At sa di na natiis niya itong masamang asal nang caniyang anac, ay
guinapos niyang minsan nang madaling arao, itinali sa isang haligui
nang bahay, hinampas nang di biro-biro, at doon pinabayaan niyang
maghapon at magdamag.
Nagmamacaauang totoo ang mag-ina ni Pili cay cabezang Andrés, at si
Próspero nama,i, ualang calagot-lagot nang paghingi nang tauad, caya
quinaauaan siya nang caniyang tatay, inalisan siya nang mañga tali, at
tuloy pinañgusapan siya nitong maicsi, ñguni,t, malamán na salita:
Proper, ani cabezang Andrés, Proper, cung sana sa bangca, aco,i,
tiguib na tiguib na, caya cung minamahal mo ang buhay mo at ang buhay
co, ay magpacaiñgat ca na.
Natacot na totoo, si Próspero dito sa mañga uicang ito nang caniyang
tatay, caya nagmabait siya,t, nagmasipag nang panibago. Datapoua,t,
halos di pa bahao ang mañga sugat nang caniyang pigui, ay nauala na sa
caniyang loob ang pagbabala pati pañgañgaral sa caniya ni cabezang
Andrés, at nagsauli siya sa dati niyang masasamang caugalian.
Itong mañga suson-suson na capighatian nang loob ni cabezang Dales, ay
dumamay rin sa caniyang catauoan, caya hindi nalaon, ay nagcasaquit
siya nang isang mabigat at di maquilalang saquit, (palibhasa,i, uala
sa catauoan, cundi nasasaloob), at baga man guinagamot siya nang mañga
mediquillong taga rito, at nang taga ibang bayan, ay lumalala ang
caniyang saquit, (na, uala sa caniyang catauoan cundi na sa caniyang
calooban), at namatay tuloy, pagcatangap nang mañga _santo
Sacramento_.
_Segurong-seguro_ ang mañga bumabasa nitong aquing casulatan, ay
nagiisip sa canilang sarili, ó nagnanasa cayang maalaman, cung ano
baga ang naguing calagayan, ó buhay caya ni Felicitas, na magmula
niyong unang _pagvavacasion_ ni Próspero dini sa bayan, hangan dito sa
pagcamatay nang caniyang ama. At nang matapatan co ang nasasaloob nang
mañga bumabasa nitong tunay na _historia_, ay sasabihin co ang lahat
nang naalaman co, dito sa caunting salitang susunod:
Nang _nagvavacasion_ dito si Próspero, at natatantong maigui ni Pili
ang caugalian, at ang iba,t, ibang caisipan nang caniyang capatid,
tungcol sa mañga bagay nang caloloua, at sa mañga asal nang tauong
cristiano, ay pinaroonan niyang uli ang aming Cura, at doon cumuha
nang sanguni: at ang uica nang aming cagalang-galang na Padre Cura sa
caniya,i, ganito:--Felicitas, uala acong naalamang gamot sa saquit ni
Próspero, cundi ang siya,i, ialis nang magulang mo sa Maynila at ioui
dito sa bayan.
Ayon dito sa hatol na ito,i, _oras-oras_ ipinamamanhic ni Felicitas sa
caniyang magulang, na houag baga paluasin nilang uli si Próspero sa
Maynila, cundi patirahin na siya dito sa bayan, baca, aniya, baca,
pó,i, mapahamac, cung mapalayo sa inyo.
Subali,t, hindi rin nacamtan niya ang cahiñgian, baga man siya,i,
tinutuluñgan nang aming mahal na Padre Cura. Ang isinasagot cay Pili
nang mag-asaua ni Angi, at ang minamatouid nila,i, ualang-uala silang
naquiquitang masama cay Proper, cundi ang mañga gaua-gauang ugalit
nang cabinataan, na, mauauala rin ainila, cung siya,i, mag-aaral pa
nang caunti sa Maynila.
Sa icatlong taon nang pagcatira ni Prospero sa Maynila, ay may
dumating dito sa bayan na isang balita, na di umano rao,i, si Próspero
ay hindi na nag-aaral na siya,i, inuusig na palagui nang caniyang
mañga pinagcacautañgan; na siya,i, _hinabla sa Juzgado,_ cung macailan
na dahilan sa gayong mañga bagay; na siya,i, paganoo,t, paganoon.
Itong balitang ito,i, hayag na hayag, at calat na calat dito sa boong
bayan, caya si Felicitas, dala nang malaquing capighatian nang
caniyang dibdib, ay isinumbong niya itong lahat na manga bagay na ito
sa caniyang magulang, at nag-uica uli sa canila, nang mangyari ay
paouiin na nila si Próspero dito sa bayan, nang maputol at matapos ang
ganoong mañga carumal-dumal na pagbabali-balita nang tauo.
Pagsusumbong nang gayon ni Felicitas sa caniyang magulang, ay
quinagalitan siya,t, pinañgusapan pa ni cabezang Angi nang
ganito:--Houag cong _magosiosa_, Pili, at houag cang maquialam sa
mañga gaua namin nang amba mo, at cami ang nacacaalam niyang mañga
bagay na iyan, at hindi cailañgan na cami ay turuan mo pa. ¿Baquit
icao,i, maniniuala sa mañga sabi-sabi nang tauo, na _puro_ gaua nang
canilang capanaghilian sa atin? Caya tahanan mo iyang salita mong
iyan.
Nagolomihanang totoo si Felicitas pagcariñgig nitong pañguñgusap nang
caniyang ina, at hindi na siya cumibo. Subali,t, sa di mapalagay-lagay
ang caniyang loob, ay isinanguni niya sa caniyang Cura,t, Confesor
itong lahat nang ito. Pinaquingan nang aming Cura ang mañga
isinasanguni ni Felicitas sa caniya, at itinanong pa siya cay Pili ang
iba,t, iba, at pagcatapos, ay naghatol siya cay Felicitas; na houag na
siyang cumibo magpumilit siyang magpacabanal, at ipamahala na niya sa
Pañginoon Dios ang lahat na yaon.
Sinunod ni Felicitas ang hatol at bilin nang aming Cura sa caniya, at
hindi na siya umimic. Ang lahat na naquiquita niya,t, naririñgig
tungcol cay Próspero, ay tinitiis niya sa caniyang sarili, at sa
Pañginoon Dios inihahain.
Sasabihin co na ang lahat sa mañga catagang uica. Ang lagay ni
Felicitas sa panahong yao,i, siyang-siya nang lagay nang isang
_macetas_, na hindi dinidilig na nalalanta,t, nalalanta, natutuyo,t,
natutuyo at sa calauna,i, namamatay. Ganito, anaquin, ang lagay ni
Felicitas, nang inioui rito nang caniyang magulang si Próspero na
mangaling sa Maynila, at nang maipagbili na nila ang canilang
pag-aari, sa pagbabayad nang mañga utang niyong palamarang anac at
capatid.
Nang naririto na sa bayan si Próspero, at natantong uli ni Felicitas
ang caniyang asal at ugali, ay sumaquit na lalo ang caniyang loob,
caya baga man pinagticahan niya, na hindi na siya quiquibo; ay hindi
rin matiis, palibhasa,i, inaari niyang malaquing casalanan ang di
pagsasabi nang totoo sa caniyang capatid; at dahilan dito,i, sinira
niya ang caniyang dating pagtitica, at pinañgaralan niya si Próspero,
(cung macailan), sa mañga lihim, at sa mañga banayad na banayad at
mahusay na pañguñgusap. Datapoua,t, sa di siya,i, paquingan ni Proper,
cundi siya pa ang quinagagalitan at pinag-uiuicaan nang masama, ay
itinicom niya ang bibig, at hindi na siya umimic nang munti man.
Pinagsisipagan niya lamang ang paggaua, nang siya,i,
macatulong-tulong sa caniyang magulang sa paghanap nang pagcabuhay;
guinaganap niyang ualang sala ang caniyang mañga dating _devosion_, at
hindi na siya naquiquialam sa ano pa mang bagay.
¡Naca-aaua mandin si Felicitas, cung pagmasdan ninyo ang caniyang
casipagan at panoorin ninyo ang caniyang muc-hang payat, putlain at
malumbayin pa!
Ito, inuulit cong sabihin, ang calagayan nang loob at catauoan ni
Felicitas doon sa panahong yaon, at nang mamatay ang caniyang amba.
Ñgayo,i, itutuloy co na ang pinutol cong salita.
Nang mautas na si cabezang Andrés at malibing na sa _panteon_, at
natapos ang pagsisiam, naugaling gauin naming mañga tagalog, ay
tinauag ni cabezang Angi ang caniyang anac na si Próspero at
pinañgusapan nang ganito:
Proper, anac co, talastas mo na ang pagmamahal namin sa iyo, caya
ipinamamanhic namin sa iyo, na icao,i, magbait na, at pañgasiuaan mo
ang caunting pag-aaring itinira sa ating nang nasira mong amba.
Naalaman mo rin, na ualang ibang sucat nating asahan pagcabuhay, cundi
ang ating sariling hanap, caya gumaua tayong para-para, at hindi tayo
mauaualan nang macacain sa tulong at aua nang ating Pañginoon Dios.
Pagcatapos nitong salita ni cabezang Angi, ay ipinañgaco ni Próspero
sa caniyang inda at capatid, na siya,i, magbabait na, at hahalili sa
caniyang nasirang ama, sa pañgañgasiua nang canilang pag-aari; at ang
uica pa:--Nanay, houag, po, ninyong alaalahanin ang ano pa mang bagay
sa ating pamamahay; at acong bahala sa lahat.
Naniuala si cabezang Angi sa pañgaco nang caniyang anac, at naniuala
naman si Felicitas; subali,t, iba ang nangyari.
Naalaman na nang mañga bumabasa nitong aquing casulatan, na si
Próspero,i, ualang cacusa-cusa sa _trabajo_, naalaman din nila, na
cung caya,i, gumagaua-gaua si Proper nang daco noong arao,i,
alang-alang lamang sa catacutan niya sa caniyang namatay na ama; at
natatanto naman nila, na si Proper ay ualang caisipisip at ualang
catiñgintiñgin sa caniyang pamamahay. At nang ipahayag co ang totoong
nasasacalooban co,i, sasabihin co pa ñgayon, na ang pagcamatay ni
cabezang Dales, ay iquinalumbay ni cabezang Angi nang di hamac, at
iquinabacla nang loob ni Felicitas; datapoua,t, bagay cay Próspero,i,
ang damdam co,i, siya,i, natotoua, nang malaquing toua, baga man
nagcucunouari siya,i, nalulungcot.
Dito sa mañga susunod na salita,i, maquiquilala ang pagcatotoo nitong
aquing paghihinala.
Ayon sa pañgaco ni Próspero sa caniyang ina at capatid, na siya
baga,i, mañgañgasiua na lahat, na para nang guinagaua nang caniyang
tatay, ay ipinagcatiuala sa caniya ni cabezang Angi ang pamamahala sa
mañga hayop, at sa mañga lupang bubuquiring natitira pa sa canila.
Nang magcagayon, ay isip ninyo,i, tototoohanin ni Próspero ang
caniyang pañgaco. Uala siyang catiguil-tiguil. Mamaya,i, pinaliligoan
niya ang canilang tatlong calabao; mamaya,i, nangdadamo siya, ó
nañgañgahoy caya; ñgayo,i, pinag-iigui niya ang bacuran nang canilang
bahay, ó linilinis ang canilang looban; ó cung dili caya,i,
naghuhusay-husay siya nang mañga casangcapan sa pamamahay. At ang
lalong caguila-guilalas dito,i, hindi na siya nagsasalual sa mañga
gauang ito, cundi mañga _putol_ lamang. ¡Subali,t, itong casipagang
ito,i, hindi natagal!
¿At sa di gayon? ¡Uala na siyang quinatatacutang ama! ¡Ang caniyang
ina at capatid ay hindi niya quina-aalang-alañganan nang munti man! At
ang lumalalo sa lahat: ¡ay ualang-uala sa caniyang calooban, ang
pagbabalic loob sa Pañginoon Dios! Caya,i, nanariua nang panibago sa
caniyang puso, ang quinararatihan niyang masasamang ugali, at nagsauli
rin sa dati.
Dahilan dito,i, uala pang sangbuan siya sa caniyang bagong pagcalagay
ó catungculan, ay namatay sa gutom ang isang calabao nila, gaua nang
capabayaan ni Próspero.
Sumapit ang panahon nang pagtatanim, at ang caunting palayan nila,i,
hindi natamnan, dahilan sa capabayaan ni Próspero.
Pagcamaya-maya,i, nauala, rao, ang uica ni Próspero, ang isa pa nilang
calabao, bago-bago,i, nang usisain ni cabezang Angi ay nabalitaan
niya, na di umano,i, ipinagbili ni Proper sa pagbabayad nang ibang
mañga utang niya.
Sa catagang uica: hindi pa naboo ang sangtaong arao magmula nang
pagcamatay ni cabezang Andrés, ay dinaquip si Próspero nang _justicia_
at piniit sa tribunal, dahilan sa paghahabla sa caniya nang maraming
tauo.
Humarap si cabezang Angi sa Tribunal at inusisa niya doon itong
nangyaring ito sa caniyang anac, at ipinahayag sa caniya nang
Maguinoong Capitan, na cung caya _napepreso_ doon si Proper, ay
dahilan sa cacapalan nang caniyang utang, na hindi binabayaran, at
dahilan naman sa mañga _reclamo_ ni Capitang Juan Gavi, bagay sa
caniyang anac na dalaga, at mañga _habla_ ni cabezang Teo Mauiling
tungcol sa caniyang asaua, at cung ano-ano pang sinabi nang Maguinoong
Capitan.
Nang mariñgig ni cabezang Angi ang mañga sinasalita sa caniya nang
aming Capitan, ay namutla siya,t, nasindac na totoo, na hindi
macaquibo, at hindi macapag-uica, at hindi man macaiyac; tila mandin
nahahalañgan ang caniyang lalamunan, at natutuyo ang luha nang
caniyang mata caya nang pagmasdan nang Maguinoong Capitan ang masamang
tayo ni cabezang Angi, ay pinaoui siya, at ang uica sa caniya:
--Cayo, pó,i, umoui muna, cabezang Angi, at mapalagay-lagay, pó, cayo
nang loob, at bucas, pó, nang umaga, cung may aua ang Panginoon Dios,
at tayo,i, nabubuhay pa, ay pumarito cayo, at atin pong husain itong
mañga bagay na ito.
Umoui ñga si cabezang Angi, at sinamahan nang isang _oficiales_ na
camag-anac niya, na baca cung mapaano siya sa daan, at nang dumating
sa bahay, ay sinalubong siya ni Felicitas sa catapusan nang hagdan.
Pumanhic si cabezang Angi, at biglang bigla,i, niyapus niyang totoo
itong si Felicitas, at napaiyac nang catacottacot. Naghimatay tuloy si
Pili nang maquita ang anyo nang caniyang inda, at cundañgan ang
_officiales_ na casama ni Angi, ay naboual at napagulong sa hagdan ang
mag-ina.
Nang magcaganito,i, sumigao ang _oficiales_, at dinaluhan sila tuloy
nang mañga capitbahay, at nang manga camag-anac, at malaquing totoo
ang nangyaring ligalig doon, gaua nang caramihan nang tauo.
Ang iba,i, gumagamot-gamot cay Pili.
Ang iba,i, umaalio, alio cay cabezang Angi.
Ang iba,i, humahanap nang _mediquillo_, at ang iba nama,i, cumacaon
nang _confesion_.
Gulong-gulo silang lahat, na ualang ibang naquiquita,t, naririñgig,
cundi utos dito, utos doon, tauag sa magcabi-cabila, at tacbuhan nang
lahat.
Subali,t, nang dumating ang aming mahal na Padre Cura,i, tumahimic
nang caunti ang mañga tauo, dahilan sa malaquing pag-ibig at
caalang-alañgan nila sa caniya.
Pagcapanhic nang aming Cura sa bahay ay inusisa agad sa mañga tauong
caharap ang bagay ó dahilan nang pagcacasaquit at paghihimatay ni
Felicitas, at capagcaraca,t, sinaysay nang _oficiales_ ang caniyang
naquita,t, naalaman.
Nilapitan tuloy nang Cura ang maysaquit: _pinulsuhan_: tiningnan ang
lagay nang muc-ha; tinauag pa niya nang malacas si Felicitas; at sa di
cumiquilos-quilos ang maysaquit, ay agad-agad nagsoot ang Cura nang
_roquete_ at _estola_, pinagcalooban niya ang nanghihimatay nang
caniyang mahal na _absolución_, at tuloy pinahiran nang _Santong
Lana_.
Hindi namatay si Felicitas doon sa pagcacasaquit na yaon, datapoua,t,
naguing sampuong _oras_ bago siya,i, masaulan nang pag-iisip; at nang
siya,i, pagsaulan nang ganoon, ay nagcataong naroroon ang aming Padre
Cura.
Pinagmamasdan siyang maigui nang aming Cura, pati nang ibang mañga
caharap doon, na lubhang marami, at naramdaman nila, na madalas na
madalas ang paghibic ni Felicitas, at malacas ang tulo nang luha sa
caniyang mata, caya lumapit ang Cura, at quinausap si Pili nang
ganito:
--¡Felicitas, Felicitas!
--Pó, ang sagot ni Pili.
--¿Naquiquilala mo aco?
--Oo pó.
--¿Sino baga aco?
--Cayo, po, ang aming Cura at aquing Confesor.
--¿Ay anong nararamdaman mo? sabihin mo sa aquin baca mayroon acong
naalaman gamot.
--Uala, pó, acong nararamdamang anomang saquit.
--¿At ano,t, icao,i, umiiyac?
--Ay auan co, pó, cung baquit hindi co, pó, mapiguil-piguil itong
aquing luha.
--Houag mong piguilin ang uica nang Cura, houag mong piguilin,
Felicitas, iyang luha mo: pabayaan mong tumulo at umagos, at siyang
macaguiguinhaua sa iyo.
Itinanong tuloy nang Cura sa caniya cung ibig niyang magcompisal, at
ang sagot ni Pili ay ganoon:
--Houag pó, muna, Amo, at tila,i, hindi pa mahusay ang aquing
pag-iisip. Sa iba pong _oras_ ay ipasusundo co cayo cung baga hindi pó
ninyo minamasama.
--¿Baquit mamasamain co iyan? ang uica nang Cura; magpasabi ca lamang
sa Convento, at aco,i, paririto agad.
--¡Salamat, pó, Amo, ang Pañginoon Dios ang gumanti sa inyo!
Tumindig na ang aming Cura sa quinauupuang bangquillo, at nagpaalam
na, subali,t, bago siya,i, umalis, ay nagbilin cay cabezang Angi nang
mañga gamot, na dapat niyang gauin sa maysaquit.
Dalauang arao lamang nacahiga si Felicitas sa banig; at nang siya,i,
malacas-malacas na, at nacapagbañgon, ay isinanguni sa caniya ni
cabezang Angi, cung ano-ano caya ang mabuting gauin sa pagbabayad nang
mañga utang ni Próspero; at ang sagot ni Felicitas ay ganito:
--Cayo póng bahala, nanay. Gauin pó, ninyo ang balang minamatapat nang
inyong calooban, at aco po,i, sunod-sunoran sa inyo, at tutuluñgan co
po, cayo, sa boong macacayanan co, sa paghanap nang macacain natin.
Alinsunod dito sa mabuting paquiquiayon ni Felicitas sa caniyang ina,
ay ipinagbili ni cabezang Angi ang canilang calabao na isang natitira;
isinanla niya ang canilang mañga palayan, at naparoon siyang tuloy sa
Tribunal; at doon sa harap nang Maguinoong Capitan, at nang ibang
mañga sacsi, ay nagbayad siya nang mañga utang ni Próspero.
Datapoua,t, hindi rin natapos ang gulo at _paghahablahan_, sapagca,t,
ang mañga naturan co, na si Capitang Juan at si cabezang Teo,i, hindi
pumayag sa capamanhican ni cabezang Angi at sa cahatulan nang aming
Maguinoong Capitan, cundi itinuloy nila ang canilang usap sa
_Juzagado_, sa Maynila, at dahilan dito,i, tinauag si Próspero nang
isang _órden_ nang _Señor Alcalde mayor_ at inihatid sa Maynila, at
doon piniit siyang uli sa bilanguan.
Marami sana ang masasabi co tungcol dito sa bagong nangyaring ito;
subali,t, nang houag baga,i, mapacahaba ang aquing salita, ay
lalactauan co ang marami at malamán na mañga bagay-bagay, at sasabihin
co lamang itong mañga susunod:
Sa malaquing pag-ibig ni cabezang Angi, na macaligtas at macalabas sa
_carcel_ ang caniyang anac, na si Próspero, at macaoui dito sa bayan,
ay ipinagbili niya ang lahat-lahat nang pag-aari nila; pati bahay,
pati _solar_, pati _alhajas_, na ualang-ualang natira sa canilang
mag-ina ni Felicitas, cundi ang canilang damit lamang.