Hindi nagtagal ay agad din siyang isinabak sa shooting range ng kaniyang ama kasabay nang pagti-training niya ng martial arts. Sa tulong din naman ni Ken ay mas lumawak pa ang kaalaman niya sa martial arts, na kung dati ay napapanuod niya lamang. Sadyang hindi madali ang kaniyang bawat training araw-araw ngunit kailangan niyang kayanin upang mas ipagmalaki pa siya ng ama at nang sa gano'n ay mas pagtiwalaan na maging kanang kamay nito. Anuman ang pinaplano niyang malaking pagbabago sa grupong binuo nito ay minabuti niyang sarilihin na muna. Dahil sa tingin niya ay hindi naman matatapos ang kaniyang pag-eensayo sa trabahong pinasok niya.
"Mas gumagaling ka, Karadine. Hindi nga nagkamali ng desisyon ang iyong ama. Dahil ikaw lang ang kinakitaan niya ng tapang at angas sa inyong magkakapatid pagdating sa pakikipaglaban." Bahagyang napaawang ang labi niya sa sinabi ni Ken. Saka naman sumagi sa isip niya kung paano siya nagawang isama noon ng ama sa bawat training nito sa martial arts.
"Kung ganoon ay matagal na po pala akong inihanda ni papa para sa bagay na 'to?"
Tipid na napatango si Ken. "Sa totoo lang ay ikaw lang daw ang nagpakita ng interes noon sa martial arts. Kasi, minsan niya na rin isinama noon sina Margaret, Tamara at Isabel para manuod ng mga training niya pero mas pinili lamang ng mga ito ang maglaro."
Napahalukipkip siya sa katotohanang iyon. Batid niya na nagsasabi ng totoo si Ken dahil hindi lang naman ito basta kakilala lamang ng kaniyang ama, isa pa itong pinagkakatiwalaang kaibigan.
Kaya naman sa tuwina ay bigla na lamang siyang napatanong pa rito. "Tito Ken, kung matagal na po kayong magkaibigan ni papa, edi may nalalaman ka po tungkol sa negosyong pinapatakbo niya?"
Nakita niya ang pagngiwi nito. "Oo, Karadine. Sa katunayan ay sinubukan ko siyang pigilan noon pero sadyang desidido ang 'yong ama na ipagpatuloy ang negosyong 'yon. E, sa roon naman kasi talaga kayo mabilis na yayaman. Pero kahit ganoon, hindi naging hadlang 'yon para manatili ang friendship namin, kahit ilang taon ang tanda ko sa kaniya. Kaya nga nang magkaroon siya ng interes sa martial arts ay buong puso ko siyang tinuruan."
"Ngayon pa lang ay masasabi kong isa ka talagang tunay na kaibigan, Tito Ken. Kahit naman ako, simula nang malaman ko ang tunay na kalakalan sa pabrikang pinapatakbo ni papa ay hindi ko siya nagawang isumbong sa mga pulis. Oo, nagalit ako no'ng una, pero naisip ko na kung paiiralin ko ang galit ay posibleng mawalan ako ng ama anytime."
"Hindi ka ba nagdalawang isip na pumasok din sa trabaho ng 'yong ama?"
"Sa totoo lang, Tito Ken, hindi. Kasi parang ramdam ko rin na dito talaga ako nakatadhanang magtrabaho. Saka, hindi naman ako pumasok sa grupong 'to para lang magpaa-impress kay papa, kundi dahil sa aking pinaplanong pagbabago."
Hindi inaasahan ni Ken ang sinabi niya, dahilan para maningkit ang mga mata nito sa kuryosidad. "Ano namang pinaplano mo? P'wede mo naman sabihin 'yon sa akin."
Tipid siyang napailing. "Sa akin na po muna 'yon, Tito Ken," may pagkailang na sabi niya, lalo na't umaasa siyang madi-disappoint niya ito.
Pero hindi niya inaasahang sasang-ayon lamang ito. "Sinasabi ko na nga ba at hindi ka lang magandang bata, magaling at matalino pa. 'Di bale, kahit hindi mo naman sabihin sa akin ang pinaplano mo ay batid kong para 'yon sa mabuti. Inaasahan ko ang magiging magandang resulta sa iyong pinaplanong gawin, Karadine."
"Salamat, Tito Ken a-at paumanhin na rin kung hindi ko pa talaga p'wedeng sabihin sa'yo ang aking plano.."
Naramdaman niya ang marahang pagtapik nito sa kaniyang braso at saka sinabi, "No worries, 'cause I trust you. Saka ito palagi ang tatandaan mo, hindi nasusukat sa dahas ang tunay na katapangan, nasa puso, Karadine." Kumorte ng ngiti ang kaniyang labi. Subalit hiindi pa man siya nakakapagsalita ay narinig niya na naman ang tinig ni Ken. "O, sige na, may susunod ka pang training, 'di ba? Uuwi na rin kami," anito, sabay lingon sa body guard at driver nito.
"Sige po, Tito Ken. Maraming salamat po ulit sa matiyagang pagtuturo sa akin."
Pagkaalis ni Ken ay saka lamang siya pinasakay sa kalesa ng kaniyang body guard at driver na si Lito. Saka siya inihatid sa pabrika kung saan ay hindi niya inaasahang nakahanda na ang venue at damit na susuotin para sa kaniyang shooting range.
Cargo pants at fitted na sando ang kailangan niyang suotin, mayroon ding earplugs upang pangproteksyon sa kaniyang pandinig at maging ang salamin na magsisilbi niyang proteksyon sa mata. Maya-maya pa'y nagpunta na siya sa fitting room upang magpalit na ng susuotin. Doo'y nagawa niya ring itali ng mataas ang kaniyang buhok. At pagkabalik niya sa venue ay doon niya lang napansin na naka-set na rin ang target at baril na kaniyang gagamitin. Handang-handa na nga ang sandaling iyon para sa kaniyang training sa shooting range ngunit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit sadyang mabilis ang t***k ng puso niya sa kaba. Lalo na nang may marinig siyang yabag ng mga paang paparating. Inaasahan niyang ito ang kaniyang ama na manunuod sa kaniyang training o di kaya naman ay ang taong magtuturo sa kaniya sa paggamit ng baril.
"Sa tingin ko naman ay handa ka na." Pamilyar ang boses na iyon at aaminin niyang lalo iyong nagpabilis ng t***k ng kaniyang puso. At nang lingunin niya ito ay hindi niya lubos akalain na makakaramdam nang pagnginig ang kaniyang katawan.
"Yvo? Ikaw ang trainor ko?"
Imbes na sagutin siya nito ay kinuha na nito ang baril at saka pumwesto sa likuran niya. Ilang segundo lang ang lumipas ay mabilis nitong inagaw ang kamay niya upang isentro iyong ituro sa kinaroroonan ng target. Subalit hindi pa man nito tuluyang naililipat sa kamay niya ay hindi niya inaasahan ang sasabihin nito, "Akala ko ba ay handa ka na? Bakit nanginginig ka?"
"Ah.. hindi ko nga alam, e," may pagkailang na sabi niya. "A-at saka.. nasan ba si papa? Hindi ba dapat ay nandito siya at manunuod sa aking training?"
Naramdaman niya ang pagbuntong hininga ni Yvo dahil na rin sa magkadikit nilang katawan, at kahit na hindi niya nakikita ang reaksyon ng mukha nito ay batid niyang nakatingin ito sa mukha niya. "May malaking kliyente si boss kaya ako na muna ang pinagkatiwalaan niyang titingin sa'yo. Ngayon, p'wede na ba tayong magsimula?" Tila natigilan ito nang magtagpo ang kanilang mga mata. Nagawa niya kasi itong lingunin habang nagsasalita.
Pero para mawala ang sandaling pagkailang ay napatango siya at tumingin nang muli sa direksyon ng target. Ngunit sandali muna niyang kinagat ang pang-ibabang labi dahil na rin sa matinding kabang nararamdaman. Hindi niya alam kung bakit sadyang malakas talaga ang epekto sa kaniya ng presensya ni Yvo. Lalo na nang magdikit ang kanilang mga palad. Pero kahit ganoon ay sinubukan niya pa ring mag-focus at sundin ang itinuturo nito. Subalit hindi niya maiwasang matigilan sa init na dulot ng kanilang magkadikit na katawan at maging ng kanilang mga palad. Napapikit pa siya nang magawang idiin ni Yvo ang daliri mula sa daliri niyang nakasentro sa trigger side ng baril. Kung saan ay nakaamba nang barilin ang target. At doo'y hindi niya maiwasang mapahanga kung paano natamaan ni Yvo ang mismong target. Katumbas nang paghanga niya sa angking kagwapuhan nito. Ilang sandali pa silang magkadikit kung saan ay sinisiguro nitong mabilis niyang matatamaan ang target.
Hanggang sa hinayaan na siyang sumubok nitong mag-isa at paunti-unti ay nasesentro niya na ang pagbaril sa mismong target. Paunti-unti ay hindi niya akalaing mas napapahanga siya ni Yvo. Pero dahil hindi ito showy sa nararamdaman ay pinipilit nitong hindi mapalapit sa kaniya, bilang pagsunod na rin sa naging bilin ng kaniyang ama.
Nang makaramdam siya ng pagod sa training ng shooting range ay hindi niya inaasahang aayain muna siya ni Yvo na magpahinga. Doo'y uminom siya ng maraming tubig, bilang pangpakalma na rin sa puso niyang kanina pa mabilis na tumitibok.
Habang nagpapahinga sila ni Yvo ay may bigla na lang siyang naitanong dito. "Bakit pala ang ilap-ilap mo sa akin? Pansin ko 'yon simula nang tumuntong ako rito. Pero kinakausap mo pa rin naman ako minsan. Ewan ko ba, pero pakiramdam ko ay ayaw mo akong maging kaibigan."
Nakita niya ang pagtataka sa tingin nito nang sandali itong sumulyap sa kaniya. "Hindi naman sa gano'n--"
"E, bakit nga? Mahirap ba akong i-approach?"
Nakita niyang sandaling napapikit si Yvo, marahil ay nakukulitan na ito sa kaniya. "Magsimula na ulit tayo," pag-iiba nito ng usapan.
Doo'y sandali siyang nagpakawala ng mahabang hininga. "Hindi talaga kita maintindihan, e, gusto lang naman kitang maging kaibigan," napapailing na aniya habang umaamba na rin sa pagtayo.
Subalit bigla na lamang siyang natigilan sa isinagot nito. "E, paano kung ayaw kitang maging kaibigan?" wika nito nagpalingon sa kaniya. At sa paglingon niya ay kaniyang hindi inaasahang magtatagpong muli ang kanilang mga mata. Para sa kaniya ay anong sakit na marinig ang mga katagang sinabi nito ngunit hindi niya maintindihan kung bakit iba ang sinasabi ng bibig nito sa sinasabi ng mata nito? Hanggang sa hindi niya inaasahan ang mga katagang lalabas sa bibig nito, "Dahil gusto kong higit pa sa magkaibigan ang maging turingan natin." Namilog ang kaniyang mga mata, habang ito naman ay pumantay na rin mula sa kaniyang kinatatayuan. "Kara. P'wede bang Kara na lang ang itawag ko sa'yo?"
Hanggang sa walang alinlangan siyang sumagot ng, "Oo naman. Ang special nga no'ng Kara, e. Kasi ikaw pa lang ang tatawag ng ganiyan sa akin."
"Kung ganoon ay mabuti." Sandali pa itong nahinto na tila pinag-aaralan pa ang mga katagang nais sabihin.
"Parang may gusto ka pang sabihin?" matapang na pagkumbinse niya rito. Kaya naman humugot ito ng isang malalim na paghinga bago pa muling tumingin sa kaniya.
Kamukat-mukat ay nagawa nitong hawakan ang kanang parte ng mukha niya para sabihing, "Gusto kita, Kara." Tila nakakabinging katahimikan ang namayani sa paligid bago pa ito maglakas loob muli na magsalita, "Simula pa lang noong una kitang makita ay naramdaman na ng puso ko na gusto kita. Sinubukan ko namang pigilan dahil alam kong hindi p'wedeng magustuhan ang anak mismo ng amo ko. Pero hindi ko pala kaya, lalo na sa tuwing nakikita kong mas napapalapit ka kay Renzo. Pero alam kong hindi na mangyayari 'yon dahil mahigpit na ipinagbilin ng ama mo na walang dapat na mapalapit sa'yo sa kahit na isa sa aming mga tauhan niya." Hindi niya maintindihan ang nararamdaman gayong alam na niyang gusto rin siya ni Yvo. At oo, ngayon niya lang din naamin sa sarili niyang gusto niya rin ito. Sadyang nakakapanibago kung paano siya kausapin ngayon ni Yvo, nasanay kasi siya sa mga tipid na kasagutan nito. Pero ngayon, parang gustong kumawala ng puso niya sa saya dahil sa isang iglap ay hindi niya akalain na magkakagusto rin sa kaniya si Yvo.
Nanatiling tahimik ang bawat sandali hanggang sa nagawa niya na rin banggitin muli ang pangalan nito. "Yvo--"
"Alam ko, malabo na magustuhan mo rin ako. Pero handa akong maghintay, Kara. Hanggang sa p'wede na kitang ligawan at ipagmalaki sa pamilya mo."
Napalunok siya ng ilang beses. Isipin niya pa lang kung gaano kadelikado ang sitwasyon kapag nakarating sa kaniyang ama na gusto nila ang isa't isa ni Yvo. Kaya hangga't maaari ay ayaw niyang ipaalam sa binata na may nararamdaman na rin siya para rito. Kaya naman sa tuwina ay napatango siya at napangiti. "Salamat sa pagiging tapat mo, Yvo. Pero gusto ko lang ipaalala sa'yo na magiging delikado ang sitwasyon kapag sinunod mo ang nararamdaman mo para sa akin."
Doo'y mas pinaglapit pa nito ang kanilang katawan, 'yong tipong pareho na nilang mararamdaman ang bawat paghinga ng isa't isa. *Wala akong pakialam, pumasok ako sa grupong ito hindi lang para sa sarili ko, kundi sa magulang kong kailangan ng maintenance sa gamutan. Hindi ko alam kung hanggang saan ito patungong nararamdaman ko para sa'yo. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko pa kayang sikmurain ang trabahong ito. Pero simula nang makilala kita ay parang nagkaroon ulit ng direksyon ang buhay ko. Kahit mahirap at delikado, gusto ko pa rin maging parte ng Mochizet para lang makasama ka. Pero, Kara, ang gusto ko lang malaman ay kung pareho ba tayo ng nararamdaman?"
Hindi na siya nag-alinlangan pang sabihin ang tunay na nararamdaman. Bukod kasi sa first time niyang maramdaman ito sa isang lalaki ay sadyang napakasaya ng puso niya ngayon. Kaya naman sinentro niya ng tingin si Yvo at sinabi, "Oo, Yvo.. gusto rin kita.."
Kamukat-mukat ay hindi na niya napigilan pa ang maluha nang tanggapin niya ang yakap ni Yvo. Katumbas kasi ng nararamdaman niyang saya ay ang takot. Lalo na't parehong buhay nila ang nakataya sa anumang laban, isabay pa ang posibleng pagtakwil sa kaniya ng ama kapag pinili niyang sundin ang nararamdaman, gayundin ang nanganganib na buhay ni Yvo kapag pinili nitong magbagong buhay para sa kaniya.