Matalas ang tingin ko kay Enzo, pilit binabasa ang mukha niyang hindi ko na kilala.
"Sabihin mo nga sa'kin." Mahina pero buo ang boses ko. "Ano ba talaga ang totoo?"
Hindi siya sumagot agad. Tumitig lang siya sa'kin, para bang sinusukat kung hanggang saan ang kaya kong tanggapin.
"Tingin mo, Ava," bulong niya, "kung bumalik ako noon, buhay pa kaya ako ngayon?"
Nanlamig ang katawan ko.
"Bakit hindi mo ko binalikan?" Nanginginig ang kamay kong nakakuyom.
Napangiti siya—hindi ng pang-aasar, hindi rin ng kasiyahan. Isang ngiti na parang matagal nang nasaktan.
"Dahil alam kong hindi mo ako hahanapin kung bumalik ako agad."
Napalunok ako.
“Bakit parang ako pa ngayon ang hinuhusgahan?”
Kung hindi si Regina ang tunay na kalaban… sino?
At ang mas masakit na tanong—anong klaseng laro ang pinasok ko, kung ang huling taong pinagkakatiwalaan ko… siya ring magtatraydor sa'kin? Lahat ba talaga ng mga lalaki, ganun?!
Dahan-dahan niyang inilabas ang isang folder at iniabot sa’kin.
"If you want the full document," aniya, "then take it."
Tumingin lang ako sa kanya, hindi agad ginalaw ang papel. Mas pinili kong basahin ang mukha niya—matalas, walang bahid ng alinlangan. Pero bakit parang gusto kong hanapin ang tiniim na pag-aalinlangan sa mata niya?
"Kailangan ko bang magbayad para dito?" sarkastikong tanong ko.
Napangiti siya. "Wala nang mas mahal pa sa binayaran mo na, Ava."
Napalunok ako pero agad na itinago ang reaksyon. Huminga ako nang malalim at hinila ang folder mula sa kamay niya.
Pero may isang maliit na papel na bumagsak mula rito.
Isang sulat-kamay na note.
Kusot-kusot, parang ilang beses nang hinawakan bago ipasa sa akin.
Binasa ko ang nakasulat.
"You're looking at the wrong person."
Napatingin ako kay Enzo.
"Anong ibig sabihin nito?" malamig kong tanong.
Ngumiti siya, pero hindi sumagot.
Pumikit ako, iniwasan ang bigat ng sariling hinala.
"Hindi ako ang dapat mong iniimbestigahan, Ava," bulong ni Enzo.
Pero bago pa ako makasagot, narinig ko ang isang tunog na nagpahinto sa'kin.
"Click."
Mabilis. Matalim. Isang tunog na hindi ako maaaring magkamali.
Napatigil si Enzo, ang mata niya ay bumaling sa kung anong nasa likod ko.
At bago pa ako makalingon—
"BANG!"
Tumigil ang lahat.
Halos hindi ko naramdaman ang katawan ko nang maramdaman kong hinatak ako ni Enzo, ang lakas ng grip niya sa braso ko halos magpabali rito.
“Put*ngina, Ava!” sigaw niya. “TAKBO!”
Tumakbo ako, pero hindi ko alam kung saan.
Ang yapak ko’y kumalampag sa lumang kahoy na sahig ng Dock 13, ang hingal ko’y mabigat sa hangin. Sa likod ko, si Enzo—mahigpit ang kapit sa braso ko habang hinihila ako papalayo sa patibong.
May sumisigaw sa di kalayuan. Mga anino ang gumagalaw sa dilim.
Hanggang sa nakita ko siya.
Isang lalaki, nakatayo sa anino. Masyadong madilim para makita ang mukha niya, pero ang kamay niya… hawak ang baril.
Dumilim ang paningin ko.
“Enzo,” bulong ko, hindi ko na alam kung guni-guni ko lang. “Sino ‘yon?”
Pero bago siya makasagot—narinig ko ang tinig.
Malamig. Walang bahid ng alinlangan.
"It was never about Regina, Ava."
Bumigat ang dibdib ko, bumagal ang lahat.
"It was always about you."
Tumakbo kami ni Enzo. Tumakbo ng walang lingon-lingon.
Naramdaman ko ang paghapit niya sa braso ko, hinila ako palayo, patungo sa isang eskinita sa gilid ng dock. Narinig ko ang tunog ng gulong na dumaan sa kalsada, ang mahinang tunog ng isang nagre-reload ng baril.
Malamig ang hangin, pero mas malamig ang naramdaman ko sa loob.
"Hindi tayo ligtas," sigaw ni Enzo, bumitaw saglit para bumunot ng phone. Pinindot niya ito ng mabilis, tila may tinatawagan.
"Enzo, sino 'yon?" tanong ko, pilit hinahabol ang hininga ko.
Hindi siya sumagot agad. Tiningnan lang niya ako, at sa tingin pa lang, alam kong kahit siya, hindi sigurado kung paano sasagutin ang tanong ko.
"There's someone bigger than Regina," sagot niya sa wakas. "And now… they know you know."
Sumikip ang dibdib ko. Sa lahat ng gulong dinaanan ko, akala ko si Regina ang dulo. Pero hindi pala siya ang tunay na kalaban.
May mas mataas.
Mas malakas.
At mas may alam.
Lumingon ako pabalik sa daan kung saan kami tumakbo.
Sa anino ng dock, may nakatayo pa rin.
Pinapanood kami.
Akala ko, si Regina lang ang kalaban.
Nang huminto kami ni Enzo sa isang madilim na alley, saka pa lang ako nakahinga nang maayos. Pinunasan ko ang pawis sa noo ko, pero hindi pa rin tumitigil ang panginginig ng mga daliri ko.
"I need answers, Enzo," bulong ko, nanginginig ang boses. "Ngayon din."
Hindi siya sumagot. Nakatitig lang siya sa phone niya, waring may inaantay.
"Put*ngina, sumagot ka! Sino ‘yung mga ‘yon?"
Dahan-dahan siyang tumingin sa akin, at doon ko lang napansin ang tensyon sa panga niya.
"Ava… you didn’t just go after Regina."
Napaatras ako. "Anong ibig mong sabihin?"
"Hindi mo lang siya nilabanan," aniya, mababa ang boses na parang iniingatan kung sino man ang maaaring makarinig. "Nilabanan mo ang buong sistema."
Kumakabog ang dibdib ko.
"You stepped into something bigger. And now, they’re making sure you don’t step out."
Biglang nag-vibrate ang phone ni Enzo. Sinilip niya ito, at namutla siya sa nabasa.
Tumingin siya sa akin, at sa unang pagkakataon, may takot sa mga mata niya.
"Run."
Bago ko pa maitanong kung bakit, isang putok ng baril ang umalingawngaw sa alley.
Enzo's POV.
Sa isang iglap, sumabog ang katahimikan ng gabi—isang itim na sasakyan ang humarang sa harapan namin.
"Ava, sumakay ka na, BILIS!" utos ko, mabilis na binuksan ang pinto ng passenger seat.
Pero hindi siya gumalaw.
"Hindi ako t*nga, Enzo." Natawa ako bigla sa sinabi niya. Tumitig siya sa akin, hindi ko alam kung galit o takot ang nangingibabaw sa kanya. "Sino ‘yang nasa loob?"
"Trust me," mariing sagot ko, sabay hatak sa braso niya.
Napamura siya pero sumunod, at pagsara pa lang ng pinto, bumukas na ang makina.
"BUCKLE UP!"
Tumakbo ang sasakyan sa dilim, mabilis, parang hindi na pwedeng huminto.
Huminga ako nang malalim, tinitingnan kung may mga sasakyan bang sumusunod. Wala. Pero hindi ibig sabihin ay ligtas na kami.
Tumunog ang phone ko.
Isang text mula sa unknown number.
“RUN.”
Napalunok ako.
"Ano ‘yan?" tanong ni Ava, napansin ang nanginginig kong kamay.
Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya na kahit tumatakbo na kami, hindi ito sapat.
Dahil ang totoo?
Wala kaming tatakbuhan.
Ang paligid ay nababalot ng katahimikan, maliban sa tunog ng mabilis na humaharurot na sasakyan.
Naramdaman kong bumigat ang tingin ni Ava sa akin, pero hindi ko siya magawang lingunin.
"Enzo…" mahina ang boses niya, pero puno ng alinlangan.
Hindi ako sumagot. Hindi ko kayang sagutin.
Nakita ko sa side mirror ang mahinang paggalaw ng labi niya—parang may gustong itanong, pero natatakot sa sagot.
Huminga siya nang malalim, pilit na kinakalma ang sarili. “Sabihin mo sa’kin, Enzo. Kailan mo pa alam na mangyayari ‘to?”
Hindi ako sumagot. Hindi ko rin siya tiningnan.
Alam kong may takot sa mata niya, pero ang mas kinatatakutan ko…
Hindi ko alam kung kanino siya natatakot—sa mga taong humahabol sa amin… o sa akin.
"Ava," mahina kong bulong, malamig ang tono. "Hindi pa tapos 'to."
Tumango siya, sabay mahigpit na hinawakan ang baril sa loob ng coat niya.
"Tama ka," bulong niya. "Then let's finish it."
Ang hangin sa loob ng sasakyan ay bumibigat. Sa rearview mirror, kita ko ang mga ilaw ng sasakyang sumusunod sa amin—hindi pa rin sila nawawala.
Wala nang atrasan. Alam namin pareho ni Ava ‘yon.
Ramdam ko ang panginginig ng kamay niya habang nakasapo sa loob ng coat niya.
“Handa ka na ba?” tanong ko, hindi inaalis ang tingin sa kalsada.
Hindi siya sumagot agad. Tiningnan ko siya saglit—mahigpit ang panga, naninigas ang katawan, pero hindi ako nakakita ng takot sa mata niya.
“Matagal na akong handa, Enzo,” sagot niya, bumuntong-hininga.
Sa side mirror, lumapit ang sasakyan sa likod namin.
“T*ngina,” mura ko.
"Enzo."
Napatingin ako sa kanya.
Bago pa ako makapagsalita, hinugot niya ang baril mula sa loob ng coat niya—at walang pagdadalawang-isip na itinutok iyon sa labas ng bintana.
Nakaamba ang daliri niya sa gatilyo.
"Ava—"
Kinalabit ang gatilyo.
Umalingawngaw ang unang putok ng baril.
At bumaliktad ang mundo.
Sa likod ng putok ng baril, isang katotohanan ang bumalot sa akin.
"Sh*t, Ava, down!" Sigaw ko habang pumapasok ang sasakyan sa isang madilim na eskinita.
Huminga siya ng malalim, hawak pa rin ang baril, pero hindi niya binaba. "Sino sila, Enzo?"
Dumagundong ang dibdib ko. Hindi ito ang tamang oras. Hindi ito ang tamang lugar. Pero kailan ba naging tama ang oras para sabihin sa isang taong—
"Ilang taon na nilang gustong pabagsakin si Regina," sagot ko, hindi siya tinitingnan. "Pero ikaw, Ava… ikaw ang naging wildcard. Hindi ka nila inasahan."
"T*ngina, ano'ng ibig mong sabihin?"
Sinilip ko ang rearview mirror. Wala na ang humahabol sa amin, pero hindi ibig sabihin ay ligtas na kami.
Huminga ako nang malalim.
“May mas mataas kay Regina. At gusto nilang ikaw ang sumunod.”
Tahimik siya.
Bumaling siya sa akin, dahan-dahan, kita ko sa peripheral vision ko kung paano tumigas ang ekspresyon niya.
"Higit sa lahat, Enzo…” Boses niya, mababa, mapanganib. "Ano ang alam mong hindi mo sinasabi?"
Bumagal ang t***k ng puso ko.
Kung malaman niya ang totoo, babaliktad ang lahat.
At sa sandaling ito, hindi ko alam kung paano ko pa itatago ang nalalaman ko.
Tahimik si Ava habang hawak ang envelope—parang mabigat ito sa kamay niya, pero hindi niya pa alam kung bakit.
Mabilis siyang huminga, kita ko ang bahagyang panginginig ng mga daliri niya habang dahan-dahang binubuksan ito.
“Ava…” Tahimik kong sabi.
Pero hindi niya ako pinansin.
Bumagsak ang isang lumang dokumento sa kandungan niya.
Punit-punit sa gilid, parang galing sa isang pinaglumaan na file.
Tinitigan niya ito, at nang makita ang headline, napasinghap siya.
Confidential Financial Report – Iconic Financial Group.
Dahan-dahan niyang binasa ang papel, hinahanap ang anumang pangalan na magpapatunay na ito nga ang ebidensyang hinahanap niya laban kay Regina.
Hanggang sa dumating siya sa ilalim.
Sa dulo ng dokumento, nakapirma ang pangalan ni Regina Santiago.
At sa tabi nito…
Isang pirma na mas kilala niya kaysa sa kahit kanino pa.
AVA MARQUEZ.
Nanigas ang katawan niya. Hindi gumagalaw, hindi humihinga.
Hindi… Hindi pwedeng…
"Put*ngina, Enzo," bulong niya, nanginginig ang boses. "Ano 'to?"
At sa unang pagkakataon, hindi ko siya kayang tingnan sa mata.
Nakahawak pa rin si Ava sa papel, pero hindi niya ito binabasa—tinititigan lang niya, parang may halong galit at takot ang bawat saglit na lumilipas.
"Ava…" mahina kong tawag, pero hindi niya ako pinansin.
Dahan-dahan niyang binasa ulit ang papel, pero sa pagkakataong ito, nanginginig na ang mga daliri niya.
"Bakit nandito ang pangalan ko?" mahina niyang bulong, pero dama ko ang takot sa boses niya.
Muli niyang sinipat ang dokumento, hinahanap ang paliwanag—ang sagot—pero sa halip, mas lumalim lang ang kumpas ng kanyang paghinga.
Hindi siya lumingon sa akin. Hindi niya hinanap ang sagot sa mukha ko.
Dahil alam niyang hindi ko iyon sasabihin.
Ang sasakyan namin ay nasa kalagitnaan ng madilim na highway, pero kahit may ilaw sa labas, ang loob ng sasakyan ay tila nababalot ng mas madilim pang anino.
Wala akong naisagot.
Hindi pa ngayon.
Hindi pa oras.
Siya ay muling huminga nang malalim, pero hindi na siya galit—hindi na siya nanginginig.
Tumingin lang siya sa harap ko, hawak pa rin ang papel, at sa boses na masyadong kalmado para hindi katakutan, nagtanong siya: "Enzo, anong ginawa nila sa akin?"