LAMCE'S POINT OF VIEW
4 days later . . .
Busy ako sa pag-browse sa internet ng bakery na maaaring bilhan ng tinapay. Nais kong i-try tikman ang ilang bakery na 'di ko pa nabibilhan ng tinapay o cake. Halos ang mga nakita ko ay kapareho lamang sa mga dating sinubukan ko. Ilan sa mga naging supplier noon ng café ko pagdating sa tinapay at cake.
“Saan kaya puwede? Halos pare-pareho na ito sa noon. I want something new,” ani ko sa sarili. Iyon ang naisipan ko munang paraan para may madagdag sa menu dahil nag-iisip pa ako ng own twist ko sa ibang nasa menu para maisama rin at may maiba kahit paano. Bukod doon ay nag-iisip din ako ng own recipe ko.
Nang medyo sumakit ulo ko ay tinanggal ko muna ang anti-radiation kong salamin. Sunod ay sumandal sa aking swivel chair at pinikit ang mga mata. Nais ko muna makapagpahinga kahit paano, masyado yata ako nababad sa internet. Ramdam kong nilalamon na ako ng antok pero napaigtad ako dahil sa tatlong magkakasunod na katok. Kaagad kong inayos ang aking sarili.
“Pasok!” wika ko at pagbukas ng pintuan ay bumungad sa akin si Caroline.
“Sorry to disturb po Ma'am Lamce. May bisita po kayo, sina Ma'am Glenda at Ma'am Dina,” saad niya at maya-maya pa ay nakita kong nakangiting pumasok nang dire-diretso ang dalawa.
“Ang busy natin ah? Anong ganap today Bes?” Bungad kaagad ni Dina sabay naupo sa visitor's chair, sa isa namang upuan naupo si Glenda.
“Caroline, pakikuhaan muna ako ng Frappe, dark chocolate flavor. Sa inyo, ano gusto niyo?” saad ko at lumingon sa dalawa.
“Frappe na lang din, Mocha flavor, thank you Bes!” sagot ni Dina.
“Basta libre talaga eh ano?!” tugon ni Glenda at natawa kami.
“Syempre! Libre na, tatanggi pa ba ako? Hahahaha!”
“Sabagay, tama ka! Hahahaha! Ice blended na lang sa akin, Cookies and Cream flavor. Thank you so much Bes and to Caroline!” wika ni Glenda na parang kinikilig pa.
“Mga kalokohan niyo talaga! Siya nga pala Caroline, pakisamahan na rin ng Triple Choco Mallow na cookies, thank you!”
“Okay po Ma'am Lamce, aasikasuhin ko na po kaagad,” ani niya at nanatili pa rin ang smile niya.
“Sige-sige, salamat ulit!” Nang makaalis na si Caroline ay binalik ko ang atensyon sa dalawa kong kaibigan.
“So ano ulit pinagkakaabalahan mo riyan girl? Baka makatulong kami, by the way bukas na pala dating ng Mareng Lisa!” saad ni Glenda saka nagsimulang mag-selfie matapos ilabas ang phone sa bag niya.
“Ano kasi, sinusubukan ko lang maghanap ng bakery. Iyong may something new or kakaiba sa pagkakagawa. Cake man or tinapay, kahit alin sa dalawa okay lang. I want something new pagdating sa idadagdag ko sa menu rito. Kayo ba, may alam ba kayong bakery na puwede maging supplier ng tinapay o cake?” sagot ko saka hinarap ang laptop sa kanilang dalawa.
“Maliban dito sa mga nakikita niyo sa internet,” ani ko pa.
“Sandali, parang may nabilhan tayo noon sa Makati 'di ba Glenda? Ano na nga ba ulit ang pangalan ng bakery na 'yon? Saka 'yong tawag doon sa tinapay. Nakalimutan ko na, pero sinasabi ko sobrang panalo! There's something new talaga sa lasa. Parang pinag-isipang maiigi talaga ang own twists at sa pagkakaalala ko iyon ang best seller nilang tinapay!” tugon ni Dina na talagang pumukaw nang sobra sa aking atensyon.
“Please, baka naaalala mo Glenda? Susubukan ko, sakto sa susunod na araw bibisita ako sa café sa Makati! Please?!” sambit ko kaagad saka nag-please sign pa. Kaagad niyang itinigil muna ang pag-selfie at sumenyas na wait lamang daw. Hinintay ko siya at maya-maya lang ipinakita niya ang picture sa gallery ng phone.
“Hindi ko na rin masyado natandaan ang name ng tinapay pero baka alam mo. Parang bihira lang kasi iyan sa bakery na napupuntahan namin o minsan walang ganiyang tinda. Minsan naman 'di swak ang lasa. Pero tandang-tanda ko naman kung saang bakery iyon sa Makati. Ang pangalan ay Pan De Pag-ibig! Nasa S Galvani Street! Sama kami sa'yo Bes sunod bukas! Isama na rin natin si Lalisa,” sabi niya at napangiti ako. Sa paraan pa lang ng pagkuwekuwento nila ay alam kong siguradong masarap nga iyon. Hindi rin ako makakalimot sa pangalan ng tinapay na tinutukoy nila.
“Ang tawag sa tinapay na 'yan ay Pan de sciosa o minsan Pandesiosa kapag na-search kay Google. Sige, road trip tayo muna papuntang Makati at pumunta sa Pan de Pag-ibig bakery. Tapos saka natin i-schedule ang meeting daw for reunion. Kapag nakarating na sila Sam at asawa niya rito sa Pilipinas,” turan ko at nakangiting nakatingin sa larawan ng tinapay.
“Nice! Magpapaalam na kami sa asawa namin. Minsan lang din naman ito. Halos malapit na mag-isang taon nang huli tayong magkita-kita ano?” Rinig ko kay Dina at napapalakpak pa.
“Excited na ako! Iinggitin ko pa bukas si Lalisa dahil nasa Japan siya habang narito si Miss Vera L. Ang isa sa favorite author namin!” Kasabay n'on ay pinakita ko ang libro na may pirma. Para pa rin akong kinikilig na hindi maipaliwanag ang saya nang mismong nagkausap pa kami ni Miss Vera L.
“Woah! Sure na sure baka magwala 'yon, charot lang! Pero tingnan natin reaksyon ni Mareng Lisa!” Natawa na lang ako sa tinuran ni Dina at maging si Glenda. Hindi rin nagtagal ay dumating na si Caroline kasabay ang ilan na bitbit ang kape namin at cookies.
“Thank you so much sa inyo! Kain na rin kayo. Importanteng maging masipag sa trabaho pero mas importanteng huwag din magpagutom masyado, okay?”
“Yes po Ma'am Lamce, thank you po! Enjoy po kayo!” Matapos naming magpasalamat ulit kay Caroline at sa iba pa ay lumabas na sila para bumalik sa kani-kanilang trabaho. Kami naman ay sinimulang sumimsim sa aming kape.
“The best talaga ang timplada rito! Thanks for the treat, Bes!” ani ni Dina.
“Same, salamat Bes sa libreng kape at sa yummy cookies. Na-miss ko ang mga 'to!” Napangiti rin ako sa sinambit ni Glenda.
“Always welcome, saka ngayon na lang ulit tayo nagkita-kita kaya libre na talaga mga Bes!” sagot ko sa kanila at tinawagan namin si Lalisa through video call. Napangiti ako lalo nang makita ang lugar niya. Iyon ang branch ng Café y librería de L.M na malapit sa kanilang bahay sa Japan.
“May Frappe at chocolate cake din ako mga Bes!” saad ni Lalisa sabay itinaas upang maipakita ang White Mocha flavor ng Frappe.
Nagkumustahan lang muli at 'di nagtagal kinakailangan na naming i-end ang call. Pagkatapos namin ding mag-meryenda nina Glenda at Dina ay nagpatuloy lang din kami sa pag-uusap-usap habang ako ay tinutuloy ang trabaho. Pero sadyang napakabilis din ng oras at madilim na. Dumating na rin ang asawa nilang dalawa para sunduin sila.
“Ba-bye Bes! See you tomorrow!” Paalam nila habang kumakaway pa.
“See you tomorrow din! Ingat kayo at kita-kita na lang sa airport bukas!” tugon ko rin habang kumakaway. Nang makalabas na sila sa opisina ay napasandal ulit ako sa swivel chair. Saglit kong pinikit ang mga mata ko at nagpakawala ng malalim na hininga. Sa pagmulat ko ay ipinagpatuloy ko ulit ang trabaho ko. Nang matapos na ang dapat gawin sa araw na 'yon ay naisipan kong maglibot-libot muna sa buong floor dahil kalahating minuto na lamang din ay magsasara na ang café.
Napangiti ako habang tinitingnan ang bookstore at makita ang mga paborito kong libro. Bagong stock lang iyon dahil napakabilis maubos, especially mga libro ni Miss Vera L. Sunod ay nagmatiyag-matiyag naman ako sa mismong café.
Naaalala ko na matinding effort talaga ang ginawa ko para mas mapaunlad ito. Nagpapasalamat din ako sa mga sumuporta sa akin, tulad nila Mom at Dad at mga kaibigan ko. Ang branches ng Café y librería de L.M sa iba't ibang lugar o bansa ay may apat na palapag. Sa una at ikatlong palapag ay coffee shop, samantalang sa ikalawa at ikaapat na palapag ay bookstore. Nasa ikaapat na palapag din ang opisina ko at working place ng aking sekretarya. May iilang pwesto naman ang mga nagtatrabaho at saka banyo sa iba pang palapag. Malawak ang space kaya 'di masasabing siksikan. Isa itong business na noon ay iniisip ko lamang, na noon ay pinapangarap ko lamang pero 'di ko akalaing magiging sobrang successful lalo na ngayon.
Mas nakilala pa ito sapagkat madalas na shooting-an. Minsan ang mga ilang taong nakikilala ang magiging bride or groom nila sa coffee shop na 'to, tulad ni Sam, ginagawa nila itong location ng wedding pictorial. Nang makita kong maayos naman ang lahat ay binalak kong bumalik na sa aking opisina. Pero hindi ko namalayan na may makakabanggaan pala ako at natapon ang ilang lamang kape sa cup niya at sobrang init pa. Nanlalaki ang mga mata ko at talagang nakaagaw pansin sa karamihan.
“Oh my God . . . I'm sorry Sir! I'm sorry po, papalitan ko po ang kape niyo Sir. Sorry po talaga!” ani ko at nilabas pa ang panyo ko. Napansin ko kasing 'di sapat ang panyong gamit niya ngayon pampunas sa sarili niya.
“Sir puwede niyo po ito magamit din, 'di ko pa rin naman po n-nagagamit . . .” Paunti-unting humina ang boses ko nang inangat ko ang paningin ko sa lalaking nakabanggaan ko. Hindi ko alam kung bakit biglang natigilan ako. Halatang foreigner siya at 'di ko alam kung na-gets niya ang mga pinagsasabi ko. Kulay brown ang buhok niya, matangos ang ilong, may makapal na kilay at mahabang mga pilik-mata. Hindi rin pahuhuli ang mga mata niyang kulay brown at ang kissable lips niya. Napalunok ako at pakiramdam ko ay memoryado ko na ang buong mukha niya. Maging ang makisig niyang pangangatawan.
“Ayos lang po Miss, salamat,” ani niya at tatalikod na sana pero kaagad ko siyang napigilan. Kaya naman naagaw ko ang atensyon niya.
“S-Sure ka po ba Sir? Pasensya na ulit, papalitan ko po ang kape niyo Sir. Wait lang po niyo ako rito, saglit lang po ito Sir,” ani ko at nagmamadaling pinaalam ang pangangailangan ko. Nagpasalamat din ako sa nag-volunteer na kaagad maglinis ng natapong kape sa sahig. Ang mga tao ay balik na rin ang atensyon sa inumin nila at pagkain pero ang ilan ay ramdam ko pa ring paminsang-minsang tumitingin.
“Ito na po Ma'am Lamce, ayos lang din po ba kayo?” ani ni Elisse.
“Yes, I'm okay. Pakisamahan na rin ng cookies, 'yong may dark chocolate,” ani ko na kaagad niyang sinunod.
“Thank you, Elisse!” saad ko pa matapos makuha ang nakabalot na cookies at maingat na tinahak ang daan patungo sa lalaki. Ang lalaking hindi ko alam bakit biglang pinatibok ang puso ko. Ang lalaking 'di ko inaasahan na ma-a-attract ako. Nakatalikod siya ngayon at tila inaayos ang damit. Makikitang hindi mamahalin 'yon pero bagay na bagay sa kaniya.
“Good evening Sir.” Kaagad siyang humarap at sakto ring hinaplos niya ang buhok sabay ngumiti sa akin nang makita ang dala ko.
“Honestly Miss, hindi naman na big deal sa akin ang nangyari kanina. Also, sorry rin at 'di kita na-accompany. Sorry, sobrang init pa naman ng coffee kaya pasensya na talaga Miss. Pero, salamat para diyan,” wika niya at natulala ako nang ngumiti siya nang matamis. Pero kalaunan ay medyo tumikhim ako.
“Thank you rin po Sir. Saka ayos lamang din ako Sir kaya 'wag po kayo mag-alala. Kung iba ang nabangga ko, hindi ko alam kung ano magiging takbo o ano ang mangyayari. Salamat po at tanggapin niyo na rin po itong free cookies. Hope you will enjoy it Sir, again sorry po talaga ulit at salamat po!” tugon ko sa kaniya at medyo yumuko pagkaabot ng kape at cookies sa kaniya.
“No worries, thank you so much for this! Goodbye Miss,” ani niya at binigyan ulit ako ng isang ngiti na halos dahilan para mapugto ang hininga ko.
“Ba-bye,” bulong ko habang tinatanaw siya palabas. Noong 'di ko na siya makita ay naging maingat na ako sa pagbalik sa opisina ko.
Hindi ko alam pero bigla yata akong sumaya nang makita ko lang siya. Kakaiba sa pakiramdam pero sa tingin ko kailangan ko itong pigilan. Hindi maganda na magpatuloy ang ganito kong pakiramdam.
“Talagang hindi maganda dahil baka masaktan na naman ako,” bulong ko at napabuntonghininga na lang. Alas diyes naman ay nagsara na ulit at ako naman ay tinahak ang daan patungong penthouse ko gamit ang aking kotse. Wala rin namang halos nagbago sa mga nakagawian ko sa tuwing nakakauwi pagkagaling sa trabaho. Halos pare-pareho lang din.
Hindi lang ako masyadong nagpuyat pa dahil maaga kami bukas nina Glenda at Dina para sunduin si Lisa. Sa wakas ay muli kaming magkikita matapos ang ilang buwang lumipas mula nang umalis siya patungong Japan.