MARISTELLA
Tiningala ko ang mataas na bakod ng bahay namin ni Knight. Halos tatlong linggo ako sa ospital at sa buong durasyon ko roon ay ni hindi na bumisita muli si Knight pagkatapos niya akong papirmahin ng divorce papers.
Ayon kay Jelly ay naipadala na agad ni Knight sa America ang papeles namin kaya siguradong bababa na ang hatol ng tuluyang paghihiwalay namin.
Araw araw akong dinadalaw ng mga biyenan ko, dinadalhan pa nga nila ako ng mga pagkain at binayaran na rin maging ang bill ko sa ospital. Alam kong hindi sila sinabihan ni Knight tungkol sa paghihiwalay namin dahil alam niya kung gaano kalapit sa akin ang mga magulang niya.
Sa susunod na araw pa sana ang labas ko ng ospital ngunit namimiss ko na ang anak ko, naisip kong kunin na siya ngayon at ilayo kay Knight. Nang makita ako ng guard ay agad niya akong pinapasok. Saglit na napakunot ang noo ko nang makakita ng hindi pamilyar na sasakyan sa driveway.
Lumakad ako papasok sa bahay at nang makita ako ng ilang katulong ay lumapit sila sa akin upang yakapin ako at kamustahin. May malulungkot na ekspresyon ang kanilang mukha habang sinasabing baka ito na ang huling beses na makikita nila ako.
Lahat ng kasambahay namin ay naging mabait sa akin. Ni isa sa kanila ay walang ipinakitang hindi maganda sa akin kaya naman minahal ko silang lahat.
"Mam..." untag sa akin ng mayordoma mula pa sa mansyon ng mga biyenan ko. Nagsilbi siyang nanay-nanayan ko sa tatlong taong pagsasama namin ni Knight kaya naman espesyal sa puso ko ang may-edad na babae.
"Manang Josie nasaan po si Archer?"
"Kasama po ni Mam Jelly at Abby, pabalik na rin po ang mga iyon. Nagyaya lang po si Archer na bumili ng pagkain dahil uuwi raw po kayo ngayon," paliwanag niya habang pinapahid ang ilang luha na tumulo sa kanyang pisngi.
Napatango ako at tumingala sa ikalawang palapag, "Kanino po 'yung sasakyan sa labas?"
Saglit na napatigil si Manang Josie at hindi agad nakasagot, "K-kay M-" naputol ang sinumang pangalan na sasabihin ni Manang Josie nang makarinig kami ng malakas na tili ng babae sa itaas.
Biglang kumabog ang puso ko, tiningnan ko si Manang Josie na puno ng katanungan ang mga mata. Napayuko lamang ito habang pinaglalaruan ang mga kamay. Muli akong napatingala nang sumigaw ang babae na parang hinahabol sa itaas.
Napapikit ako sandali at nag-ipon ng lakas ng loob upang akyatin ang kuwarto naming mag-asawa. Ang ilang katulong ay nagkakatinginan at hindi ako magawang tingnan, doon pa lang ay alam ko na kung anong mayroon sa itaas. Nakakapit sa balustre, umakyat ako mag-isa kahit gusto nila akong alalayan.
Maayos na ang kalagayan ko at naghilom na rin ang mga sugat ko, kaunting pasa na lamang ang natira sa hita, braso, at likod ko na kayang itago ng mga damit ko. Ngunit ang sugat sa puso ko... hindi na yata gagaling pa.
Nilinga ko ang buong palapag at napansing nakabukas ang kuwarto naming mag-asawa, sa lakas ng hagikgikan at harutan nila ay alam na agad ng lahat kung ano ang ginagawa nila sa kuwartong iyon.
Pakiramdam ko may mabigat na tanikalang nakagapos sa paa ko kaya't nahihirapan akong ihakbang ang nga paa ko. Bawat hakbang palapit ay nararamdaman ko ang pagtama sa akin ng hindi nakikitang mga palaso, sakit na tumatagos sa kaibuturan ng pagkatao ko.
Dahil nakabukas ang pinto ay nagawa kong silipin ang kung anuman ang nangyayari sa loob, huminto ang mundo ko nang makita sa ibabaw ng kama si Knight kasama ang babaeng nakatatak na ang mukha sa isip ko.
Halos wala na silang saplot habang walang pakundangang naghahalikan sa kama namin. Dala ng galit, paninibugho, at pait ay hindi ko na napigilan ang pagsabog ng emosyon ko.
Dalawang taon, isang buwan, at tatlong linggo...
Ganiyan katagal akong nagtiis sa panloloko sa akin ng asawa ko. Naikuyom ko ang mga kamao ko at walang pakialam na sinipa ko ng malakas ang pinto na ikinagulat nilang dalawa.
"Stella..."
"Hayop ka Knight! Mga hayop kayo! Hayop!" inabot ko ang asawa ko at pinagsusuntok. Mabilis siyang umalis sa pagkakadagan sa babae at iniharang ang sarili, pigil niya ang braso ko ngunit dahil nagdidilim na ang paningin ko ay pakiramdam ko mas naging malakas ako.
"T*ngina Knight ayoko na! Ayoko na hindi ko na kaya! Ubos na ubos na 'ko! Sinubukan kong ilaban 'to hanggang dulo pero hindi ko na kaya! Sa sarili kong pamamahay? Sa sarili kong kama? Hayop!"
Nagsisigaw at pinaghahampas ko siya, sampal, kalmot, sipa, at halos masira ang damit niya dahil sa mga pananakit ko sa kanya. Hindi siya kumilos at tinanggap lang ang lahat ng pananakit ko sa kanya.
Pakiramdam ko kulang pa at hindi pa sapat kaya nang mabaling ang tingin ko sa babaeng nasa kama ay tuluyang nagdilim ang paningin ko at tinabig ko si Knight.
Ang ngisi sa mukha ni Vera ay parang patalim na tumarak sa puso ko, nang makalapit ako sa kanya ay hinatak ko agad ang buhok niya at iwinasiwas ko siya na parang laruan.
"Knight stop her! Stop her!" tili ni Vera na kinakalmot na ngayon ang mga kamay ko ngunit wala na akong pakialam pa.
"Dapat lang sa'yo 'yan mang-aagaw! Malandi! Ang bababoy ninyo!"
"Maristella stop it!" sigaw ni Knight at pilit na inaalis ang kamay ko sa pagkakahawak sa babae ngunit para akong sinapian at walang abog na hinampas ang ulo ni Vera sa headboard ng kama.
Nakabibinging sigaw ni Vera, ang pagsaway ng asawa ko, at ang mga iyak ko ang tanging maririnig sa kabahayan.
Nang maiumpog ko ng tatlong ulit si Vera ay nakaramdam ako ng pagod kaya nang muli akong hatakin ni Knight ay pinakawalan ko na ang buhok ni Vera. Walang ingat akong itinulak ni Knight sa sahig saka dinaluhan ang umiiyak na babae, hawak ang ulo na namumula.
"Knight it hurts! Look at what that b*tch did to me!" dinuro niya ako ngunit namanhid na ang pagkatao at wala na akong pakialam.
"Come I'll bring you to the hospital babe..." masuyong turan ni Knight na nagpatawa sa akin ng pagak.
"I will sue you b*tch! I will make sure that you'd rot in jail!" muling tungayaw ni Vera ngunit tinaasan ko lamang siya ng kilay. Umamba akong susuntukin siya at tumayo ngunit napatigil ako sa mga sinabi ng asawa ko.
"Tama na Vera, don't waste your time on somebody like her," binuhat niya si Vera at nagmamadaling lumabas ng kuwarto ngunit bigla siyang tumigil nang nasa pintuan na siya, "Umalis ka na rito Stella o ipapadampot kita sa mga pulis. Sa ginawa mong ito mas lalo mo akong binigyan ng dahilan para ilayo sa'yo si Archer," walang kasinglamig niyang turan saka tuluyang lumakad.
Huli na nang tuluyang pumasok sa isip ko ang banta niya kaya lumuluha akong tumayo at hinabol sila. Nasa kalagitnaan na sila ng hagdan kaya nagmadali akong sumunod, dahil sa malakas na pagtulak ni Knight ay napilayan pa yata ako kaya iika-ika akong bumaba ng hagdan.
"Knight sandali... huwag mong ilalayo sa'kin si Archer please..." nagmamakaawa kong turan.
Nang maabutan ko sila ay muling umikot ang paa ko kaya imbes na hawakan si Knight ay naitulak ko siya ng malakas habang ako ay napahawak sa barandilya.
"Mommy! Daddy!" nakita ko ang nanghihilakbot na mukha ni Archer nang makitang nagpagulong-gulong ang Daddy niya kasama ang isang babae.
"Knight!"
"Vera!"
Isang nakabibinging tili ang halos bumulabog sa buong kabahayan nang biglang lumabas ang dugo sa hita ni Vera.
"Knight ang baby natin!" umiiyak na sigaw nito sa asawa kong natulos sa pagkakadapa.
"Stella!" sigaw ng kaibigan kong si Jelly nang makitang napaupo ako sa hagdan.
"Sorry... I'm so sorry..." wala sa sarili kong bulong habang umiiling at nakatitig sa nagwawalang si Vera na ngayon ay puno na ng dugo.
Naging bingi ako sa paligid at parang nag-shut down ang lahat sa akin. Nakita kong sabay na tumakbo sina Archer at Jelly palapit sa akin habang palabas si Knight ng pintuan buhat si Vera.
"Mommy!" umiiyak ngayon si Archer na nakayakap sa akin, niyakap ko rin siya pabalik habang inaalo.
"Ano'ng nangyari Stella?"
Hindi ako makasagot kay Jelly dahil sa dami ng tumatakbo sa isip ko. Tumingala ako sa kanya, "Sundan natin sila Jelly, baka kung ano'ng mangyari kay Vera!" nanlalabo ang mga mata ko dala ng luha.
"Ano ka ba Stella? Kabit 'yon ng asawa mo!" sigaw niya sa akin kaya tinakpan ko ang tenga ni Archer.
"Kahit na... kasalanan ko Jelly... baka mapano ang dinadala niya," pagpupumilit ko sa kaibigan ko.
Nilingon ko ang anak ko at ikinulong ang mukha sa palad ko, "Archer look at Mommy, go upstairs with ate Abby okay? I'll go check your Daddy if he is fine. I'm sorry you need to see that anak... I'm so sorry anak. Pack your bags Moon, we're going far away later when I come back," hinalikan ko sa ulo ang anak ko at tinanguan ang tulalang si Abby na matagal bago nakakilos.
"Mommy don't go please..." umiiyak ang anak ko at lalong nadurog ang puso ko na makita siyang umiiyak ng ganito. This trauma might affect him when he grows up, and it's all my fault.
"Mommy will be back later anak, I promise..." muli ko siyang hinalikan at niyakag na si Jelly paalis, pihadong sa Sacred Heart Hospital dadalhin ni Knight ito dahil iyon ang pinakamalapit.
"Ano'ng ginawa nila sa'yo bakit namamaga 'yang paa mo? Bakit gano'n ang itsura nila?"
"Saka ko na ipapaliwanag sa'yo Jelly Anne," wala ako sa huwisyo para ikuwento sa kanya buong pangyayari. Masyadong mabilis ang lahat kaya naman maski ako hindi ko alam kung bakit humantong kami sa ganito.
Pagdating namin sa ospital ay nakita ko agad si Knight na sabunot ang sarili habang palakad-lakad sa labas ng operating room.
"Knight..." untag ko rito. Gusto kong panginigan ng laman nang makita ang apoy na ibinubuga ng mga mata niya.
Inilang hakbang niya lang ako saka hinawakan ng mahigpit ang balikat ko, "Ano'ng ginagawa mo rito Stella? Hindi pa ba sapat na nakunan si Vera at kailangan mo pa talagang siguraduhin?"
"H-hindi ko intensyon Knight napati-" sinubukan kong magpaliwanag ngunit sarado na ang isip ni Knight kaya itinulak niya ako ng malakas.
"Stella!" lumapit sa akin si Jelly at inalalayan akong tumayo ngunit namamaga na ang paa ko kaya hindi ko na rin kayang iapak pa iyon.
"Why do you always have to ruin everything good Maristella? You killed an innocent life! Kung galit ka sa'min, sa akin ka gumanti! Bakit kailangan idamay mo si Vera?"
Binigyan ko siya ng hindi makapaniwalang tingin, "Bakit hindi ko siya idadamay? That woman ruined our family Knight, ang lakas ng loob ninyong babuyin ang bahay natin! Hindi pa ba sapat na sinaktan ninyo ako at pinagmukhang tanga, bakit kailangan niyo pang gawin 'yon na naroon ang anak ko? Sobra ka Knight... sobra ka... Ikaw na ang nanloko pero sa huli kasalanan ko pa rin?"
"Hiwalay na tayo 'di ba? You signed our divorce papers already, why did you have to do that?" ganting sigaw niya na lalong nagpagalit sa akin. Kumapit ako kay Jelly upang makatayo at lumapit kay Knight sabay duro sa dibdib nito.
"Dahil nasaktan ako! Dahil asawa ako na ginago at niloko mo! Ina ako na tinatanggalan mo ng karapatan sa anak ko! Masyado kang nagmamadaling idispatsa ako sa buhay mo Knight pero hindi mo alam kung anong sinakripisyo ko makasama lang kita!" isang sampal pa ang iginawad ko sa kanya.
"Ano'ng kulang sa'kin Rave? Dahil kahit saang anggulo ko tingnan, ni minsan hindi ako nagkulang sa'yo... ikaw lang 'yung g*gong hindi nakuntento!" umiyak akong muli at walang pakialam kahit na maraming nanonood sa amin. Nakita ko ang ilang guards na dumating ngunit hinarang sila ng kadarating lang na si Dr. Monteverde.
"What's happening here Mr. Villareal?" malamig na tanong ng doktor sa amin. Mabilis kong pinalis ang mga luha ko at tumalikod sa kanila. He can't see me crying pathetically over a guy.
"Nothing Dr. Monteverde, we were just talking," balewalang sagot ni Knight na inayos ang sarili. Nabaling sa akin ang tingin ng doktor at nakita kong tumaas ang kilay niya nang mapagtuunan ng pansin ang paa ko.
Lumapit siya sa akin at lumuhod sa harap ko, "Ouch!" angil ko rito nang hawakan niya ang namamaga kong paa.
"What happened Mari?" malumanay niyang tanong saka tumingala, umiling ako ng marahan.
"W-wala, natapilok lang ako," pagsisinungaling ko sa kanya. Nalipat ang tingin niya sa leeg at mga braso ko.
"This is far from nothing Mari, let's go I'll treat you," tumayo siya at hinawakan na ang bewang ko.
"O-okay lang ako M-Mavi..." I heard a snicker from Knight, tiim ang bagang niya na nakatingin sa kamay ng doktor.
"Wow! First name basis!" Knight added sarcastically but the doctor just raised his brow.
Tumayo ang doktor at walang emosyong tinitigan si Knight, "None of your business."
"She's my wife," matigas na sagot ni Knight na ikinatigil ko.
Tumawa ng malakas ang doktor at pinamewangan si Knight, "You're funny you know? Kakasabi mo lang na divorced na kayo tapos ngayon sasabihin mo asawa mo siya? Who are you joking? Now I need to treat my patient so excuse me."
Binuhat ako ng doktor at nakaramdam ako ng seguridad sa yakap niya kaya isinandal ko ang ulo ko sa dibdib niya. Kasunod namin si Jelly na tinapunan ng masamang tingin si Knight saka ito binangga ng malakas.
Nahagip pa ng pandinig ko ang ilang sinabi ni Jelly ngunit hindi na ang iba, "Tandaan mo 'to Knight, nasa huli lagi ang pagsisisi."
Tahimik lamang ang doktor habang nilalagyan ng benda ang paa ko, gusto ko siyang kausapin ngunit nag-iigting ang mga bagang niya sensyales na galit siya kaya pinili ko na lang na itikom ang bibig.
Si Jelly ay inutusan niyang bumili ng makakain ko na mabilis namang sumunod.
"Rest here for a while, babalik ako pagkatapos ng duty ko. Ihahatid kita."
"H-hindi na ku-"
"Hindi ikaw ang masusunod ngayon Maristella," seryosong saway niya sa akin kaya muli akong natameme. Tumango na lamang ako, nang maiwang mag-isa ay hindi nanaman maampat ang luha sa mga mata ko.
Humiga ako habang nakatulala sa bintana, narinig kong bumukas ang pinto at inakalang si Jelly iyon kaya hindi ko na pinansin pa, ngunit nagulat ako nang may dalawang pulis ang tumambad sa harap ko.
Bumangon ang kaba sa puso ko kaya hindi agad ako nakakilos, "Ikaw ba si Maristella Santos?"
"A-ako po," pinilit kong makaupo sa kama at hinarap sila habang naglalabas ng papel.
"Hinuhuli ka namin sa salang pananakot at pananakit kay Ms. Vera Aldana na nagresulta ng pagkamatay ng kanyang ipinagbubuntis. Sumama ka na sa amin Ms. Santos," pagbabasa ng pulis saka ako muntik hawakan.
"S-sandali-" napalingon ako upang tingnan ko narito na si Jelly o si Mavi ngunit ang nakita ko roon ay ang walang reaksyong si Knight.
"Knight what's this?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.
"You deserve that after what you did to Vera," malamig niyang tugon na nagpanginig ng katawan ko.
"Asawa kita at niloloko ninyo ako! Paanong hindi ko gagawin 'yon?" umiiyak kong tanong sa kanya.
"Still, you shouldn't have done that," bumaling siya sa mga pulis kaya naman sapilitan akong pinatayo at pinosasan.
"W-wait I need to talk to my lawyer first! Knight!" pag-alma ko ngunit mahigpit ang hawak sa akin ng mga pulis.
"Sa presinto na lang po Mam."
"No!" hinawakan nila ako sa braso ngunit nagpapasag ako, "Jelly! Jelly tulong!" paghingi ko ng saklolo.
"Ano'ng mero- STELLA!" nanlaki ang mga mata ni Jelly nang makitang akay na ako ng mga pulis habang umiiyak, "Knight ano 'to? Saan ninyo dadalhin ang kaibigan ko ha?"
"Huwag ka nang makialam Jelly, Vera's family filed a case against her so she needs to face it," muling tugon ni Knight na parang balewala lang sa kanya ang pagmamakaawa ko.
"At hinayaan mo? Napakag*go mo Knight! Bitawan ninyo siya! Bitawan ninyo kung hindi magsisisi kayo! Ipatatanggal ko kayong lahat sa serbisyo!" pagbabanta ni Jelly ngunit tinawanan lang siya ng mga ito maging si Knight ay napailing.
Sa nakikitang reaksyon niya ay tumitindi ang galit sa puso ko, "Jelly stop, sasama ako. Don't tell my family about this, please."
"Pero dapat nilang malaman ang kahayupan ng asawa mong 'to!"
I look at her pleadingly, "Please..." turan kong pinipigilang tumulo muli ang mga luha ko, tinitigan ko sa mata si Knight, "Kung sa tingin mo panalo kayo dahil sa ginawa ninyong ito, think again Knight. Babawiin ko ang anak ko," matigas kong turan at tinanguan na ang mga pulis.
"Maristella ano ba!" humarang si Jelly sa daraanan namin kaya umiling ako.
"Let them take me Jelly," walang emosyong sagot ko sa kaibigan ko'ng umiiyak. Isinakay na ako sa sasakyan at walang emosyong nagpatangay sa kanila habang kumikirot ang paa ko, higit ang sakit sa puso ko.
Nang madala ako sa presinto ay tahimik akong nakamasid sa mga kasama ko roon. Nilapitan nila ako ngunit nang samaan ko sila ng tingin ay ilang sampal at suntok ang inabot ko sa mga kapwa ko preso.
Nang makitang lamog na ako ay tinigilan na ako ng limang babae, hindi man lang sila sinaway ng mga pulis at nakinood lang din sa naganap. Tinatagan ko ang sarili at pinilit na hindi umiyak. Nakatulugan ko na ang pagod at sakit ng katawan habang sa isip ay pinapatay ang natitirang pagmamahal para kay Knight.
Ibabalik ko sa'yo lahat ng hirap at sakit na dinanas ko Knight Rave Villareal.