LAMCE'S POINT OF VIEW
Katulad lamang noon, nag-inuman sina Dad at Timothy. Si Dad ay mabilis na tinamaan ng alak lalo na ang daming nainom. Samantalang si Tim ay katamtaman lang. Magmamaneho pa kasi si Timothy ngayong gabi na pauwi na sila. Ako naman ay mananatili muna rito sa mansion at bukas aalis kaming apat para pumuntang Makati. Pupuntahan namin ang Pan de Pag-ibig bakery roon.
“Mag-iingat kayo sa pag-uwi!” saad ko sa kanila matapos tumulong na ilagay ang bagahe ni Lalisa sa dalawang sasakyan.
“Salamat, bukas kita-kita na lamang tayo sa meeting place natin. Isang kotse na lang ang gamitin natin, ang kotse kong ginagamit natin sa road trip noon,” wika naman ni Glenda.
“Sige-sige, bye!” tugon ko at kumaway sa kanila. Kumaway naman sila saka nagpaalam pabalik bago tuluyang umalis.
Nang hindi ko na matanaw ang kanilang kotse ay nagdesisyon na akong pumasok sa loob. Hindi naman ako nag-aalala pagdating sa kasuotan dahil may naiwan pa naman ako rito noon. Siguradong tinago lamang ni Mom sa aking silid.
“Anak, matulog ka na at maaga pa yata ikaw aalis bukas. Salamat pala at pinaunlakan mo naman ang aming imbitasyon,” sambit ni Mom. Niyakap niya ako kaya niyakap ko rin siya pabalik.
“Always welcome Mom, kahit 'di niyo naman po ako pasalamatan eh. Saka ang tagal na rin po noong huli tayong magkakasama kaya masaya po ako na narito ako ngayon. Si Dad nga po pala?”
“Ayon, alam mo na, bagsak na. Pakiramdam ko naubos ang enerhiya ko sa pag-alalay sa kaniya sa kuwarto. Alam mo naman ang bilis malasing ng Dad mo pero kung umasta kapag iinom parang 'di tutumba agad,” sagot ni Mom na nagpatawa sa amin.
“Sandali nga pala, nabalitaan kong nasa group chat niyo na ang Leana na 'yon. Ano? Kumusta? Okay naman na ba kayo?” Napabuntonghininga ako saka naupo muna sa sofa. Siguradong isa sa tatlo kong kaibigan ang nakasambit niyon kaya nalaman niya. Tumabi rin naman sa akin si Mom.
“Okay naman po Mom, syempre . . . 'di rin po maialis na maalala ulit ang masakit na nakaraan. Pero isa lang po ang sigurado ako ngayon, wala na siya sa puso ko,” ani ko. Dahil mukhang may bago na talagang umuukupa ng puso ko. Nais ko itong sabihin subalit hindi pa naman ako handa. Kung sasabihin ko man iyon ay kung magiging kami pero mukhang malabo rin. Naramdaman kong hinawakan ni Mom ang dalawa kong kamay.
“Hmm, okay lang 'yan at talagang 'di mo malilimutan iyan kahit gaano na katagal. Pero kahit na naaalala mo pa rin iyan, ang puso mo ay kusa kang sasagutin kung mahal mo pa rin siya o hindi. Kahit sabihin pa kasi nating naka-move on ka na, 'di talaga maiiwasang maalala muli ang mga 'yon lalo na nag-iwan noon ng malaki at matinding sugat sa puso mo. Ang importante, humihilom ang sugat at sa pagkakataong 'yon ay mas gumiginhawa ang pakiramdam mo,” saad niya kaya napangiti ako. Niyakap ko si Mom nang mahigpit. Hinaplos-haplos niya naman ang aking buhok at bandang likod na nagpapakalma sa akin.
Pagkatapos niyon ay nagpasya na kaming dalawa na magpahinga na rin. Napailing-iling na lang ako nang masilip si Dad sa kuwarto nila na tulog na tulog na dulot ng kalasingan. Pagpasok ko naman sa aking silid ay wala namang halos nagbago. Parehong-pareho pa rin halos sa noon.
Namamangha kong hinawakan ang mga natira kong gamit dito. Malilinis pati ang buong sulok na siguradong pinangangalagaan talaga ito nila Mom. Masaya akong nag-shower at nagpalit ng damit pantulog. Na-miss ko nang sobra ang silid ko, nagpagulong-gulong ako sa malambot ng kutson ng aking kama. Sunod ay naramdaman ang malalambot na unan sa aking ulunan. Sa pagtigil ko sa paggulong-gulong at pagtitig sa kisame, naaalala ko muli ang lalaki sa café at nang makita ko siya muli kanina.
The way he turned his attention to me in the café, the way he remove his cap looks so d*mn hot! This feeling is not new to me, but self please refrain yourself to fall in love with that guy. Saka na kapag nakilala ko siya siguro nang lubos? Aywan ko sa sarili ko at nagkakaganito ako sa kaniya.
Nahirapan muli akong makatulog kaagad. Kaya kinaumagahan ay medyo late na akong nagising. Nagmamadali akong kumilos, mabilis akong naligo at sinuot ang maong short ko at pinarisan ko ito ng white shirt na may design na coffee cups. Sinuklay ko na lang ang buhok ko at 'di na ginamitan ng hair dryer. Pulbos na lamang din ang nilagay ko sa mukha bago nagmadaling bumaba dala-dala ang bag ko. Dumiretso ako sa kusina at nakita sina Mom at Dad.
“Ayan kasi, inom pa more! Grabe kung yayain si Timothy pero ikaw bagsak ka kaagad.” Dinig kong sermon ni Mom kay Dad kaya medyo natawa ako. Si Dad naman ay napakamot na lamang sa ulo.
“Good morning Mom at Dad!” Pagbati ko kaya nabaling ang atensyon nila sa akin saka binati ako pabalik.
“Anak, maupo ka na. Kumain ka muna bago umalis,” wika ni Mom. Naupo naman ako dahil may kaunting time pa naman. Gusto ko sanang kumain ng rice pero nag-sandwich nalang ako at pinalamanan ko ito ng fried egg na may kasamang hotdog. Minsan ay nakikipag-usap ako sa kanila hanggang sa matapos na mag-breakfast. Pagkatapos ko magsipilyo ay saka ako ulit naglagay ng pulbo at pink lipgloss.
“Aalis na po ako Mom at Dad! Bibisita po ako ulit dito kapag may free time!” Paalam ko saka nilagay muna sa passenger seat ang gamit. As usual bago ako tuluyang makaalis, pinaalalahan muli nila akong mag-iingat. Dumaan muna ako saglit sa penthouse ko bago nag-commute patungong café. Doon namin napagkasunduang magkita-kita. Pagkarating ko ay ako na lang pala ang hinihintay nilang tatlo.
“Ay bongga naman ang Bes! Let's go na, narito na si Lamce! Ang ganda-ganda!” saad ni Lalisa at binigyan ako ng yakap.
“Ikaw talaga Lisa! Pero pasensya na ah? Medyo late na kasi akong nagising. Ayoko rin naman tumangging sumama sa breakfast kina Mom at Dad. Alam niyo na, kahapon lang ulit nagkita-kita,” sambit ko sa kanila.
“Nauunawaan ka naman namin, kaya tara na Bes! Mag-enjoy tayo sa pan de sciosa ng Pan de Pag-ibig!” tugon ni Dina at napapalakpak pa. Pumasok na ako sa backseat at katabi ko ngayon si Lalisa. Nasa harapan naman sina Dina at maging si Glenda na siyang magmamaneho. Sila kasi mas nakakaalam ng lugar na aming patutunguhan. Mahaba ang byahe kaya mahaba rin ang usapan habang nag-fo-food trip. Hindi kami nakatakas sa init at ulan ng panahon maging sa matinding traffic.
“Malapit na tayo! Sa wakas, tumila na rin ang ulan!” saad ni Glenda at sumubo ng fries.
“Grabe, mabuti at hindi sobrang lakas ng ulan. Sakit ang madalas abutin nito, uulan tapos iinit tapos uulan na naman. Pabago-bago ang panahon,” saad ni Lisa.
“Tama ka riyan, sandali natatanaw ko na ang sinasabi niyong bakery ah,” tugon ko at napansin nga ang signage na Pan de Pag-ibig.
“Ito na nga tayo, saglit at mag-park lamang ako,” ani ni Glenda. Pagkatapos ay sabay-sabay kaming lumabas at maingat na naglakad patungo roon. Basa ang daanan dahil sa ulan kanina. Medyo mabaho rin ang amoy dahil sa sikat ng araw. Pagkarating namin ay naabutan namin ang isang babaeng tindira.
“Puwede po makabili ng pan de siosa?” tanong ko kaagad kaya nakuha ang atensyon ng babae.
“Ilan po ang bibilhin niyo?” tanong niya pabalik.
“Apat ang bibilhin ko, magkano po?” Nang sambitin niya ang presyo ay kaagad akong nagbayad. Pina-keep the change ko na lang din. Tinikman ko ito kaagad pagkakuha at tag-iisang ibinigay ang natirang tatlo sa mga kaibigan ko.
“Perfect! Ito ang kailangan ko!” Hindi ako nakapagpigil dahil sarap na sarap ako sa lasa. Nakatikim naman ako nito noon pero may something new sa pagkakagawa nito para sa akin. Nakita kong nabigla yata ang babae kanina kaya napangiti ako.
“Sorry po Miss kung nabigla kita. Pero maaari bang malaman kung kayo po ang may ari ng bakery na ito?” turan ko.
“Ahm . . . hindi po ako ang may ari nito. Si Sir Andoy po pero wala po siya ngayon dito. Bakit po pala ninyo naitanong?” sagot niya at huminga akong malalim nang malamang wala ang amo niya.
“Binabalak ko kasi na ang Pan de Pag-ibig bakery ang maging supplier sa Café y librería de L.M. Naghahanap kasi ako ng tinapay o cake na may something new kumbaga sa lasa. Nai-recommend kayo nitong dalawa kong kaibigan kaya pumunta talaga kami rito. Kung maaari sana ipagbigay alam mo ito Miss sa iyong amo at baka sakaling pumayag siya. Iiwan ko na rin ang business card ko, maaari ko rin bang malaman ang pangalan mo?” tugon ko at nanatili pa rin ang ngiti ko.
“Oh my God! Kayo po may ari ng Café y librería de L.M?! Siguradong 'di po ito palalagpasin ni Sir Andoy! Ipapaalam ko po kaagad sa kaniya pagkabalik niya rito. Iyon nga lang po baka medyo matagalan pa po dahil busy po siya. Ako nga po pala si Jelai, ipapaalam ko rin po sa inyo agad kung ano ang magiging plano ni Sir Andoy,” saad niya na tuwang-tuwa.
“Wow! Thank you! I hope Mr. Andoy will agree to be our supplier of pan de siosa bread, thank you Miss Jelai. We love the taste of the bread,” sabi ko at binigay na sa kaniya ang business card ko.
“Maraming salamat din po! Promise po ipapaalam ko kaagad ang desisyon ni Sir. Nakakatuwa naman ito! Magandang opportunity rin ito para sa bakery ni Sir Andoy! Salamat po!” Pagkatapos ng masayang pag-uusap kay Jelai ay nagdesisyon na kaming apat na kumain saglit ng lunch bago ipagpatuloy ang road trip namin na may kasamang food trip. Gabi na kami nagdesisyong umuwi.
Sunod bukas ang araw na napag-usapan din para sa magiging meeting patungkol sa aming reunion. Kalmado ako noong una dahil sa isiping wala si Leana sa meeting bukas. Pero hindi ko alam medyo may kakaiba nang makita ko biglang sumabay pala sila ni Sabrina kila Sam sa pag-uwi sa Pilipinas.
Posible bang sumama siya bukas sa meeting?
Saglit lang yatang nabaling ang atensyon ko sa lalaking nabangga ko. Hindi ko inaasahan ang nalaman ko pagkauwi sa penthouse. Hindi ko inaasahang iyon ang mababasa ko sa pag-back read ko.