You're Not My Brother
Episode 8
Red
"Ano bang sinasabi mo?" aniya sa malumanay na tinig. Nakikita ko ang pagsisikap niya na pagaanin ang sitwasyon sa pagitan naming dalawa.
"Bakit ka ba nagagalit nang ganyan? Hindi mo kailangan sumigaw dahil naririnig naman kita." patuloy pa niya.
Naniningkit na mga titig ang ibinigay ko sa kanya pagkatapos ay tumayo ako saka ako humakbang palapit sa kinatatayuan niya.
Matapang naman niyang sinalubong ang mga tingin ko at hindi nawawala sa mga mata ko ang tingin niya.
"Sabihin mo sa akin. Bakit kailangan mong magpanggap?" muli ay tanong ko sa kanya sa malamig na tinig. "Kilala mo na ako nung una pa lang diba? Inutusan ka ba ng pokpok mong nanay?"
"Tang-ina mo bawiin mo ang sinabi mo!" galit na sigaw niya kasabay ng marahas na pagtulak niya sa dibdib ko at ang mahigpit na paghatak niya sa kuwelyo ng damit ko.
Hindi naman ako nabahala sa naging reaksyon niya. Alam ko na gagawin niya ito.
Tinawanan ko siya saka ko siya mas lalong inasar upang tuluyan na siyang mapikon. Hindi ako kuntento na nakikita siya na kalmado.
Hindi ko maintindihan sa sarili ko ngunit sa tuwing napapainit ko ang ulo ni Gael ay naaliw ako.
"Bakit? Totoong pokpok naman ang nanay mo diba? Pinagpasahan na ng iba't ibang lalaki bago niya nakilala ang Daddy ko."
"Tarantado!" mura niya saka niya ako tinangkang suntukin ngunit mabilis ko na siyang ginamitan ng self defense skills ko.
Nagkataon lang na naisahan niya ako sa school kahapon kaya niya ako nasapak pero hindi ko na papayagan na maulit niya iyon.
Sa isang iglap lang ay mabilis ko na siyang naibalibag pahiga sa sahig. Bahagya pa siyang napaungol nang marahil ay nasaktan siya.
Natigilan ako at nakadama ng kaunting guilt. s**t! Naputuhan ko ba siya?
Mabilis kong sinulyapan ang mukha niya ngunit nagtangka naman siyang sipain ang sikmura ko kaya mabilis kong iniiwas ang katawan ko.
Natawa pa ako habang nagsisimula na siyang bumangon. "Gago ka ah. Naiisip mo pa lang ay alam ko na kung ano ang mga susunod na ikikilos mo. Hindi ka mananalo sa akin Gael kung sa pisikalan lang din naman." mayabang na sabi ko.
Kung nakamamatay lang ang mga tingin na ipinukol niya sa akin ay malamang na bumagsak na ako ngayon sa sahig.
Binigyan ko siya nang naaliw na tingin saka ko siya nginisian. Ngising demonyo. Ngising nang-aasar.
"Hindi mo ba alam na pokpok ang Nanay mo?"
"Naging dancer siya sa club pero hindi siya naging pokpok." madiin na sabi niya at kababakasan mo ng galit ang tinig niya.
"Talaga? Yun ang sinabi niya sayo?"
Nakita ko ang kalituhan sa mga mata niya pagkatapos ay ang galit at inis.
"Kung totoo man na hindi mo alam ang tungkol doon. Isa lang ang masasabi ko sayo. Hindi mo yata masyadong kilala ang Nanay mo." sabi ko.
Tumigas ang anyo niya at nakita ko ang pagkuyom ng mga kamao niya. Ilang sandali pa ay muli na naman niya akong sinugod ng suntok.
"Sumusobra ka na. Tang-ina mo. Gago!" sigaw niya.
Mabilis kong naiwasan ang unang suntok niya ngunit ang ikalawa mula sa kaliwang kamao niya ay hindi ko inasahan.
Tumama iyon sa mukha ko at napasadsad ako sa pader. Grabe. Lakas sumuntok ng kaliwa niya.
Hindi pa siya nakuntento muli na naman niya akong tinangka na suntukin pero nasipa ko ang tuhod niya kaya napaatras siya.
Inilagan ko na ang mga sumunod niyang suntok hanggang sa magpambuno kaming dalawa.
Ilang beses pa niya akong nasaktan habang ako ay pinipigilan ko ang sarili ko na saktan siya dahil sa totoo lang ay alam ko na masyado akong naging marahas sa kanya dahil sa mga sinabi ko.
Halos dalawang minuto rin kaming nagsukatan ng lakas hanggang sa sabay kaming bumagsak sa sahig.
Nakahiga siya habang ang buong bigat ko naman ay dumagan sa kanya. Nakita ko na napangiwi siya nang muling tumama ang likod niya sa matigas na tiles.
Natigilan ako kasunod ng pag-iyak niya. Hindi ko inasahan iyon. Masyadong maangas si Gael para umiyak nang ganito dahil lang nasaktan siya sa pagbagsak namin.
Pero hindi pala iyon ang dahilan kundi ang pambabastos na ginawa ko sa Nanay niya. Nakadama ako ng guilt habang pinagmamasdan ko siya.
Marahan akong pumaikot at humiga sa tabi niya. Hinihingal pa ako dahil sa ginawa kong pakikipagbuno kay Gael.
"Dapat talaga hindi na lang ako pumayag sa gusto ni Mama na dito tumira kasama ka. Sa simula pa lang ay alam ko na, na ganito ang mangyayari."
Hindi ko siya sinagot. Nanatili lang ako na nakatitig sa kisame kagaya niya.
"Kung paaalisin mo ako dito ay bigyan mo ako ng sapat na panahon para makaipon ng ibabayad ko sa renta ng lilipatan ko."
Napalingon ako sa kanya. Nakita ko ang pagpunas niya sa mga luhang dumaloy sa mukha niya. Napasinghot din siya saka siya nagtangka na bumangon na.
Nakita ko na iniinda pa rin niya ang sakit na dulot ng maling pagbagsak ng katawan niya.
Tatayo na sana siya nang mabilis akong bumangon saka ko hinila ang braso niya kaya muli siyang napaupo.
Lumingon siya sa akin pagkatapos ay sa braso niya na hawak ko pa din.
"Gago ako Gael. Pero hindi ako masamang tao. Hindi kita pinapaalis dito. Gusto ko lang malaman kung bakit nagpanggap ka na hindi mo ako kilala."
Binawi niya ang braso niya saka na siya marahan na tumayo. Ilang hakbang na ang natatahan niya nang bigla ay huminto siya saka niya ako muling binalingan.
"Hindi ako kailanman nagpanggap. Ngayon ko lang nalaman na ikaw ang anak ng bagong asawa ni Mama." aniya na kababakasan mo ng kalamigan ang tinig niya.
Dumiretso na siya sa silid niya habang ako naman ay nakatulala pa rin sa pintuan na pinasukan niya.
Muli ay naalala ko ang likod niya. Hindi naman masama ang tama niya dahil nakapaglakad pa siya ng diretso pero alam ko na kailangan niya ng cold compress.
Mabilis akong bumangon saka ako kumuha ng ice cubes sa freezer. Inilagay ko iyon sa ice bag saka ako pumasok sa silid ni Gael.
Naabutan ko siya na nahihirapan sa paghubad ng T-Shirt niya kaya mabilis ko siyang nilapitan at tinulungan ko siya na mahubad iyon.
Dinama ng palad ko ang makinis niyang likod dahilan upang mapakislot siya saka niya iniiwas ang katawan niya.
"Anong ginagawa mo?" uncomfortable na tanong niya.
"Uh! Masama ang bagsak ng likod mo kaya kailangan ay malapatan kaagad yan ng cold compress bago pa mamaga." sabi ko saka ko na kinapa ang likod niya upang malaman ko kung saang parte ang tama niya.
"Aww!" daing niya saka siya napalayo nang makapa ko na kung saan ang masakit.
Nakita ko na napapikit siya nang maidampi ko na ang ice bag sa parte na injured.
Naupo na rin ako sa kama upang hindi ako mahirapan sa ginagawa ko.
Hindi ko naiwasan na hangaan ang makinis na balat niya sa kabila ng katotohanan na pareho kaming lalaki.
"Bakit mo to ginagawa?" bigla ay tanong niya.
Napahinto ako sa pagtapal ng compress sa likod niya saka ko siya tiningnan. Nakabaling na rin sa akin ang ulo niya.
"Hindi ba galit ka sa akin?" dugtong pa niya.
Napailing naman ako saka ako bahagyang nangiti. Bakit nga ba? Hindi ko rin alam.
"Hindi ako galit sayo. Galit ako sa Nanay mo." sabi ko saka ko na muling tinapalan ang likod niya.
Napadiin iyon kaya napaungol siya. Natataranta naman ako na inalis iyon saka ko muling ibinalik nang may pag-iingat.
Mahabang katahimikan ang sumunod na namagitan sa aming dalawa. Wala kahit na isa ang gustong bumasag nito. Hanggang sa ako na ang nagkusa.
"Hindi kita pinapaalis dito, Gael. Sa tingin ko ay makakasundo naman kita. Hindi ko nararamdaman sayo ang disgusto na nararamdaman ko sa tuwing nakakaharap ko ang Nanay mo."
Hindi niya ako sinagot ngunit nakita ko na tila napapaisip siya habang patuloy pa rin ako sa ginagawa ko sa likod niya.
Malalim na buntong-hininga ang sumunod na narinig ko sa kanya.
"Feeling better?" tanong ko.
Tumango naman siya saka ko na inalis ang ice bag sa likod niya.
"Salamat!" sambit niya.
Nginitian ko naman siya saka na ako tumayo upang lumabas. Nasa pintuan na ako at hawak ko na ang doorknob nang huminto ako saka ko siya muling binalingan.
"Lumabas ka na at kumain ka. Nagluto na ako ng almusal. May pasok pa tayo mamayang alas nueve."
Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya. Lumabas na ako upang makapaghanda na rin sa pagpasok ko.
Nang makaligo ako ay naabutan ko si Gael na nakaupo sa may mesa. Nakahanda na ang mga plato at tila ba hinihintay talaga niya ako na lumabas.
Nakahubad-baro pa rin siya ngunit may nakasabit nang tuwalya sa katawan niya. Hindi ko tuloy naiwasan na sipatin ang dibdib niya na bahagya nang natatakpan ng towel.
"Magkano ba ang nagastos mo sa almusal? Babayaran ko na lang ang kalahati." sabi niya.
"Para kang sira!" sagot ko. "Hindi kita sinisingil kaya tigilan mo ako."
Pinunasan ko ng towel ang basang buhok ko. Saka na ako naglakad upang magtungo sa silid ko.
Hinubad ko na ang roba na suot ko at nagsimula na akong magsuot ng uniform.
Paglabas ko ay hinintay ko nang matapos maligo si Gael. Sabay kaming kumain at sabay din kami na pumasok sa school.
Kahit hindi ako masyadong iniimik ni Gael sa buong durasyon na magkasama kami ay napanatag pa rin ako.
Hindi ko lubos maisip na ganito pala ang kahahantungan namin ng anak ni Aileen. Hindi naman pala siya mahirap kausap at sa nakikita ko ay magkakasundo naman kami.
Mula sa condo ay mga ten minutes walk ang layo ng school. Kadalasan ay sumasakay pa ako ng taxi sa tuwing papasok ako simula nang huminto ako sa pagda-drive ng kotse.
Pero dahil nagsimula nang maglakad si Gael ay napasunod na lang din ako sa kanya.
Dahil maaga pa ay hindi pa masyadong mainit kaya kumportable akong naglakad.
Nasa main road na kami nang maalala ko yung araw na nakita ko siya na naglalakad pauwi.
"Nilalakad mo lang ba talaga to sa tuwing papasok at uuwi ka?" tanong ko sa kanya.
Tumango siya. "Hindi naman ako mayaman na kagaya mo para sumakay pa ng taxi. Malapit lang naman ang school." sagot niya.
Napatango na lang ako at dahil nararamdaman ko na parang ayaw naman niya akong makausap nang matagal ay hindi na ako nagtangka pa na muli siyang kausapin.
Binaling ko na lang ang atensyon ko sa mga nadadaanan namin. Kapag nasa sasakyan ako ay hindi ko masyadong napapansin ang mga iyon.
Ngayon ko naisip na nakakaaliw din pala ang maglakad. Hindi na masama lalo na kung ganito naman kaaga ang pasok namin.
Dahil naaliw ako sa paglalakad ay nakalimutan ko na daanan si Kazu sa tambayan namin.
Nakasimangot tuloy siya nang pumasok siya na classroom at inis na sumulyap sa akin.
Nang makaupo na siya sa upuan niya ay bumaling siya sa akin.
"May utang ka sa akin. Ikaw sng magbabayad ng lunch ko mamaya." sabi niya.
Natatawa naman ako na sumagot. "Oo na!" sabi ko.
Natapos ang unang klase na wala man lang akong naintindihan sa mga diniscuss ng prof namin.
Naubos ang oras ko sa pagtanaw sa labas ng bintana at sa pagsulyap kay Gael na hindi man lang bumaling kahit minsan sa gawi ko.
Nakadama ako ng pagkainis kaya may naisipan akong kalokohan.
Sinipa ko ang upuan ni Kazu. Nang mapalingon siya ay nakipagpalit ako ng puwesto sa kanya.
"Ano na naman ang kalokohan na binabalak mo?" tanong niya sa akin.
Nginisian ko lang siya saka ko siya hinatak patayo mula sa upuan niya. Mabuti na lang at abala sa pagsusulat sa board ang prof namin kaya hindi niya kami napansin.
Kinuha ko yung gunting na nasa bag ko saka ko maingat na ginupit ang likurang bahagi ng suot na polo ni Gael.
Halos limang butas na ang nagagawa ko nang maramdaman niya ang paghila ko.
Mabilis kong itinago ang kamay ko na may hawak na gunting sa loob ng bag ko na nasa ibabaw ng armchair nang lumingon siya sa akin.
Nginitian ko naman siya saka ko tinaas baba ang mga kilay ko.
Mabilis na siyang humarap sa harapan nang marinig niya na nagsalita ang prof namin.