NAGISING si Shea nang maramdaman ang marahang paghaplos ng kamay sa buhok niya. Iminulat niya ang mga mata at ganoon na lang ang pagkagulat nang malamang nakayakap na pala siya kay Spencer. Nakapatong ang ulo niya sa dibdib nito.
Napaangat siya ng tingin dito at agad na nasalubong ang guwapong mukha nitong nakayuko sa kanya. His blue eyes were dancing and there was a playful smile on his lips. “Good morning,” bulong nito.
She shivered at the feel of heat traveling all over her. Mabilis siyang napaupo sa kama para lamang makaiwas dito. Ibinalik niya ang matinong daloy ng isipan. “K-Kumusta na ang… ang pakiramdam mo?” pinilit niyang lumingon dito.
Bumangon na rin ito at naupo sa kama. “Maayos na ako,” tinitigan siya nito. “Nakapagpahinga ka ba ng ayos? Pasensiya na kung tinulugan kita kagabi.”
Napangiti siya. “Wala ‘yon.” Pasalamat pa nga siya at hindi nito narinig ang tanong niya kagabi. Tiningnan niya ang wristwatch na suot at nanlaki ang mga mata nang makitang pasado alas-sais na ng umaga. Bumaba siya ng kama at inayos ang suot na damit. “Kailangan ko nang umalis. May pasok pa ako sa opisina mamayang alas-otso.”
Nagpilit din itong tumayo. “Ihahatid na kita,” alok pa nito.
“Hindi,” mabilis na tanggi niya. “Kaya ko nang mag-isa,” lumakad siya patungo sa kinapapatungan ng shoulder bag niya at kinuha iyon. “Magpahinga ka na para mabasa mo na itong mga ibinigay ko sa’yo,” ngumiti siya at nagpaalam na dito.
Hindi niya na ito hinintay na sumagot at tuloy-tuloy nang lumabas ng hotel room na iyon. Nakahinga siya nang maluwag nang makapasok siya sa loob ng elevator. Dinig na dinig niya pa rin ang malakas na t***k ng puso niya. Ramdam na ramdam niya pa rin ang init ng katawan ni Spencer sa kanya at muli na naman niyong sinisira ang matinong daloy ng isipan niya.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at ilang ulit na bumuntong-hininga. Kailangan niyang kumalma. May nobyo siya, iyon ang dapat niyang alalahanin. Kaya hindi tamang ibang lalaki ang palaging laman ng isipan niya. Hindi iyon tama.