"BWISIT na lalaking 'yon! Bigla na lang nanghahalik. Feeling gwapo masyado! Akala niya yata lahat ng babae magkakagusto sa kaniya!" naiiritang wika ni Sab habang naglalakad pabalik sa mansyon nila.
Sa sobrang init ng ulo ng dalaga ay napagdiskitahan niya si Kisses na naglalakad sa unahan niya. Naiinis na binuhat niya ang aso at pinitik ang mahaba nitong teynga.
"It's all your fault! Kung hindi ka umalis sa tabi ko kanina, hindi sana ako hinalikan ng manyakis na 'yon."
Tumahol lang ang aso tapos ay tila naglalambing na dinilaan siya sa mukha. Tila huminhingi ito ng tawad.
Nang makabalik siya sa mansyon ay inabutan niya ang kaniyang ama na umiinom ng tsaa sa sala habang nagbabasa ng dyaryo.
Binaba nito ang binabas at bahagyang natawa nang makita ang hitsura ng anak. "O, bakit hindi maipinta ang mukha ng unica hija ko?"
"Wala po, dad. May nakilala lang akong isang hambog na lalaki sa daan kanina." Hindi niya magawang ikuwento ang buong nangyari. Sigurado kasing magwawala ito kapag nalamang may nambastos sa kaniya sa lugar nila.
"By the way, dad, I have good news for you." Nilapag na ni Sab si Kisses sa sahig at naupo sa tabi ng ama. "Babalik na po ako sa Manila bukas. Ako na po ulit ang magma-manage ng bakeshop at pauuwiin ko na rito si mommy."
Napangiti si Alejandro sa sinabi niya. "That's really a good news. Miss na miss ko na ang mommy mo."
"Sorry, dad. Dahil sa akin three months kayong nagkalayo ni mommy."
"Wala kang kasalanan, hija. Ang mommy mo ang nagpumilit na mag-manage ng shop mo."
"Don't worry, dad. Bukas na bukas din pauuwiin ko na rito si mommy."
"At ikaw naman ang aalis," malungkot nitong wika. "Bakit ba kasi nagpapakahirap ka pa sa business mo sa Manila? Hindi mo naman kailangang mag-work. Kayang-kaya kitang buhayin, Ysabella. Mag-stay ka na lang dito kasama namin ng mommy mo."
Isa ang pamilya ni Sab sa pinakamayaman sa lugar nila. Maraming pinarerentahang commercial buildings ang daddy niya sa Quezon Province at Manila. Kahit habang buhay siyang hindi magtrabaho ay kayang-kaya siyang buhayin nito.
"Dad, hindi na po ako teen ager para umasa pa sa inyo ni mommy. Saka passion ko po talaga ang baking. Masaya po ako sa business ko."
"Whatever!" Napa-iling na lamang si Alejandro. Wala itong magawa sa desisyon ng anak dahil mula pa lang pagkabata ay passion na ni Sab ang pagbe-bake.
Kumapit siya sa braso ng ama at naglalambing na hinilig ang ulo sa balikat nito. "Huwag na po kayong magtampo. Lagi naman po akong dumadalaw dito kapag may free time ako."
Mayamaya pa ay humalik na siya sa pisngi ng ama at umakyat na sa kaniyang silid. Desidido na siyang bumalik sa Manila bukas kaya naman nagsimula na siyang mag-impake ng kaniyang mga gamit.
Hindi muna pinaalam ni Sab sa mommy niya, maging sa mga tauhan niya ang planong pag-uwi bukas. Gusto niya kasing surpresahin ang mga ito.
ISANG mahabang hininga ang namutawi sa bibig ni Sab nang huminto ang minamanehong sasakyan sa tapat ng kaniyang bakeshop. Napangiti siya dala ng kasabikan dahil pagkalipas ng tatlong buwan ay nakabalik din siya sa wakas sa bakeshop niya, pati na rin sa dati niyang buhay na pansamantalang huminto dahil sa panlolokong ginawa ni Anthony.
Napatingin siya sa suot na wristwatch. Quarter to eight na ng umaga. Sakto ang dating niya para sa opening nila.
Matapos patayin ang makina ng sasakyan ay kinuha na niya ang hand bag na nakapatong sa passenger's seat at lumabas na ng kotse.
"Miss Sab, welcome back po!" masayang bati sa kaniya ng security guard habang naglalakad palapit dito.
"Good morning po. Dumating na po ba sina mommy at Trisha?"
"Yes, ma'am. Kumpleto na po sila sa loob."
Binuksan nito ang pinto at pumasok na si Sab sa loob ng bakeshop. Nakita niya ang mga tauhan na abala sa kani-kanilang gawain.
"Good morning!" magiliw na bati niya sa mga tauhan na halatang nagulat nang makita siya.
"Oh my god! Sab, you're back!" nanlalaki ang mga mata na bulalas ni Trisha na noon ay naglalagay ng mga desserts sa loob ng cake display chiller. Nang matapos ito sa ginagawa ay agad itong lumapit sa kaniya at bumeso sa pisngi niya. "I miss you so much, Sab!"
"I miss you, too! Kumusta na kayo rito?"
"Okay na okay, Sab. Ang sarap maging boss ng mommy mo. Sobrang down to earth."
"Nasaan nga pala si mommy?"
"Nasa kitchen. Nagbe-bake ng cakes. Puntahan mo na siya sa loob. Siguradong matutuwa iyon kapag nakita ka. Chichika muna ako rito para makapag-usap kayong dalawa."
"Okay."
Dumerecho na si Sab sa kusina. Inabutan niya ang ina na naglalagay ng icing sa cake.
"Is there anything I can do to help?" nakangiting tanong niya habang naglalakad palapit dito.
Natigilan si Amelia nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon.
"Ysabella?!" hindi makapaniwala nitong bulalas.
Yumakap siya sa ina nang makalapit dito.
Gumanti ng yakap si Amelia. Halatang masayang-masaya ito sa pagbabalik ng anak sa Maynila. "Welcome back, hija! Akala ko hindi mo na babalikan ang bakeshop mo."
"Ang sabi n'yo po bumalik ako rito kapag okay na ulit ang puso't isipan ko. Well, I think I'm ready to face the world once again."
"That's great to hear."
Lalong humigpit ang yakap niya sa ina. "Mommy, thank you po at sinapo n'yo ako sa panahong naduwag akong harapin ang mundo."
Naghiwalay sila ng yakap.
"Don't mention it, hija. It's my pleasure. Alam mo namang passion ko talaga ang baking. Nag-enjoy ako nang husto sa pagma-manage ng bakeshop mo. Kung hindi nga lang tutol ang daddy mo, nagtayo na rin ako ng sarili kong bakeshop sa lugar natin." Masuyong hinaplos ni Amelia ang pisngi ng anak. "I'm so happy for you, Sab. Finally, naka-move on ka na rin sa ex mo."
Napangiti si Sab. Nilibot niya ang mga mata sa loob ng kitchen. Sa loob ng walong taon ay halos dito na umikot sa bakeshop ang mundo niya. Kaya naman gano'n na lang ang kaligayahang nararamdaman niya nang sa wakas ay makabalik siya sa lugar na tinuturing niyang ikalawang tahanan.
Tinulungan ni Sab si Amelia sa ginagawa nito. Habang nagde-decorate sila ng cakes ay masaya silang nagkukwentuhan. Mamayang hapon ay uuwi na rin ang mommy niya sa Quezon. Kaya naman gusto na niyang samantalahin ang pagkakataong magkasama pa silang dalawa.