"SIR POGI, here's your order!" magiliw na wika ng isang waitress nang huminto ito sa tapat ng lamesang inookopa ni Matteo. Pinatong nito ang tray sa ibabaw ng lamesa tapos ay isa-isa nang hinain sa harap niya ang mga in-order niyang pagkain. Baked macaroni, french macarons, grilled cheese sandwich at isang baso ng orange juice ang in-order niya.
"May kailangan pa po ba kayo, sir?"
Nginitian niya ang babae na noon ay tila nagpapa-cute na nakatingin sa kaniya. Mukhang attracted sa kaniya ang waitress kaya naman ginamit niya ang karisma. Gusto niyang alamin ang ilang bagay tungkol sa babaeng ilang araw nang bumabagabag sa kaniyang isipan.
"P'wede ko bang malaman ang name ng boss mo? Iyong nagtapon ng bulaklak kanina."
"Aray ko naman, sir! Akala ko pa naman name ko ang itatanong mo." Humaba ang nguso nito. Halatang nadismaya sa sinabi niya. "Anyway, her name is Ysabella. Sab for short."
"Ysabella. Nice name." Lalong lumapad ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Thanks for the information, miss. Hindi ba siya lalabas sa kitchen?"
"Mamaya pa po lalabas si Miss Sab. Busy pa 'yon sa pagbe-bake ng mga cakes kapag ganitong oras. May kailangan po ba kayo sa kaniya, sir?"
Umiling siya. "N-Nothing. I just wanna see her."
"Ang sweet n'yo naman, sir. Kaya lang sayang kasi siguradong hindi 'yan tatalab kay Miss Sab. Wala nang hilig sa mga lalaki 'yon."
Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. "Bakit naman? May boyfriend na ba siya or asawa?"
"Actually, muntik na siyang mag-asawa three months ago. Kaya lang hindi natuloy. Ang sabi sa mga chismis, nahuli raw ni Miss Sab ang fiancé niya na may ibang babae. Kaya 'yon, hindi siya sumipot sa simbahan. Sa ngayon, galit siya sa mga kalahi ni Adan, at isa ka ro'n."
Lalong kumunot ang noo niya.
"Kaya kung ako sa 'yo, sir, maghanap ka na lang ng ibang babae," malanding wika nito sabay kindat sa binata. Halos kulang na lang ay ialok nito ang sarili sa kaniya.
Pinigilian ni Matteo ang pagtawa at tinuon na ang atensyon sa pagkain. "Sorry pero si Sab lang ang gusto ko."
Nagsimula na siyang kumain. Paminsan-minsan ay nililibot niya ang mga mata sa paligid. Nagbabakasakali na muli niyang makikita ang napakagandang babaeng nagmamay-ari ng bakeshop na iyon.
LUMABAS si Sab sa kusina bitbit ang isang tray na iba't ibang flavors ng cupcakes.
"Mabuti naman at lumabas ka na, Miss Sab. Kanina pa may naghahanap sa 'yo."
"Sino?" tanong niya habang inilalagay ang tray sa loob ng display cake chiller.
"Iyong pogi na laging nagbibigay sa inyo ng flowers."
Nang matapos ang ginagawa ay bumaling siya kay Amber. "Nandito na naman siya?" hindi makapaniwala niyang tanong.
"Actually, umalis siya kanina after niyang mag-brekafast. At kakabalik niya lang ngayon para naman mag-lunch. May panibago na naman tayong suki. Iba talaga ang karisma ng boss ko."
Nilibot niya ang paningin. Nakita niya si Matteo na mag-isang inuukopa sa isang lamesa sa 'di kalayuan. Nakatingin ito sa gawi nila kaya naman nagtama ang kanilang mga mata. Ngumiti ito at kumaway sa kaniya.
Agad siyang nag-iwas ng tingin. Ito na naman ang puso niya na mabilis na tumitibok sa tuwing magtatagpo ang mga mata nila ni Matteo.
"Grabe! Miss Sab, sobrang g'wapo niya," pabulong na wika ni Amber. "Kung ayaw mo sa kaniya, p'wedeng akin na lang siya?"
"Iyong-iyo na!"
"Kaya lang ikaw talaga ang gusto niya, madam. Kanina pa nga kami nagpapa-cute sa kaniya. Kaso ang sabi ba naman sa isang waitress natin, 'Sorry pero si Sab lang ang gusto ko." Nilakihan nito ang boses at ginaya si Matteo. Kinikilig pa ito nang kilitiin si Sab sa tagiliran.
Ka-close ni Sab ang lahat ng mga tauhan niya kaya naman kampante ang mga ito na makipagkulitan sa kaniya. Para lang silang magbabarkada sa bakeshop.
"Mukhang in love na in love sa 'yo si sir, Miss Sab. Pabalik-balik siya sa shop natin para makita ka lang."
Inirapan niya ito. "Magtigil ka nga. Sa hitsura ng lalaking 'yan, siguradong manloloko rin 'yan. At saka tignan mo nga, mukhang bata. Para ko lang siyang nakababatang kapatid." Sa tantya niya kasi ay nasa mid-20's lang ang edad ni Matteo. 35 years old na siya. Masyadong alangan ang edad niya rito. At ayaw niya sa lalaking mas mabata sa kaniya.
"Mukha ka rin namang bata, Miss Sab. At saka uso na ngayon ang May-December affair."
Natigil lang sila sa pag-uusap nang lumapit sa kanila si Trisha na may dalang tray ng pagkain. "Sab, sabay na tayong mag-lunch."
"Sige. Susunod ako."
Nagpa-una na si Trisha sa paglakad palapit sa isang bakanteng lamesa. Nanlaki ang mga mata niya nang maupo ito sa katabi ng lamesa ni Matteo. Si Amber naman ay tila lalong kinilig.
"Kumain ka na, Miss Sab. Tabi kayo ng bagong prince charming mo."
Ayaw pa sana niyang lumapit kay Trisha dahil ayaw niyang mapalapit kay Matteo, subalit wala siyang nagawa nang tawagin siya nito.
"Tara na, Sab. Kumain na tayo!"
Naglakad na siya palapit sa kaibigan. Habang naglalakad ay pansin niya ang pagtitig sa kaniya ni Matteo.
Nang maka-upo siya ay nilapag ni Trisha sa harap niya ang isang plato na may lamang kanin at isang tasa ng kare-kare.
"Nakalimutan ko pala ang juice natin. Kukuha lang ako sa kitchen."
"Ako na lang kukuha," presinta niya. Ayaw niya kasing maiwang mag-isa sa lamesa nila dahil baka lapitan siya ni Matteo at kulitin na naman siya nito.
"Ako na lang." Tumayo na si Trisha at naglakad papuntang kitchen.
Tulad nang inaasahan ay lumapit nga si Matteo kay Sab. Naupo ito sa bakanteng silya sa tabi niya.
"Hi, Ysabella." bati ng binata habang patuloy na nakatitig sa kaniyang mukha. Lalong lumapad ang ngiti nito sa mga labi.
Hindi niya magawang sungitan si Matteo dahil puno ng customers ang bakeshop niya.
"Hi." Isang pilit na ngiti ang binigay niya rito. "May kailangan ka ba?"
"Gusto ko lang sanang mag-apologize sa nangyari sa atin sa beach last week. Sorry kung bigla kitang-"
"Okay na 'yon. Kalimutan na natin ang nangyari." Putol niya sa sinasabi nito. Ayaw niyang marinig ng ibang tao na bigla na lang siyang hinalikan noon ni Matteo sa tabing dagat. Mahirap na baka marinig ng staff niya. Siguradong tutuksuhin na naman siya ng mga ito.
"Alam kong hindi naging maganda ang pagkakakilala natin, but I hope we can be friends." Nilahad nito ang kamay sa harap niya.
Napilitan siyang tanggapin ang pakikipagkamay nito.
"P'wede rin namang more than friends kung gusto mo." Masuyong pinisil ni Matteo ang kamay niya at dinampian iyon ng halik.
Nagulat siya sa ginawa ng binata kaya hindi agad siya nakapag-react.
"Ay iba rin! Nawala lang ako sandali may pahalik na sa kamay," natatawang wika ni Trisha nang makabalik sa lamesa nila. Bitbit na nito ang dalawang baso ng juice.
Pinamulahan ng mukha si Sab. Binawi na niya ang kamay mula sa pagkakahawak ni Matteo. Napakamot naman sa ulo ang binata.
Bumaling si Trisha kay Matteo. "Ikaw ba ang bagong suitor ni Sab?" deretsahan nitong tanong. "Ikaw ba iyong laging nagpapadala rito ng mga bulaklak at chocolates?"
Tumango ang binata. "Yes. Ako nga."
"In fairness, cute ka. Why don't you join us for lunch. Ilipat mo ang food mo rito sa table namin."
"Trisha!" Pinandilatan niya ito.
Ngumiti lang ito at kinindatan ang amo. Si Matteo naman ay agad na nilipat ang mga pagkain sa lamesa nila.
Habang kumakain ay panay tanong si Trisha kay Matteo. Para itong isang reporter na masusing inuusisa ang bagong manliligaw ng kaibigan.
"Ilang taon ka na, Matteo?"
"27 na ako."
"Wow! Batang-bata. Anyway, paano nga pala kayong nagkakilala ni Sab?"
"Nagkakilala kami sa Quezon last week, sa beach na malapit sa bahay nila."
Natahip nito ang bibig. "Oh my god! Huwag mong sabihin sa akin na ikaw ang nanghalik kay Sab sa tabing dagat."
"Ako nga," nakangiting tugon ni Matteo. Tila proud na proud pa ito sa nangyari.
Ramdam niya ang biglang pag-iinit ng mukha. Muli niyang pinandilatan si Trisha. "Lagyan mo nga ng preno 'yang bibig mo. Nakakahiya!"
"Oh, sorry!"
Parang kapatid na niya si Trisha kaya naman lagi niyang kinukwento rito ang mga nagaganap sa buhay niya, at isa na nga roon ang unang beses na pagtatagpo nila ni Matteo sa tabing dagat, ang araw na bigla na lang siya nitong hinalikan sa mga labi.
Nagmadali na si Sab sa pagkain. Nang matapos ay agad siyang nagpaalam sa dalawa at nagkunwaring may importanteng gagawin sa kusina.
Naiinis talaga siya sa presensya ni Matteo. Hindi na siya natutuwa sa panliligaw nito.
Ngunit si Matteo nga ba talaga ang kinaiinisan niya? O ang reaksyon ng sarili niyang katawan sa tuwing dumadampi ang mga labi nito sa kaniya?