You're Not My Brother
Episode 10
Gael
Nagpahinga ako sa clinic matapos na magamot ang mga sugat ko. Dahil may quiz pa kami ay iniwanan din ako doon ni Kazu.
Sinundo naman kaagad ako ni Kevin nang malaman niya ang tungkol sa nangyari.
Hindi na niya pinasukan ang susunod na klase niya. Doon niya ako pinatuloy sa apartment na tinutuluyan niya.
Maliit lang iyon pero dahil mag-isa lang siya at wala pang masyadong gamit ay nagmumukhang maluwang.
"Baguhin mo na kasi yung ugali mo. Yung pagiging suplado mo at pag-aangas. Nasa Maynila na tayo. Maraming gago sa lugar na to." sermon niya sa akin.
Hindi ko na lang siya sinagot at ibinagsak ko ang katawan ko sa kama niya. Ngayon ko nararamdaman ang pananakit at gusto ko na lang ihiga ito magdamag.
"Pero hindi pa rin tama yung ginawa nila sayo. Subukan lang nilang ulitin ang ginawa nila. Makakatikim talaga sila sakin."
Pumikit na lang ako saka ko dinama ang ginhawa na nararamdaman ko dahil nakahiga na ako ng maayos ngayon.
"Dito na lang ako matutulog." sabi ko.
Napailing na lang siya saka na siya nagsimulang magbihis. "Mas mabuti pa nga. Pero aalis ako. May pasok ako sa trabaho. Maiiwan ka muna dito." sagot niya habang nagpapalit siya ng damit.
Nnag makapagbihis siya ay bumili siya ng pagkain sa labas. Inihatid niya iyon sa akin bago siya muling lumabas.
Madaling araw na nang makauwi si Kevin. Nahiga na lang siya sa tabi ko hanggang sa makatulog na siya.
Hindi ako nakapasok sa sumunod na araw dahil nananakit pa rin ang buong katawan ko. Dito na rin muna ako pansamantalang tumuloy sa apartment ni Kevin sa loob ng maghapon na iyon.
Gabi na nang magpasya ako na umuwi sa condo. Naabutan ko si Red na nakaupo sa sofa. Tila ba napakalalim ng iniisip niya. Nakatanga siya sa labas ng glass wall.
Marahas pa siyang napalingon nang maramdaman niya ang pagpasok ko.
Natigilan naman ako nang makita ko ang mabalasik na anyo niya habang nakatingin siya sa akin.
"Saan ka nanggaling?" galit na galit na tanong niya.
Mabilis siyang tumayo mula sa kinauupuan niya. Ilang hakbang lang ay nasa harapan ko na siya.
"Ano na naman ba ang problema mo?" patamad na angil ko. Humakbang na ako patungo sana sa silid ko ngunit marahas na hinatak ni Red ang braso.
"Kinakausap pa kita!" galit na hiyaw niya.
Gumalaw ang mga labi ko saka ko siya patamad na tinitigan. Nakikita ko ang inis at galit sa mga mata niya habang nakatitig din siya sa akin.
"Alam mo, magpalamig ka muna ng ulo. Masyado ka na namang hyper." sabi ko saka ko binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya.
"Binalikan kita sa clinic kahapon pero wala ka na. Magdamag akong naghintay sa pag-uwi mo dahil nag-aalala ako sa kundisyon mo. Maghapon akong nag-stay dito sa unit sa pag-aakala na maaga kang darating. Putang-ina! Ngayon na tinatanong kita kung saan ka nagpunta ganyan ang iaasta mo sa akin? Nabugbimog ako dahil sayo..."
"Hindi ko sinabi na makipagbasag-ulo ka kahapon. Ginusto mo yun. Doon ka magaling diba? Sa pambubully at pakikipag-away." putol ko sa sinasabi niya.
"Kung hindi kita tinulungan ay baka hindi lang sakit ng katawan ang inabot mo. Malamang ay nakaratay ka na sa ospital ngayon. Hindi mo kilala sina Jojo. Kaya ka nilang lumpuhin kapag ginusto nila." galit pa rin na hiyaw niya ngunit sa huling mga kataga ay nahimigan ko ang concern sa tinig niya.
"Tinatanaw ko na malaking utang na loob ang ginawa mong pagtatanggol sa akin kahapon pero wala kang karapatan na sigaw sigawan ako nang ganyan, Red."
"Nag-alala ako sayo kaya ako nagagalit nang ganito. Hindi mo man lang inisip na babalikan kita doon sa clinic. Wala akong number mo at hindi ko alam kung saan kita makokontak."
Pinagmasdan ko siya nang ilang sandali bago ako nagsalita sa mahinahon nang paraan.
"Nanggaling ako sa bahay ng kaibigan ko. Doon ako nagpalipas ng magdamag at maghapon. Salamat sa pag-aalala pero hindi na ako bata. Kaya ko ang sarili ko."
"Damn you!" mahina ngunit galit na mura niya. Hindi ko na lang iyon pinansin.
"Nakuha mo na ang sagot na gusto mo. Magpapahinga na ako." malamig na sagot ko sa kanya.
Nakita ko ang paglambot ng anyo niya habang tila concern siya na nakatitig sa akin. Muli ko na siyang tinalikuran. Naglakad na ako patungo sa silid ko.
"Kumain ka na ba?" pahabol na tanong niya.
Huminto ako sa paghakbang saka ko siya sinulyapan.
"Hindi ako gaganahan kung ikaw lang din naman ang makakasabay ko." malamig pa rin na sagot ko. Naiinis pa rin kasi ako sa inasta niya kanina.
Dire-diretso na akong pumasok sa silid ko saka ko ibinagsak sa ibabaw ng kama ang katawan ko.
Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon na magbukas ng ilaw. Tumitig lang ako sa madilim na kisame. Iniisip ang mga nangyari sa nagdaang mga araw.
[I wanna feel your touch
It's burning me like an ember]
"Nag-aalala ako sayo anak. Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng stepbrother mo. Siya ang makakasama mo doon hindi ang Mama mo. Pero kapag nagkaproblema ka sa kanya ay huwag kang mahihiya na magsabi sa akin. Ingatan mo ang sarili mo."
Niyakap ko siya ng mahigpit. Yumakap din sa akin si Tatay. Yakap na matagal ko nang hindi nararanasan mula sa kanya.
Ilang sandali pa ay inihatid na niya ako sa kotse ni Mama.
[Pretending is not enough
I wanna feel us together]
"Mabait na bata naman daw si Tor. Nagrerebelde lang dahil galit siya sa Daddy niya. Kung may gawin man siyang mga bagay na hindi mo magugustuhan sana anak huwag mo na lang patulan kung hindi naman big deal." sabi ni Mama habang nagmamaneho siya sa kahabaan ng NLEX.
Hindi ko siya sinagot. Inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtanaw sa dinadaanan namin. Bago sa paningin ko ang lahat.
[So I'm giving in, So I'm giving in
To the trouble I'm in]
Napapikit ako nang simulang dampian ni Red ng cold compress ang masakit na likod ko. Nakagaan sa pakiramdam ang ginagawa niya.
Notification mula sa cellphone ko ang nagpabalik sa isip ko sa kasalukuyan. Kinuha ko iyon mula sa bulsa ko saka ko binuksan.
Facebook friend request.
Redentor Serrano
Binuksan ko ang profile niya. Mga solo pictures ni Red at mga inuman at galaan nila ng mga kaibigan niya.
Nothing interesting. Pipindutin ko na sana ang cancel request button nang mapahinto ang daliri ko.
Ilang sandali akong natulala sa screen. Nakatingin sa pangalan ni Red at sa matamis na ngiti niya sa profile picture niya.
Ngunit sa kabila ng mga ngiti na iyon ay mapapansin sa mga mata niya ang kakaibang lungkot. Hindi iyon maitatago.
Natukso tuloy ako na buksan ang photo album. Hindi mahilig magpost si Red ngunit may iilang albums ako na nakita.
Karamihan sa makikita sa account niya ay mga tagged photos mula sa mga babae at mga kaibigan niya.
Nagpatuloy pa ako sa pag stalk hanggang sa isang larawan ang nakaagaw ng atensyon ko.
Nasa beach si Red at nakayakap sa isang napakagandang babae. Makikita sa mga mata ni Red ang kislap ng kaligayahan.
I think the woman was in her mid-forties. Simple lang ito at may matamis na mga ngiti.
Siya ba ang nanay ni Red? Napailing ako. Bakit ko ba tinatanong ang isang bagay na obvious naman.
Ilang sandali ko pang pinagmasdan ang larawan lalo na si Red. Ibang Red ang nakikita ko sa larawan. Malayo sa Red na kasama ko ngayon.
Habang nakatitig pa rin ako sa stepbrother ko ay nag-pop sa notification ko ang isang message galing sa mayabang na lalaking iyon.
Hey, accept my request. Don't be stupid!
Gusto kong manggigil sa kayabangan niya. Binalik ko na lang sa home screen ang cellphone ko saka na ako bumangon upang maligo.
Naabutan ko na nasa sala si Red nang lumabas ako. Kumakain ng junk food habang nanonood ng TV.
Nang maramdaman niya ang paglabas ko ay sumulyap pa siya sa gawi ko. Mabilis naman akong nag-iwas ng tingin saka ako dumiretso sa banyo.
Pagpasok ko doon ay naghubad na ako. Dahil malaki ang salamin dito kumpara sa salamin ni Kevin ay napagmasdan ko nang mabuti ang mga pasa na inabot ko sa grupo nina Jojo.
Kung hindi kita tinulungan ay baka hindi lang sakit ng katawan ang inabot mo. Malamang ay nakaratay ka na sa ospital ngayon.
Nagbabad ako sa shower nang halos kalahating oras. Nilinis ko ang bawat sulok na parte ng katawan ko. Ngunit hindi malilinis ng tubig at sabon ang mga pasa.
Mabuti na lamang ay nasa mga parteng natatakpan ng damit ang mga iyon.
Nang matapos ako ay saka ko lang naalala na hindi pala ako nakapagdala ng towel. Mabuti na lamang ay nasa loob ng banyo ang roba ni Red.
Hiniram ko muna iyon saka ko isinuot ang dala kong underwear. Natawa pa ako sa sarili ko. May dala akong boxer brief pero yung tuwalya kinalimutan ko.
Kahit basa pa ang buhok ko ay lumabas na ako ng banyo. Napatigil pa ako sa paghakbang nang mabungaran ko si Red na nasa labas at tila ba hinihintay ako na lumabas.
Naglakbay ang mga mata niya mula sa basa ko pang dibdib pababa sa flat na tiyan ko at pababa pa sa nakaumbok na harapan ko.
Nakadama ako ng pagkailang kaya mabilis kong isinarado ang roba upang matakpan ang halos hubad ko nang katawan.
Ngunit humakbang si Red papalapit sa akin. Napakurap ako habang sinasalubong ang kakaiba niyang mga tingin.
Nang tuluyan na siyang makalapit sa akin ay mabilis na pumasok sa loob ng roba ang isang kamay niya.
Nahaplos ng mainit na palad niya ang makinis na dibdib ko. Para akong nakuryente at napakislot ako nang sumayad sa n****e ko ang mga daliri niya.
Napahugot ako ng hininga. Nagtatalo ang isip ko kung itutulak ko ba siya o hindi. Hanggang sa marahas niyang hinatak pahubad sa mga balikat ko ang roba.
Napasinghap ako nang tuluyan nang lumantad muli sa mga mata niya ang hubad na katawan ko.
Sabay pa kaming napatitig sa may bandang tagiliran ko kung saan litaw na litaw ang mga pasa.
Mabagal na naglakabay ang kamay niya patungo doon. Hinaplos niya at tila ba sinusundan ng mga daliri niya ang bawat parte na nangingitim.
Napakurap na naman ako saka ako napatitig sa gwapong mukha ni Red na abala sa pagsuri sa katawan ko.
Ilang sandali rin na parang huminto ang oras. Nakatitig lang ako kay Red habang nakatitig siya sa hubad na katawan ko.
His fingers tracing the bruises.
Hindi ko maintindihan sa sarili ko pero sa mga sandaling ito ay nakakadama ako ng kakaibang pakiramdam.
Pakiramdam na ngayon ko lang naramdaman sa buong buhay ko. Nagugustuhan ko iyon ngunit hindi ko rin maipaliwanag kung saan nanggagaling ang takot sa dibdib ko.
Nakita ko na lamang ang pagtigas ng anyo ni Red kasunod ng marahan na pagsulyap niya sa akin.
Nagtama ang tingin namin. Sa ikalawang pagkakataon sa gabing ito ay muli ko na namang napagmasdan ang mabalasik na anyo ni Red.
Anyo na katatakutan mo kaoag natitigan mo. Malayo sa Red na nakita kanina sa larawan kasama ng kanyang ina.
"Hindi ko papalampasin ang ginawa sayo ng mga gago na yun. Sisiguraduhin ko na manghihiram sila nang mukha sa aso."
Nakadama ako ng kakaibang kilabot dahil sa paraan ng pagkakasabi niya at sa nakikita kong bagsik sa anyo niya.
"A-anong ibig mong sabihin?" kinakabahan na tanong ko sa kanya.
"Magpahinga ka na." masuyong sambit niya saka niya muling inayos ang pagkakasuot ng roba sa katawan ko.
Nang maisuot ko na iyon ay hinaplos ng palad niya ang pagitan ng leeg at batok ko saka siya mapakla na ngumiti sa akin bago siya tumalikod at nagsimula nang maglakad papalayo.
Sinundan ko na lang siya ng tingin hanggang sa makapasok na siya sa silid niya.
Nang maisara niya iyon ay saka ko lang napakawalan ang kanina ko pa pinipigilan na paghinga.
Ngunit naguguluhan pa rin ako sa mga huling sinabi niya.
******
Background Music:
Trouble I'm In - Twinbed