong ganito ang mangyayari sa akin. Gusto ko lang naman maglibot saglit sa paligid pero holdaper pa ang unang bubungad sa akin. Bakit ba ang malas ko bigla?
“Please, let me go. I’ll give you money, just let me go,” pagmamakaawa ko sa kaniya.
May pera ako sa bag ko, pero nasa hotel room ko iyon.
“Hindi kita maintindihan kaya huwag mo akong englishin!” sigaw nito sa pagmumukha ko kaya mariin akong napapikit. “Kung ayaw wala ka na talagang pera…” Ngumisi ito. “Ikaw na lang ang—"
Malakas akong napasinghap nang biglang may lalaking naka-helmet ang humawak sa kamay nitong may hawak na kutsilyo at pinilipit iyon. Dahilan para mabitawan ako ng holdaper at mapasigaw ito sa sakit.
Nabitawan ng holdaper ang kutsilyong hawak nito. Sinubukan niyang suntukin ang lalaki gamit ang isang kamay ngunit nakaiwas ito. Malakas na sinipa nito ang holdaper dahilan para mapasasad ito sa pader.
Napatingin ako sa lalaking tumulong sa akin. Hindi ko makita ang mukha niya dahil sa helmet na suot niya. Naka-itim na leather jacket at pantalon siya.
Hindi pa ito nakuntento at muling sinipa ang lalaki pero sabay kaming napatingin sa mga dumarating. Mukhang mga kasamahan ito ng holdaper. Gang pa yata.
Biglang hinawakan ng lalaki ang kamay ko at hinila niya ako patakbo kaya wala na akong nagawa kundi ang sumama sa kaniya habang hinahabol naman kami ng mga lalaki.
Mabilis siyang sumakay sa isang bigbike, kaya hindi na nag-iisip na umangkas ako sa kaniya. Napayakap ako ng mahigpit sa lalaki nang mabilis niya iyong paandarin.
Mabilis ang pagpapatakbo niya kaya napapikit na lang ako. Wala akong helmet kaya ramdam ko ang pagtama ng hangin sa mukha ko kaya siniksik ko ang pisngi ko sa likod niya.
Hindi ko alam kung sino ang lalaking kasama ko ngayon pero tinulungan niya ako kaya siguro ay hindi naman siya masamang tao.
Mabilis akong nagmulat nang huminto ang bigbike. Napatingin ako sa paligid at nagkakatang tumingin ako sa lalaki nang mapansin kong nasa entrance na ako ng hotel kung saan ako naka-check in.
Paano niya nalaman na dito ako tumutuloy? Bumaba ako mula sa likod niya at hinarap siya. Hindi na mahalaga kung paano niya nalaman kung saan ako naka-check in. Mahalaga nakaligtas ako sa masamang loob na gustong mangholdap sa akin at nang wala akong maibigay ay balak pa yata akong pagsamantalahan.
Mabuti na lang at dumating ang lalaki ito.
“Salamat sa—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang tanggalin niya ang helmet na suot. Parang biglang tumigil ang mundo ko nang ngumiti siya sa akin.
Na-estatwa lang ako sa kinatatayuan ko habang nakatingin sa gwapong mukha niya. Sa daming tao na posibleng tutulong sa akin bakit siya pa?
“Welcome back, my dear ex-wife.”