CHAPTER 8

1247 Words
"MISS SAB, nagpa-deliver po ulit ng flowers si pogi," salubong ni Amber sa amo na noon ay kakapasok lang sa loob ng bakeshop. Habang naglalakad ay napatingin si Sab sa isang buoquet ng red roses na nakapatong sa counter. Ilang beses na niyang binasted si Matteo at sinabihang itigil na ang pagpapadala sa kaniya ng mga bulaklak tuwing umaga, subalit sadyang makulit ang binata at ayaw makinig sa kaniya. "Pakitapon na lang, please." Walang emosyon ang kaniyang tinig. Sa mahigit isang buwan na panunuyo sa kaniya ni Matteo ay laging sa basurahan lang nauuwi ang mga binibigay nito sa kaniya. Nilibot niya ang paningin sa loob ng bakeshop. Nakadama siya ng ginhawa nang hindi makita si Matteo sa loob. "Sayang naman 'to kung itatapon lang, Miss Sab. P'wede bang akin na lang ulit? Birthday kasi ng mama ko ngayon. P'wede bang ito na lang ang ibigay ko sa kaniya?" "Bahala ka." Huminto siya sa tapat ng counter at tila may pagbabantang tumingin sa tauhan. "Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na 'wag n'yong tatanggapin ang kahit anong bagay na galing sa lalaking 'yon?" Napakamot ito sa ulo. "Sorry, boss. Kawawa naman kasi si pogi. Lagi na lang busted. Sayang ang gwapo pa naman niya." "Huwag nga kayong magpadala sa hitsura ng lalaking iyon," naiinis niyang wika tapos ay dumerecho na sa loob ng kusina. "Good morning, Ysabella! Mukhang hindi maganda ang gising mo ngayon," puna ni Trisha nang mapansing nakasimangot siya. Gumanti siya ng bati. Naglakad siya palapit sa kaibigan. "Let me guess, nasa labas na naman si Matteo at patuloy pa rin sa masugid na pangliligaw kahit lagi mo siyang bina-basted." "Wala siya sa labas. Pero nagpadala na naman ng flowers. Ayun, binigay ko na lang kay Amber." Nang makalapit kay Trisha ay niyakap niya ito at hinalikan sa pisngi. "Happy birthday, besh!" "Thanks, Sab!" "Iyong gift mo naiwan ko sa sasakyan. Ipapakuha ko na lang mamaya." "No prob." Naghiwalay na sila sa pagkakayakap at sinimulan na ang kani-kanilang trabaho sa kusina. "By the way, magba-bar kami mamaya . Sumama ka, Sab. Kailangan kumpleto tayo." "Susunod na lang ako. Aayusin ko pa kasi ang payroll n'yo mamaya." "Okay. Siguraduhin mong susunod ka. Magtatampo ako sa 'yo kapag hindi ka sumama." "Susunod ako. Promise!" "Great!" Napangiti si Trisha sa sinabi ng kaibigan. "Pwede ba akong mag-invite ng outsider? Gusto kasing sumama ng isa kong friend." "Of course. It's your birthday. Isama mo kung sino ang gusto mong isama." ANG maingay na tugtog ang sumalubong kay Sab nang makapasok siya sa bar. Napatingin siya sa suot na wristwatch. Alas-nueve ang usapan nila nina Trisha subalit pasado alas-diyes na nang makarating siya sa bar. Malayo pa lang sa inuukopang lamesa ng mga tauhan ay dinig na dinig na ng dalaga ang malakas na boses ng mga ito. Tulad ng inaaasahan ay lasing na ang mga ito. "Nand'yan na si boss!" excited na sigaw ni Amber nang makita si Sab na papalapit. "Sorry I'm late. Inaayos ko pa kasi ang payroll n'yo," paumanhin ni Sab nang tuluyang makalapit. "The eagle has landed, guys!" Napasigaw ang mga ito dala ng kasiyahan tapos ay nagpasalamat sa kaniya. Bumeso siya kay Trish tapos ay inabot ang dala niyang regalo. "Happy birthday ulit!" "Thanks ulit!" Hinila na ni Trisha ang kaibigan paupo sa tabi nito. Kinuha nito ang isang bote ng beer sa ice bucket at tinanggal ang tansan. Sinalinan nito ng beer ang basong may yelo tapos ay inabot iyon kay Sab. "Umorder lang kayo. Sagot ko. Sky's the limit." "Wow! Iyan ang gusto namin sa 'yo, boss. Masyado kang galante." "Basta walang aabsent bukas." "Yes, boss!" Ininom na ni Sab ang laman ng basong hawak. "Akala ko may ibang guest ka. Nasaan na siya?" "Papunta na raw siya." "Okay." "Actually, nandito na siya!" anito sabay turo sa isang lalaking kakapasok lang sa bar. Kinawayan nito ang lalaki at sinenyasan na lumapit sa kanila. Pinanlakihan ng mga mata si Sab nang makita ang lalaki. "Huwag mong sabihin sa aking si Matteo ang outsider na guest mo?" pabulong niyang tanong kay Trisha. Hindi niya magawang itago ang inis sa kaniyang tinig. "Siya nga! Ang sabi mo birthday ko ngayon kaya p'wede kong isama ang kahit na sinong gusto kong isama. So, I invited him." "At kailan pa kayo naging friends?" "Simula nang niligawan ka niya sa bakeshop. Naaawa kasi kami sa kaniya kapag bina-basted mo siya. Kaya kino-comfort namin siya para hindi siya masyadong ma-down. Mukhang mabait at sincere naman siya, Sab." Napa-iling na lamang siya. "Pero, Trish, alam mo namang iniiwasan ko ang lalaking 'yan." "Hanggang kailan mo ba kasi siya planong iwasan, Ysabella? Ayaw mo bang magkaro'n ng bagong boyfriend na g'wapo at macho? At bagets. Fresh na fresh 'yan, Sab. Ang sarap niyan sa kama." Namula ang kaniyang mukha sa huling sinabi nito. "Tumigil ka nga!" Natigil lang sila sa pag-uusap nang huminto si Matteo sa tapat nila. "Good evening, Sab," nakangiting bati ni Matteo habang nakatingin sa kaniya. Isang pilit na ngiti lang ang tinugon niya sa binata. Bumaling ito kay Trisha sabay abot ng isang paper bag. "Happy birthday." "Thank you. Have a seat!" Umusog si Trisha sa kinauupuan sabay hila sa isang kamay ng binata. Napilitan tuloy itong maupo sa sofa, sa tabi ni Sab. "Trisha!" Pinandilatan niya ang kaibigan subalit nginisian lang siya nito. "Guys, sayaw tayo!" Tumayo si Trisha at bumaling kay Sab. "Tara! Sayaw tayo." "Kayo na lang. Alam mo namang hindi ako marunong sumayaw." Inaya nito si Matteo subalit tumanggi rin ito. "Okay. Fine! Bantayan mo na lang itong kaibigan ko." "Oo naman." Nagpa-una na si Trisha sa paglakad papunta sa dance floor at agad na sumunod dito ang mga kasamahan nila. Biglang nakaramdam ng pagka-asiwa si Sab nang silang dalawa na lang ni Matteo ang naiwan. Parang bigla tuloy siyang nagsisi kung bakit nagpunta pa siya sa bar na ito ngayong gabi. Kung alam niya lang na nandito si Matteo ay hindi talaga siya pupunta kahit na magtampo pa si Trisha. Habang hinihintay ang pagbalik ng mga kasamahan ay inabala niya muna ang sarili sa pag-inom ng alak. "Umiinom ka pala." "Occasionally," tipid niyang tugon. "I see." Mayamaya ay may inabot sa kanya si Matteo na isang maliit na kahon. "Ano 'to?" "Buksan mo. Binili ko 'yan para sa 'yo. Sana magustuhan mo" Binuksan niya ang maliit na kahon at bumungad sa kaniyang paningin ang isang white gold necklace. Mayroon iyong isang heart shaped pendant na napapalibutan ng maliliit na brilyantitos. Namangha siya sa ganda ng alahas subalit pinigilan niya ang sarili na ipahalata iyon kay Matteo. Sinara na niya ang kahon at binalik iyon sa binata. "Sorry pero hindi ko 'to matatanggap." "But why? Hindi mo ba nagustuhan?" "Kapag tinanggap ko 'yan, parang tinanggap ko na rin ang pag-ibig na inaalok mo." Gumuhit ang kalungkutan sa mukha nito. "Ayaw mo ba talaga sa akin, Sab? Kulang pa ba ang ginagawa ko? Ano pa ba ang kailangan kong gawin para matutunan mo rin akong mahalin?" sunod-sunod nitong tanong sa malungkot na tinig. Halatang nawawalan na ng pag-asa sa panliligaw sa kaniya. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na wala kang aasahan sa akin? Maghanap ka na lang ng ibang babaeng kayang suklian ang pagmamahal mo." "Pero ikaw lang ang gusto ko, Sab." "Hindi kita gusto, Matteo. Kalimutan mo na ako." Tumayo si Sab at pinatong ang hawak na baso sa lamesa. Bumaling siya kay Matteo. "Huwag kang susunod," mariing wika niya tapos ay naglakad papalapit sa bar counter para uminom mag-isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD