You're Not My Brother
Episode 4
Red
Nag-iinuman sina Dale at ang mga barkada niya nang makarating ako sa unit niya.
"Bro, samahan mo kami dito." alok sa akin ni Aaron. Kaibigan ni Dale at kasamahan ko sa frat.
"Thanks, Man. Pero pagod kasi ako ngayon. Kailangan ko ng pahinga." sabi ko.
Tumango naman siya at nakakaunawang ngumiti sa akin. Nakamasid lang sa akin si Dale na tila ba may naglalaro na sa isip niya.
Nagpasya na ako na tumuloy sa loob ng silid nang makita ko ang paghila ng girlfriend niya sa ulo niya saka sila nagsalo sa mainit na halik.
Natawa na lang ako at napapailing habang papasok ako sa loob. Nakaisa na sana ako kay Serene kung hindi lang kami inistorbo ng anak ni Aileen.
Sa susunod ay hindi ko na palalagpasin ang lalaking iyon. Baka sapak na kaagad ang maibubungad ko sa kanya.
Ibinagsak ko na ang katawan ko sa kama saka ko ipinikit ang mga mata ko. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
Kinabukasan ay sabay kaming pumasok sa school ni Dale. Tinamad pang bumangon si gago kanina dahil may hangover siya sa nagdaang inuman nila kagabi.
Dahil 10AM pa naman ang pasok namin ay nagpasya kami na dumaan muna sa bookstore dahil may kailangan kaming bilhin na gamit para sa isang subject namin.
Habang nag-iikot ako sa loob ng store ay napahinto ako sa tapat ng mga zip ties. Bigla kong naalala si Gael. May kasalanan pa sa akin ang gago na yun.
Napangiti ako saka ako dumampot ng isang pack. Dumiretso ako sa counter at binayaran ang mga pinamili namin ni Dale.
Sa classroom habang naghihintay kami sa pagdating ng prof namin ay tahimik lang ako na nakamasid kay Gael. Pinag-aaralan ang bawat kilos niya.
Wala naman kakaiba sa kanya. Katulad pa rin siya ng araw-araw niyang habit.
Nagbabasa lang siya ng libro habang tahimik na nakaupo sa kanyang puwesto.
Sa hindi ko malaman na kadahilanan ay naaliw ako sa kanya. Masyado siyang misteryoso at tila ba napakarami niyang tinatago.
Hindi magtatagal ay malalaman ko rin ang mga iyon. Pero sa ngayon ay pepestehin ko muna ang buhay niya.
Napangisi ako ng nakakaloko habang nakatingin ako sa kanya. Ngayong araw ko na sisimulan ang pambubully ko sa kanya.
Sinulyapan ko ang katapat ko na si Kazu sa kabilang row. Para siyang si Gael. Lagi na lang silang abala sa kung ano mang mga hilig nila.
"Hoy, Kazu!" tawag ko sa kanya. Lumingon naman siya sa akin. "Palit tayo ng puwesto." sabi ko sa kanya.
Nagtaka naman siya saka siya tumingin sa harapan niya. Tumingin din ako doon at nakita ko na sa akin nakatingin si Gael.
"Ano tinitingin-tingin mo?" maangas na sita ko sa kanya. "Siguro crush mo ko no?" banat ko.
Natawa naman siya na tila nang-uuyam. Pagkatapos ay napailing na lang siya saka siya muling bumalik sa pinagkakaabalahan niya.
Binalingan ko si Kazu. Nakatingin siya sa akin pero mukha siyang tanga na para bang naguguluhan siya sa nangyayari.
Tumayo na ako saka ko hinila ang tenga niya para mapatayo na siya.
"Aray! Ano ba?" sumusuway na daing niya. Napatayo na rin siya dahil sa paghila ko doon.
Natural na maputi ang balat ni Kazu kaya madaling mamula ang balat niya.
"Sabi ko palit tayo diba? Tumayo ka na diyan." sabi ko saka ko siya hinila patayo at itinulak patungo sa dating puwesto ko. Palayo sa kinauupuan niya.
Napansin ko na naagaw ko na ang atensyon ng iba pa naming kaklase. Kaya inangasan ko na sila.
"Bakit nakatingin kayo? Crush niyo rin ba ako?" sabi ko saka ko sinulyapan si Gael.
Hindi naman siya natinag. Patuloy lang siya sa binabasa niya. Nakita ko naman ang bulungan at hagikgikan ng mga babae sa may bandang harapan habang kinikilig sila na nakatingin sa akin.
Kinuha ko ang bag ni Kazu saka ko sapilitang inilagay sa kamay niya. Napapakamot na lang siya sa ulo na umupo sa puwesto ko.
Nilagay ko na rin ang bag ko sa puwesto ni Kazu saka na ako umupo. Napapangiti ako habang pinagmamasdan ko ang likuran ni Gael.
Sumulyap siya sa relo niya saka siya tumayo at lumabas ng classroom. Marahil ay pupunta ng banyo.
Nang makalabas siya ay sinilip ko ang bag niya na naiwan sa upuan niya. Pasimple akong tumingin sa mga nakapaligid sa akin.
Mukha namang abala lahat sila sa sari-sarili nilang business. Kaya kinuha ko na mula sa bag ko ang mga zip ties na binili ko.
Sinimulan kong itali sa upuan ang magkabilang sabitan ng bag niya. Pagkatapos ay nilagyan ko rin ang mga zipper.
Natatawa pa ako habang pinagmamasdan ko ang kalokohan ko. Hanggang sa pumasok na si Mrs. Meneses.
Nagsimula na ang klase pero wala pa rin si Gael. Ilang sandali pa ang lumipas bago siya lumitaw mula sa pinto.
Kaagad naman siyang nagpaliwanag kay Mrs. Meneses at pinayagan naman siya nito na makapasok.
Habang papalapit siya sa upuan niya ay pilit kong pinipigilan na matawa o mapangiti man lang.
Hindi pa man siya nakakaupo ay napansin na kaagad niya ang ginawa ko. Sinubukan niyang iangat ang bag niya pero hindi niya iyon maialis sa upuan.
Napapikit siya saka siya tumingin sa akin. Sinalubong ko naman ang nagbibintang na mga tingin niya. Pagkatapos ay nagkunwari na ako na nagsusulat ng assignment namin.
Umupo na siya saka siya bumaling sa akin. Naramdaman ko na gusto niya akong sitahin. Bumuka ang mga labi niya to say something. Pero hindi niya iyon itinuloy.
Bigla niyang kinuha ang keychain niya mula sa bulsa niya. Nagulat pa ako ako nang makita ko na may nailcutter siya doon na may maliit na knife.
Napangiti na lang ako nang simulan niyang putulin ang mga zip ties. Pagkatapos ay inihagis niya sa akin ang mga iyon bago siya umayos ng upo.
Matapos ang unang subject ay nagpasya kami ni Kazu na sa cafeteria ng school na lang kumain ng lunch. Sumunod din si Dale doon.
Kasalukuyan na kaming kumakain nang bigla na lamang ilapag ni Gael ang tray niya sa mesa namin.
Sabay-sabay pa kaming napaangat ng tingin sa kanya. Sa akin siya nakatingin.
"Pwede ba akong maki-share sa table ninyo?" sabi niya. "Puno na kasi lahat ng mesa."
Nilingon ko ang paligid. Marami nga ang estudyante dahil lunch break na.
"Sure!" nakangiti kong sagot. "Maupo ka." nakangiting dugtong ko pa.
Habang paupo siya sa katabi ko na upuan ay nag-iisip na ako ng kalokohan na maari kong gawin sa kanya.
Hindi ko alam pero natutuwa ako kapag pinagtitripan ko siya.
Hinayaan ko muna siya na makaupo. Nagulat pa ako nang lapagan niya ako ng softdrinks na nasa plastic bottle. Sumulyap ako sa kanya.
"Para sana sa kaibigan ko yan. Kaso hindi pala siya makakasabay sa akin dahil may tinatapos silang project." friendly na sabi niya.
Napangiti na rin ako saka ko inabot ang softdrinks. Mahilig ako sa carbonated drinks kaya madalas ay sinusumpong ako ng acid reflux. Pero nakokontrol ko naman at may gamot ako na iniinom.
Sinimulan ko nang ikutin ang takip pero nagtalsikan sa akin ang laman ng bote.
"Shiiiiit!" malakas na sigaw ko habang inilalayo sa katawan ko ang bote.
Namalayan ko na lang na halos tumapon na sa uniform ko ang laman. Basang basa ako at nanlalagkit dahil may asukal iyon.
Nang makabawi ako mula sa pagkabigla ay marahas akong bumaling kay Gael na noon ay nakatayo na at bitbit ang tray niya.
Seryoso siya na nakatingin sa akin habang pinupunasan ko ang mga nagkalat na softdrinks sa kamay at mukha ko.
"Sa susunod pipiliin mo yung mga pinagtitripan mo. Hindi sa lahat ng oras ay ikaw ang panalo." madiin na sabi niya saka na siya naglakad palayo sa amin.
Sinundan ko siya ng tingin at nakita ko na umupo siya sa mesa kung saan nakaupo na rin pala yung lalaki na palagi niyang kasama.
Sa halip na makaramdam ako ng pagkainis ay natawa pa ako dahil sa kakaibang tapang niya para iset-up ako ng ganito.
"Nakita ko yung ginawa mo sa kanya kanina sa classroom. Nilagyan mo ng maraming nylon cable yung bag niya. Ginantihan ka tuloy." amused na sabi ni Kazu.
"Nakahanap ka rin ng katapat mo." nang-aasar na banat sa akin ni Dale.
Natawa na lang din ako saka ko mabilis na inubos ang pagkain ko. Pagkatapos ay nagpaalam ako sa kanila na maglilinis lang ako ng katawan sa banyo.
Patungo na ako sa locker area upang iwanan muna doon ang polo ko ma marumi nang may isang lalaki na bigla na lamang nag-abot sa akin ng box of chocolates na may ribbon pa sa taas.
"May nagpapaabot." sabi niya saka na siya mabilis na naglakad palayo.
Binalingan ko ang chocolates na hawak ko at binasa ko ang card na nakadikit sa kahon.
Natawa ako nang mabasa ko ang nakasulat doon. Love note galing sa isang anonymous girl sa campus.
Inikot ko ang mga mata ko sa paligid. Baka sakali na mahuli ko kung sino ang nagpadala.
Nang wala akong makita ay inalis ko ang nakadikit na note pagkatapos ay binigay ko iyon sa unang magandang babae na nakasalubong ko.
"Para sayo." nakangiting sabi ko sa babae. Napangiti siya at nakita ko na halos mangisay sa kilig ang kasama niyang bading habang pareho silang nakatingin sa akin.
Nakita ko si bakla na halos maglaway habang nakatitig sa mga muscles ko na nakalitaw na dahil sa suot ko.
Sinuklian niya ako ng nahihiyang ngiti na nagpalitaw sa dimples niya saka siya nagpasalamat sa akin.
Maganda siya. Pero hindi pa rin siya aabot sa standard ni Serene. Hindi mga shygirl ang tipo kong babae. Gusto ko ay confident at kayang mabuhay nang wala ako. Para hindi na rin ako mahirapan na kalasan sila sa oras na mabored ako sa kanila.
Iniwanan ko na sila saka na ako dumiretso sa locker area. Dahil wala akong pamalit ay pumasok ako sa sumunod na klase na nakasando lang.
Pinagtitinginan tuloy ako ng mga babae at binabae na nakakasalubong ko sa campus. Maging ng mga kaklase ko na panay ang sulyap sa katawan ko.
Madalas kasi ako sa gym kaya malalaki ang braso ko. Nasa magandang shape na rin ang katawan ko na bumabakat sa suot ko na puting sando.
Napagalitan ako sa sumunod na prof namin dahil sa suot ko pero wala na rin naman siyang nagawa.
Patapos na ang huling klase namin nang makatanggap kami ni Kazu ng text mula kay Dale.
Bro, sa Beech bar daw tayo mamayang 8PM. Isama mo na si Kazu. Birthday ni Aaron.
"Sasama ka ba?" tanong ko sa pinsan ko.
"Gusto kong sumama." sagot naman niya. Tumango na lang ako at nagfocus na sa sinasabi ng prof namin na nagsasalita sa harapan.
Naaawa talaga ako kay Kazu. Hindi niya masyadong nae-enjoy ang teenage life niya dahil sa sobrang higpit sa kanya ni Tito Franco.
Kasalanan lahat ito ni Kaye. Nakadama na naman ako ng matinding pagkainis para sa pinsan ko na iyon.
Kapatid siya ni Kazu at kasalukuyan na ngayon nag-aaral sa amerika. Kahit minsan ay hindi man lang siya nagpakita ng concern para kay Kazu.
Sa halip na pagtakpan at ipagtanggol sa mga maliliit na pagkakamali nito ay mas lalo lang niya itong pinapahamak.
Pinaka-ikinagalit ko sa kanya noon ay ang pagset-up niya sa kapatid niya upang tuluyan nang mawalan ng tiwala dito ang kanilang ama.
Hindi na mahirap hulaan kung ano ba ang dahilan niya kung bakit niya ginagawa iyon kay Kazu. Pera.
Nag-iisang anak na lalaki si Kazu at malaki ang posibilidad na siya ang magmana ng malaking parte ng kanilang mga negosyo at ari-arian kaya bata pa lang sila ay sinisikap na niya itong sirain kay Tito Franco.
Nang matapos nga ang last subject ay ipinagpaalam ko na si Kazu kay Tito Franco. Kapag ako ang kasama niya ay pinapayagan siya na makalabas.
Dumaan muna kami sa unit ko at doon kami nagpalipas ng oras ni Kazu hanggang sa gumabi.
Hinintay ko na makauwi ang anak ni Aileen ngunit hanggang sa magpasya kami na bumaba ni Kazu ay hindi siya dumating.
Nakasakay na kami sa elevator nang tumawag si Serene. Dahil pupunta kami sa birthday ay naisipan ko na lang siya na isama.
Nang maibaba ko na ang cellphone ko ay bumukas ang pintuan ng elevator. Nanlaki ang mga mata ko nang bumungad sa amin ang pamilyar na anyo.
Nakatayo si Gael sa harapan namin at hinihintay ang pagbukas ng elevator.
Nagtama ang mga mata namin at nakita ko rin ang pagkabigla at pagtataka sa mga mata niya habang nakatitig siya sa akin.