NAPATINGIN si Shea kay Tom nang lumapit ito sa mesa niya nang hapong iyon. Kasalukuyan na siyang nag-aayos ng mga gamit para sa pag-uwi.
“Shea,” pagsisimula nito. “Magkakaroon nga pala tayo ng team building at yearly planning session sa susunod na linggo, isasabay ko na rin doon ang company outing. Maghanap ka ng magandang hotel and resort dito kung saan maaari tayong mag-stay ng ilang linggo.”
“Linggo?” hindi makapaniwalang ulit niya. Tatagal ng ganoon ang event ng kompanya?
Ngumiti si Tom at sumandal sa mesa niya. Akmang hahaplusin nito ang mukha niya pero agad niyang ibinalik ang atensiyon sa pag-aayos ng mga gamit. “Ilang araw lang naman ang itatagal ng team building at outing pero gusto ko ring pansamantalang mag-bakasyon, gusto kong doon na rin ituloy ang pagbabakasyon kasama ka. Malapit na rin ang kaarawan ko at plano kong doon na rin mag-celebrate, tatawagan ko na lang ang ilan sa mga kakilala ko.”
Magbabakasyon silang dalawa doon? Gustong tutulan ng puso niya ang plano nitong iyon pero hindi niya naman magawa. Siguradong magtataka ito.
“Gusto ko rin sanang isama sa event na iyon ng kompanya si Mr. Diehl,” pagpapatuloy pa ni Tom.
Bigla siyang nag-angat ng tingin dito. “B-Bakit isasama mo siya?” Sana ay nagawa niyang itago ang pagkasabik na nasa tono.
Bumuntong-hininga muna ito bago nagpatuloy. “Plano kong maglaan ng tatlong araw na conference para sa event na iyon. Conference about wiring controls and schemes at nais kong naroroon siya para makita niya ang kagandahan ng kompanyang ito. Baka sakaling mas mapabilis ang pagde-desisyon niya,” nasa tinig nito ang pagiging seryoso.
“Siguro naman kapag nakita niya na ang financial status ng kompanya ay papayag na siya,” wika niya. “Hindi mo pa ba iyon naipapadala sa kanya?”
Tumuwid ito ng tayo. “Ipapadala ko iyon kapag naasikaso ko na,” buong diing tugon nito. “Hindi ganoon kadaling magpakita ng financial reports at status sa isang tao.”
Tinitigan niya ang nobyo. Sigurado siyang may pino-problema ito. Bakit naman ito matatakot na ipakita ang mga bagay na iyon sa isang investor? At hindi lang basta investor si Spencer, napakalaking tao nito sa mundo ng business. Gusto niyang itanong kay Tom kung may problema bang pinansyal ang kompanya pero alam niyang hindi ito aamin kung mayroon nga.
Tumingin ito sa kanya at muling ngumiti. “Imbitahan mo si Mr. Diehl para sa event na iyon, Shea,” utos pa nito. “Sa pagkakaalam ko ay nasa vacation leave naman siya ngayon kaya walang schedule niya ang maaabala. Tell him na gusto ko rin siyang makausap patungkol sa business. Umaasa ako na mapapapayag mo siya.”
Tumango na lang siya at hindi na nagsalita. Umaasa rin siya na makakasama si Spencer sa event na iyon, maging sa bakasyon na tinutukoy ni Tom. Mas mapapanatag ang kalooban niya kapag may kasama pa silang iba.
Lalakad na sana pabalik si Tom sa opisina nito nang mapatigil at muling tumingin sa kanya. “May dinner nga pala mamaya sa bahay nina Papa, gusto mo bang sumama?” tanong nito.
Napatingin siya dito at mabilis na nag-isip ng maida-dahilan para tumanggi. “H-Hindi na muna siguro,” aniya. “M-Medyo masama kasi ang pakiramdam ko at marami pa akong kailangang asikasuhin sa bahay.”
Tumango na lang ito at nagpaalam na sa kanya. Nang makaalis ito ay mabilis na niyang itinuloy ang pag-aayos ng mga gamit. Gusto niya na talagang makauwi at makapagpahinga. Mag-iisip na rin siya ng paraan upang muling malapitan si Spencer at ma-invite sa event na iyon ng kompanya nila.