MATAPOS makapag-bake ay lumabas muna si Sab ng bakery para magpahangin. Sa sobrang pagod ay hindi na niya nagawa pang hubarin ang suot na chef uniform. Inunat niya ang mga kamay na nangalay sa paglalagay ng icing sa mga cakes at cupcakes kanina.
Kinuha niya ang cellphone sa bulsa ng pantalon tapos ay tinawagan ang mommy niya para kumustahin ito. Isang linggo na simula nang bumalik ang mommy niya sa probinsya kaya naman miss na miss na niya ito, pati na rin ang kaniyang ama.
Laking tuwa niya nang marinig ang boses ng mga magulang. Naka-speaker ang phone ni Amelia kaya sabay niyang nakaka-usap ang mga ito.
Bahagyang nabawasan ang pagod ni Sab habang masayang nakikipagkwentuhan sa mga magulang.
"Kumusta ka na, Ysabella?"
"Okay naman po, mom. Nakapag-adjust naman po ako agad."
"Good! Kailan ka nga pala uuwi rito?"
"Baka next week pa po. Medyo busy po kasi. Nag-emergency leave po iyong isang staff ko. Kulang kami sa tao."
Narinig niya ang biglang pagkalungkot sa tinig ng ina. "I see. Basta umuwi ka agad kapag maluwag na ang schedule mo. Miss na miss ka na namin ng daddy mo."
"Yes, mom. Miss na miss ko na rin po kayo."
Mayamaya ay may humintong isang itim na kotse sa tapat ng kinatatayuan ni Sab. Pagkamatay ng makina ng sasakyan ay bumaba ang isang lalaki mula roon. Gano'n na lang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang makilala ito.
Tulad niya ay halatang nagulat din ito nang makita siya.
"I need to go, mom, dad. Tatawag na lang po ulit ako mamaya pag-uwi."
"Okay, hija. Mag-ingat ka lagi."
"Yes po. Ingat din po kayo. I love you." Pinatay na niya ang tawag at naiinis na bumaling sa lalaking naglalakad palapit sa kaniya. Lalo siyang nainis nang mapansin ang nakakalokong ngiti sa mga labi ni Matteo, ang bastos na lalaking nakilala niya sa lugar nila noong nakaraang linggo, ang lalaking bigla na lang nanghalik sa kaniyang mga labi.
Napatingin siya sa mga mapupulang labi ng lalaki. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin nakakalimutan ang kapangahasang ginawa nito. Isang linggo na ang lumipas ngunit hindi pa rin maalis sa sistema niya kung gaano kalambot ang mga labi nito, mga labi na siyang dahilan kung bakit ilang gabi na siyang napupuyat.
Napalunok ang dalaga. Nakaramdam siya ng kakaibang init sa katawan nang maalala kung gaano kasarap humalik ang estrangherong lalaking nasa harapan niya ngayon.
"Anong ginagawa mo rito?" naiinis niyang tanong para mapagtakpan ang nararamdaman.
"Maglu-lunch. Nabasa ko sa social media na masarap daw ang mga pagkain at desserts dito," tugon nito habang titig na titig sa mukha ng dalaga. "It's good to see you again, Miss Beautiful. Ilang beses akong nagpabalik-balik sa beach, dito lang pala kita makikita ulit. I think fate brought us together again."
Napabuntong hininga na lamang si Sab. Hindi niya magawang sungitan at ipagtabuyan si Matteo dahil customer niya ito.
"So, chef ka pala rito?"
Napilitan siyang tumango at sumagot sa katanungan nito. "I'm the owner and pastry chef of this bakeshop."
Nanlaki ang mga mata nito sa narinig. "Amazing! Kaya naman pala masarap ang pastries n'yo kasi ikaw mismo ang gumagawa."
Isang pilit na ngiti ang pinukol niya rito.
Lalong lumapad ang ngiti sa mga labi ni Matteo. "Lalo ka palang gumaganda 'pag ngumingiti ka."
"Kung kakain ka, pumasok ka na sa loob."
Nauna na si Sab sa pagpasok sa bakeshop. Agad namang sumunod sa kaniya si Matteo. Huminto sila sa tapat ng isang bakanteng table.
"Welcome to Ysabella's Sweet Haven. Sana magustuhan mo ang mga pagkain namin dito, sir."
Nang maka-upo si Matteo ay agad niyang kinuha ang menu sa ibabaw ng lamesa at inabot iyon sa binata.
"Ang sarap palang maging customer dito. Ang sarap ng feeling na hindi mo ako sinusungitan."
Napa-iling na lamang siya. Kanina pa siya naiilang sa mga matatamis na salitang binibitawan ni Matteo. Tumawag siya ng isang waitress para mag-assist sa binata. Gusto na niyang maka-alis sa tabi nito.
"I'll go ahead, sir. Marami pa akong kailangang gawin sa kusina. One of my waitresses will be here to assist you in a minute." Isang matamis na ngiti ang pinukol niya rito bago tuluyang naglakad papalayo.
Nang makabalik si Sab sa kusina ay agad niyang sinarado ang pinto at sumandal sa likod niyon. Napahawak siya sa tapat ng kumakabog na dibdib.
Ano bang nangyayari sa kaniya at ganito na lamang ang reaksyon ng katawan niya sa muli nilang pagtatagpo ni Matteo Madrigal?
Muli siyang napa-iling. Pati ang buong pangalan ng lalaki ay tanda niya pa rin hanggang ngayon.
Gan'yan ba ang man hater, Ysabella?
"GOOD MORNING, BOSS!" masayang bati ni Amber nang makarating si Sab sa bakeshop kinaumagahan.
"Good morning." Napangiti siya nang mapansin ang isang bouquet ng bulaklak na nakapatong sa ibabaw ng counter.
"Ang ganda naman ng mga flowers na 'yan. Nice! Mukhang may love life ka na ulit," biro niya sa tauhan.
Natawa ito sa sinabi niya. "Boss, hindi sa 'kin 'to. Para sa 'yo kaya ang mga bulaklak na 'to."
Nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi kasabay nang pagkunot ng kaniyang noo. "Para sa 'kin?"
"Yes, boss"
"Kanino galing?"
"Iyong poging customer natin kahapon."
Lalong kumunot ang kaniyang noo kahit may hinala na siya kung sino ang 'poging' tinutukoy nito. Lumapit siya sa lamesa kung saan nakapatong ang mga bulaklak at chineck ang card na kasama niyon. Binasa niya ang nakasulat na message sa card.
I don't know who you are, but you stole my heart at first sight.
PS
I miss your soft lips- Matteo
Napa-awang ang mga labi ni Sab. Biglang bumilis ang t***k ng puso niya matapos mabasa ang mensaheng iyon.
Binalik na niya ang card sa mga bulaklak at tumingin kay Amber. "Puwedeng pakitapon sa labas? Please?"
Pinanlakihan siya nito ng mga mata. "Seryoso ka, boss? Sayang naman 'to kung itatapon mo lang."
"Amber, kapag tinanggap ko 'yan parang tinanggap ko na rin ang panliligaw ng lalaking 'yon."
"Sayang naman, boss. Ang gwapo niya."
"Guwapo rin naman si Anthony. Pero anong nangyari? Niloko niya lang ako. Pare-parehas lang silang mga lalaki."
"Grabe ka naman. Isa lang nanloko sa 'yo, dinamay mo na lahat ng kalahi ni Adan."
Napa-iling na lamang siya. Kinuha na niya ang bulaklak at tinungo ang pinto. Siya na mismo ang magtatapon ng mga iyon sa labas.
"Itatapon mo talaga 'yan, boss?"
"Yes!" Dere-derecho siyang lumabas ng shop at tinapon nga ang mga bulaklak sa malaking basurahan na nasa gilid.
"Ouch! Ang aga kong gumising para bilhin ang mga bulaklak na 'yan tapos itatapon mo lang pala."
Natigilan si Sab nang marinig ang pamilyar na tinig na 'yon. Pumihit siya paharap dito. Hindi niya alam kung bakit pero kumislot ang puso niya nang makita ang guwapong binata na noon ay naglalakad papalapit sa kaniya. Huminto ito sa tapat niya.
Isang matamis na ngiti ang pumunit sa mga labi ni Matteo nang makalapit ito sa kaniya. "Good morning, Miss Beautiful. Hindi mo yata nagustuhan iyong bulaklak na binigay ko. Wala ka bang hilig sa bulaklak?"
"Wala! Kaya kung ako sa 'yo huwag ka na ulit magbigay ng mga bulaklak. At kung p'wede lang, 'wag ka na ulit babalik dito."
"Magbe-breakfast ako. 'Wag mo namang ipagtabuyan ang customer mo."
"Thirty minutes pa bago mag-open ang bakeshop namin. Sa ibang lugar ka na lang mag-almusal."
Napatingin ito sa suot na wristwatch. "It's okay. I'm willing to wait."
Inirapan niya ang binata tapos ay naglakad na papasok sa bakeshop. Sumunod sa kaniya si Matteo subalit hindi ito nakapasok dahil pinigilan ito ng guard.
"Sorry, sir. Hindi pa po kayo p'wedeng pumasok sa loob. Mamayang 8:00 pa po ang opening namin. Bumalik na lang po kayo kung gusto n'yo."
Napangiti si Sab nang pansamantalang makatakas sa presensya ni Matteo. Sana lang talaga ay tigilan na nito ang pangungulit sa kaniya.