PAGPASOK pa lang ni Astrid ng apartment niya ay dumeretso agad siya sa kama niya at pabagsak na inihiga ang sarili roon. Hindi naman siya pagod sa trabaho niya, napapagod siya sa sitwasyon nila ni Ezra. Ang lapit-lapit nito sa kaniya pero parang ang hirap nitong abutin. Ni hindi man lang sila komportable na pag-usapan ang relasyon nila.
Kahit pa nga sabihin na kasintahan na niya ito ay hindi niya magawang maging masaya dahil alam naman niyang hindi siya mahal nito. Kahit naman hindi nito sabihin iyon ay ramdam na ramdam niya. At natatakot lang siyang komprontahin ang binata. Natatakot siyang mawala sa kaniya iyong kakaunting pag-asang natitira sa kaniya.
Bago pa man kasi namamatay ang Papa niya ay matagal na siyang may crush kay Ezra dahil nga ito lang ang pinagkakatiwalaan ng Papa niya kaya madalas ito sa bahay nila dati. Pero kahit pa nga gaano niya ito katagal titigan noon ay ni isang sulyap yata ay hindi nito ibinigay sa kaniya. Hindi naman niya alam na sa pag-amin niya ng nararamdaman niya para dito ay magiging boyfriend niya ito nang wala sa oras.
Napabungtong-hininga siya sa mga tumatakbo sa isip niya. Kinuha niya ang cellphone sa bag niya na hawak pa rin niya para tawagan ang kaibingan niyang nakakaalam ng lahat ng nararamdaman niya.
“So, what’s the news?” Bungad agad nito na ni walang hello man lang. Kahit hindi niya kasama si Fat ay alam niyang nakangiti ito.
“Wala, eh, pinayagan lang niya ako, parang ewan naman kasi talaga ‘yong plano natin na ‘yon. Umpisa pa lang naman alam ko nang hindi niya ko pipigilan, eh, bakit ba kasi pumayag pa ‘ko sa plano mo na ‘yon,” naiiling na wika niya rito. Actually kasi hindi naman talaga totoo ‘yong sinasabi niya company getaway, si Fat lang ang nakaisip noon dahil kapag pinigilan daw siya ni Ezra ang ibig sabihin nag-aalala ito na mawawala siya ng ilang araw.
“Oh, eh, di ituloy mo na, malay mo naman, eh, dahil sa pag-alis mo ma-realize niya na mahal ka talaga niya at ma-miss ka niya, hindi ba? Hindi niya kasi ‘yon malalaman hangga’t alam niyang nasa tabi ka lang niya,” payo naman nito sa kaniya. “Biruin mo ilang taon na ba kayong dawala at ni holding hands yata ay hindi niyo man lang nagagawa. Sayang ang ganda mo, girl! Nasa ‘yo na kasi ayaw mo pang i-seduce!”
“Siraulo ka ba! Ayoko namang magbago ‘yong tingin no’ng tao sa ‘kin saka alam ko nirerespeto lang niya ako. Saka mamaya subukan ko ‘yang sinabi mo i-reject lang niya ‘ko lalo, mas masakita ‘yon at baka wala na ‘kong mukhang maiharap sa kaniya. And remember, hindi totoo na may ticket na ako kaya paano ko tototohanin ‘yang plano na ‘yan,” pagpapaaalala niya rito dahil nga gawa-gawa lang naman nila iyon.
“Ano bang seduce ang iniisip mo? Gagi! Hindi ko naman sinabi na maghubad ka sa harap niya! Ang ibig kong sabihin do’n mag-level up ka naman, girl, tigilan mo na ‘yang Maria Clara image mo!” natatawang sabi naman nito sa kaniya. “Saka ano ka ba ang dali-dali naman magpa-book, kung gusto mo ako na ang gagawa para sa ‘yo padalhan mo lang ako ng datung. Kaya ituloy mo na, hindi man para kay Ezra siguro para na rin ‘yan sa sarili mo.”
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko, mapapasubo na naman ako riyan sa plano mo na ‘yan,” naiiling na lang na sabi niya sa kaibigan. Noon pa man ay ipinagtutulakan na siya nito na mag-upgrade na raw siya pero hindi pa rin niya kaya. Kilala kasi niya si Ezra at lalong hindi ito mahuhulog sa kaniya kung ganoon ang gagawin niya.
“Okay lang ‘yan, bawasan mo na lang ‘yang ipon mo riyan. Sigurado namang malaki-laki na ang ipon mo dahil pensionado ka naman, eh.”
“Sige na, sige na. Ano naman kayang gagawin ko mag-isa ro’n.” Hindi pa rin siya sang-ayon sa gusto nitong mangyari pero ayaw naman niyang magmukhang ewan sa paningin ni Ezra kaya mapipilitan talaga siyang pumunta ng Hong Kong para lang matupad ang palpak nilang plano na iyon.
“Eh, di i-book na lang kita ng package, ‘yong may kasama ng mga tour, sigurado naman ako na ma-enjoy mo ‘yon.”
“Ayaw mo bang sumama?” aya niya rito, tutal ito naman ang nakaisip ng lahat, eh.
“Naku, Astrid, alam mo namang sapat lang na pangkain namin ang kinikita ko, ni pang-kape nga ay wala ako, hindi ako kasing yaman mo!” Sa tono nito alam niyang may gusto itong sabihin sa kaniya.
“Oo na, lilibre na nga kita, ayaw mo pang diretsuhin, alam ko naman ‘yon lang ang gusto mong sabihin.”
“‘Yan kasi ang sinasabi ko sa ‘yo, Astrid, madali naman akong kausap basta ganiyan, eh.” At doon na sila natawa pareho.
“Sige, send mo na lang sa ‘kin ‘yong bank account mo para mai-send ko sa ‘yo ‘yong pera at para naman maipa-book mo na,” usal naman niya rito.
“Sige, walang problema, hahanap na lang din muna ako ng package tapos i-send ko sa ‘yo bago mo ipadala ‘yong pera.”
“Sige na, papahinga na muna ako, inaantok na rin naman ako,” paalam na niya rito.
“Okays, maya send ko sa ‘yo.”
“Hay naku sana payagan tayo pareho na mag-leave nito.” Naiiling na wika niya nang maalala na hindi pa pala sila nakakapag-file ng leave.
“Huwag ka na mag-alala, ang beauty ko na ang bahala kay Sir Henry!” Natawa na naman siya sa sinabi nito dahil alam nila pareho na patay na patay rito ang TL nilang iyon.
“Sige, diyan na kita aasahan ngayon,” nakangiting wika niya. “Sige na, balitaan mo ‘ko, sigurado namang maya maya ay magigising pa ako dahil maaga pa naman, gusto ko lang muna ipahinga ‘yong utak ko.”
“Okay, pagpupuyatan kong maghanap ng magandang package minsan lang ‘tong chance na ‘to. Minsan talaga masarap magkaroon ng kaibigan na galanteng pensionado!”
“Siraulo!” Natatawang sabi niya rito. “Sige na, bye, pahinga muna ako.” Pagtapos ay binaba na niya ang tawag na iyon. Tumayo muna siya sa kama niya para magbihis.
Kahit pa nga mag-isa na lang siya sa buhay dahil nga maaga naman siyang naiwan ng mga magulang niya ay hindi naman na siya ganoon kalungkot dahil kung may kaibigan naman siyang gay ani Fatima, saka parang pamilya na rin naman ang turing sa kaniya nila Ezra kaya nga isa rin talaga iyon sa dahilan kung bakit natatakot siyang tuluyang mawala sa kaniya ang binata.
Pero hindi talaga madaling mamuhay nang mag-isa, siguro kinailangan na lang din niyang i-survive ang sarili niya kaya ganoon na kinakaya niya.
Marami na rin ang nagsasabi sa kaniya na pwede nga niyang inegosyo ang perang nakukuha niya pero mas pinili pa rin niya ang mamasukan bilang call center agent dahil mas marami siyang taong nakakasalamuha at marami siyang taong nakakausap. In that way, mas nalilibang ang utak niya at kahit paano nakakalimutan niya ang personal niyang buhay.
Siguro magiging masaya lang siya totally kapag alam na niyang mahal din siya ni Ezra. Sa ngayon kasi dito na lang talaga siya humuhugot ng lakas at ito na lang ang nag-iisa niyang dahilan para ipagpatuloy niya ang buhay niya.
Pagtapos niyang magbihis ay tinungo na ulit niya ang kama niya. Saktong paghiga niya nang tumunog naman iyon. That was Fatima again.
“Yes, hello?” pagsagot niya sa tawag na iyon.
“Ayan sabi ko na nga ba at gising ka pa,” sabi naman nito. “Ito na nga kasi nakakita na ‘ko agad. Oh, ‘di ba, ang bilis lang naman!” nakatawang wika nito.
“Mukhang pagbaba ng tawag kanina ‘yan na agad ang inasikaso mo, ah.”
“Siyempre naman. Sinabihan na kita, hindi ba? Balak ko nga talagang pagpuyatan ‘to kung hindi kaagad ako nakakita, eh. Teka, send ko sa ‘yo ‘yong packages nila, ha.” Pagtapos ay ilang saglit na natahimik ang linya nito. “Oh, ayan na-send ko na, at ang isa pa palang good news ko sa ‘yo ay natawagan ko na si Sir Henry at pumayag na siya na huwag na tayong pumasok bukas, siya na raw ang bahalang mag-cover sa ating dalawa. Pero iyon nga lang at magiging sick leave itong atin dahil biglaan.”
“Grabe! Ang bilis mo namang naasikaso ‘yan!” hindi makapaniwalang sabi niya sa kaibigan.
“Siyempre nang ma-confirm ko na available naman ang package sa next day, tinawagan ko na agad si Sir para naman hindi na tayo pumasok bukas, gusto ko nang mag-ayos ng mga gamit ko saka mamili kung may mga kailangan pang bilhin.” Ramdam na ramdam niya ang excitement sa boses ng kaibigan kaya tuloy kahit hindi naman planado talaga ang laakd nilang iyon at hindi na rin niya maiwasang ma-excite na rin. “Saka 3 days and 2 nights lang naman ito kaya hindi naman masyadon mahihirapan si Sir Henry na i-cover tayong dalawa.”
“Oh, siya sige i-send mo na rin sa ‘kin ang account number mo para mai-send ko sa ‘yo ang pangbayad natin dyan sa package na ‘yan,” wika naman niya.
“Sige, para makapagpahinga ka na rin.”
“Okay, tatawagan ko pa rin kasi si Ezra dahil baka sunduin pa niya ‘ko bukas, mahirap na at baka maabala ko pa ‘yong tao.”
“Sige, send ko na lang din sa ‘yo ‘yong confirmation kapag dumating na. Bye! Rest well my dear best friend!” natawa naman siya sa huling sinabi nito dahil ramdam na ramdam niya ang kilig nito.
“Bye!” hindi pa rin naalis ang ngiti na paalam niya sa kaibigan saka niya pinatay ang tawag na iyon.
Tiningnan niya ang package tour na nakita nito. Worth 10,988 for each person ang package na iyon medyo pricey pero okay na rin naman dahil minsan lang naman. Ise-send na sana niya kay Fatima ang pero para sa package tour na iyon nang maka-received siya ng text mula kay Ezra, contact number lang ang laman ng text message na iyon kaya nagsalubong ang kilay niya. Re-reply-an na sana niya ang binata nang tumunog naman ang cellphone niya at ito na nga ang tumatawag.
Napadiretso siya ng upo at pahagya pa siyang kinabahan bago sagutin ang tawag na iyon. Ganoon palagi ang pakiramdam niya kapag tumatawag ito, para pa rin siyang teenager na kinikilig kapag nakikita ang crush niya.
“Hello?” bungad niya.
“Hello, Astrid, ‘yong number na ibinigay ko sa ‘yo, siya ‘yong maghahatid-sundo sa ‘yo kaya i-save mo na ‘yong number niya. Simula bukas siya na rin ang maghahatid at magsusundo sa ‘yo,” wika naman nito.
“Ay, hindi na muna bukas kasi hindi na kami pinapapasok para makapag-prepare na kami sa pag-alis namin,” usal naman niya.
“Ah, okay, sige tawagan mo na lang ako kung anong oras ang alis niyo sa susunod na araw para maihatid kita sa airport.”
“Eh, hindi na rin kasi may service na kami papunta roon, may kasabay naman ako kaya huwag ka na mag-alala, ite-text na lang kita kapag nasa airport na kami no’n.” Ang inaalala kasi niya eh baka malaman nito na gawa-gawa lang nila ni Fatima ang kunwaring company getaway na iyon.
“Oh, sige, balitaan mo na lang. Sige na magpahinga ka na rin!” Pagtapos ay pinatay na nito ang tawag na iyon, na hindi man lang hinintay na makapagsalita pa siya.
Napabungtong-hininga na lang na napatingin siya sa cellphone niya kailan naman kaya na siya ang mauunang magbaba ng tawag sa kanilang dalawa. Sa simpleng ganoon ay nararamdaman talaga niya na ang totoong nararamdaman ni Ezra.
Tinapos na lang niyang i-send sa account ni Fatima ang pera na pambayad nila pagtapos ay nahiga na siya. Ayaw na niyang tuluyang pasamain ang loob niya at ayaw rin naman niyang masira pa ang mood niya sa pag-alis nila ni Fatima.