Episode 5.3

1061 Words
PAGKAPASOK ni Shea sa loob ng apartment na tinutuluyan nila sa Davao ay agad siyang sinalubong ng Nanay Gemma niya at tinulungan siya sa mga bitbit niyang mga folders na iniuwi niyang trabaho sa opisina. Magalang siyang bumati dito. “Kumain ka na ba, anak?” tanong nito sa kanya. “Opo, kumain na kami ni Arianne sa nadaanan naming restaurant. Kayo, kumain na kayo?” Tumango naman ito. Nginitian niya ito at nagtuloy sa living area kung saan naroroon ang mga kapatid. Napatigil siya nang makita ang mga kapatid na parehong abala sa paglalaro ng PSP na hawak ng mga ito. Nagkalat din sa sahig ang ilang mga play station stuffs at kung anu-ano pang laruan na pang-lalaki. Lumapit siya sa mga ito. “Saan galing ang mga ‘yan?” nagtatakang tanong niya sa mga kapatid. Napatingin sa kanya ang kapatid na si John na nakaupo sa wheel chair nito. “Ate,” bati nito at malawak na ngumiti. “Tingnan mo, ito ‘yong gustong-gusto kong bilhin noon pa. May maipapakita na rin ako sa mga kaklase ko,” tumawa pa ito. Napatitig siya sa kapatid na iyon. Ngayon niya lang uli ito nakikitang ganoon kasaya. Simula nang operahan ang isang binti nito ay naging mahirap na para dito ang maging masigla at masaya. Halos isang taon din itong sumailalim sa rehabilitation para matanggap nito ang nangyari dito. Pero sa kabila niyon ay palagi pa rin itong malungkot at wala nang ganang makihalubilo sa ibang mga tao. Ngayong taon nga lang muli nito naisipang pumasok muli sa eskuwelahan. At ngayon niya nga lang uli ito nakitang ganoon kasaya. Hindi niya napigilan ang pangingilid ng mga luha habang nakatitig sa kapatid na tuwang-tuwang naglalaro ng hawak nitong PSP. Matagal niya nang nais ibili ito ng ganoon dahil nga malimit niyang napapansin na palaging iyon ang tinitingnan nito sa mga magazines subalit dahil sa napakamahal niyon ay hindi niya nagawa. Napatigil siya sa pag-iisip nang maramdaman ang paglapit sa kanya ng ina niya. Napatingin siya dito. Nasa mga mata rin nito ang kasiyahan habang nakatingin sa mga kapatid niya. “Sino pong nagbigay sa kanila ng mga iyan?” tanong niya sa ina. Ibinaling nito ang tingin sa kanya. “Hindi ko rin alam, anak,” tugon nito. “Pagkauwi nilang dalawa kanina mula sa eskuwelahan ay dala-dala na nila ang mga iyan. Sinabi nilang bigay daw ang mga iyan ng isang lalaking kaibigan nila. Tinanong ko kung anong pangalan pero sikreto daw,” napatawa pa ang ina at napailing. Nagtataka siyang napatingin sa mga kapatid. Lalaki? Sino naman kaya ang magbibigay sa mga ito ng ganoon kamamahal na mga bagay? Napabuntong-hininga siya. Bakit niya ba iisipin pa iyon? Maybe that man was just being a good Samaritan. Ipagdadasal niya na lang na sana ay biyayaan din ito sa kabutihan nito. Dahil mukhang hindi rin naman magpapa-abala ang mga ito kaya nagpaalam na siya at tumuloy sa sariling kuwarto. Pagkapasok niya ay agad niyang ipinatong sa study table na naroroon ang mga dalang folders at bag. Gusto niya nang magpahinga pero may kailangan pa siyang basahin na ibinigay sa kanya ni Tom kanina. Humugot muna siya nang malalim na hininga bago tumungo sa banyo para mag-shower at magpalit ng damit-pantulog. Pagkatapos niyon ay kinuha niya ang folder kung saan naroroon ang mga lists ng investors at dumeretso sa kama para maupo doon. Bakit kaya naisipan ngayon ni Tom na biglaang maghanap ng investor para sa kompanya? Bakit bigla na lang itong nag-plano ng expansion? Sa pagkakaalam niya ay ang ama ni Tom ang nagtayo nang kompanyang pinagta-trabahuhan niya, nag-retiro na nga lang ito kaya ini-atang na nito sa nag-iisa nitong anak ang pamamalakad niyon. Minsan niya na ring na-meet ang parents ng nobyo niya sa isang pagtitipon sa kompanya. Mababait naman ang mga ito. Ipinilig niya ang ulo at binuksan ang folder. Listahan nga lang talaga iyon ng mga posibleng investors at ilan sa mga impormasyon patungkol sa mga ito. Napabuntong-hininga siya. Sinabi sa kanya ni Tom na ang nasa pinaka-una ang pinaka-target ng kompanya kaya agad niyang itinutok ang mga mata sa unang investor sa listahan. Ganoon na lang ang pagtalon ng puso niya nang makita ang pangalang nakalagay doon. Spencer Diehl. Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang nagwawalang puso. Bakit ba siya nagkakaganito? Hindi naman ito ang lalaking iyon pero bakit sobrang bilis ng t***k ng puso niya? Ipinikit niya ang mga mata. Hindi siya iyon, Shea, naisip niya. Muli niyang iminulat ang mga mata at tiningnan ang pangalan na iyon. Bakit ba kasi kapangalan pa nito ang lalaking iyon? Bakit kailangang ang pangalang iyon pa ang mabungaran niya? Nang magawa niyang kalmahin ang sarili ay binasa niya na ang impormasyon patungkol dito. That Spencer Diehl was thirty-two years old – four years older than her. Bata pa ang investor na ito kumpara sa ibang investors na nasa listahang iyon. Ito ang may-ari ng Skyway Global Group of Companies – isa sa mga pinaka-successful na kompanya sa mundo. Napakaraming branches niyon sa iba’t ibang mga bansa, sa New York City ang main branch niyon. Tumango-tango siya. Kaya siguro ito ang numero uno sa listahan ng mga investors dito ay dahil napakalaki talaga ng kompanyang hawak nito at siguradong malaking investment ang maibibigay sa kompanya ni Tom kung sakali man ngang pumayag ito. Spencer Diehl. Spencer Diehl, paulit-ulit na banggit niya sa pangalang iyon. Napatitig siya sa kawalan at muli na namang nahulog sa malalim na pag-iisip. Spencer. Iyon lang ang tanging alam niya sa pangalan ng lalaking iyong hindi mawala-wala sa alaala niya. Kahit wala pa silang isang araw na magkakilala ay parang napakarami na nitong alaalang binuo sa puso niya. Ipinilig niya ang ulo para alisin ang sarili sa isipang iyon. Hindi. Hindi niya dapat ito iniisip. Hindi niya na dapat ibinabalik pa sa alaala niya ang nakaraang dapat niya nang tuluyang kalimutan. Dapat niya nang patigilin ang puso niya sa pag-asang may mangyayari pang pagbabago sa takbo ng buhay niya ngayon. Kailangan niya nang mag-move on mula sa nakaraan at piliting tanggapin itong panibagong buhay niya. Muli niyang ibinalik ang pansin sa hawak na listahan at ipinagpatuloy ang pagbabasa ng impormasyon ng mga investors na naroroon. Kailangan niya ring pag-isipan kung anong gagawin niyang approach sa mga ito at kung kailan siya dapat mag-set ng meetings sa mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD