You're Not My Brother
Episode 7
Red
Palabas na kami ni Dale sa presinto nang makasalubong namin si Aileen. Nang makita niya ako ay mabilis siyang lumapit sa amin at halos maghisterya sa pag-aalala.
"Tor, anong nangyari sayo? Napasabak ka raw sa gulo. Ayos ka lang ba? Kumusta ang pakiramdam mo?" sunud-sunod na tanong niya.
Napatingin na lang ako sa itaas saka ako bahagyang napailing. Hindi ako kumbinsido sa acting ng babae na to.
"Teka? May pasa ka..."
Mabilis kong pinalis ang kamay niya nang akma niyang hahawakan ang panga ko upang masipat ang mga pasa at sugat ko.
"Hindi na bago sa akin ang magkaroon ng mga sugat at pasa. Pero ang bago sa akin ay ang ginawa mong pagpunta dito. Bakit ka nandito? Ilalabas mo ako? Hindi na kailangan. Huwag mo ring sasabihin sa akin na pinapunta ka dito ng Daddy ko dahil hindi ako maniniwala." sarkastikong sabi ko sa kanya.
Napasulyap siya kay Dale at sa Daddy nito na nakatayo sa may bandang likuran ko.
"Mauna na kami,Red. Sumunod ka na lang." paalam ni Dale. Tinanguan ko siya. Sumunod siya sa Daddy niya at sumakay sila sa sasakyan nito.
Binalingan ko si Aileen na tahimik na nakamasid at nakatitig sa akin.
"Doon ka ba uuwi sa unit mo?"
"Hindi ako doon umuuwi. Nandoon ang anak mo diba? Ayoko siyang kasama." mabilis na sagot ko sa sinabi niya.
"Mabait na bata si Gael. Bakit hindi mo siya bigyan ng pagkakataon na mapalapit sayo. Sigurado ako na magkakasundo kayo."
"Gael?" ulit ko sa pangalan na binanggit niya.
"Gael ang pangalan ng anak ko." sabi niya saka siya nagpakawala ng hangin. Ilang sandali pa ay iniba na niya ang usapan.
"Hindi ako pinapunta dito ni Darius. Pero nagpilit ako. Pinayagan naman niya ako na sunduin at ilabas ka dito. Bilang bagong asawa ng Daddy mo ay hindi ko matitiis na pabayaan ka na lsng basta na matulog sa presinto."
Natawa ako saka ko siya tinitigan nang may panunuri. "Napakasweet mo naman palang stepmother." patuya kong sabi sa kanya.
Nakita ko ang pagsisikap niya na pigilan ang pagkainis sa akin. Mas lalo lang akong naaliw sa kanya.
"Sinayang mo lang ang oras mo sa pagpunta dito. Nakalabas na ako kaya makakauwi ka na." sabi ko.
Naglakad na ako at nilagpasan ko siya pero pinigilan niya ako at hinawakan sa braso. Napasulyap pa ako sa kamay niya na nakahawak sa akin.
Malambot ang kamay niya. Halatang hindi sanay sa mabibigat na gawain. Pero sa pagkakaalam ko ay hindi naman siya mayaman. Kaya nga Daddy ko ang sinilaw niya.
"Mahal ko si Darius at mahal din kita kaya ginagawa ko ang lahat upang matanggap mo ako da pamilya ninyo."
Natawa na naman ako. "Mahal? Ilang beses pa lang tayong nagkaharap at wala akong natatandaan na naging malapit ako sayo. Kaya tigilan mo yang mga kadramahan mo dahil hindi bebenta sa akin iyan."
Marahas ko nang binawi mula sa pagkakahawak niya ang kamay ko saka na ako mabilis na sumakay ng bus.
Habang nakatitig ako sa labas ng bintana ay hindi ko maiwasan na hindi isipin ang nangyari kagabi at bigla ay umalingawngaw sa isip ko ang pagbanggit ni Aileen sa pangalan ng anak niya.
Gael ang pangalan ng anak ko. paulit-ulit iyong nag e-echo sa isip ko kasunod ng pag-flash ng pagkikita namin ni Gael na kaklase ko sa elevator ng condo unit na inookupa ko.
Parang may tumambol sa dibdib ko nang mapagtanto ko ang lahat.
"Si Gael ba ang anak ni Aileen?" wala sa loob na naibulong ko sa sarili ko. Tumigas ang anyo ko saka ko naikuyom ang mga kamao ko.
Kailangan kong kumpirmahin ang lahat. Kilala ba ako ni Gael bago pa man siya pumasok sa school?
Kaya ba ganun na lang siya katapang para kalabanin ako? Tumigas ang anyo ko dahil sa kaisipang iyon.
Nagpasya ako na magpalipas muna ng isang buong araw sa unit ni Dale. Mabuti na lamang at napakiusapan niya ang Dad niya na pati ako ay ilabas na sa kulungan.
Pero ang ipinag-aalala ko ay si Kazu. Nakaalis ba siya nang ligtas sa bar na iyon?
Nakatulog ako sa buong maghapon dahil sa puyat. Nagising ako na magtatakipsilim na. Mabilis akong nagcharge at pagbukas ko sa cellphone ko ay nakatanggap ako ng text mula kay Kazu.
Napanatag ako nang sabihin niya na ayos lang siya. Sa halip ay sa akin siya mas nag-aalala.
Nagreply kaagad ako pagkatapos ay nagpasya ako na tumambay sa tambayan ng ibang barkada ko.
Nagpakasaya kami buong gabi. Madaling araw na ako nakauwi. Nagpahinga lang ako ng ilang oras pagkatapos ay pumasok na kami sa school.
Nagtangka si Kazu na tanungin kami sa nangyari subalit sinabihan namin siya ni Dale na kalimutan na ang gabing iyon.
Nagpasya na rin ako na huwag nang isama si Kazu sa mga lakad ng fratmates namin para na rin sa kaligtasan niya.
Tahimik lang kami habang patungo sa classroom. Naabutan namin doon ang mga kaklase namin na tahimik na nagrereview para sa quiz na hindi ko naman pinag-aksayahan ng oras.
Sa halip na magreview ay ginugol ko ang oras ko sa pagtitig kay Gael. Mukhang naramdaman naman niya ang ginagawa kong pagsuri sa kanya. Nakita ko ang marahan niyang paglingon sa gawi ko.
Nagtama ang mga tingin namin ngunit wala akong balak na magbawi ng tingin mula sa kanya. Seryoso ko siyang tinutigan at ipinaparamdam ko talaga sa kanya na alam ko na kung sino siya.
Hindi naman nagtagal ay siya mismo ang unang nagbawi ng tingin ngunit nakatulala siya sa white board. Tila ba nahulog siya sa malalim na pag-iisip.
Napataas ang isang sulok ng labi ko habang hindi ko pa rin hinihiwalay ang tingin ko sa kanya.
Sinulyapan ko si Kazu na ngayon ay abala din sa pagrereview. Hinayaan ko na lang siya saka ko muling pinagmasdan si Gael.
Nang mainip ako dahil hindi na siya nagtangka pa muli na lingunin ako ay kumuha ako ng isang buong papel. Ginawa ko iyong bola saka ko binato sa ulo ni Gael.
Sapul!
Napalingon muli siya sa gawi ko kasabay ng paglingon din ng mga nakaramdam sa ginawa ko. Kabilang na doon si Kazu.
Ngumiti ako ng nakakaloko saka ko siya tinitigan habang nakataas ang kilay ko.
Nakita ko ang paggalaw ng mga muscles sa panga niya ngunit sa huli ay pinili niya na huwag akong patulan.
Inulit ko ang pagbato sa kanya ng papel. Isa, dalawa, tatlo hanggang sa maging anim ngunit hindi na niya ako pinansin pa.
Nakita ko na abala siya sa pagsusulat kaya tumayo ako saka ko sinipa nang malakas ang upuan niya. Mahabang guhit tuloy ang nagawa ng ballpen niya sa notebook na sinusulatan niya.
Hindi pa ako nakuntento at sinipa ko ulit nang malakas ang silya niya. Doon na siya napuno. Padabog siyang tumayo upang harapin ako.
"Ano bang problema mo ha?" matapang na sambit niya saka niya ako kinuwelyuhan.
Mahigpit ko namang dinakma ang braso niya na nakahawak sa akin saka ko iyon marahas na ibinalibag sa ere.
"Ikaw ang problema ko." maangas na sabi ko saka ko siya marahas na tinulak sa dibdib dahilan upang mapaupo siya muli sa silya niya. Gumawa iyon ng ingay kaya sa amin na napunta ang atensyon ng lahat.
"Masyado kang maangas. Hindi mo muna kinikilala kung sino ang binabangga mo." inis na sabi ko.
Napasulyap ako sa mga nagbubulungan sa paligid at nang muli kong balingan si Gael ay isang malakas na suntok ang tumama sa panga ko.
Napaatras ako at tinamaan ko ang dalawang kaklase ko na nasa likuran ko. Malalakas na singhap ang narinig ko.
Nang muli kong balingan si Gael ay galit na anyo niya ang bumungad sa akin at naniningkit ang mga tingin niya.
"Gago ka pala eh." galit din na sabi ko saka ko siya sinikmuraan na hindi niya inasahan. Napaungol siya sa sakit kasabay ng pagbagsak niya sa sahig.
Muli ko sana siyang susugurin pero inawat na ako ni Kazu at ng iba pa naming mga kaklase.
"Red, ano ba? Tumigil ka na." sigaw ng pinsan ko habang mahigpit niya akong niyayakap.
Tinulungan naman ng iba naming kaklase si Gael na makabangon kasunod ng pagbaling niya ng tingin sa akin.
Malakas na suntok ang ginawa ko sa silya ni Kazu saka na ako mabilis na kumalas mula sa pagkakayakap niya.
Dinampot ko ang gamit ko saka ako nagmamadali na lumabas ng classroom. Narinig ko pa ang malakas na pagsigaw ni Kazu sa pangalan ko ngunit nagpatuloy lang ako sa paglakad ng mabilis.
Nagtungo ako sa condo upang kunin ang kotse ko. Nagdrive ako mula Maynila hanggang Cavite upang dalawin ang puntod ni Mama.
Doon ako nagpalipas ng maghapon at isinumbong ko sa kanya ang lahat ng hinanakit ko kay Daddy at sa bagong pamilya nito.
Madaling araw na nang makabalik ako ng Maynila. Dumaan muba kasi ako sa isang kilalang resto bar malapit sa condo ko bago ako umuwi.
Pagpasok ko sa unit ay tahimik na sa loob. Hindi na ako nagbukas ng ilaw at sinanay ko ang mata ko sa dilim.
Ilang sandali pa ay naisipan ko na silipin ang anak ni Aileen sa silid nito. Hindi nakalock ang pinto kaya madali akong nakapasok.
Hindi nga ako nagkamali dahil si Gael mismo ang nakikita ko na nakahiga sa kama at mahimbing na natutulog.
Kahit sa dilim ay hindi maipagkakaila na may taglay na kakisigan ang anak ni Aileen. Nakikita ko ang mukha niya mula sa maliwanag na sinag ng buwan na nagmumula sa bintana.
Hindi siya nagbukas ng aircon at hinayaan niya na nakabukas ang mga bintana upang pumasok ang hangin.
Lumapit ako sa kama niya saka ko mas lalong pinagmasdan ang payapa niyang mukha.
Nagtataka rin ako sa sarili ko dahil hindi ko makapa sa dibdib ko ang kanina ay namamahay na galit para sa kanya.
Masyado yata akong naging marahas sa kanya. Hindi ko kailangan idamay pa ang anak sa galit ko sa kanyang magulang. Iyon ang madalas na ituro sa akin ni Lola noon.
Inangat ko ang kamay ko upang ayusin ang pagkakakumot niya ngunit nagbago ang isip ko.
Naglakad ako palabas ng silid na iyon saka ako pumasok sa sarili kong silid.
Sinulit ko na ang pagkakataon upang makapagpahinga ako ng maayos. Hindi na lang ako papasok sa susunod na araw upang makapag-isip ako ng mabuti.
Ngunit inabot na ako ng umaga sa higaan ko ay hindi ako dinalaw ng antok. Nagpasya na lang ako na lumabas para mag-jogging.
Dumaan ako sa convinient store para makapamili ng maaaring iluto sa almusal pagkatapos ay bumalik na ako sa unit.
Nagsalang na ako ng kanin sa rice cooker saka ako nagtimpla ng kape. Corned beef lang ang nabili ko na ulam saka itlog.
Gumawa na lang ako ng omelete saka ko iginisa ang corned beef. Dahil hindi naman ako likas na masama ay idinamay ko na rin pati si Gael.
Nang makapagluto ako ay nagtungo ako sa sala saka ko binuksan ang tv para manood ng pang-umagang balita.
Bitbit ang mainit na kape na tinimpla ko ay tahimik akong naupo sa sofa at nakinig sa mga bagong balita.
Ilang sandali pa ay bumukas na ang pintuan sa silid ni Gael. Sinadya ko na huwag sumulyap doon. Humigop na lang ako ng kape saka ako nag-focus sa television.
"R-Red?" narinig kong sambit niya sa pangalan ko. Sinulyapan ko siya sandali pagkatapos ay ibinalik ko ang tingin ko sa pinapanood ko.
"Paano ka naka..." hindi niya itinuloy ang sinasabi niya. Nakita ko ang pagkalito sa anyo niya kasunod ng pagkabigla. Ilang sandali siyang napaisip bago siya muling tumingin sa akin.
"Ikaw si Tor!" malakas na bulalas niya. May kumpirmasyon sa tinig niya.
Bumaling ako sa kanya saka ko inilapag ang hawak kong tasa sa mesa.
"Huwag ka nang umasta na hindi mo alam. Hindi ba at noon pa lang ay kilala mo na ako kaya mo ako inaangasan?" sabi ko.
Bumakas ang pagkalito sa anyo niya pero hindi niya ako maloloko sa pagkakataon na ito.
Hindi ako kailanman naloko ni Aileen at wala rin akong balak na magpaloko sa anak niya.
Kumuyom ang mga kamao ko saka ko sinigawan si Gael.
"Sabihin mo sa akin kung ano ang mga iniuutos sayo ng magaling mong nanay? Bakit ka nagpapanggap na hindi mo ako kilala sa school?" hiyaw ko.