Nang dahil sa naganap na laban kanina ay ginabi na kami, papunta sa hotel. Nang makarating naman kami ay agad kaming kumuha ng kwarto, para ngayong gabi. Imbes na ako ang magbayad para sa sarili ko ay sila na ang nagbayad. Libre na lang raw nila iyon sa akin at malaki naman ang nakuha nilang bayad sa natapos nilang misyon. Kaya naman hinayaan ko na sila. Maging ang dinner ay sila na rin ang gumastos. Kaya naman bago kami tumuloy sa kinuha naming kwarto ay kumain na muna kami sa restaurant, doon lang rin sa hotel kung saan kami nag check-in.
"Grabe, ang husay mo palang makipaglaban," komento sa akin ni Cassandra habang kumakain.
"Talaga? Salamat," nakangiting sabi ko sa kanya habang kumakain.
Napasulyap naman ako kay Estella, na bahagyang napaismid pa habang kumakain. Ano bang problema niya at bigla siyang nagkaganyan.
Sa tuwing napapatingin siya sa akin, ay agad rin siyang umiiwas kapag napasulyap na ako sa kanya. Hmm..
"Nakakapagtaka pa rin, bakit sinasabi niya iyon saiyo? Kilala siya dito sa Georgia na nangbibiktima ng mga baguhan at ninanakaw ang mga magugustuhan nitong gamit. Nang sabihin niya ang pangalang Arrison ay nakita kong lumambot ang mga mata niya. Isa lang ang kilala kong Arrison eh, minsan ko na iyong narinig na binanggit ng aking ama. Mahusay raw itong makipaglaban at isa sa kapangyarihan niya ang air magic. Iyon lang ang nalaman ko, pero marami siyang poster sa Edolas na nagsasabing mahusay sa pakikipaglaban," kwento ni Reese.
Natigilan naman ako sa sinabi niyang iyon. Ngayon ko lang nalaman ang tungkol diyan at hindi ko alam kung iisang tao lang ba talaga ang kilala namin.
"Ganoon ba? Ngayon ko lang kasi narinig ang pangalan na iyon. Kaya hindi ko pa siya halos kilala," tanging sabi ko.
Kahit na may posibilidad na iisang tao lang ang kilala namin. Malalaman ko rin iyon kapag nakapunta na ako sa Edolas at alamin kung iisang tao lang ba ang kilala namin.
"Gano'n ba? Ano na kayang balita sa kanya, hindi na rin kasi siya nakita ng ama ko," sabi niya at bahagyang napabuntong-hininga.
"Ang sabi mo, sa Edolas ka pupunta. Ano nga ba ang gagawin mo doon?"
Napatingin ako kay Estella, nang bigla siyang magsalita. Nakatingin siya sa akin, nang seryoso habang kumakain. Hindi ko alam kung sasagutin ko ba ang tanong niyang iyon at mas lalong hindi ko alam kung aaminin ko sa kanila ang totoong motibo sa pagpunta sa Edolas.
"Tulad nang sabi ko, may hinahanap akong tao at may nakapagsabi sa akin, na sa Edolas ko siya makikita. At sigurado ako, na kilala niyo ang taong iyon dahil pareho kayong may tattoo na ganyan. Sa pagkakaalala ko ay Vain ang pangalan niya, na nabanggit niyo kanina sa Train," sabi ko sa kanila.
Totoo naman iyon. Kaya sigurado akong kilala nila si Vain.
"Nakilala mo si Vain?" hindi makapaniwalang tanong ni Cassandra.
"Saan naman kayo nagkita?" nagugulat na sabi rin ni Estella.
"Sa Titania, nasabi ko nang tagaroon ako di ba? Kaya doon ko siya nakilala at nasabi niya sa akin, na ang taong hinahanap ko ay makikita ko sa Edolas. Kaya naman, iyon ang dahilan kung bakit papunta ako ngayon sa Edolas," sabi ko sa kanila.
Nakita kong napatango-tango sila sa sinabi ko at tila naiintindihan kung ano man ang sinasabi ko.
"Baka gusto mong sumali sa grupo namin, pwedi ka do'n," mayamaya ay sabi ni Estella.
"Oonga no, sumali ka na lang sa grupo namin. Siguradong wala ka pang nasasalihang grupo, tulad nang sabi mo kanina," saad sa akin ni Reese.
Sumang ayon naman si Cassandra sa suhesyon no'ng dalawa. Subalit, hindi ako makapagsalita. Wala sa plano ko ang sumali sa kung ano mang grupo, dahil baka mas maging abala pa ako doon, kaysa sa paghahanap ko kay Ate.
"Ano? Gusto mo bang sumali? Sasabihin namin kay Master kapag nakabalik na kami at maaari ka rin sumama sa amin pagbalik namin sa headquarters, kung gusto mo," anyaya sa akin ni Reese.
Mukhang desidido silang isali ako sa kanilang grupo. Ngunit nagdadalawang-isip pa rin ako, dahil hindi ko alam kung ano ang pweding mangyari kapag naging kasapi na nila ako. Higit sa lahat, ay baka naroon nga si Ate at baka tutulan niya ang pagsali ko sa kanilang grupo. Kaya mas mabuting huwag na muna akong magdesisyon ngayon. Kailangan ko munang alamin kung papayag si Ate o hindi.
"Pag iisipan ko muna, dahil baka hindi ako payagan. Saka na lang kapag nagkausap na kami, no'ng taong hinahanap ko," nakangiting sabi ko sa kanila.
Napahinto naman sila sa kung ano man ang matatamis nilang suhesyon, para makasali ako sa grupo nila. Nakita ko ang pagdismaya at pag iintindi sa kanilang mga mukha. Inaasahan ba nilang sasali agad ako? Tsk!
"Well, kung iyan ang gusto mo, basta kapag gusto mong sumali ay puntahan mo lang kami," sabi ni Cassandra.
"Oo naman," sang ayon ko sa kanya.
"Huwag kang mag alala, hindi ka mab-bored sa lugar na iyon. Siguradong mag e-enjoy ka, pumunta ka lang doon kapag gusto mo na," nakangiting sabi naman ni Reese.
Tumango naman ako sa mga sinabi nila. Tama, kailangan ko munang kilalanin kung anong grupo mayroon sila at kung anong klaseng ka grupo nila si Ate.
"Pwedi ko bang malaman kung sino ang taong hinahanap mo? Palagay ko kasi ay subrang mahalaga saiyo ito, kaya hindi ka makapagdesisyon agad," mayamaya ay sabi ni Estella.
Kanina ko pa napapansin, na medyo malalim ang mga tanong niya sa akin. Tila ba mas kinikilala niya akong mabuti.
"She's my sister," pag amin ko sa kanya.
Nakita kong natigilan siya sa naging sagot ko at bahagyang napakunot noo siyang nakatingin sa akin ngayon.
"Your... sister?"
Napatango ako sa kanya. Nakita ko rin sa mukha nina Reese at Cassandra ang pagkalito, sa kung sino ito. Mukhang nagulat sila na may kapatid ako, na hinahanap ko.
"Yes, 3 years ago... nang iwan niya ako para sa kagustuhan niyang maglakbay. Sa mga taon rin na iyon ay nagpapadala lang siya ng mensahe sa akin, na sinasabing mabuti ang lagay niya at marami na siyang matutuklasang bagay. Subalit, makalipas ang dalawang taon ay wala na akong balita sa kanya at hindi na siya nagpapadala ng sulat sa akin. Kaya naman naisipan kong sundan at hanapin siya. Ngunit bago ko iyon ginawa ay nagsanay muna ako, bago ako umalis," mahabang paliwanag ko sa kanila at nakita ko sa mga mukha nila ang pag intindi sa mga sinabi ko.
Napabuntong-hininga na lang ako at tinapos ang kinakain ko. Napansin ko kasing tapos na silang kumain, kaya tinapos ko na rin iyong sa akin.
Matapos ko silang makasabay sa dinner ay umakyat na kami sa itaas ng hotel, kung nasaan ang kwarto namin. Nalaman kong magkasama lang sila sa iisang kwarto, dahil isang gabi lang naman. Habang magkatabi lang naman ang kwarto namin. Pagkapasok nila sa kanilang silid ay pumasok na rin ako.
Maayos at maganda ang silid, kaya okay na rin ito sa akin.
Inilagay sa couch ang dala kong bag at ang Espada. Naglakad ako patungo sa kama at humiga. Napapikit ako. Maraming nangyari sa araw na ito at ngayon lang ako nakaramdam ng pagod, dahil na rin sa nangyaring laban kanina. Kaya mabuti na lang at makakapagpahinga na rin ako. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga sinabi ng lalaking iyon, na kapatid niya ang ama ko. Ngunit kahit sino pa siya ay hindi ko sasabihin sa kanya kung nasaan o anong nangyari sa ama ko.
Napalingon ako sa pinto, nang may kumatok doon. Napabuga ako ng malalim na hininga, saka tumayo sa kama. Naglakad ako patungo sa pinto at binuksan ito. Nakita ko roon na nakatayo si Reese at dala niya ang kanyang gamit. Nagtataka tuloy akong nakatingin sa kanya.
"Nakalimutan ko, mga babae pala ang kasama ko sa kwartong iyon. Kaya naman naisipan kong dito na lang saiyo makituloy," sabi niya at bahayang napakamot sa kanyang noo.
Oonga no? Dalawang babae ang kasama niya sa kabila, kaya may mga tanawin din na hindi mo maaaring tingnan.
"Ganoon ba? Sige, pasok ka," sabi ko sa kanya.
Napatango naman siya at pumasok. Isinara ko ang pinto.
"Hays! Kapag kasama ko talaga ang dalawang iyon sa iisang kwarto ay nakakailang. Hindi ako sanay na may kasamang babae sa kwarto, lalo na at naka-sando at short lang. Alam mo iyong pakiramdam na iyon? Kaibigan ko sila kaya naman ayokong makaramdam ng kakaiba sa kanila. Isa pa tinuring ko na silang kapamilya at kung magkakagusto man ako ay hindi sa kanilang dalawa. Hays!" sabi niya at nasapo pa ang kanyang noo.
Natawa naman ako sa sinabi niya at napaupo sa couch, na kaharap lang niya.
"Ganoon ba? Depende lang rin siguro iyon, sa kung anong nararamdaman mo," sabi ko sa kanya.
"Pero mahirap pa rin kapag may kasamang babae sa iisang kwarto. Hays, di bale na nga, dito na lang ako sa couch hihiga," sabi niya at inayos ang gamit niya saka humiga.
"Sige, ikaw ang bahala, magpapahinga na rin ako," sabi ko sa kanya.
"Sige," tugon niya.
Naglakad na ako pabalik sa kama at hinubad ang pang itaas kong damit, saka humiga sa kama.
"Paano mo pala nakilala at nakita si Vain? Naalala ko nasa Titania siya dahil may misyon siya doon," narinig kong sabi niya.
"Nakilala ko siya noong may ginawa silang palaro sa bayan namin, na kung sino ang makakatalo sa kanya ay makakakuha ng pera. Kaya lang hindi na ako sumubok na labanan siya, dahil sa tingin ko may kakayahan siyang hindi ko alam kung ano," saad ko.
Narinig ko namang natawa siya sa sinabi ko. Kaya napatingin naman ako sa kanya.
"Isa iyon sa kalokohan nila. Oo, may kakayahan siya at magaling siya sa one on one battle. Lahat nadudurog niya, mabato man iyan o ano. Mabilis din siyang makaramdam ng kakaibang aura sa paligid at agad niyang nalalaman kung mabuti o masama ang aurang nararamdaman niya. Ngunit kapag naging kaibigan mo siya ay mabait din ang isang iyon," pahayag niya sa kung sino si Vain.
Napatango naman ako doon sa sinabi niya. Kaya siguro hinayaan niya akong makapasok sa silid nito dati, dahil naramdaman na niya ako at hindi masama ang hangarin ko sa kanya. Ibang klase din pala ang isang iyon.
"Ganoon ba? Anong misyon niya doon?" tanong ko sa kanya.
"Hindi ko alam kung ano nga ba ang misyon niya. Minsan kasi hindi siya nagsasabi kung anong misyon ang kukunin niya. May panahon kasi na gusto niyang mag isa sa misyon, minsan naman ay kasama kaming tatlo," paliwanag niya.
Bahagya akong napatango sa sinabi niya.
Ilang minuto rin kaming nagkwentuhang dalawa, hanggang sa napagpasyahan naming matulog na para maaga kaming makapunta sa Train station at makapagbiyahe na patungo sa Edolas.
Kinabukasan.. sabay na kaming kumuha ng ticket papuntang Edolas. Hindi ko na sila hinayaang i-libre pa ako sa ticket, dahil may sarili naman akong pera. Matapos naming makakuha ng ticket ay sumakay na kami ng train patungo sa Edolas. Habang sakay kami sa train ay sumasabay na ako sa kwentuhan nila. Napapalagay na rin kasi ang loob ko sa kanila, para bang matagal ko na rin silang kasama. Mahaba pa ang oras papunta sa Edolas, kaya kung ano-ano na lang ang napag uusapan namin. Minsan sinasabi nila kung gaano ka ganda ang lungsod ng Edolas. Nasabi rin nila na anak ng Reyna at Hari ng Edolas si Estella. Subalit, hinayaan siya ng mga magulang niya na mapasali sa isang grupo. Pinagbigyan raw ng mga magulang niya at para na rin maging bihasa siya sa pakikipaglaban, maging sa paggamit ng kanyang kapangyarihan. Kaunti lang rin ang nakakaalam ng pagkatao niya, at ayaw rin niyang tawagin siyang princesa ng kanyang mga kasama. Kaya nasanay na rin ang mga kasamahan niya sa kanya. Subalit, hindi pa rin ako makapaniwala na isa ngang Princesa ng Edolas si Estella.
Sa haba ng biyahe, sa wakas ay nakarating na rin kami sa Edolas. Ito ang unang punta ko sa Edolas, kaya hindi ko maiwasang mamangha sa nakikita ko. Mula sa malayo ay natatanaw ko sa isang bundok ang isang palasyo. Nasisiguro akong iyon ang sinasabi nilang tirahan ni Estella. Marami rin akong nakikitang building at mga bahay.
Nang makababa kami sa train ay nakita ko kaagad ang maraming tao na naglalakad o namamasyal sa paligid. Marami rin kasing panindang naka-display at nakikita kong mamahalin ang mga ito.
"So, mukhang hanggang dito na lang muna ang pagsasama natin, Axel," sabi sa akin ni Reese.
Napangiti naman ako sa kanya.
"Yeah, at siguradong hindi rin ito ang huli nating pagkikita," sabi ko sa kanila.
"Basta punta ka doon sa headquarters namin. Maaari ka rin tumambay doon kung gusto mo," sabi naman sa akin ni Cassandra.
"Sige, pag nahanap ko na ang taong aking hinahanap, pupunta ako doon," sabi ko sa kanila.
Napatango naman sila at muli kaming nagpaalam sa isa't isa. Tumalikod na ako sa kanila, naisipan ko munang maghanap ng matutuluyan dito sa Edolas. Bahagya pa akong lumingon sa kanila na naglalakad na rin paalis. Subalit, nagkasalubong ang mga tingin namin ni Estella. Ngumiti siya sa akin, bago inalis ang tingin. Napahinto naman ako sa paglalakad at nanatiling nakatingin sa kanya. May parte talaga sa akin, na para bang kilala ko siya. Nakita ko na ba siya noon? Nagkakilala na ba kami? Kahit anong gawin kong pag iisip ay hindi ko talaga maalala kung nagkita na kami. Hays! Inalis ko na ang tingin sa kanya at naglakad na paalis sa lugar na iyon, upang maghanap nang matutuluyan.