Episode 8.2

1530 Words
NAPATIGIL si Shea sa paghakbang nang makita si Spencer na nakaupo sa lounging area ng lobby ng kompanya nila nang hapong iyon. Ipinilig niya pa ang ulo para masiguradong totoo ngang naroroon ito at hindi imahinasyon niya lamang. Awtomatikong bumilis ang pagtibok ng puso niya nang magtama ang mga mata nila. Ngumiti ito at itinaas ang isang kamay para kawayan siya. She could feel herself blushing at that moment. Anong ginagawa nito sa lugar na ito? Kanina lang ay iniisip niya kung paano ito muling makikita pero ngayon ay naririto na ito. Nakita niya ang pagtayo nito at paglakad patungo sa kinatatayuan niya. Mabuti na lang talaga at kakaunti na ang mga empleyadong naroroon dahil nagsi-uwian na ang iba. Tumigil ito sa harapan niya. “Pauwi ka na ba?” tanong nito. “Ihahatid na kita.” “B-bakit ka nandito?” hindi niya napigilang itanong. “May pinuntahan kasi ako malapit dito at naisipan kong dumaan para magbaka-sakaling makita ka,” ngumiti ito. “Pauwi ka na ba? Ihahatid na kita,” ulit nito. Hindi na siya tumanggi at tumango na lamang. Masaya siyang sumunod dito, hindi niya maipaliwanag ang tuwang bumalot sa dibdib niya ng mga oras na iyon. Alam niyang kani-kanina lang ay sinabihan niya ang sariling tigilan na ang pag-iisip dito pero makulit pa rin ang puso at isipan niya. Wala namang masama kung makipag-kaibigan siya dito, hindi ba? Bago makalabas ng building ay natanaw niya pa ang kaibigang si Arianne na nakasunod ang tingin sa kanila ni Spencer, nasa mga mata nito ang pagtataka at pagtatanong. Iniiwas niya na lang ang tingin dito at nagkunwang hindi ito nakita. Sigurado siyang guguluhin na naman siya nito sa mga susunod na araw. Pagkarating nila sa labas ay agad siyang iginiya ni Spencer patungo sa parking area. Hindi niya napigilan ang mapanganga nang tumigil sila sa tapat ng isang mamahaling sasakyan – isa iyong Pagani Zonda na nakikita niya lamang sa mga magazines at Hollywood films. Ngayon niya lang lubusang nakikita kung gaano talaga kayaman ang lalaking ito. Napakaliit niyang tao kumpara dito. Pagkapasok nila sa loob ng sasakyan ay agad na nitong pinatakbo iyon. Walang imikang namagitan sa kanila, wala rin naman kasi siyang maisip na pag-usapan. Hindi niya alam kung paano magsisimula sa pangingimbita dito sa event ng kompanya nila. Napatingin siya dito nang may mapansin. “A-Alam mo ang daan papunta sa amin?” nagtatakang tanong niya. Nakita niya ang pagkatigil nito sa tanong niyang iyon. Sumulyap ito sa kanya. “Y-Yeah, nakalagay ang address mo sa business card na iniwan mo sa akin kasama noong mga folders na ibinigay mo kagabi.” Tumango-tango siya. Hindi niya naalala ang tungkol sa bagay na iyon. “Maayos na ba ang pakiramdam mo?” puno ng pag-aalalang tanong niya na lamang. “Ayos na ako, huwag ka ng mag-alala,” sagot nito. “Mabuti naman,” itinuon niya ang pansin sa unahan at itinuro dito ang apartment kung saan siya tumutuloy. “Diyan kami nakatira,” aniya. Itinigil nito ang sasakyan sa tapat ng apartment at nauna nang bumaba sa kanya para pagbuksan siya ng pinto. Inihatid pa siya nito patungo sa may pinto. “G-Gusto mo bang pumasok muna sa loob?” nag-aalangang alok niya dito, sobrang bilis rin ng t***k ng puso niya. Napabuntong-hininga ito. “Hindi na siguro. Baka magtaka ang pamilya mo kapag ipinakilala mo ako,” ngumiti pa ito. Kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilan ang disappointment na nararamdaman sa pagtanggi nito. “G-Ganoon ba?” pinilit niyang pasiglahin ang tinig. “Sige, mag-iingat ka na—” napatigil siya sa pagsasalita nang biglang magbukas ang pinto ng bahay nila at nakita ang paglabas ng kapatid niyang si Philip. Nasa mukha din nito ang pagkagulat sa pagkakita sa kanila. Napatingin ito kay Spencer at nanlaki ang mga mata. “Kuya Spen! Anong ginagawa mo dito?” nasa tinig ni Philip ang tuwa. Nagtataka siyang napatingin kay Spencer na nababanaag na sa mukha ang pagkabalisa. May mga pawis na ring namumuo sa noo nito. Bumaling siya sa kapatid na si Philip para itanong kung paano nito nakilala si Spencer pero muli na itong pumasok sa loob at tinawag ang isa niya pang kapatid na si John. “Kuya John! Si Kuya Spen nasa labas!” excited na sigaw nito. Muli siyang napatingin kay Spencer. “P-Paano ka nakilala ng mga kapatid ko?” puno ng pagtatakang tanong niya. Iniiwas nito ang tingin sa kanya at hindi sumagot. Hanggang sa makalabas ang mga kapatid niyang sina John at Philip ay hindi pa rin ito nagsasalita. “Kuya Spen!” bati dito ni John bago tumingin sa kanya. “Ate, mabuti naman at nakilala mo na si Kuya Spen. Siya iyong tinutukoy naming bago naming kaibigan, iyong nagbigay ng mga PSP at play station sa amin noon,” bumaling ito kay Spencer. “Kuya, pasok ka sa loob. Ipapakilala ka rin namin kay Inay.” Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng kapatid. Ito ang lalaking tinutukoy ng mga ito? Bakit hindi man lang iyon binaggit ni Spencer sa kanya?! At paanong nagawa nitong makilala ang mga kapatid niya? Napakaraming tanong sa isipan niya pero hindi niya alam kung ano ang unang itatanong. Nakasunod na lang ang tingin niya sa lalaking iyon nang hilahin ito ni Philip papasok sa loob ng bahay. Naiwan sila ng kapatid niyang si John doon. Tiningnan niya ito. “Ma-Matagal niyo na siyang kilala?” tanong niya dito, nasa tono pa rin ang pagkamangha. Ngumiti si John at tumango. “Nakilala namin siya ni Philip sa isang store ng mga gadgets dito, iyon ay noong hindi pa ako pumapasok at niyaya ko si Philip na mamasyal. Doon namin unang nakita si Kuya Spen, ini-libre niya pa kami ng pagkain. Siya ang nakakumbinsi sa akin na muling mag-aral, nangako kasi siya na bibigyan niya ako noong gadget na tinitingnan namin ni Philip sa store na iyon,” napailing pa ito. “Hindi ko naman alam na kompanya niya pala ang humahawak sa gadget store na iyon.” Hindi niya pa rin magawang paniwalaan ang lahat. Napapikit siya. “A-Alam niya na ba noon pa na… na mag-kapatid tayo?” “Siguro,” sagot ni John. Nagmulat siya ng mga mata at nakitang nakatitig sa kanya ang kapatid. “Madalas ko siyang nakikita sa lugar na ito tuwing umaga, ilang beses pa niya nga kaming inihahatid ni Philip papunta sa eskuwelahan,” sumulyap ito sa sasakyan ni Spencer. “Iyan ding magandang sasakyan na iyan ang gamit niya. Kaya imposibleng hindi ka niya nakikita dito minsan.” “Bakit hindi mo sinabi sa akin noon?” Nagkibit-balikat si John. “Hindi ko naman alam na magkakilala kayo at sinabi niya sa amin noon na mas gusto niyang manatiling lihim ang pagkatao niya kahit kanino. Pero mabuti na lang at nakilala niyo na siya ngayon para makakadalaw na siya dito kahit kailan,” bumuntong-hininga ito. “Kung magkakaroon ako ng nakatatandang kapatid na lalaki, gusto kong si Kuya Spen iyon. Mas gusto ko siya kaysa sa boyfriend mo.” Magsasalita pa sana siya subalit itinalikod na nito ang wheelchair na kinauupuan at pumasok sa loob. Manghang nakasunod lang ang tingin niya dito. Pero sa kaibuturan ng puso niya ay lihim siyang natutuwa sa sinabi ng kapatid. Ipinilig niya ang ulo at inalis iyon sa isipan. Hindi dapat iyon ang iniisip niya ngayon. Kailangan niya rin ang eksplenasyon ni Spencer sa lahat ng ito. Pumasok siya sa loob at dumiretso sa living area kung saan naroroon ito at ang mga kapatid niyang masayang nagtatawanan habang naglalaro na ng play station. Napatitig siya kay Spencer. He was so cute and handsome laughing like that. Parang may mga kamay na marahang humaplos sa puso niya sa isiping ganito rin ito kapag nakikipaglaro sa mga magiging anak nito. He would be a very good father, for sure. Napakasuwerte ng babaeng makakasama nito habang buhay. At sana ako na lang iyon, singit ng isang tinig sa isipan niya. Marahas siyang napailing para burahin sa isipan ang bagay na iyon. Bakit ganoon ang iniisip niya? Nababaliw na ba talaga siya? “Anak.” Napapitlag pa siya nang marinig ang boses na iyon ng ina niya na hindi niya namamalayang nakatabi na pala sa kanya. Napatingin siya dito, puno pa rin ng pagkagulat ang mukha. “N-Nay…” bati niya. “Anak, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong nito. “Kumain na ba kayo nitong si Sir Spencer?” sumulyap pa ito sa lalaki. Inilipat niya rin ang tingin kay Spencer at muli na namang lumukso ang puso niya nang makitang nakatingin din ito sa kanya. Mabilis niyang iniiwas ang tingin dito at ibinalik sa ina. “H-Hindi pa po, h-handa na po ba ang hapunan?” nauutal na tanong niya. “Oo, kanina pa. Kumain na muna tayo,” tumingin ito sa mga kapatid niya. “John, Philip, mamaya na iyan. Pakainin niyo na muna ang bisita niyo.” Nauna na siyang tumungo sa kusina dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang malakas na kabog ng puso niya. Ano ba talagang problema niya? Bumalik lang ang lalaking ito sa buhay niya ay nagkakaganito na siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD