IKA-3 KABANATA

1321 Words
HABANG sa Pilipinas naman ay abala si Ezra sa mga trabahong nakalatag sa kaniya. Marami nang naka-pending na kaso sa kaniya na dapat niyang ayusin. “Lieutenant!” tawag sa kaniya ni Major Gonzales. “Yes, Major?” mabilis naman siyang tumayo at sumaludo rito, tinanggap naman nito ang saludo niyang iyon. “Ano itong nabalitaan ko na pumalpak na naman tayo sa pagbabantay kay Rafael Illustre?” galit na tanong nito sa kaniya. “Sir, iyan nga rin ang nakarating na balita sa ‘kin at hindi ko rin inaasahan na mas magaling pa ang mga tauhan ni Illustre kaysa sa atin.” “Hindi pwedeng ganiyan! Kung mas matinik ang mga tauhan ni Illustre dapat maging mas matinik ang mga tauhan mo, Lieutenant! Matagal nang naka-timbre sa atin itong si Illustre pero ni isang ebidensiya ay wala pa rin tayong nakukuha laban sa kaniya. Talamak na ang droga sa buong Quezon City dahil sa hinayupak na ‘yon at hindi tayo tatantanan ni Colonel,” naiinis na sigaw nito sa kaniya. Totoo naman ang sinabi nito dahil malaking isda si Rafael Illustre sa kanila pero hindi nila ito mahuli-huli dahil sa kakaibang galaw nito at tila nababasa nito ang bawat kilos ng mga kapulisan kaya naman sa tingin nila ay may espiya ito sa loob kaya hindi nila ito maaktuhan. “Naiintindihan ko po, sir! Huwag kayong mag-alala personal ko na pong hahawakan ang pagsunod sa bawat kilos ni Illustre para maiwasan ang mga ganitong pangyayari,” paniniguro naman niya sa nakatataas sa kaniya. “Mabuti pa nga na ganoon ang gawin mo,” pagtapos ay hinawakan nito ang kaniyang balikat. “Malaki ang tiwala ko sa ‘yo, Lieutenant Manalo, kaya sa ‘yo ko ibinigay ang kasong ito. Dahil sa ginagalawan natin mahirap magtiwala kahit pa nga sa mismong kabaro natin. Kaya mas mag-iingat ka sa mga taong pinagsasabihan mo at pinagkakatiwalaan mo ng napag-uusapan natin. Hindi biro ang kapit ni Rafael Illsutre at sigurado akong may malaking personalidad na nagpo-protekta sa taong iyan. Maaaring hindi lang sa loob ng kapulisan kundi maging sa loob mismo ng gobyerno,” muling paalala nito sa kaniya. “Naiintindihan ko po, sir! Umasa po kayong hindi ko sisirain ang tiwala ninyo sa ‘kin,” pagtapos ay muli siyang sumalido rito. “Mauna na ako, kung may mensahe kang ipararating sa ‘kin ay diretso mong itawag sa akin at huwag mo ng padaanin kung kani-kanino.” “Sir, yes, sir!” pagtapos ay tinanggap nito ang saludo niya saka lumabas ng silid ng opisina niya. Muli niyang tiningnan ang chart kung saan naroon ang mukha ni Illustre at ng mga ka-transaksyon nito. Halos nahuli na nila ang lahat ng nasa ibaba nito ngunit hindi naman ito tinuturo ng mga taong iyon. Alam niyang malaking pera ang nakapangako sa pananahimik ng mga tauhan nito. Hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang matibay na ibedensiya na makakapagdiin at makakahuli kay Illustre. Isang mahinang katok ang pumukaw sa kaniyang atensiyon. “Pasok,” wika niya habang nakatingin pa rin sa chart. “Pinatawag mo raw ako,” saad ni Police Master Sergeant Elyse Jimenez. “Sarhento, personal kong ipapahawak sa ‘yo ang kaso ni Rafael Illustre,” simula niya saka tumingin dito nabakas naman ang labis na pagtataka sa mukha nito. “At ikaw lang ang tanging napagkakatiwalaan ko pagdating sa kaso na ito.” “Ikinararangal ko ang mapili mo, Lieutenant!” nakangiti naman usal nito. “Mabuti kung gano'n, minabuti ko na tayong dalawa na lang ang nakakaalam nito dahil alam mo kung gaano kabigat na target itong si Illustre, at hindi biro ang pagdadaanan natin para lamang makakuha ng mabigat na ebidensiya at maipakulong ang taong ito. Kaya inaasahan ko na sasarilinin mo ang misyon na 'to.” Tumatango-tango naman ito. “Sasabihin ko rito sa station na binitiwan ko na ang kasong ito para wala nang magtanong sa kanila. Aasahan ko ang pakikipagkaisa mo, Sarhento.” “Walang problema, Lieutenant! Pero ano ang sasabihin natin baka mayroon ding makahalata kung palagi tayong lalabas na magkasama?” tanong naman nito sa kaniya. Inilapag niya rito ang litrato ng isang babaeng pinatay at itinapon na lamang sa talahiban sa may Sangangdaan. “Itong kasong ito ang ipo-front natin sa kanila, pero talagang hahawakan natin ito para magkaroon din ito ng development. Malaking kaso rin ang pagkamatay ng batang ito at malakas ang kutob ko na may kinalaman din ito kay Rafael Illustre. At isa pa walang nakakakilala sa babaeng ito sa lugar ng pinagtapunan kaya sa tingin ko ay sa ibang lugar ito nakatira at sa ibang lugar din ito pinatay saka itinapon sa lugar na 'yon,” paliwanag niya rito at napatango naman siya. “May ilang larawan na lumalabas sa social media na nakasama ng babaeng 'to si Illustre.” “Kung gano'n related ang dalawang kasong hahawakan natin?” “Tumpak! Pero walang dapat makahalata na si Illustre ang pangunahin nating suspek sa pagkamatay ng babaeng 'to,” muling paalala niya rito. “Huwag kang mag-alala, Lieutenant, hindi ko sisirain ang tiwala mo!” pagtapos ay sumaludo ito sa kaniya tinanggap naman niya ang saludong iyon. “Good! Sige, maaari ka nag lumabas,” aniya saka muling tumingin sa litrato. “Hindi ka pa ba uuwi? Uwian na rin ah,” wika naman ni Elyse sa binata kaya wala sa loob na napatingin siya sa kaniyang relo. “Oo nga, ‘noh. Sige, maraming salamat!” pagtapos ay niligpit na niya ang kaniyang mga gamit, nilinis na rin niyang ang laman chart kung saan nakalagay ang mga development sana ng kaso ni Illustre. Inilagay niya ang mga iyon sa loob ng vault niya, lahat ng papeles na gamit niya sa kaso ni Illustre ay inilagay na niya roon sa loob para walang ibang makakita at wala na ring magtanong pa sa kaniya. “Oh, bakit nandiyan ka pa?” nagtatakang tanong niya kay Elyse nang mapansin na nakatayo pa rin ito roon. “Hindi ba uuwi ka na? Sasabay na sana ako sa ‘yo,” nakangiting wika nito. Bukod kasi sa magkababata sila nito ay magkapit-bahay din sila. Isa rin sa dahilan kung bakit ito ang pinili niyang makasama para sa kasong ‘yon. “Hindi pa ako uuwi, magkikita pa kami ni Astrid,” tugon naman niya. Matagal na niyang girlfriend si Astrid. Napansin pa niyang mapasimangot si Elyse sa sinabi niya. “Mauna ka na!” “Oo na, ano pa nga ba!” naiinis na wika nito. “Aba’t! Baka nakakalimutan mong mas mataas ang posisyon ko sa ‘yo!” paalala niya rito. “Oo na, oo na po, sir!” wika nito at pinagdiinan pa ang salitang sir. Bago pa man siya makasagot ay mabilis na itong nakalabas ng opisina niya. Naiiling na lang na itinuloy niya ang pagliligpit ng mga gamit na nasa desk pa niya. Binuksan niya ang drawer para ilagay roon ang iba pa niyang gamit nang mahagip ng tingin niya ang bracelet niya at ng kaniyang kakambal na si Ezekiel. Pinasadya pa ‘yon ng kanilang ina para sa kanilang dalawa bago pa man sila ipanganak nito pero sa kasamaang palad ay hindi na iyon naisuot pa ng kambal niya. Sa loob ng 29 years ay hindi man lang sila nagkaroon ng kahit na anong balita tungkol dito. Ni hindi nila alam kung saan ito naroroon ngayon o kung buhay pa nga ba ito dahil ang sabi lang kaniyang ina ay Leader ng isang Chinese Mafia Group ang kumuha sa kaniyang kapatid. Kaya naman nagsikap siyang makapasok sa kapulisan upang magkaroon ng pagkakaton na mahanap niya ito. Ngunit ilang taon na rin siya sa loob niyon ay wala pa rin siyang nakukuhang kahit anong impormasiyon. Si Rafael Illustre ang huling taong inaasahan niyang makapagtuturo kung sino ang kumuha sa kaniyang kapatid dahil ayon sa source niya ay may contact ito sa Mafia Group sa China.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD