You're Not My Brother
Episode 5
Kazu
"Gael?" sambit ko nang makilala ko ang bumungad sa amin ni Red sa elevator. "Dito ka nakatira?" dugtong ko nang wala akong nakuha na reaksyon mula sa kanya.
Bahagya naman siyang tumango saka na siya sumakay nang makalabas kami ni Red.
"Sige mauna na kami. May dinaanan lang kami ni Red dito." friendly na sabi ko.
Ngumiti naman siya at muling tumango bago sumara ang pinto. Sumulyap ako kay Red at nakita ko na nakatulala siya sa labas. Para bang nahulig siya sa malalim na pag-iisip.
Tumikhim ako saka na ako nagpatiunang naglakad. "Tara na!" sabi ko sa kanya.
Mabilis naman siyang sumunod at umagapay sa akin.
Pinipilit ko siya kanina na gamitin na lang namin ang sasakyan niya tutal ay naroon na lang din kami sa condo niya pero tumanggi siya at sinabi na taxi na lang ang sakyan namin.
Pagbaba namin sa tapat ng bar ay ako rin ang pinagbayad ni gago. Sabi pa niya. Kung hindi raw dahil sa kanya ay hindi ako makakasama sa gimik na iyon.
Naabutan namin sina Aaron na nakapuwesto na sa loob. Marami ang tao sa bar pero malaki naman ang lugar kaya manageable pa rin.
Bukod sa grupo nina Aaron na kasamahan sa frat nina Red at Dale ay may iba pa silang mga kasama at ilan sa kanila ay may mga kalandiang babae.
Nang makita kami ni Aaron ay kaagad niya kaming hinanapan ng mauupuan saka na siya umorder ng alak at pulutan.
Dahil hindi naman ako gaanong malakas uminom ay sinasalo ako minsan nina Red at Dale.
Kahit papaano ay nag-enjoy naman ako dahil kahit noon pa ay friendly na rin sa akin ang mga fratmate nila. Dinadala lang naman ako ng pagiging magpinsan namin ni Red at kahit madalas niya akong i-bully ay nararamdaman ko na sincere siya sa pakikitungo niya sa akin.
Mas lumalim pa ang gabi. Medyo lasing na ang ibang mga kasamahan namin. Karamihan sa kanila ay nasa gitna na ng dance floor.
Nagsasayaw at nagkakasiyahan. Kasama na nila si Red pero kami ni Dale ay nanatili pa rin sa mesa namin.
Ilang sandali pa ay dumating ang panibagong order namin na alak. Napatitig pa ako sa mukha ng waiter na nagserve sa amin.
He looks familiar. Pilit kong inaalala sa isip ko kung saan ko ba siya nakita hanggang sa mapatingin na rin siya sa akin saka niya ako nginitian.
"Nagpupunta ka rin pala sa mga bar na ganito? Hindi halata sa itsura mo ah." sabi niya sa malamig at buong buo na tinig. Hindi iyon nakaligtas sa pandinig ko kahit pa maingay sa loob ng bar.
"Excuse me, kikala ba kita?" curious na tanong ko.
Inilapit naman ni Dale sa tenga ko ang bibig niya saka siya bumulong. "Schoolmate natin siya."
Nakita ko na nawala ang ngiti sa mga labi ng lalaki habang nakatingin siya sa nakaakbay na kamay ni Dale sa akin.
Ilang sandali pa ay muli siyang tumingin sa akin at ngumiti. Ngunit ang ngiti niya ay hindi na kasing sigla ng kanina.
"Sige sir, mauna na ako. Enjoy your drinks!" paalam niya.
Tinanguan ko naman siya at sinaluduhan siya ni Dale. At habang pabalik na siya sa counter ay sinusundan ko siya ng tingin.
Hinawakan ko ang mga pisngi ko dahil sa pakiramdam ko ay parang bumibigat ang mga iyon. Marahil ay medyo napaparami na ako ng naiinom na alak.
Nagpatuloy pa ang gabi. Nakabalik na sina Red sa table namin. Halos lasing na rin ang ibang mga kaibigan ni Aaron.
Hindi na ako masyadong uminom dahil alam ko kung hanggang saan lang ang kapasidad ko. Nadala na ako sa nangyari sa akin noon. Isa sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay naghihigpit pa rin sa akin si Daddy.
Sumulyap ako sa relo ko. Fifteen minutes past one ng madaling araw. Tumayo ako at nagpaalam na magtutungo sa banyo.
Malapit na ako sa hallway nang makasalubong ko ang grupo nina Vincent. Si Vincent ang leader ng kalabang frat nina Red.
Nakadama ako ng kaba dahil noong nakaraan lang ay nagkaroon ng banggaan ang dalawang grupo.
Mabilis akong lumihis ng direksyon sa pangamba na baka makilala nila ako. Nasa iisang school lang kami at madalas nila akong makita na nakadikit kina Red. Hindi ko namalayan na nakalapit na pala ako sa counter.
Napapitlag pa ako at marahas na pumiglas nang maramdaman ko ang malakas na kamay na humawak sa balikat ko.
Medyo nakadama ako ng relief nang makilala ko ang lalaking humawak sa akin. Siya yung waiter dito sa bar na sinasabi ni Dale na schoolmate namin.
Magkasalubong ang mga kilay niya habang mataman niya akong sinusuri.
"Naliligaw ka ba sir? Bakit parang nagulat ka?" tanong niya saka siya nagmasid sa paligid.
Sinisipat niya ang direksyon na nililingon ko kanina bago ako mapadpad sa bar.
"I-I'm fine! May kailangan lang akong tawagan. Medyo maingay kasi doon sa puwesto namin." sabi ko saka ko kinuha mula sa bulsa ko ang cellphone ko.
Kaagad kong tinawagan si Red. Nakailang ring bago niya iyon sinagot.
"Hello!" bungad niya.
"Nakita ko ang grupo nina Vincent. Papasok sila diyan." babala ko sa kanya.
"Lumabas ka na ng bar. Mauna ka nang umuwi dahil baka maipit ka na naman sa gulo." seryosong sagot niya sa akin.
"Pero hindi kita pwedeng basta na lamang pabayaan dito."
"Kazu, makinig ka sa akin. Kapag ako nakulong ay kaya kong isalba ang sarili ko. Pero kapag ikaw ang nadawit sa gulo ay siguradong malalagot ka kay Tito Franco. Kaya hangga't maaga ay sikapin mo na, na makalabas dito sa bar na ito ngayon din."
"P-pero..."
"Sige na. Huwag nang matigas ang ulo. Para sayo din ito." sabi niya saka na niya pinutol ang tawag.
Binalik ko na sa bulsa ko ang cellphone ko saka ako nag-aalala na sumulyap sa gawi nina Red.
Nakita ko na kaharap na nila ang grupo ni Vincent at naghahamunan sila ng tingin.
Ilang sandali pa ay naunang sumugod ang mga kasamahan ni Vincent kaya nagsimula nang magkagulo ang mga tao sa loob ng bar.
Walang humpay na sapakan at bugbugan ang nakikita ko na nagaganap sa loob.
Gusto kong ipagtanggol si Red pero lumaki ako na hindi marunong makipag-away. Palagi na lamang ay si Red ang nagtatanggol sa akin kahit noong mga bata pa kami.
Dahil lumaki ako na lampa at patpatin. Ngayon na nga lang umayos kahit papaano ang hugis ng katawan ko. Ngunit nananatili pa rin akong mahina. Walang silbi kagaya ng madalas na sabihin sa akin ni Daddy sa tuwing nagagalit siya.
Napapikit ako saka ko ikinuyom ang mga kamao ko. Ngunit kung lalapit ako kina Red ay sigurado na magiging pabigat lang ako sa kanila.
Kaya nagpasya na lamang ako na sundin ang utos niya. Nagsimula na akong humakbang.
Halos nagkarambulan na ang dalawang grupo at may ilang grupo pa ang nakisali dahil sa marami na ang lasing at mainit ang mga ulo nila.
Nagkakagulo na rin ang iba pa na nasa loob ng bar. Nag-uunahan na makalabas sa takot na madamay sila sa gulo.
Nagpatuloy ako sa paghakbang. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Basta ang nasa isip ko lang ay kailangan ko nang makalabas sa lugar na ito.
Malayo ang exit mula sa kinaroroonan ko ngunit sinikap ko na makarating doon.
Hindi pa man ako nakakarating sa gitna ay may dalawang lalaki na ang humarang sa akin at nakangisi sila na nakatingin sa takot kong anyo.
"Saan ka pupunta Kazu?" nakakalokong tanong ng isa.
Napaatras ako habang sila ay humahakbang palapit sa akin.
"Hindi ka pa pwedeng lumabas. Magagamit ka pa ng grupo namin laban kay Red." sabi naman ng isa.
Patuloy lang ako sa pag-atras habang sila naman ay patuloy din sa paghakbang.
Nabigla na lang ako nang may dalawang kamay na humila sa akin at itinago niya ako sa likuran niya.
Napatitig ako sa lalaki na nasa harapan ko. Nagtama ang mga mata namin. Napakurap ako habang natitigilan pa rin ako na nakatitig sa kanya.
Nang masiguro niya na nasa likuran na niya ako ay bumaling na siya sa dalawa.
"Boss, baka naman pwede nating pag-usapan ito? Ibalato na lang sa akin ang isang ito." sabi niya.
"Bakit, sino ka ba?" matapang na sigaw ng isa.
"Hindi niyo na kailangan pang malaman kung sino ako. Gusto ko lang makiusap sa inyo. Balato niyo na sa akin si Baby Boy."
Baby Boy? My foot! bulong ko sa isip ko sa kabila ng sitwasyon na kinakaharap ko ngayon.
Natawa naman ang isa sa dalawang lalaki. "Nagpapatawa ka ba? Kung ayaw mong madamay sa gulo ay umalis ka na diyan dahil may gagawin pa kami kay Kaz...Aaaaahhhhhh!"
Hindi na naituloy pa ng lalaki ang pagbigkas niya sa pangalan ko dahil mabilis na nahawakan ni Mr. Waiter ang braso niya na akma niyang ihahawak sa akin.
Nagtangka rin na lumaban ang kasama niya ngunit mabilis na nakaiwas si Mr. Waiter saka na sila nagtagisan ng galing sa sapakan.
Dalawa laban sa isa. Ngunit nang hindi pa siya tinigilan ng dalawa kahit na ilang beses na silang nasuntok at natadyakan ay bigla nang hinila ni Mr. Waiter ang kamay ng isa. Nakita ko na inikot niya ang braso nito saka niya iyon tinuluyan.
Napasigaw sa sakit ang lalaki at ang isa naman na nagtangka pa na pukpukin siya ng bote sa ulo ay malakas na tadyak sa sikmura ang inabot.
Dahil pareho nang namimilipit sa sakit ang dalawa ay mabilis niyang hinila ang palapulsuhan ko saka niya ako kinaladkad palabas sana sa exit ngunit may nagsipasukan na pulis at sumigaw na walang gagalaw.
Naramdaman ko na lang na hinila niya ang kamay ko na hawak niya at patakbo kaming pumasok sa hallway.
Dahil sa lakas at higpit ng pagkakahawak niya sa kamay ko ay wala na akong nagawa kundi ang magpaakay na lang sa kanya sa kung saan man niya ako dinadala.
Nakarating kami sa may kusina ng bar. Napatingin pa sa amin ang mga crew ng bar na naroon at ilang sandali lang ay nakalabas na kami sa exit sa likod.
Narating namin ang isang nakaparatang motorsiklo doon. Mabilis siyang nakasakay saka niya ako sinabihan na umangkas.
Natigilan pa ako saka ako napatitig sa kanya.
"Sumakay ka na kung ayaw mo na maabutan ka pa dito ng mga pulis." sabi niya.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Sumakay na ako sa likuran niya saka niya mabilis na pinaandar ang sasakyan niya palayo sa lugar na iyon.
Nasa kahabaan na kami ng main road nang bigla niyang kunin ang mga braso ko na nakahawak sa baywang niya. Ipinulupot niya ang mga iyon sa tiyan niya saka siya nagsalita.
"Kumapit ka ng mabuti kung ayaw mong malaglag." malakas na sambit niya.
Sinunod ko siya saka na ako tumingin sa dinadaanan namin. Nararamdaman ko rin ang init na nagmumula sa matigas niyang katawan na nanunulay sa mga braso ko na nakayakap sa kanya.
Nakadama ako ng pamilyar na pakiramdam. Nangyari na ito noon. Nakaangkas din ako sa motorsiklo at nakayakap sa lalaking nagmamaneho nito.
Mabilis kong inalis sa isip ko ang alaala na iyon. Dahil iyon ang pinaka-malaking pagkakamali na nagawa ko sa buong buhay ko.