NANG matapos na si Ezra sa pag-aayos ng mga gamit niya ay pinatay na niya ang mga ilaw at isinara ang kaniyang opisina. Paglabas niya ay sumakay lang siya ng kaniyang sasakyan para sunduin ang kasintahan dahil gusto raw nitong madalaw ang Nanay niya. Pero bago niya pinaandar ang sasakyan ay tinawagan niya muna ito.
“Hello, Astrid? Papunta na ko,” bungad niya.
“Sige, hinihintay na kita rito sa labas ng opisina,” tugon naman nito.
“Sige, mabilis lang ako,” pagtapos ay pinatay na niya ang tawag na iyon at nagmaneho patungo sa opisina nito.
Isa itong call center agent kaya naman madalas talaga sinusundo niya ito dahil nga alam niya kung gaano na kadelikado ang panahon ngayon, lalo na kung magbibiyahe pa itong mag-isa. Hindi rin naman ganoon kalayo sa station nila ang office nito kaya naman hindi siya nahihirapan.
10 minutes’ drive ay naroon na siya agad sa harapan ng building ng pinagtatrabahuhan nito. Nakita rin naman niya agad ito kaya sa tapat na niya nito inihinto ang sasakyan saka niya ibinaba ang bintana no’n.
“Tara na,” pagkuha niya sa atensiyon nito dahil may kausap itong isang babaeng alam niyang ka-opisina rin nito.
“Ang bilis mo naman,” natatawang sabi nito. “Uy, Fat, una na ‘ko, ha,” paalam naman nito sa kausap bago sumakay ng sasakyan niya.
“Hindi ba traffic?” tanong nito sa kaniyang pagkasakay ng sasakyan. “Hindi ko kasi napansin ang pagdating mo akala ko medyo matatagalan ka pa dahil sa traffic,” dagdag pa nito habang inaayos ang mga gamit na dala saka isinara ang pintuan ng sasakyan.
“Hindi naman, maaga-aga pa naman siguradong mamaya pa ang dagsa ng traffic,” tugon naman niya rito saka muling inituon ang sarili sa pagda-drive.
“Baka pala next week ay iba na ang oras ng shift ko,” naiiritang wika nito.
“Anong oras na ang pasok mo?”
“Hindi ko pa sure, eh, pero susubukan kong makiusap na mag-stay na lang ako sa shift ko ngayon para hindi ka na mahirapan sa pag-intindi sa ‘kin.”
“Okay lang naman sa ‘kin, Astrid, huwag mong intindihin ‘yon,” sabi naman niya dahil alam niyang nahihiya ito. “Ang importante lang sa ‘kin ay ligtas ka. Alam mo naman na ‘yan ang ipinangako ko sa Papa mo nang ibilin ka niya sa ‘kin. I have to keep you safe all the time.”
Hindi naman ito sumagot. Sa totoo lang kasi ay wala namang ligawang naganap sa pagitan nilang dalawa ni Astrid. Anak ito ng dati niyang commandant na si Police Colonel Sanchez. At sobrang laki ng utang na loob niya sa lalaki kaya naman nang mamatay ito sa kaniya nito ipinasa ang responsibilidad sa nag-iisa nitong anak. At dahil sa pagprotekta niya rito ay nahulog ang loob nito sa kaniya, kaya nang umamin ito sa nararamdaman ay hindi na niya nagawang tanggihan. Dahil pakiramdam niya obligasyon niya iyon sa dalaga.
Tahimik lang sila pareho hanggang sa makarating sila sa bahay nila.
“Tara at siguradong hinihintay na tayo ng Inay,” aya niya sa dalaga bago bumaba at binitbit niya ang mga gamit na dala nito. Papasok na sila ng maliit nilang gate nang makita niyang nakatayo roon si Elyse. “Oh, anong ginagawa mo riyan?” nagtatakang tanong niya rito.
“Wala naman, nakatambay lang ako rito. Bakit ba?” masungit namang sagot ni Elyse.
“Baka nakakalimutan mong naka-uniform pa rin ako,” banta naman niya rito.
“Sir, sorry, sir!” sarkastikong wika naman nito kasabay ng pag-ikot ng mata nito.
“Pumasok ka na sa loob ng bahay ninyo! Gabi na pero nakatambay ka pa riyan,” utos naman niya rito bago siya nagdiretso pumasok sa loob ng bahay nila at kasunod lang si Astrid.
“Inay!” tawag niya sa ina nang makapasok na siya.
“Mabuti naman at nandito na ka na,” nakangiti namang wika nito naman nang salubungin sila. “Oh, nariyan ka rin pala, Astrid.”
“Magandang gabi po, Aling Diday,” magalang na bati naman ng dalaga saka ito nagmano.
“Mabuti naman at napadalaw ka ngayon, matagal ko ng sinasabi kay Ezra na dalhin ka man lang dito. Dahil magmula ng mag-asawa ang Tiya Tepay niya ay wala na akong masyadong nakakausap dito sa bahay. Ako’y inip na inip na rin.”
“Busy rin kasi siya sa trabaho, ‘Nay, kaya hindi rin siya pwedeng laging nandito sa atin,” angal naman niya.
“Oh, siya tara’t kumain na muna tayo nagluto ako ng kaunting menudo, mabuti pala at nakapagluto ako dahil hindi rin sinabi sa akin nitong nobyo mo na darating ka ngayon,” aya nito sa kanila at naunang pumasok sa maliit nilang kusina. Isang manipis na plywood lang naman ang divider niyon mula sa maliit nilang sala.
Naupo na sila ni Astrid sa lamesa na pang-apatang tao lang. Ang Inay niya ang naghain para sa kanila. Nang maihain na nito ang pagkain sa lamesa saka lang ito naupo sa isang bakanteng upuan na naroon.
“Kumusta pala, anak, may development na ba ang paghahanap mo sa kakambal mo?” tanong nito nang kumakain na sila. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito pero alam niyang alam na agad nito kung ano ang gusto niyang sabihin dahil lumungkot na naman ang mukha nito. “Mukang mamamatay ako na hindi man lang nakikita ang kapatid mo.” Tuwing uuwi siya ay palagi nitong tinatanong ang tungkol sa kapatid niya.
“Huwag naman kayong magsalita ng ganiyan, ‘Nay, hayaan niyo dahil ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko para makita siya.”
“Pasensiya ka na talaga, anak, hindi lang talaga matahimik ang loob ko hangga’t hindi ko siya nakikita. Ni hindi ko man lang kasi alam kung nasaan na siya o kung buhay pa nga kaya siya.” Sa tuwing naaalala talaga nito ang kambal niya ay ganiyan ang nagiging reaksyon nito.
Hindi pa niya natatapos ang pagkain ay tumayo na siya, lumakad siya sa likuran ng ina at yumakap lang dito. Kahit na pakiramdam niya na ang paghahanap na lang sa nawawalang kapatid ang purpose niya sa buhay ay hindi pa rin niya kayang nakikitang nasasaktan ng ganoon ang ina.
Pero napakahirap ng sitwasyon niya, para siyang naghahanap ng isang karayom sa isang bundok ng dayami. Ni wala silang alam na kahit anong impormasyon dito bukod sa alam niyang kamukha niya ito dahil identical twins sila.
“Makikita rin natin si Ezekiel, ‘Nay, gagawa ako ng paraan para makita natin siya ulit,” pagpapalakas na lang niya ng loob nito kahit ang totoo ay pinaghihinaan na rin siya.
“Salamat, hijo, sige na at ituloy mo na ‘yang pagkain mo,” nakangiti nang usal nito kaya naupo na siya ulit para tapusin ang pagkain. “Dito ka ba matutulog ngayon, Astrid?” baling naman nito sa dalaga.
“Opo sana, para sasabay na po akong pumasok kay Ezra, bukas ng umaga. May baon naman po akong damit dito.”
“Mabuti pala at nagawa kong linisin kaninang hapon ‘yong isang silid,” natatawang sabi naman nito at tahimik na lang nilang tinapos ang pagkain nila.