Kabanata 1

1214 Words
“Anak, parang hindi na ata kakayanin kapag nag-aral ka pa sa darating na pasukan. Tumataas ang matrikula mo sa university na iyon pero ang sahod namin ng tatay mo ay kakarampot pa rin. Mag-aaral na rin itong kapatid mo sa pasukan kaya hindi ko alam kung kakayanin ba ng pera natin,” nag-aalalang sabi ni Mama. Nalulungkot ako pero parang wala akong karapatan na maramdaman iyon. Walang mangyayari kung magiging mahina ako. Kailangan kong mag-isip ng solusyon para maitaguyod ko ang pamilya namin. Kailangan kong makatapos ng pag-aaral para makahanap ng magandang trabaho. Mas magiging madali kasi kapag college graduate. Basta may diploma ay malaki ang chance na matanggap sa kahit na anong trabaho. Kung papalarin na magkaroon ng trabaho na related sa kurso ko ay mabuti pero kung may mas malaking offer na hindi konektado sa pinag-aralan ko ay handa akong subukan. Maraming responsibilidad ang nakaatang sa akin kaya kailangan kong magsumikap ngayon pa lang. “’Nay, huwag kayong mag-alala. Maghahanap ako ng trabaho. Mag-working student po ako. Dalawang taon na lang naman akong mag-aaral. Sayang kung titigil pa ako. Sa public naman po papasok si Tricia kaya makakatipid tayo sa tuition. Problema lang natin ay ang gagastusin sa pag-aaral kaya’t huwag po kayong mag-alala dahil tutulong ako,” wika ko dito. Napangiti si nanay. Niyakap niya ako nang mahigpit. “Ang swerte ko naman at ikaw ang panganay ko. Talagang kampante ako na hindi mo papabayaan ang mga kapatid mo dahil responsable kang ate sa kanila,” maligayang sabi nito. Napailing na lang ako at gumanti sa yakap niya. Pagkapasok ko sa aking kwarto ay napahinga ako nang malalim. Kinuha ko ang aking cellphone upang tawagan si Shienel, isa sa malapit kong kaibigan ngayong college. Baka may alam siya na pwede kong pasukan kahit part time lang. Kahit nga magkatulong sa kanila ay ayos lang sa akin. “Tammy! Napatawag ka?” bungad ni Shienel. “Shienel, may alam ka bang racket diyan? Kailangan ko talagang magtrabaho. Mas mainam kung panggabi kasi tiyak naman na sa umaga at hapon ay may klase tayo. Kailangan ko ng pera dahil malapit na ang enrollment,” wika ko. Wala akong hiyang nararamdaman sa kanya. Sobrang close kami ng babaeng ito kahit madalas ay para kaming aso’t-pusa kung magsagutan. Kung hindi pa nga kami papatigilin ng dalawa pa naming kaibigan na sina Eva at Alana ay baka lagi kaming nag-aaway nang malala. “Girl, pautangin na lang kita. Gawin kitang scholar tapos pagsilbihan mo ako,” biro nito. Natawa ako sa sinabi niya. “Seryoso ka riyan? Papatusin ko iyan. Hindi lang scholar sa tuition ha? May allowance rin dapat!” sagot ko sa kanya. Humalakhak ito nang malakas. “Bruha! Joke lang. Kailangang-kailangan mo na ba?” seryosong sabi nito. “Oo eh. Kung may alam ka lang naman na opening. Kahit waitress sa mga bar o restaurant ay okay na sa akin. Pupuntahan ko agad bukas.” Nahiga ako sa kama habang naghihintay ng sagot mula sa kanya. “Sige. Subukan kong magtanong ngayon kay mommy kung may kakilala siya. Wait lang, don’t drop the call.” Napangiti ako. I can always count on her. Swerte ko talaga sa mga kaibigan ko. Kapag wala silang kakilala ay baka magtanong ako kila Eva at Alana. Narinig ko ang pagtawag ni Shienel sa mommy niya. “Mom! May alam ka bang mga offers diyan. Part-time job lang para kay Tammy. Preferably at night,” wika nito. “Marangal na trabaho ba?” Nanlaki ang mata ko sa sinabi ng mommy niya. “Of course, Mom! Ano ka ba naman!” kaagad na sagot ni Shienel. Maski siya ay nabigla sa sinabi ng mommy niya. Kailangan ko ng pera pero hindi naman ako desperada! Nakakaloka ha. “Biro lang. Ito naman, ang init ng ulo. Kilala mo ba si Jayden Suarez? May bagong bukas na restobar iyon and I’m sure that he’s still in need of waitress. Subukan niya kamo roon.” Tinandaan ko ang pangalan na nabanggit ng mommy ni Shienel. “Mayroon pa? Baka may alam ka pa para mas maraming choices si Tammy,” dagdag tanong ni Shienel. “Subukan niya muna doon dahil wala na akong alam. Magtatanong-tanong din ako sa mga amiga ko kung sakaling hindi available sa restobar ni Jayden.” Muli akong napahinga nang malalim. Sana nga may slot pa roon. Okay lang sa akin ang waitress. Tunog big time ang pangalan na Jayden Suarez kaya mukhang malaki ang sahod dito. Nagpasalamat ako kay Shienel. She texted me the details such as the contact number, email and exact address of the restobar. Kaagad akong nag-email ng resume doon at nag-send ng message sa number na binigay niya. Sana ay mapansin nila ako kaagad para makapagsimula nang maaga at makaipon ng sapat na pera bago ang pasukan. Nagising ako nang maaga kinabukasan dahil sa pag-iingay ng cellphone ko. Badtrip nga ako dahil inaantok pa ako. Napuyat ako sa paghahanap ng iba pang trabaho sa internet in case na hindi na available sa restobar ng Jayden Suarez na iyon. Dahil sa inis ko ay hindi na ako nag-abalang tignan kung sino ang tumatawag. Kaagad kong sinagot iyon at malutong na pinaulanan ng mura ang tumatawag. “Oh, good morning to you too, Ms. Tamara Gallano.” Napadilat ako sa dahil sa pormal na boses na narinig ko sa kabilang linya. “S-Sino ba ‘to?” kinakabahan kong tanong. “I am Jayden Suarez and I’m calling you for an interview pero mukhang nagambala ko ang tulog mo,” maarteng sabi nito. Matinis ang boses nito at doon pa lang ay sigurado na ako na tagilid na lalaki itong kausap ko. Hindi ko expected na bading pala ang owner ng restobar. “N-Nako, pasensya na po, Sir Jayden! Hindi ko po kasi inaasahan na matatawagan ako kaagad ngayon,” nahihiyang wika ko. Halos pukpukin ko ang sarili ko. Ang lulutong pa naman ng mura ko sa kanya kanina! “It’s okay. So nabasa ko ang resume mo and you’re applying as a part-time waitress because you’re currently studying fashion designing?” interesadong tanong nito. Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tumikhim. “Yes po. I am currently in need of money to support my studies and the expenses of my family. Huwag po kayong mag-alala. May alam naman po ako sa paglilinis at maingat sa gamit kaya kahit anong posisyon po na mayroon kayo sa restobar ay tatanggapin ko. Willing to learn po ako at masipag,” pagmamakaawa ko. Hindi ko mapigilang mapangiwi sa mga sinasabi ko. Siyempre hindi naman totoo ang mga iyon. Nagpapa-impress at nagpapaawa lang ako para matanggap. Willing to learn? Wala nga akong maintindihang topic sa school. Masipag? Masipag lang matulog. “Kawawa ka naman. Sige na nga. Pumunta ka mamayang gabi sa restobar. Mga alas-sais ng gabi. Masimula ka na agad. You’re hired,” diretsong sabi nito. Iyon na ‘yon? Seryoso ba ito? “Talaga po? Hindi po ba ito scam? Ikaw po ba talaga si Jayden Suarez? Tanggap na talaga ako?” sunod-sunod na tanong ko. Hindi talaga ako makapaniwala! “Ayaw mo ba? Sige huwag na lang. You’re fired,” maarteng sabi nito. Kaagad akong nataranta. “H-Hindi po, Sir Jayden! Naninigurado lang. Sige po. Alas-sais ng gabi ay nandiyan po ako!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD