JAKE'S POINT OF VIEW
Hanggang ngayon ay 'di ko alam pero palaging nasa isipan ko ang babae kanina. Ang babaeng nakabangga sa akin sa café. Sa sitwasyon pa lamang kanina, napansin kong maaaring mayaman siya o may mataas na pwesto sa café na 'yon.
“Ngayon na lang yata ulit may nagpatibok nang ganoon sa puso ko. Pagkatapos ang isang masalimuot na karanasan sa nakaraang pag-big,” bulong ko sa sarili saka hindi mapakali habang nakahiga sa kama. Natatandaan ko pa ang lahat-lahat kanina.
Flashback
“Dito na lang po kayo Kuya Tapa?” tanong ko matapos ihinto ang kotse.
“Yeah, salamat bunso!” saad ni Kuya matapos tapikin saglit ang braso ko.
“Ingat po kayo sa pag-uwi,” ani ko sa kaniya nang makalabas na siya sa kotse.
“Ikaw rin, mag-iingat ka sa pagmamaneho Jake. Sige, alis na ako,” tugon niya at saglit kumaway. Nang 'di ko na maaninag ang bulto niya ay pinagpatuloy ko ang pagmamaneho.
Isa si Kuya Tapa sa mga kasamahan ko bilang husband for hire sa RnJ Services. Katulad ko, naghihintay rin siya ng panibagong client. Wala ring kaming dalawa na pinagkaiba. Pareho kaming naghihintay para sa aming last client.
Dahil pakiramdam ko ay kailangan ko ng kape pampagising sa tila matutulog ko ng sistema, naisipan kong huminto sa Café y librería de L.M. Iyon na rin kasi ang daraanan ko at mas malapit na. Bukod doon ay madalas diyan din ako bumibili ng kape ko.
Pagka-park ko ay kaagad akong pumasok sa loob. Nakuha ko rin agad ang order na Cappuccino dahil 'di na rin dagsa masyado ang mga tao. Malapit-lapit na rin ang closing hour nila.
“Thank you,” wika ko pagkatapos pa makuha ang kape. Hanggang sa saglit kong tiningnan ang phone ko dahil narinig ko ang message ringtone.
From Kuya Tapa:
Salamat ulit sa paghatid, ngayon ko lang nagamit phone ko bunso. Next time bawi rin ako sa'yo kung may kailangan ka.
Binabalak ko na sana mag-reply pero naisip ko pagkabalik na lang sa kotse. Kaya naman binalik ko sa bulsa ang phone. Nagplano na akong lalabas na nang may biglang nakabangga sa akin. Isang babaeng medyo chubby ang katawan pero I find it sexy. Mayroon siyang kulot na mahabang buhok, makapal na kilay, mahahabang pilik-mata. Hindi lamang iyon, nakabibighani rin ang kulay asul niyang mga mata at ang labi niya, . Hindi ko maintindihan ang sarili dahil tila nais kong ilapat ang labi ko roon. Napansin ko ang lahat ng magandang katangian niya, panloob man o panlabas lalo na noong maabot na niya sa akin ang kape at ang cookies na free niya pang binigay.
Pagkatalikod ko sa kaniya noon ay abot yata sa tainga o parang lagpas pa ang pinakawalan kong ngiti. Hindi 'yon mapuknat-puknat kahit nagmamaneho na ako hanggang sa makarating sa aking penthouse.
End of flashback
“Sana magkatagpo kaming muli, pero kung mangyayari mang aabot sa nais kong hanapin siya, saka na lamang,” sambit ko sa sarili dahil alam kong puwedeng may mangyaring gulo kung sakali man. Tatapusin ko na lang ang last client ko, at sana, sa muling pagtatagpo namin ay single pa rin siya.
Ilang segundo ang lumipas ay nabaling ang tingin ko sa paperbag na wala ng lamang cookies. Sa tuwing kumakagat ako ay ramdam at lasa ko ang sarap. Mas nagiging masaya rin ang buong sistema ko sa tuwing naaalala kung sino ang nagbigay niyon sa akin.
Hiling ko na lang din sana na 'di muli ako masaktan nang sobra-sobra dahil sa pag-ibig. Dahil pakiramdam ko rin, ang nadarama ko ngayong gabi ay maaaring mapunta rin sa salitang pag-ibig.
LAMCE'S POINT OF VIEW
Dumating na ang araw para sunduin si Lalisa sa airport. Maaga akong gumising saka nag-ayos ng sarili. Nakasuot ako ng black palda short at pinarisan ko ito ng dark green na manipis na long sleeve. Pero mayroong nakapaloob na dark green din na spaghetti rito kaya wala namang problema.
Habang pinapatuyo ko ang buhok ko, narinig ko muli ang pag-ring ng phone. Si Dad ang tumatawag at agad ko itong sinagot habang tinigil muna ang paggamit ng hair dryer.
“Good morning Dad!” Pagbati ko kaagad.
“Good morning din anak, nalaman namin ng Mommy mo na uuwi na raw si Lalisa. Sabi niya kung pwede raw na dito kayo kumain ng hapunan o pananghalian. Na-mi-miss na raw niya kayo, isama mo na rin sina Glenda at Dina. No worries kahit kasama nila ang kanilang asawa. Alam mo na, mag-iinuman,” saad ni Dad at napangiti naman ako.
“Noted po Dad, kayo po talaga eh haha! Kapag narinig ka po ni Mom siguradong yari ka Dad. Pero, sige po at sasabihin ko po iyan sa kanila. Tatawagan ko po kayo o si Mom kaagad para mag-update pagkatapos ko sa kanila ipaalam. Pasabi na rin po kay Mom na good morning po sa kaniya!” tugon ko saka hinanda ang make-up at lipstick. Naglagay ako ng simpleng kolorete lang sabay sinuklay ang buhok ko. Matapos ayusan ang sarili ay ni-recheck ko muna ang mga dala kong gamit bago tuluyang lumabas sa penthouse. Ngayon ay naka-dial ako sa number ni Dina.
“Magandang umaga Bes! Malapit na kami umalis ni hubby, ikaw? Kumusta riyan?” tugon niya kaagad pagkatapos sagutin ang tawag.
“Ayos lang din naman Bes at paalis na rin ako ngayon. Siya nga pala, iniimbitahan tayo nina Mom at Dad sa amin na mag-lunch or dinner after sunduin si Lalisa,” sagot ko at patuloy lang sa paglalakad. Hanggang sa makapasok ako sa elevator ay abala pa rin ako sa pakikipag-usap matapos pindutin kung saang floor ako pupunta.
“Wow! Gora kami riyan ni hubby! Ipaalam din natin mamaya kina Lisa at Glenda. Oh siya, sige na Bes ba-bye na!”
“Bye rin at kita-kits. Mag-iingat kayo ng asawa mo sa pagmamaneho,” sambit ko sa kaniya saka binaba ang tawag. Ngayon naman ay si Glenda ang tinatawagan ko na kaagad naman ding sumagot.
“Kaloka ka! Buti nang tumawag ka ay narito ako sa Café y librería de L.M! Dito muna ako kumakain mg breakfast. Hindi ko kasama ang asawa ko ngayon dahil biglang nagkaroon ng meeting. By the way, musta? Patapos na ako mag-agahan at mamaya pabalik na ako sa parking lot. Pupunta na ako ng airport pagkatapos ko rito,” saad niya.
“Pupunta na ako pati si Dina at kasama niya ang asawa niya. Magkita-kita na lang tayo saka enjoy your breakfast! Oo nga pala, sasabihin ko lang din sana na nais ni Mom doon tayo sa amin magtanghalian o hapunan. Keri mo ba?”
“Oo naman! Sayang wala ang asawa ko para makasama. Pero sure, sama ako at sasabihin ko lang din sa kaniya. Baka magwala 'yon kapag 'di ako mahagilap sa pag-aalala,” sagot niya kaya napangiti ako.
“Sige-sige, salamat. Bye!”
“Bye rin!”
Pagkatapos ng pag-uusap ay ibinalik ko sa bag ang phone ko. Nanatili akong nakatingin sa paanan habang hinihintay ang pagbubukas ng elevator. Pero alam kong may tao sa likod ko kaya tumingin ako sa parang reflection. Nakasuot siyang kulay itim at mayroong cap. Hindi ko man makita ang buong mukha niya ay napansin ko ang kakisigan niya. Parang pamilyar sa akin pero hindi ko maalala kung saan ko siya nakilala. Lilingon na sana ako sa kaniya nang bumukas na ang elevator kaya nagmadali akong lumabas saka dumiretso ng parking lot.
Mabilis akong pumasok sa kotse ko at nang maayos na ang paglalagay din ng dalang gamit, sinimulan ko na ang pagmamaneho. Napatingin ako saglit sa rear view at napansin ang lalaki yata kanina sa elevator. Tinanggal niya ang cap niya at nanlaki ang mga mata ko. Muntik pa akong mayari sa pagmamaneho sa pagkakabigla. Siya ang lalaking nabangga ko sa café! Nais ko sana siya makausap pero kailangan ko na umalis pa. Hanggang sa makarating ako sa airport ay nakita ko sina Dina kasama ang asawa niyang si Timothy. Sunod naman ay si Glenda na ang dumating.
“Bumili ako kape sa malapit na branch ng café ni Lamce, pampagising at pantanggal ng lamig. Sobrang lamig ngayong umaga!” wika ni Glenda at binigay ang kape sa amin. Ang natira ay sa kaniya.
“Thanks for the treat,” ani ko at medyo pabiro pa. Medyo ntawa naman sila sa akin
“Hindi mo ba kasama si Ralph?” tanong ni Tim sabay sumimsim sa kaniyang kape.
“Bigla kasing nagkaroon ng importanteng meeting sa company eh. Kaya ayon, 'di makasama. Importante raw talaga kaya 'di niya maipagpaliban,” sagot ni Glenda at ako naman ay nanatili na lang munang tahimik. Iniisip ko pa rin ang lalaki sa café.
May something na gustong-gusto ko talaga siya ulit makita. May something na parang gusto ko mas makilala namin ang isa't isa. Pero, paano kung masaktan na naman ang puso ko? Higit sa lahat, nakakapanginig isipin ito pero hindi ko maiwasan. Paano kung may asawa na pala siya? Tapos magulat na lamang ako na may biglang susugod sa aking legal wife. Kinikilabutan ako sa naiisip ko! Sana naman hindi, pero bakit ba ako umaasa kahit alam kong posible akong masaktan? Unti-unti na naman bang bumubukas ang puso ko?
“Lamce, Lamce . . .” Kaagad akong natigilan magmuni-muni at napalingon sa kanila.
“Ha? Bakit?” tanong ko at pakiramdam ko para akong tanga ngayon.
“Ahm, ayos ka lang ba Bes?” tanong ni Dina.
“Yup! Sorry, may mga naisip lang ako,” sagot ko saka inubos ang kape ko. Pagkatapos naming mainom ang kape ay kaagad na kaming nag-ready. Si Dina mismo ang gumawa ng banner kasama ang asawa niya. Nakalagay doon na Welcome back, Mareng Lisa! Sa baba naman ay nakalagay ang Japanese version ng salitang welcome back! Excited kami at napa-picture pa. Masaya naming hawak ang banner hanggang sa makita na namin si Lisa. Tinawag namin siya kaya kaagad siyang napalingon sa amin. Tuwang-tuwa siyang kumaway sa amin. Ilang sandali pa ay sinalubong na namin siya at binigyan ng mahigpit na yakap.
“Na-miss ka namin nang sobra!” saad naming tatlo sa kaniya.
“Kayo rin, sobra-sobra ko kayong na-miss! Oh my God! Ilang buwan din ako sa Japan, ang tagal na noong huli tayong magkita-kita talaga! Na-miss ko kayo mga Bes!” tugon ni Lalisa at napayakap ulit kami sa kaniya. Pagkatapos niyon ay napansin niya rin si Timothy.
“Wow! Nandito rin pala si Tim, kumusta na?”
“Ayos lang din, kumusta rin sa Japan? Miss na miss ka ni Dina noong umalis ka sa Pinas,” tugon ni Tim.
“Ayos lang din sa Japan at talagang nakaka-miss ang mga Bes ko. Sandali, 'di mo kasama si Ralph, Glenda?”
“Hindi na nakasama Mareng Lisa. May importanteng meeting talaga sa kompanya kaya 'di makasama talaga. Sayang nga rin eh, mag-bonding sana sila nitong si Timothy,” ani ni Glen at napabuntonghininga.
“Ayos lang 'yan, okay lang din ba pala sa'yo Lalisa kung doon sa amin ikaw magtanghalian o hapunan? Gusto ka sana kayo makita ulit nina Mom at Dad eh, please?” Pakiusap ko at ngumiti nang matamis.
“Syempre naman! Diretso na ba tayo sa inyo?”
“Gusto niyo ba roon na kumain ng lunch at dinner? Pwede ka rin naman magpahinga roon kahit saglit lang Lisa. And si Dad, for sure ka-inuman niya na naman si Tim at si Ralph kung narito rin siya. Gora na ba tayo?”
“Gora!”
“Yup!”
Magkasabay iyon na sagot ng mga kaibigan ko at sagot ni Timothy. Masaya kaming naglalakad patungong parking lot. Sa akin ko na sinabay si Lalisa at dahil 'di kasya ang ilang gamit niya, isinabay muna ang ilan sa kotse ni Glenda.
Bago kami tuluyang umalis, naalala kong tatawagan ko pala si Mom or Dad. Pinaalam ko sa kanila na papunta na kami sa mansion bago tuluyang byumahe.
“So, alam kong nagsisinungaling kang naka-move on ka na talaga nang bongga sa babaeng 'yon. Bes, kilalang-kilala kita, ano ang totoo?” Napalunok naman ako at saglit na napalingon kay Lisa.
“Nagsasabi ako ng totoo, I swear!” tugon ko na may malawak na ngiti. Ngayon ang lalaki sa café na ang nasa isipan ko. Nabubura na ang kay Leana at Sabrina.
“Woah . . . sandali lang, mukhang iyan ang genuine na ekspresyon mo ah? Hmm, may nakilala ka na ulit na nagpapatibok ng puso mo ano? Sino siya?” tanong niyang makahulugan at medyo natigilan ako.
“Wala nga! Wala naman Bes eh . . . ikaw talaga! Ay teka! Fan na fan ka rin ni Miss Vera L. 'di ba? Lalo na ang book niyang Stay With Me?” saad ko sa kaniya at ngumisi.
“Parang 'di maganda ang ngisi mo Bes ah?” Napatawa naman ako at hinintay ang stoplight bago nagsimulang magkuwento.
“Buwan o ilang buwan na ang nakalilipas nang mangyari ito. Sa Café y librería de L.M ang booksigning niya. Guess what?! Nakausap ko siya nang harapan kahit saglit lang! Ang ganda-ganda niya kaya, higit sa lahat pinirmahan niya ang book kong Stay With Me bago pa siya pumunta sa puwesto niya para mag-sign! Isa iyon sa pinakamagandang experience ng buhay ko!” kuwento ko at para pa ring kinikilig. Dahil ang matagal ko ng iniidolong author ay nakilala ko nang ganoon, harapan talaga!
“Ay wow naman! Ininggit mo pa ako Bes! Kaloka ka! Babawi ako sa'yo, tingnan mo!” Tumawa lang ako nang malakas at sumunod ay natawa na rin siya. Patuloy akong nagmamaneho haggang sa makarating na kami sa mansion.