"ANONG meron? Bakit isinama mo si James dito sa lakad natin? Saka akala ko ba ayaw mo sa kanya, Tanya. Pinayagan mo pa talaga na ligawan ka niya," mga tanong ni Olive.
Hindi na sila tumigil kauusisa tungkol kay James. Isinama ko kasi ito sa bar. At naka-formal attire pa ito. Sinunod niya ang sinabi ko na disente ang isuot. May kondisyon lang ako, bawal siyang lumapit sa akin habang kasama ko ang mga kaibigan.
Napatingin ako sa gawi ni James. Nag iinom ito kasama ang mga kaibigan niya. Isinama nito si Nickson at may iba pa silang kakilala na nasa bar din. Sikat ang barkada ni James, lalo na sa mga babae.
"Kanina pa kayo. Ito naman ang gusto niyo, di ba? Ang bigyan ko ng chance si James. Paulit ulit na dapat mabuhay ako. Hindi pa ako patay pero walang kabuhay buhay," sarkastikong sagot ko.
Napaamang silang lahat sa sinabi ko. Sinabi nila, tapos 'nong ginawa ko ang dami nilang tanong. Saan ba ako lulugar?
"Sinabi nga namin, pero sana hindi ka nagpadalos dalos," ang sabi ni Ann.
"Hindi ako burara sa desisyon ko. I realized na tama kayo. Siguro, it's about time na sarili ko naman ang isipin ko. Wala sigurong mali kung susubukan ko. Malay niyo, maganda ang kalabasan. Makakalimutan ko si Marky at mamahalin ko rin si James.
Napabuntong hininga si Rachel. At inirapan ko lang ito sabay inom ng alak sa baso.
"Uminom na lang tayo. 'Wag niyo na lang pansinin si James. Tutal, nag eenjoy din naman siya kasama ang kaibigan niya," dagdag ko.
"Huwag mong paasahin ulit si James. Mabait siya at nakikita namin na mahal ka niya talaga. 'Wag mong sayangin na mahal ka pa niya. Sige ka, baka kapag natutunan mo na siyang mahalin. Nanawa naman si James na suyuin ka," ani ni Via. Kilala ni Via si James dahil kay Nickson.
Malabong mangyari 'yon. Dahil mayroon ng sumisibol na feelings sa puso ko para kay James. Sinusubukan ko lang siya kung hanggang saan ang itatagal niya. Maigi na masigurado kong totoo siya at hindi sa nakikita niya lang ako sa mga panaginip niya. Kaya mahal niya ako.
Matagal din akong nag-move on kay Marky. Hindi pa totally naka-move on sa first love ko. Pero para kay James, susubukan kong magpatuloy sa buhay ko na hindi na iniisip si Marky.
"Halika, Via. Sumayaw na lang tayo," aya ni Rachel sa kaibigan namin. Tumayo ito at hinawakan ang kamay ni Via.
Tinignan ko lang sila. Hinihintay ko na ayain din nila akong pumunta sa dance floor.
"Sama ako," habol na sabi ni Ann.
Tumaas ang sulok ng labi ko ng walang pumansin sa akin. May sama ba sila ng loob sa akin? Napapailing na lang ako na nangingiti habang nilalandas ng daliri ko ang bibig ng kopita.
Umalis ang tatlo at iniwan akong mag isa. Napabuntong hininga na lang ako. Saka muling lumagok ng alak sa kopita ko.
"You will get drunk. Kanina pa kita napapagmasdan na sunod sunod ang inom mo," hindi ko napansin ang paglapit ni James sa akin.
"Kaya nga ako pumunta ng bar para malasing. Saka anong saysay na andito ako kung uupo lang ako at manonood sa mga kaibigan ko."
Umupo si James sa tabi ko. Isang paikot na upuan ang kinauupuan namin. Nasa gitna nito ang lamesa.
"Bakit hindi ka sumayaw kasama ng mga kaibigan mo?" tanong pa ni James na itinuro ng tingin ang mga kaibigan ko na nagkakasayahan na sa gitna ng dance floor.
"Hayaan mo sila. Hindi naman nila ako niyaya. Nagtatampo sa akin." Sabay inom ko. Nagsalin ako ng alak sa kopita ko nang maubos ko ang laman.
Napatulala si James nang sunod sunod ang ginawa kong pag inom ng alak. Hindi na ito nakatiis at hinawakan na ang kamay ko nang magtatangka akong magsalin ng alak sa baso ko.
"Lasing ka na, Tanya. Tama na 'yan," saway nito sa akin.
"Hindi ako lasing. Baka ikaw ang lasing, James." Ramdam kong umiikot ang paligid ko. Nahihilo na nga ata ako.
"Isinama mo ako rito pero hindi kita puwedeng lapitan. Isinama ko nga si Nickson."
"Kayong mga lalaki talaga, babakuran niyo kahit na wala pa kayong karapatan. Pero nanakit naman kayo ng mga babae." Sinundan ko ng malakas na tawa. Saka hinawakan sa balikat si James. Lasing na nga ata ako. Parang bibigay na ang talukap ng aking mata.
"Saan nanggaling 'yon, Tanya? Iniiba mo ang usapan. Natural lang na bakuran kita dahil nililigawan kita. Alangan na pumayag ako na mayroong sumulot sayo sa akin."
Mahinang hinampas ko siya sa balikat. "Eh, pano kung magkagusto ako sa iba? Anong gagawin mo?"
Hindi sumagot si James. Nakatitig lang ito sa mukha ko.
"Let's go. Ihahatid na kita sa bahay niyo. Lasing ka na, Tanya."
Hinawakan ako nito sa braso at pilit na itinatayo.
Iniwas ko ang braso ko. Sabay tulak sa ko sa kanya. Walang puwersa kaya hindi man lang natinag.
"Ayoko! Gusto ko pang uminom," mariing tanggi ko. "Gusto kong sumayaw. Dito ka lang, pupuntahan ko ang mga kaibigan ko." Tumayo ako at kahit na hindi na diretso ang lakad ko ay pinuntahan ko pa rin sina Via sa dance floor.
Nakasunod at nakaalalay lang si James sa aking likuran. Nakaantabay kung sakaling babagsak ako.
"Oh, Tanya. Lasing ka na, ah," punang sabi ni Rlachel. Napadako ang tingin nito kay James na nasa likuran ko.
Masyado ng maharot ang sayaw ko. "Hindi pa. Sayaw tayo, Rechel. 'Wag mong intindihin si James."
"Ang maigi pa, James, ihatid mo na si Tanya sa condo niya. Lasing na lasing na siya," rinig kong sabi ni Ann.
Wala naman akong pakialam sa kanila. Panay lang ang sayaw ko. May mga natatabig na ako habang nagsasayaw.
"Tanya, let's go," saad na aya ni James.
"Ayaw ko pa ngang umuwi. Nagsasayaw pa ang tao, eh! Kung gusto mong umuwi, umuwi ka. Wala akong pakialam!" Bulyaw ko rito saka muling sumayaw. Napatigil ang mga kaibigan ko nang marinig ang malakas kong sigaw.
May lumapit sa akin na lalaki at pilit na pinapaalis si James. "Pare, nagsasayaw kami. Kaya umalis ka na." Pagkasabi niyon ay naramdaman kong ipinulupot ng lalaki ang kamay niya sa beywang ko.
Wala akong pakialam na nagsasayaw lang. Mas inilapit ng lalaki ang katawan nito sa akin. 'Di ko na nakikita pa ang reaksyon ng mukha ni James. Ni hindi ko nga narinig na nagprotesta ito.
Mayamaya, napasinghap ang mga kaibigan ko nang bumagsak sa sahig ang lalaki. Sinuntok na pala ito ni James. Sabay haklit sa akin at kinarga ng patiwarik. Para lang akong sakong isinampay sa balikat niya.
"Hoy! Ibaba mo ako!" Nagkakawag ako ng aking paa. Pero parang walang naririnig si James at diretso ang lakad nito palabas ng bar.