"HEY, welcome back!" nakangiting bulalas ng bartender na si Dave nang makita nito si Sab na naglalakad palapit sa bar counter. "Long time no see. Kailan ka pa bumalik ng Manila?"
"Last month pa. Medyo busy lang sa shop kaya ngayon lang ako nakabalik dito."
"I see."
Naupo siya sa bakanteng bar stool. Madalas silang magpunta ni Trisha sa bar na ito kaya naman kilala na sila ng mga bartenders at ng ilang waitress na nagtratrabaho rito.
"Nabalitaan ko ang tungkol sa kasal mo. Kapag nagpunta rito ang Anthony na 'yon, babasagin ko sa ulo niya ang isang bote ng alak."
Natawa siya sa tinuran nito. "Hay, naku! Past is past! Kalimutan na natin ang masamang nakaraan."
"Whatever!" Napakibit balikat na lang ito. "So, anong maipaglilingkod ko sa inyo, kamahalan?"
"Frozen margarita, please."
"Right away!" Agad nitong tinimpla ang cocktail na lagi niyang ino-order.
Napangiti siya matapos nitong ilapag ang margarita glass sa tapat niya.
"Here's your drink. Enjoy!"
Nagsimula nang uminom si Sab. Habang ang bartender naman ay naging abala sa ibang customers. Nang maubos ang iniinom ay muli siyang um-order ng isa pa.
Mayamaya ay narinig ni Sab ang pagtikhim ng isang lalaki na naka-upo sa tabi niya. Napatingin siya rito. Sa tingin niya ay nasa mid-20's ang edad nito at halatang lasing na dahil namumula ang mukha. Amoy alak na rin ito.
"I'm just trying to drink here but your beauty is so distracting."
Rumehistro sa ilong ng dalaga ang matinding amoy ng alak habang nagsasalita ito. Tinaasan niya ito ng kilay para ipakitang hindi siya natutuwa sa presensya nito. Binalik na niya ang atensyon sa iniinom na alak. Wala siyang balak makipag-flirt sa lalaking ito at sa kung kanino man sa loob ng bar na iyon.
"By the way, I'm Paul."
Nilahad nito ang isang kamay sa tapat ni Sab ngunit hindi niya iyon pinansin.
"I'm not interested!" mataray niyang wika.
Ngumisi ito. "Gan'yan ang gusto ko sa mga babae, 'yong pakipot kunwari pero wild naman pala sa kama."
Isang marahas na hininga ang kumawala sa kaniyang bibig. Gusto niya lang naman mag-relax at uminom ng alak ngayong gabi, ngunit bakit ayaw siyang tantanan ng mga lalaki? Una ay si Matteo, ngayon naman ay ang lasing na lalaking ito.
"Would you like to go to my place?" muling tanong nito sabay pinatong ang kamay sa ibabaw ng hita niya.
Naka-mini skirt siya noon kaya kinilabutan siya nang maramdaman ang magaspang na palad nito sa kaniyang hita. Agad niyang kinabig ang kamay nito.
"Bastos!" nanggigilaiti niyang sigaw sabay sampal sa mukha nito.
Lalong namula ang mukha ng lalaki sa lakas ng sampal niya. Bigla siyang kinabahan nang makitang naningkit ang mga mata. Halatang nainis sa ginawa niya.
"Sumama ka na sa akin. 'Wag ka nang magpakipot." Tumayo ito at hinawakan siya sa kamay.
Natatakot man ay pinilit magpumiglas ni Sab. "Bitiwan mo ako! Hindi ako sasama sa 'yo!"
"Stay away from my girlfriend!"
Nabawasan lang takot sa dibdib niya nang marinig ang boses ni Matteo. Nang makalapit ang binata sa gawi nila ay agad nitong sinuntok sa mukha ang lalaki. Nabitawan ng lasing na lalaki ang kamay niya at lumagapak ito sa sahig.
"Gago ka, ah!" Nanlilisik ang mga mata nitong tumingin kay Matteo. Gaganti sana ito ng suntok ngunit agad na pumagitna ang dalawang bouncer at hinila palayo ang lasing na lalaki.
Dinukot ni Matteo ang wallet sa likod ng bulsa ng pantalon nito. Kumuha ito ng limang 1000 peso bill at nilapag iyon sa ibabaw ng bar counter.
"I'll take you home!"
Walang magawa si Sab nang bigla siyang buhatin ni Matteo at maglakad ito papalabas ng bar. Hindi na lang siya kumibo at hinayaan na lang ang binata sa takot na baka balikan siya ng lasing na lalaki at muling bastusin nito. Unti-unting nawala ang takot at kaba na kaniyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay ligtas siya sa piling ni Matteo.
Saka lang siya binaba ni Matteo nang makarating sila sa tapat ng sasakyan niya. At dahil tumalab na ang alak sa kaniyang katawan ay napakapit siya sa balikat ni Matteo para 'di siya ma-out of balance sa kinatatayuan.
"Okay ka lang?"
Tumango-tango siya. "Thank you."
"Hindi ka ba niya nasaktan?"
"Hindi naman. Mabuti na lang at dumating ka agad. Thank you talaga," mangiyak-ngiyak niyang wika.
Binuksan niya ang hand bag at nilabas mula roon ang susi ng kaniyang sasakyan.
"Wala kang kasamang driver?"
"Wala. I'll go ahead, Matteo. Thanks ulit."
"Lasing ka na, Sab. Are you sure kaya mong mag-drive pauwi?"
"Kaya ko pa ang sarili ko. Pakisabi na lang kina Trisha na nauna na akong umuwi."
"No! I'll take you home," giit ng binata. Nilahad nito ang kanang kamay sa harap niya. "Give me your keys."
"No! Ayokong may ibang hahawak sa kotse ko."
"Wag na ngang matigas ang ulo mo, Sab! Baka mamaya n'yan mapahamak ka na naman nang dahil sa kaka-iwas mo sa akin."
Nang hindi pa rin siya tumitinag ay inagaw na ni Matteo ang susi sa kaniyang kamay. Pinindot nito ang unlock key button sa susi. "Sasakay ka sa kotse o bubuhatin ulit kita?"
Napakamot na lang siya sa ulo at sumakay na rin sa sasakyan. Padabog niyang sinara ang pinto at naupo sa passenger's seat. Naiinis siya sa sarili dahil tila nagiging sunod-sunuran siya kay Matteo ngayon. Lalo tuloy siyang nainis sa lalaking nambastos sa kaniya kanina sa loob ng bar. Kung hindi dahil sa lalaking iyon ay hindi sana siya mapapalapit ng ganito sa lalaking pilit niyang iniiwasan.
Ilang sandali pa ay naupo na rin si Matteo sa driver's seat. Halata sa mga mata nito ang matinding paghanga nang makita ang loob ng sasakyan niya. Binuksan na nito ang makina ng kotse at pinasibad na iyon.
Binuksan ni Sab ang maliit na monitor na nakakabit sa dashboard at ni-set sa GPS ang direksyon papunta sa bahay niya.
"Matulog ka muna. Gigisingin na lang kita kapag nando'n na tayo sa bahay mo."
Hindi siya tumugon. Muli siyang sumunod kay Matteo dahil namimigat na rin ang talukap ng kaniyang mga mata. Mayamaya ay naramdaman niya ang paghawak ni Matteo sa isa niyang kamay. Hindi siya tumutol sa ginawa nito, hindi dahil sa inaantok siya kundi dahil sa kakaibang pakiramdam na unti-unting gumagapang sa kaniyang katawan.
"I love you, Sab." Inangat ni Matteo ang kaniyang kamay at dinampian iyon ng halik.
Bumilis ang t***k ng puso niya sa simpleng halik na iyon. Ayaw niya mang aminin pero mukhang unti-unti nang nagkakaroon ng puwang si Matteo sa puso niya.