NAGISING si Jin dahil sa ingay na nanggagaling sa labas ng kaniyang silid. Kaya kahit inaantok pa ay napilitan siyang bumangon at tingnan kung ano ang nangyayari sa labas.
“Ano bang nangyayari dito?” Naiinis na tanong niya habang nagkakamot pa siya ng ulo.
“Young Master, nandito na po kasi ang mga gamit na susuotin at dadalhin ninyo sa pagpasok sa kompanya,” tugon naman ni David at nakita nga niya na ipinapasok na ang malalaking kahon at ilang mga naka-hanger na damit.
Marami naman siyang ganoon sa loob mismo ng bahay nila na iyon pero halos hindi naman niya nagagamit dahil hindi naman siya lumalabas at napakaimposible namang magamit niya sa training ang mga iyon.
“Bakit ba kailangan pa ng ganiyan karami?” salubong ang kilay na tanong niya.
“Ito po kasi ang utos ng Papa niyo at wala naman po kaming magagawa kung hindi ang sumunod dahil alam niyo naman po kung anong mangyayari sa amin kung hindi kami susunod sa gusto niya,” sagot naman sa kaniya ni David. “Pwede na po kayong pumili ng isusuot niyo.”
“Any comfortable to wear will do!” walang ganang sagot niya. “Nasaan ba ang almusal ko?” tanong niya at padaskol na naupo sa dining area niya. May sarili talaga siyang kainan.
“Pakilabas ang almusal ng Young Master,” utos naman ni David at ilang saglit lang ay naglabasan na ang mga katulong nila roon. Isa lang siyang pinagsisilbihan sa bahay na iyon pero napakarami niyang alalay at mga katulong.
“Ito na po ang almusal ninyo, Young Master,” usal ng isang katulong sa kaniya at isa-isa na nitong inilagay sa harapan niya ang mga pagkain na nasa food trolley cart.
Sausages, eggs, bread, fruits at black coffee ang nasa harapan niya. Dahil na rin sa ingay ay wala na siyang ganang matulog kaya naman kinain na lang niyang lahat ng pagkain na nasa harapan niya.
“Kung tapos na kayong kumain, Young Master, pwede na po kayong pumili ng isusuot ninyo para makaalis na tayo,” usal ni David nang makitang tapos na siyang kumain.
“Hindi ba, sinabi ko naman sa ‘yo na ikaw na ang pumili. Maliligo lang ako, gusto ko paglabas ko ng banyo ay nakaayos na ang susuotin ko sa ibabaw ng kama. Nakakapagod ka nang kausap, David!” naiiling na wika niya rito saka siya tumayo sa kinauupuan at nagtungo ng bathroom para maligo.
May heater naman sila roon kaya nagbabad na muna siya sa bathtub niya, sigurado kasing kapag nagkita naman sila ng Papa niya ay stress na naman ang aabutin niya.
Kung tatanungin kung masaya ba siya sa buhay niya, isa lang ang sagot isang malaking hindi. Dahil paano nga naman siya magiging masaya kung ganoon na para siyang puppet nito. Don’t get him wrong dahil alam niya sa sarili niya na mahal pa rin niya ito bilang ama. Hindi lang maiiwasan na sumama ng loob niya rito dahil tumanda siya nang ganoon ni minsan hindi niya naramdaman ang pagmamahal nito.
Ipinilig na lang niya ang ulo dahil sa kadramahan na tumatakbo sa utan niya. Pagtapos niyang magsabon, mag-shampoo at magbanlaw ay tumayo na siya saka binalabalan ng tuwalya ang sarili.
Paglabas niya ay nakalatag na sa harapan niya ang kulay itim na tuxedo, puting long sleeves, itim na necktie at itim na sapatos. Napatango na lang siya nang makitang maganda ang napiling damit sa kaniya ni David.
Nagbihis lang siya at inayos ang sarili pagtapos ay lumabas na siya. Paglabas niya naka-ready na ang lahat pati na rin si David. “Let’s go!” aya na niya sa mga ito habang inaayos niya ang wrist watch niya.
Nauna siyang lumakad palabas ng bahay at nakasunod lang ang mga ito sa kaniya. Nakaabang na rin ang sasakyan niya sa paglabas niya, tatlong convoy sila ng BMW sila at sa kaniya ang nasa gitna. Parang anak ng mahalagang personalidad kung titingnan. Sumakay siya sa backseat ng sasakyang nasa gitna habang si David naman ay naupo sa passenger’s seat.
Hindi pa siya sigurado pero alam niyang mahabang biyahe na iyon.
Mula sa Hong Kong Central ay binagtas nila ang daan papuntang Kowloon City. Ang Kowloon City ay isa sa mga lugar na kinatatakutang puntahan sa Hong Kong dahil sa napakaraming madidilim na gawain sa lugar na iyon.
Nandoon ang talamak na bentahan ng droga, mga illegal na bentahan ng mga baril at maging ang illegal na bentahan ng mga babae. Bantad iyon sa Hong Kong pero hindi iyon nalalaman ng mga torista. At hindi rin basta-basta nakakapasok ang kahit sino sa Kowloon City at hindi rin porket nakapasok ka ay sigurado nang makakalabas ka ng buhay.
Pagdating sa Kowloon City ay pumasok ang sinasakyan nila sa pagitan ng mga lumang gusali, madidilim ang mga eskinita roon kahit pa nga magtatanghaling tapat pa lang. Maya maya ay pumasok na ang kotse nila sa isang lumang gusali, pagpasok nila roon ay kusang bumukas ang roll up noon. Luma ngunit kakaiba ang seguridad ng lugar na iyon.
Paghinto ng sasakyan ay lumingon na sa kaniya si David. “Young Master, pwede na po tayong bumaba,” usal nito pagtapos ay nauna rin naman itong bumaba at pinagbuksan pa siya ng pintuan.
Pagbaba niya ay sinalubong siya ng mga tauhan ng kaniyang ama. Pagtapos ay pumasok sila sa isang luma ring elevator. Pagpasok roon ay pababa ang naging paggalaw noon, pababa pero pataas ang bilang, dinala sila noon sa ikalimang palapag. Pagbukas noon ay hindi niya inaasahan na ang bubungad sa kaniya ay tila isang casino. Maraming taong nagkakatuwaan doon, may mga alak at halos punong-puno na rin ng usok ang buong paligid. May mga Filipino, may mga Chinese at may iba’t iba pang mga lahi.
“Young Master, dito po tayo.” Pagtapos ay patuloy siyang iginiya ni David palabas sa casino na iyon. Halos lahat ng tao roon ay pinagtitingnan siya dahil hindi rin niya maintindihan kung bakit parang ang babaho ng mga tao roon.
Maya maya ay pumasok ulit sila sa loob ng isang elevator, sa pagkakataong iyon ay paangat na ang andar noon. Doon naman ay dinala sila nito sa 17th floor. Pagbukas ng elevator ay ang nakayukod na mga tauhan ng kaniyang ama ang sumalubong sa kaniya.
Mataas na ang lugar na iyon pero madilim pa rin ang pagkakayari sa building.
Nagulat siya dahil hindi naman niya inaasahan na ganoon ang magiging pagsalubong sa kaniya.
“Kanina pa po kayo hinintay ni Boss, Young Master,” usal ni Kenroy, kilala niya ito dahil isa ito sa mga sumasama sa ama niya kapag gusto nitong makita ang natututunan niya.
Nauna lumakad si Kenroy at sumunod lang sila rito ni David. Pumasok sila sa isang madilim na silid. Puro usok lang ng sigarilyo ang maaamoy at makikita sa paligid dahil nga may kadiliman sa loob.
“Mabuti naman at narito ka na, Jin, kanina pa kita hinihintay,” usal ng ama niya pagtapos ay iniikot na nito ang swivel chair na inuupuan nito. Pagtayo nito ay nagyukuran dito ang mga taong nandoon sa loob ng silid. “This is about time para naman magkaroon ka na ng idea kung ano ba talaga ang negosyo natin at kung paano ba patakbuhin ang kompanyang ito,” simula nito pagtapos ay lumakad sa kaniya palapit. “Dumarami na ang competitor natin. At hindi na ‘ko bumabata kung ngayon pa lang ay hindi mo na aaralin ang lahat siguradong kakainin nila ng buo ang Dark Eagle Organization.”
“Itinuro mo lang ang mga dapat kong malaman, ‘Pa, hindi naman ako mahihirapang aralin ang lahat ng ‘yan, eh,” mayabang naman na sagot niya pero totoo naman ang sinabi niya. Tumanda siya nang ganoon, hindi lang siya sa physical activities magaling katunayan siya ang first honor lagi sa klase nila. Hindi lang iyon binibigyang halaga ng Papa niya dahil para dito mas mahalaga ang physical activities improvement niya.
“Sumunod ka sa ‘kin, Jin,” utos nito sa kaniya at nauna itong lumakad sa kaniya pero nakakailang hakbang pa lang ito ay huminto ulit at lumingon. “Hayaan niyo muna kaming dalawa ni Jin, ako na ang bahalang magturo at magsabi sa kaniya ng lahat,” may awtoridad na wika nito.
“Yes, Boss!” halos sabay-sabay na sabi ng lahat kaya naman nagsimula na ulit itong lumakad, lumabas ulit sila ng silid at muling yumukod ang mga taong naroon.
“Bilisan mo, Jin,” wika ng ama niya kaya mabilis naman siyang sumunod dito. Pumasok sila sa isang library, hindi niya alam kung anong gagawin nila roon pero mukhang nandoon ang lahat ng kailangan nitong ituro sa kaniya.
Pero nagsalubong ang kilay niya nang makitang lumapit ito sa isang poste, may kung anong hinahanap ito roon, may narinig siyang pinindot nito at kasunod noon ay nahati sa dalawa ang isang malaking bookshelves at sa loob noon ay may hagdanan pababa.
“Tara, sumunod ka sa ‘kin,” aya nito saka naunang bumaba at tulad ng sabi nito ay sumunod naman siya rito. Pero hindi niya inaasahan ang makikita niya sa loob. “Listen to me carefully, Jin,” usal nito kaya seryoso siyang napatingin sa ama. “All my assets are here, walang ibang nakakaalam nito kung hindi ikaw.”
Doon niya naiikot ang tingin sa paligid, lahat yata ng klase ng mamahaling mga bato at brilyante ay nasa loob ng silid na iyon. It was the rare of the rarest. Bawat madaanan ng kaniyang mga mata ay nagkikislapan.
“Pero, saan ‘yan lahat galing, ‘Pa?” hindi makapaniwalang tanong niya rito.
“Tandaan mo, Jin, ito ang hinahabol ng ibang Mafia Group sa atin, bukod sa mga transaction record nila ay gusto nilang makuha ang yaman ng Dark Eagle, hindi sila titigil hangga’t hindi napapasakamay nila ang lahat ng ito dahil ang mga ito lang ang susi para makuha nila ang lahat ng mabibigat na transaction na sa atin dumadaan.”
“Hindi ko maintindihan ang mga sinasabin inyo, Mafia Group? Transaction?”
“Dark Eagle Organization was a Mafia Group, isa tayo sa kinatatakutang Mafia Group dito sa Hong Kong at sa iba’t ibang panig ng Asya. Nasa atin din dumadaan ang lahat ng malalaking transaksyon ng droga na nagbabagsak sa iba’t ibang bansa.”
May hint naman siya na may madilim na negosyo talaga ang kaniyang ama pero hindi niya inaasahan na ganoon pala kadilim ang tinatrabaho nito.
“Marami pa akong ipakikita sa ‘yo, Jin, pagtapos natin dito. Ito lang kasi ang pinakaimportante kaya ito ang inuna kong ipakita sa ‘yo.”