PROLOGUE
Umiiyak ang batang si Azean habang unti-unting tinatabunan ng lupa ang kanyang yumaong ina. Ngayon ay mapupunta na siya sa pangangalaga ng kanyang ama.
“Tumahimik ka nga! Ang ingay-ingay mo! Kahit anong iyak pa ang gawin mo ay hindi na niyan maibabalik pa ang buhay ng iyong Inay! Kaya bago ko pa takpan ‘yang bibig mo, manahimik ka na!” galit na sigaw ng ama ni Azean. Nanlilisik ang mga mata nito at namumula. Nakaramdam ng takot ang batang babae. Wala siyang nagawa kundi ang manahimik kundi ay baka anong gawin ng ama nito sa batang babae.
Sanay na sanay na si Azean sa buhay niya ngayon. Sa edad na kinse anyos ay ipinambayad ito ng kanyang ama sa isang sindikato. Dahil tumanggi itong maging isang prostitute ay naging magnanakaw ito. Sa ayaw at sa gusto niya ay dapat itong magnakaw at may maibigay sa kanilang lider. Kapag wala silang maibigay na pera o mahahalagang bagay na pwedeng pagkakitaan ay paparusahan sila. At hindi lang iyon basta parusa. Dahil mas gugustuhin mo na lang ang mamatay kesa maramdaman ang hagupit ng latigo sa iyong balat.
“Aray! Dahan-dahan naman sa paglalagay ng alcohol! Ang sakit at ang hapdi kaya!” daing ng kanyang kaibigan na si Alex. Mas diniinan pa ng dalagitang si Azean ang bulak na may alcohol sa likod ng binatilyo.
“Aray naman!” muling daing nito.
“Ano ba kasi ang ginawa mo? Bakit naparusahan ka na naman? Ang tigas-tigas kasi ng ulo mo!” inis na saad ni Azean.
“Tsk! Balang araw, tatakas din ako sa impyernong ito. Hindi na ako magnanakaw at makakapag-aral na ako ng maayos. Pangako ‘yan,” nakakuyom ang kamao nitong pangako.
“Sige mangarap ka kahit imposible namang mangyari ‘yon. Ako sapat na sa aking makapag-aral. Kahit magnanakaw ako ay pwede rin naman akong makapaghanap ng desenting trabaho. Pero ang makawala sa impyernong buhay na ito? Napakalabo.” Wika naman ni Azean sa kaibigan.
“Bahala ka na nga! Puro negatibo ‘yang nasa utak mo eh!” si Alex.
Mabilis na tinapos ni Azean ang paggamot sa likod ng kaibigan.
Hindi na mabilang pa ni Azean kung ilang beses na itong nagnakaw. Para sa kanya ang pagnanakaw ay trabaho niya. Kapag walang mananakaw, kaparusahan ang kakaharapin mo. Mabuti na nga lang at malaya silang gawin ang gusto nilang gawin. Ang importante lang naman sa lider ng sindikato ay may maibigay silang kita. Sa edad niyang disi-otso ay may sarili na itong bahay. Maliit lang naman ito, tama lang para sa isang tao.
Dahil unang pasok sa eskwela ay naghanda na si Azean para sa pagpasok sa paaralan. Sa edad nitong disi-otso ay nasa first year college pa lamang si Azean. Pero pursigido itong makapagtapos ng pag-aaral. Kumuha ito ng kursong Business Administration, dahil pangarap niyang makapagpatayo ng sariling negosyo, ‘yong matatawag niyang legal at sa kanya.
Sinusuklay-suklay niya ang kanyang mahabang buhok at pumasok sa silid kung saan ang kanyang unang klase.
Naghahanap ito ng bakanteng upuan, at nang makakita ay agad siyang humakbang papalapit doon at akmang uupo nang may tumulak sa kanyang babae, malakas na napaupo si Azean sa malamig na semento.
Malakas na nagtawanan ang mga kaklase niya.
“Huwag kasing lalampa-lampa!” malakas na sigaw ng isang kaklase nitong lalaki.
“Boo! Boo!” nakakabingi ang lakas ng sigawan at tawanan ng mga kaklase ni Azean. Kumuyom ang kamao nito. Sanay siyang makipaglaban. Sa mundong kanyang ginagalawan ay dapat marunong kang protektahan ang iyong sarili sa oras ng kagipitan. Kinalma ng dalaga ang sarili. Ayaw niyang matanggal ang scholarship niya. Kapag nakipag-away ito ay automatic na matatanggal ang kanyang scholarship. Pinaghirapan pa namang ipasa ng dalaga ang exam upang makapag-aral sa isang sikat na university.
Tumayo si Azean at tinungo ang bakanteng upuan. Hindi nito pinansin ang ingay at kantiyaw ng kanyang mga kaklase.
“Hey! Huwag mo akong tatalikuran kapag kinakausap pa kita!” malakas na sigaw ng kaklase niyang babae.
Magsasalita pa sana ang kaklase nito nang pumasok ang kanilang professor.
“Okay class, dahil first day of school, introduce yourself. First row, you may start,” isa-isang nagpakilala ang mga kaklase ni Azean.
“Hello, ako si Azean Sky Salazar. Nice meeting you all,” pagpapakilala ng dalaga.
Natapos ang klase nila ng hapon na. Naglakad-lakad muna ito sa loob ng university. Minsan lang itong maging malaya. Kaya sinulit nito ang pagiging malaya niya.
Habang naglalakad-lakad ang dalaga ay nakakita ito ng isang bracelet, pinulot niya iyon at tiningnan ng maigi kung fake ba o totoo ang bracelet na napulot niya. Dahil isa siyang magnanakaw ay alam na alam ni Azean kung ano ang totoo at peke sa mga alahas na nananakaw nito.
“Totoong gold at ruby ito ah,” bulong nito sa sarili. Nagpalinga-linga si Azean sa paligid kung may nakakita sa kanya.
“Hindi ko naman ito ninakaw, nakita ko lang naman. Wala na sigurong maghahanap nito. Puro naman mayayaman ang mga nag-aaral dito,” bulong ulit nito at inilagay ng dalaga sa bulsa nito ang bracelet na napulot.
Hindi alam ni Azean na may isang binata ang nakakita sa ginawa nito.
Tinakbo ng binata ang kaibigang babae at sinabi ang nakita. May ngiti sa labing tinungo ng babae ang gate ng university. Kinausap nito ang guard at hinintay ang walang kamalay-malay na si Azean.
Hinarang ng guard si Azean.
“Teka lang, may hinahanap kaming bracelet na gold na may ruby. I-tse-check lang namin ang bag mo at bulsa mo, pwede ba?” magalang na tanong ng guard kay Azean.
Biglang namutla ang dalaga. Hindi niya naman ‘yon ninakaw, kundi napulot lang nito ang bracelet. Tumango si Azean.
Kinuha niya ang bracelet sa bulsa at ipinakita sa guard. Kahit kinakabahan ay nagsalita pa rin ito.
“H-heto po, nakita ko sa damuhan habang naglalakad ako.” Paliwanag nito kaagad.
“Liar! You stole it! My friend saw you!” sigaw ng kaklase ni Azean. Walang emosyon ang mukha niyang tiningnan ang kaklase. Kitang-kita ng dalaga ang takot sa mga mata ng babae.
“Wala akong ninakaw. Heto, isaksak mo sa baga mo.” Malamig pa sa yelo na sabi ni Azean dito.
Akmang sasampalin ito ng babae nang may humarang sa kamay ng kaklase nito.
Hindi makita ng dalaga ang mukha ng lalaking nagtanggol sa kanya. Naka-cap ito at nakasuot ng jacket, may facemask din ito sa mukha kaya hindi niya makita ang pagmumukha nito.
“She didn't steal it. I saw her a while ago. May pinulot ito sa damuhan at nakita kong bracelet ‘yon. If you claim that she stole it, then give me a proof. Dahil ako, may pruweba akong magpapatunay na hindi niya ninakaw ang bracelet na ‘yan.” Seryosong sabi ng lalaking tumulong sa dalaga.
Walang nagawa ang kaklase niya kundi ang umalis at binigyan ito ng matalim na tingin.
“Sir H, kayo pala.” Ani ng guard. Mabilis na naglakad papalabas ang lalaking tinawag na Sir H ng guard.
“Makakalabas ka na,” wika ng guard.
Tumakbo si Azean papalapit sa lalaki.
“Teka lang! Gusto ko lang magpasalamat sa ‘yo!” sigaw ng dalaga. Huminto ang binata at tiningnan si Azean. Nang magtama ang kanilang paningin ay biglang lumakas ang kalabog ng dibdib ni Azean.
“This is the first and last time that I will help you. So, take care,” sabi nito sa baritonong boses. Natulala na lang ang dalaga sa lalaking si Sir H. Napangiti si Azean nang maalala ang lalaki.
“Kapag naging malaya ako, hahanapin kita at ikaw ang pakakasalan ko,” pangako ni Azean Sky Salazar sa sarili.