Habang nagsasalita nang ganito ang aming mahal na Padre Cura, ay
uma-agos ang luha sa mata ni Felicitas, caya inosisa nang Cura sa
caniya ang bagay at dahilan nang caniyang pag-iiyac, at ang sagot ni
Felicitas ay ganoon:
--Paano, pó, hindi aco iiyac, at iyang din, póng sinasalita ninyo, ay
siyang cumacalicot na palagui sa loob co?
--Itiguil mo iyang pag-iiyac mo, Pili, at uala cang ibang macacamtan
sa pag-iiyac, cundi saquit lamang nang catauoan. Ipanalañgin mo si
Próspero sa Pañginoon Dios, nang siya,i, amponin at iligtas sa dilang
masasama....
--Siya, pó, ang aquing guinagauang parati: datapoua,t, ibig co pong
maalaman sa inyo, cung ano cayang mabuting isagot co cay Próspero
diyan sa caniyang sulat.
--Cung sa natuturang pagsagot, ay marami ang maisasagot mo sa caniya;
subali,t, dito sa lagay nang capatid mo, tila,i, mauaualang halaga ang
lahat nang casagutan mo, maguing ano ang iyong sabihin sa caniya.
--Baquit, pó, amo,i, gayon ang inyong uica?
--Caya gayon ang aquing salita, sapagca,t, ang lagay ni Próspero sa
Maynila, ay siyang-siya nang lagay nang isang olila sa ama,t, ina, at
capatid at camag anac pa, na ualang macapipiguil sa caniya, at uala
naman siyang quinaaalang-alañganan. Ganoon man, ay sabihin mo sa
caniya, na houag baga limutin niya ang mañga pagtuturo nang magulang
mo sa caniya; nahouag mauili sa mañga lamang bayan at sa maririquit na
salita nang mañga quinacasama niya; na houag maparahio sa mañga
cagandahan nang mundo; at iba,t, iba pang ganito, na mamatapatin mong
isagot.
Napaiyac nang panibago si Felicitas nang mariñgig itong sagot at hatol
nang aming Cura, at pagcamaya-maya,i, nagpasalamat siya sa Cura,
humalic-nang camay at nagpaalam na. Nang dumating siya sa caniyang
bahay, ay sumulat cay Próspero nang ganito:
=_SULAT NI FELICITAS_=
Caguilio-guilio cong capatid: tinanggap co ang minamahal cong sulat
mo, ay cung baquit, pagcabasa co,i, napaiyac acong totoo.
Hindi co masaysay nang maigui ang dahilan nitong aquing pag-iiyac,
subali,t, tila aco,i, nagcagayon, sapagca,t, ang sapantaha co sa
aquing loob na mag-isa, ay icao,i, iba na ñgayon sa dati.... At acala
co,i, may catotoohanan itong aquing sinasapantaha, palibhasa,i, ang
hinuhugot cong lamán sa sulat mo, ay maraming bagay-bagay ang
minamasama mo ñgayon, na dati-dati ay minamaigui mo, at balictad,
marami ang minamaigui mo ñgayon, na dati-dati ay hindi minamagaling
mo.
Dahilan dito,i, nagugulong totoo ang aquing bait, na ang uica co baga
sa aquing loob na sarili ay ganito: cung si Próspero,i, nasacatouiran,
aco,i, uala, at cung aco,i, siyang nasacatouiran, si Próspero,i,
malayo.
Caya aco,i, nagtanong at nagtanong sa mañga nacacaalam, at inosisa co
pa, sa mañga sucat cong paniualaan, itong bagay na ito, at ayon sa
canilang aral sa aquin, ay masasabi co sa iyo, na tila icao, ñga,i,
siyang nagcacamali, at tumutongtong sa madulas na tungtuñgan, gaua,
yata, nang cahañgalan mo.
Houag cang magalit sa aquin, Proper, dahilan dito sa mañga sinasalita
co, at uala acong ibang hinahañgad dito sa mañga sabi cong ito, cundi
ang cagaliñgan nang caloloua mo. Caya mayroon pa acong itatanong sa
iyo.
Baquit icao,i, mauiuili ñgayon sa mañga sayauan, at naalaman mong dati
na ito,i, baual na baual sa atin nang ating cagalang-galang na Padre
Cura? Ano,t, pinupuri mo ñgayon ang mañga quilos-quilos, at ang mañga
pananamit na dati-dati ay pinipintasan mo? Ano,t, minamasama mo ñgayon
ang mañga mapapayapang ugali natin dito sa bayan, at minamabuti mo ang
mañga maliligalig na asal nang taga riyan sa Maynila?
¡Ay caibig-ibig cong capatid! ¡Houag cang maparaya sa demonio, na cung
saan-saan iniuumang niya ang mañga silo, at binabalutan pa niya nang
sari-saring maririquit, nang macahuli siyang madali nang mañga
caloloua nang tauo, at maihatid niya sa infierno!
Houag cang mauili, Proper; houag cang mauili, at houag cang maniuala
sa mañga iba,t, ibinabalita sa iyo, cundi mo natatanto muna, na ang
nagbabalita,i, mabait na tauo, at ang ibinabalita,i, totoo at
magaling.
Alalahanin mong palagui, na, cung minsa,i, sa ilalim nang mababañgong
bulaclac, at maririquit na damo, ay may nagtatagong ahas, na mabisa
ang camandag.
Icao,t, icao,i, siyang inaalaala cong palagui, baca gaua nang cabataan
mo,i, icao ay mapahamac.
Si tatay at si nanay, at gayon din ang mañga camag-anac natin ay
nagpapacumusta sa iyo nang maraming-marami. Aua nang Pañginoon Dios,
ay mabuti at ualang saquit caming lahat.
Ipinagtatagubilin cong totoo sa iyo, Proper, ang pagdarasal nang Santo
Rosario gabi-gabi, nang icao,i, tuluñgan at ampunin nang mahal na
Virgen sa lahat na mañga pañganib.
Ang Pañginoon Dios ang mag-iñgat sa iyo at sa ating lahat, at mag-utos
ca, nang balang maguing calooban mo, sa iyong caauaauang capatid, na
si, Felicitas Baticot.
Tinangap ni Próspero itong sulat nang caniyang capatid, at baga man
minamahal niyang totoo, sa caniyang loob na sarili, ang mañga
pañgañgaral ni Felicitas sa caniya; subali,t, palibhasa,i, iba na sa
dati ang carunuñga,t, caasalang umuusbong at tumutubo sa caniyang bait
at calooban, ay ipinaquita niya ang sulat ni Felicitas sa caniyang
dalauang casamang estudiante, na ang uica niya baga:
--Tingnan ninyo itong sulat nang capatid cong dalaga; inyong basahin,
at cung mangyayari sa inyong loob, ay sabihin ninyo sa aquin, cung ano
cayang mabuting isagot co riyan.
Binuclat at binasa nang taga Paco, na ang ñgala,i, Julio, at nang taga
Bulacan, na ang ñgala,i, Francisco, ang naturang sulat, at sabi ni
Julio cay Próspero sa uicang parian ay ganito:
--_Seguro este hermana de Vd. demasiado beata tambien_.
At ang uica naman nang taga Bulacan na si Francisco:
--Tila,i, _santulon_ na totoo ang capatid mo.
--Siya ñga, ang sagot ni Próspero.
--Maano,i, punitin mo, Proper, iyang sulat na iyan, ang sigao nang
_estudianteng_ taga Paco. Ganoon, ang tuloy na uica niya, ganoon ang
ugali nang mañga _beata-beatang_ taga rito man, at taga bundoc. Cundi
mo sila,i, parisan sa pagdadasal nang marami; cundi mo sila,i, gayahan
sa pagsosoot nang carmin, nang correa, nang cordon; cundi mo gauin ang
ibang mañga cabaliuang guinagaua nila,i, masama ca nang tauo. Sabihin
mo riyan sa capatid mo iyan, na siya,i, magdasal nang marami;
_magcolacion_ arao-arao; magsoot nang _cilisiong_ mula sa paa, na
hangang sa ulo, at houag maquialam siya sa iyo....
--Houag naman, Proper, ang biglang uica ni Francisco; houag cang
sumagot nang ganoon sa capatid mo. ¡Ito naman si Julio,i, labis na
magsasalita! Sumulat ca sa capatid mo, at sabihin mo lamang natanto mo
ang láman nang caniyang sulat, at susundin mo nang lubos na pagsunod.
Cung ganito ang sagot mo; acala co,i, matotoua siya, at hindi ica,i,
paghihinalaan nang ano pa man.
Ito at ibang mañga ganito ang pinag-uusapan niyong tatlong
magcacasamang _estudiante_; at baga man masaquit sa loob ni Próspero
ang mañga salita nang caniyang mañga casama, lalong-lalo ang mañga
uinica ni Julio; at cahima,t, pinaglalabanan pa nang caniyang bait ang
pagtangap niyong mañga bucang bibig na yaon, ay tinangap din niya, at
umayon sa masasamang sumbong sa caniya nang caniyang mañga casunong
estudiante, at alinsunod sa gayong sumbong, ay gumanti siya sa sulat
ni Felicitas nang ganito:
=_ICALAUANG SULAT NI PROSPERO_=
Caibig-ibig cong capatid na si Felicitas. Natatanto co ang lamán nang
iyong mahal na sulat, at susundin co, na aquing macacayanan, ang mañga
aral at bilin mo sa aquin subali,t, aco,i, napatacang totoo doon sa
mañga salita mo, na ang uica mo baga; na tila aco,i, iba na ñgayon sa
dati; na di umano, ang sabi mo pa, ay minamaigui co ñgayon ang dati
cong minamasama, at minamasama co ñgayon ang dati cong minamamaigui:
na acala mo,i, tumutungtong aco ñgayon sa madulas na tungtuñgan.
Saan di aco,i, magcacaganito, capatid cong guilio? Di baga sinabi co
sa iyo sa nauna cong sulat, na, cung sana sa bulag, ay ñgayon lamang
nacamulat aco, nang mata, at nacaquiquita nang maliuanang? Caya houag
cang magalit sa aquin, Pili, cung iba ñgayon sa dati ang mañga
catouiran at caugalian co, sapagca,t, ñgayong lamang luminao ang
aquing pagtiñgin, na dati-dati ay malabo.
At cung ipahahayag co sa iyo ang totoong-totoong nasasacalooban co
ñgayong oras na ito,i, sasabihin co sa iyo na hindi lamang hindi aco
tumutongtong sa madulas na tungtuñgan, cundi bagcus uiuicain co sa
iyo, na aco,i, nasasacatuoiran, at icao,i, uala.
Acala co,i, cung caya gayon ang salita mo ay sapagca,t, hindi icao,i,
nacaaalis-alis diyan sa ating bayan; hindi icao,i, nacaquita-quita
nang asal nang caramihang tauo; hindi icao,i, nacariñgig diñgig nang
mañga bali-balita nang mañga bagay-bagay na nangyayari dito sa mundong
ito. Caya minamasama mo ang mañga tauong hindi nagsisimba arao-arao,
at hindi nagdadasal nang marami, ó hindi caya gumagaua nang mañga
_devosiong_ inuugali mong gauin; ñguni,t, hindi mo iniisip, na ang
tauo,i, namamatay sa capighatian nang loob, cundi siya,i,
lumayao-layao na miminsan-minsan sa mañga catouaan at casayahan.
Cung sa iyo, ay ituloy mo,t, ituloy ang iyong dating caugalian,
datapoua,t, houag mo acong paghihinalaan sa anomang bagay, at marunong
na acong cumilala ñgayon nang magaling at nang masama.
Houag mong masamain, Pili, itong aquing mañga salita, na hindi ñga
masasama, baga man hindi mo pa rin natatalastas na maigui, gaua nang
caquitiran at caiclian nang mañga itinuturo sa atin diyan sa canitang
bayan.
Ibig co sanang dumating agad ang panahon nang _pagvavacasion_ namin,
nang aco,i, macapagsaysay sa iyo, nang maliuanag na maliuanag, nitong
mañga bagay na ito, na, _segurong-seguro,i,_ minamasama mong totoo
ñgayon.
Cung may aua ang Pañginoon Dios, ay darating din ang tadhanang arao na
ninanasang totoo nang loob co at saca tayo,i, macapagsasalita, at
macapag-uusap nang balang nasasaloob natin.
Ipagcumusta mo aco cay tatay at cay nanay at sa lahat na, at sabihin
mo cay nanay, na malacas ang pagtaba co,t, palagui dito sa Maynila.
Ipagcomusta mo naman aco cay Doni, at mag-utos ca nang balang
macacayanan nang mababa mong capatid na si, Próspero Baticot.
¡Sabihin pa ninyo, mañga bumabasa nitong _historiang_ ito, ang
pagnanañgis ni Felicitas, nang matanto niya ang napapalaman dini sa
sulat na ito! Dibdib niya,i, ibig pumutoc sa malaquing capighatiang
nasisilid doon; ang luha niya,i, ualang lagot; ang caniyang hicbi ay
suson-suson; at uala siyang ibang sucat busan nang loob, cundi ang
caniyang Cura at Confesor, ay doon ñga naparoon nang quinabucasan
niyong pagtangap niya nang sulat ni Próspero.
Totoo ñga, na si Pili ay may ama at ina, subali,t, itong caniyang
magulang, ay parang baliu ang tayo. Namamañga sila sa paquiquinig nang
mañga minamariquit nilang salita ni Próspero sa caniyang mañga sulat,
at hindi lamang hindi nila masabi, cung yaong mañga salitang yao,i,
mabuti ó masama, cundi, ang masid ni Felicitas, ay minamaigui nila ang
lahat, at doon ang quiling nang canilang loob, caya hindi siya
sumanguni sa caniyang magulang.
Naparoon, anaquin, si Felicitas sa convento, at halos hindi pa
nagbigay siya nang magandang arao sa aming mahal na Padre Cura, ay
napaiyac siya at napasigao nang catacot-tacot.
Nagulat ang aming Cura, at agad-agad inusisa niya cay Pili ang bagay
at dahilan nang caniyang pag-iiyac at pagsigao; at sa di macasagot at
macapañgusap itong si Felicitas, gaua nang pananaghoy, na ga
nacahahalang at nacasasara nang caniyang lalamunan, ay iniabut niya sa
Cura ang sulat ni Próspero, na taglay niya.
Dinampot nang Cura ang naturang sulat, binuclat niya,t, binasa, at
capagcaraca,i, naquita niya ang mabisang camandag na nagtatago sa
ilalim nang mañga salita ni Próspero sa caniyang sulat; at tuloy
nag-uica cay Felicitas nang ganito:
--Itiguil mo iyang pag-iiyac mo, Pili, at sinabi co na sa iyo, na,
uala cang ibang masasapit diyan sa pag-iiyac mo, cundi isang mabigat
na saquit.
Talastas co ñga, na ang lagay nang capatid mo,i, sucat icasindac at
icaiyac mo, sapagca,t, masamang totoo ang caniyang tayo. Subali,t,
pacacatantoiun mo naman, na ang gamot na quinacailañgan ni Próspero,
ay hindi mo macucuha sa pag-iiyac.
Ang cahalimbaua nang capatid mo, ay isang puno nang cahuy, ó isang
_macetas_ caya, na itinatanim sa masama,t, pacat na lupa, na diliguin
mo ma,t, diliguin maya,t, maya, ay hindi lumalago, at di man nanariua,
cundi bagcus nalalanta, at tila,i, naghihimatay, at camatayan ding
ualang sala ang caniyang casasapitan, cundi mo isalin, ang naturang
cahoy ó _macetas_, sa ibang matabang lupa, na cahiyang niya.
Iyan din, pó, ang imic ni Felicitas, iyang din, pó, ang nasasaaquing
calooban; subali,t, pó,i, mahirap na mahirap ipatalastas sa magulang
co itong bagay na ito; palibhasa,i, ang boong acala at ang boong asa
nila,i, si Próspero ay umiigui,t, umiigui, at hindi sumasama sa
caniyang dating lagay nang caloloua,t, catauoan. Caya, pó,
ipinamamanhic co sa inyo, na, cung baga,i, mangyayari sa inyo póng
loob, ay pañgaralan, pó ninyo ang tatay at ang nanay co, at sabihin,
pó, ninyo sa canila, paouiin na nila dito si Próspero.
--Oo, ang sagot nang Cura, oo, gagauin co,t, sasabihin co sa magulang
mo iyang lahat nang iyan; ñguni,t, hindi co maipañgaco sa iyo, na
macacamtan natin ang ating hinahabol, sapagca,t, ang damdam co,i,
matigas na totoo ang loob nang tatay mo tungcol sa bagay na ito.
--Ang damdam co, pó,i, ang lalong mahirap na pabaliquin loob ñgayon,
ay si nanay; at caya, pó, ganoon ang aquing salita,i, sapagca,t, ang
pagmamasid co, po,i, natotoua nang labis na toua ang aquing nanay,
nang basahin co ang mañga sulat ni Próspero, na iniñgatan niya, at
pinababasa sa aquin nang madalas.
--Ating atuhan, ang uica nang Cura, ating atuhan. Ñgayo,i, umoui ca
na, at houag cang umiyac, at houag mo namang alalahanin itong mañga
bagay na ito. Sundin mo lamang ang una cong hatol sa iyo, na sa
macatouid: ipanalañgin mo sa ating Pañginoon Dios ang capatid mong si
Próspero nang siya,i, iadiya,t, iligtas sa dilang masasama, at ang
Panginoon Dios na ang bahala.
Nagpaalam na si Felicitas, at nang dacong hapon niyong ding arao na
yao,i, nagpasial ang aming Cura, at naparaan sa tapat nang bahay nina
cabezang Dales.
Nang magdaan ang aming Cura sa _calzada_ ni _cabezang_ Andrés, ay
nagcatong gumagaua-gaua ang mag-asaua ni _cabezang_ Angi sa silong
nang canilang bahay, at pagcatanao nila sa Cura, ay lumabas ang
mag-asaua sa _calzada_, sinalubong ang Cura, hinalican nang camay, at
pinaraan pa siya sa canilang bahay. Pinasalamatan sila nang Cura, at
nagdahilan, na siya,i, maglalacad-lacad pa; subali,t, tumiguil siya,
at nagcocono-conouari siya,i, nanonood nang mañga bulaclac na
tumutubo sa loob nang bacuran nang canilang _solar_, at nagtanong sa
naturang mag-asaua nang iba,t, ibang tungcol sa mañga bulaclac at
ibang mañga pananim, na natanao doon; at caalam-alam nila,i, ang uica
nang aming Cura:
--¡_Seguro,i,_ si Próspero ang nagtanim niyang mga halaman na iyan!
--Siya ñga, pó, ang sagot ni cabezang Angi, siya ñga pó; sila póng
dalauang magcapatid ni Pili ang nagtanim niyang lahat na mañga halaman
na iyan.
--At ano caya, ang malamán na tanong nang Cura, ano caya ang lagay ni
Próspero sa Maynila?
--Mabuti, pó, ang bigla,t, sabay na sagot nang mag-asaua ni Dales,
mabuti, pó, aua nang Pañginoon Dios.
--¿Ay ano baga, hindi caya sumamá roon ang caniyang dating mabuting
ugali?
--Ang damdam, pó, namin, ang sagot ni cabezang Angi, ang damdam, pó,
namin, ay hindi siya sumasamá, cundi umiigui pa, pó, sa dati.
--Salamat, cung ganoon, ang uica nang Cura, salamat, cung ganoon,
subali,t, iba ang aquing balita.
--¿Ano, pó, ang iyong balita? ang tanong nang mag-asaua.
--Ang balita co,i, masama na ñgayon ang caniyang ugali.
--¡_Segurong-seguro_, pó, ang sigao ni cabezang Angi,
_segurong-seguro_, pó,i, ang nagbalita sa inyo niyan ay ang amin pong
Felicitas!