NAKA-UWI na ang lahat ng tauhan ni Sab nang makalabas siya ng kitchen. Nilibot niya ang paningin sa loob ng shop. Nang makita niyang maayos na ang paligid ay naglakad na siya palabas. Pinagbuksan siya ng guard na nakabantay sa labas ng pinto. "Akala ko, ma'am, hindi na kayo uuwi," biro nito. "Tinapos ko lang po iyong inventory. Mauna na po ako." "Ingat po kayo sa pag-uwi, ma'am. Goodnight po." Ni-lock na nito ang pinto ng shop. "Ingat din po kayo rito." Pang-night shift kasi ito at mamayang 7:00 A.M. pa ang out nito. Ang ama ni Sab ang may-ari ng commercial building kung saan nakapwesto ang bakeshop niya, kaya naman may sarili siyang security guard. Habang naglalakad sa kinapaparadahan ng kaniyang sasakyan ay nilabas na niya mula sa handbag ang susi. Gano'n na lang ang pagkagulat n

