Hindi ako makatulog ngayong gabi. Hindi ako mapakali sa ibabaw ng kama. Iniisip ko ang sinabi ng aking Daddy kanina. Bukas na kami aalis ng bansa.
Kailangan ko talagang pumunta sa aking sinalihang grupo sa isang araw. Espesyal iyon para sa akin dahil pipiliin na ang makakasali sa isang grupo na papasikatin ng isang kilalang kompanya. Nararamdaman ko na mapipili ako roon.
Malapit ko nang makamit ang aking pangarap. Kaunting tiis na lang, mararating ko na.
Bumalikwas ako nang bangon saka mabilis na tumayo sa kama. Hindi ko hahayaan na ang mga magulang ko ang gagawa ng aking kinabukasan.
Mabilis kong kinuha ang bag saka kumuha ng maraming damit at mga kailangang gamit. Tatakas ako. Ayaw kong umalis ng bansa.
Pagkatapos kong magbihis. Tahimik kong binuksan ang pinto saka lumabas ng k'warto.
Kaba at takot ang bumalot sa akin ngunit winaksi ko agad iyon. Bahala na kung anong mangyayari sa akin pagkatapos nito. Basta ang mahalaga makaalis ako rito.
Sinilip ko ang ibabang palapag ng mansyon upang siguraduhing walang kasambahay doon. Nang wala na akong makitang tao ay dali-dali akong bumaba. Walang ingay ang bawat hakbang ko. Nilagay ko ang aking kamay sa bibig upang hindi makasigaw kung sakali mang makakita ako ng kasambahay o tauhan ni Daddy.
Nakagat ko ang aking labi at napangiti nang mabuksan ang malaki nilang pinto.
Bukas iyon!
Dahan-dahan kong sinarado ang pinto upang hindi mapansin na may lumabas ng mansiyon at mabilis na tumakbo papunta sa gate.
Isang kisap-matang nagtago ako nang makita ang aming bodyguard na naglalagi sa garden.
Isinuksok ko ang aking sarili nang dumaan ito sa aking harapan. May kadiliman kung nasaan ako nagtatago kaya malabo akong makita nito maliban na lang kung gagalaw ako dahil gagalaw din ang halaman.
Nang lumampas ito sa akin. Agad kong binuksan ang gate saka napatingin sa aming cctv. Nakangiting kumaway ako roon at lumabas.
Biglang gumaan ang pakiramdam ko nang makalanghap ng sariwang hangin, para bang nawala ang buhat-buhat nitong mabigat na bagay.
Wala na g magbabawal sa akin kung ano ang gusto ko. Magagawa ko na ang lahat ng nais ko.
Tatalikuran ko ang karangyaan at luho para lamang matupad ang aking mga pangarap. Hindi ako susuko.
Kiniskis ko ang aking dalawang palad dahil sa lamig ng hangin. Nakaupo ako sa kalawanging upuan. Nangangalay na sa kakalakad ang aking paa. Nalimutan kong kunin ang aking wallet kaya hindi ako makasakay ng sasakyan.
Tumingala ako sa langit saka pumikit. Maraming gustong pumigil sa aking mga pangarap. Pati yata ang tadhana ay ayaw sa gusto ko.
Ang nais ko lang naman ay maging malaya at maging masaya. Bawal ba iyon?
Ilang oras akong nasa gitna ng parke saka nagpatuloy muli sa paglalakad. Ang plano ko ay hihingi ako ng tulong sa kompaniya. Kahit tagalinis lang ng banyo ay gagawin ko para lamang may matulugan.
Wala naman akong mapupuntahang kamag-anak dahil parehas na walang kapatid ang aking mga magulang. Hindi pati ako puwedeng humingi ng tulong sa mga kakilala kong kaibigan ni Mommy kasi siguradong kakampihan lang nila ang mga magulang ko.
Napasinghap ako nang may humila sa aking tatlong lalaki. Nakaitim ito at may earpiece sa kanilang tainga.
"Nakita na po namin siya, Señora," sabi nito.
"Hindi ako sasama sa inyo!" Nagpumiglas ako nang mapagtanto kung sino sila. Nakalmot ko ang isang lalaki dahilan ng magdugo iyon ngunit wala akong pakialam! Tatakas ako!
"Pinapauwi ka po ng inyong magulang, Señorita."
"Kayo na lang ang umuwi!" sigaw ko. Sa lakas at laki ng mga ito ay madali lang sa kanilang buhatin ako.
Hindi ko mapigilang umiyak. Dadalhin na naman nila ako sa walang buhay na mansyong iyon!
Mahigpit akong hinawakan ang pinto ng akmang ipapasok ako sa kanilang sasakyan.
"Please, hayaan niyo na lang ako," pagmamakaawa ko sa kanila.
"Pasensya na po. Trabaho lang." Kinuha niya ang kamay ko at inalis.
Humagulgol ako saka malakas na hinampas ang bintana. Pilit na binubuksan ang pinto ng sasakyan. Umaasang bukas iyon. "Ayokong umuwi!" pag-iyak ko.
Agad na lumapit ang aking magulang nang tumigil ang sasakyan sa tapat ng aming mansyon. Galit ang mga mukha nito habang hinihintay akong lumabas. Napaatras ako sa aking upuan. Kinakabahan sa gagawin nila sa akin mamaya.
Nanginginig ang kamay kong na binuksan ang pinto. Labag sa loob kong gawin ang paglabas ngayon. Labag sa loob kong tumapak sa lupang kinatitirikan ng aking tahanan.
"Oh my God, Alyzza Hope! Anong iniisip mo at tumakas ka?!" iskandalong sigaw ni Mommy.
Yumuko ako habang bitbit ang aking bag. Umalis ang aming bodyguard sa aming harapan. Medyo magulo ang aking buhok habang tinatangay ng hangin. Medyo gusot ang aking damit dahil sa pagpupumiglas kanina.
"I don't want to go abroad, Mom," bulong ko na halos ako na lamang ang nakaririnig.
"Kaya ka naglayas?! Alam mo ba kung anong kaba namin nang sabihin ng mga guwardiya na nakita ka nila sa cctv!" malagong na boses na sabi ng Daddy. "Hindi mo man lang naisip ang mga panganib sa labas, Alyzza Hope?"
"Ano bang kulang sa ibinigay namin sa iyo?" pagod na sabi ng Mommy niya na ikinatingin ko sa kaniya.
"Freedom, Mom." Nanginig ang aking boses dahil sa pagbadyang pagpatak ng luha. "Hindi niyo pa sa akin naibibigay iyon."
Tumingin ako sa kanilang dalawa. Nakatitig lamang ito sa akin. Muling tumulo ang panibagong luha ko.
"'Yon lang naman ang gusto ko. Kahit wala na ang mamahaling gamit, Dad. Kahit wala na ang maraming pera, Mommy. I want to be free," dugtong ko.
"'Yon ba talaga ang gusto mo?" malamig na sabi ng aking Daddy.
Nabuhayan ako ng loob sa narinig. Mabilis akong tumango dito. "'Yon lang, Dad."
"Kung ganoon, lumayas ka na sa pamamahay ko."
Napasinghap ako sa sinabi nito. Maging si Mommy ay nagulat sa narinig.
"Juanito," hindi makapaniwalang sabi ni Mommy. Hinawakan nito ang braso ni Daddy.
Walang emosyon namang nakatingin sa akin si Daddy.
Umiiyak akong nakatingin sa kaniya. Hindi ko akalain na kaya niyang sabihin iyon. Hindi ako makapaniwala na mas pipilin nilang hindi ako makita kaysa makita nila akong masaya sa pangarap ko. Nag-iisa nila akong anak.
"Kung gusto mo pala ng kalayaan. Lumayas ka na. Pinapahiya mo lamang ang pamilyang ito."
Mabilis na umagos ang aking luha. Kumirot ang aking dibdib.
"Dad," pagmamakaawa ko. Akmang lalapit ako rito ngunit nagsalita muli si Daddy na aking ikinatigil.
"Magmula ngayon wala na akong anak." Sumikip pa lalo ang aking dibdib. "Hindi na kita kilala."
Umiiyak akong umiling sa sinabi ng sariling Ama ko.
"Mom." Tumingin ako kay Mommy na umiiyak din. Umaasa na pipigilan niya si Daddy.
Umiling lang ito sa akin.
"Dad, naman. Hindi niyo ba kayang ibigay sa akin iyon? Kaya niyo ako pinapalayas?"
"Hindi para sa iyo ang gusto mo."
"Para sa akin iyon, Dad!" pilit ko. "Hindi kayo ang magdidikta sa gusto ko. Hindi niyo nga alam kung saan ako masaya, e."
"Pumili ka, Alyzza Hope." Mariin ang bawat salitang lumalabas sa kaniyang bibig. "Ang pamilya mo o ang pangarap mo?"
Naiinis na pinunasan ko ang aking luha sa pisngi. Kapag pinili ko ang isa, mawawala sa akin ang isa pa. Parehas namang importante sa akin ang dalawang iyon.
Tuwid akong tumayo saka matapang na tumingin sa mga ito. Pipiliin ko kung saan ako sasaya. Pipiliin ko ang matagal ko nang gustong makamit. Sa oras na ito magiging makasarili muna ako. Sarili ko naman ang uunahin ko.
"I'm gonna choose what I want, Dad."
Tinakpan ni Mommy ang bibig niya. Rinig ang malakas na hagulgol at kita ang pag-agos ng mga luha. Umiling siya, nagmamakaawa na huwag kong ituloy ang aking desisiyon.
"Kung hindi niyo ako kayang suportahan sa gusto ko. Ako na lang ang susuporta sa sarili ko." Diretsong nakatingin ako kay Daddy. "Papatunayan ko na may silbi ang pangarap ko."
Tumango ako sa kanila. Kinuyom ko ang aking kuko sa palad, pinipilit na huwag pumatak ang aking luha.
Sa huling pagkakataon, tiningnan ko nang matagal ang aking Daddy at Mommy saka tumalikod. Mahigpit ang kapit ko sa aking bag habang naglalakad.
Aalis ako hindi dahil masama ang loob ko sa aking mga magulang kun'di dahil gusto kong makaramdan ng kalayaan. Tinalikuran ko ang marangyang buhay na kailanman ay hindi ko pagsisisihan.