Carlo Basco's POV
May 11, 18**
Linggo ngayon.
Umaga pa lamang ay naghanda na kami para sa aming pagsisimba. Tuwing linggo talaga ay nilalaanan ng aming pamilya ang makapagsimba, kahit gaano pa kadami ang trabahong kailangan gawin ni Itay ay ipinagpapaliban nya ito para lamang buo kaming magkapamilya na haharap at magpapasalamat sa dyos.
"Kuya, patulong naman sa pantalon ko oh, hindi masara eh, " pagtawag sa pansin ko ng aking kapatid. Agad naman akong lumapit sa kanya upang tulungan syang magsara ng pantalon nya.
"Ayan, tapos na."
"Salamat, kuya." ngumiti lang ako sa kanya bilang tugon.
Bigla namang sumabat si Mama na nasa pinto na pala.
"Wag mo ngang masyadong gawing bata yang kapatid mo, ang tanda na ni Gab, hindi pa rin marunong magsara ng sarili nyang pantalon kasi masyado mong binabata."
"Hayaan nyo na po, Inay, Hindi naman sya nakaka-abala kaya okay lang, at isa pa po, sya lang naman ang nag-iisang kapatid ko kaya sa kanya ko na lang binubuhos lahat ng pag-aalaga ko," wika ko rito habang nag-aayos ako ng aking suot.
Simpleng kulay asul na polo lamang ang suot ko ngayon saka penares sa maong na pantalong maluwang ang ibabang bahagi at kulay kayumangging katad na sapatos.
Hindi naman kasi ako ma-arte sa pagpili ng mga susuotin ko, kahit ano naman kasi sigurong suotin ko ay siguradong babagay pa rin sa'kin.
Si Gab naman ay parehas lang din sa akin ang postora, naka kulay pulang polo at naka maong na pantalon din, ngunit itim na sapatos naman ang kanya.
"O sya bilisan nyo na dyan at baka mahuli pa tayo sa misa, " sabi ng aming Ina bago siya muling umalis sa pintuan at bumalik sa kusina.
"Sige po, Inay, " sabay na sagot namin ni Gab.
Pagkalipas ng ilang minuto ay lumabas na kami ni Gab sa kwarto saka namin nakita si Inay at Itay na nasa sala at handang-handa na sa Pagsisimba.
"Handa na ba kayo, wala ba kayong nakalimutan?" tanong sa amin ni Itay.
"Wala na po, " sagot ko.
"O paano, tara na?" anyaya niya naman sa'min saka kami sabay magkapamilyang umalis.
Tamang-tama lang naman ang dating namin sa simbahan dahil pagkalipas ng limang minuto ng aming pag-upo ay nagsimula na agad ang misa. Marami pang sinabi ang prayle tungkol sa pagmamahalan at pag-uunawaan gamit ang salitang Espanyol.
Kadalasan kasi sa mga taong nagsisimba rito ay mga kastila o 'di naman ay mga nakakataas sa lipunan, may iba na nagpunta lang dito para ibalandra ang kanilang mga magagandang kasuotan at yung iba naman ay pumunta talaga rito para makinig sa mga salita ng prayle. Makalipas ang mahigit limang oras ay natapos na ang aming pagsisimba.
Natagalan pa kami sa pag-alis sa simbahan dahil nga isang gobernador-heneral si Ama ay madaming nakakakilala sa kanya, nakikipagkamay at nakikisalamuha siya sa mga ito, si Ina naman ay nakikipag-usap doon sa mga babaeng kakilala niya.
Hindi naman maiiwasang masali rin kami sa kanilang usapan kaya bilang pagbibigay respeto ay nakikipagkamay na rin kami ng aking kapatid at paminsan-minsan ay nakikisabay na rin sa mga tawanan kapag may isang nagbibiro.
Pagkatapos nga ng mahabang usapan na iyon ay agad na kaming umalis sa simbahan at umuwi na sa bahay, pagdating namin sa bahay ay agad naman akong nagpalit ng damit pati na rin si Gab at ang mga magulang namin.
Mga bandang alas singko na siguro iyon ng hapon bago kami nakarating sa bahay, kaya si Mama ay dumiretso na kaagad sa pagluluto ng kakainin namin, ako naman ay magsisibak na rin ng pang-gatong dahil paubos na rin ito at baka wala na kaming gamitin bukas. May pasok pa naman kami bukas ni Gab kaya hindi talaga pwedeng ma-ubusan kami ng panggatong.
Matapos kong makapagsibak ay agad naman akong tinawag ni Gab at pinapasabing kakain na raw kami sabi ni Inay.
Tagaktak na ang pawis ko sa katawan kaya bago ako pumunta sa kusina ay pumunta muna ako sa paliguan para makapaghugas ng katawan, saka nagbihis.
Pagkadating ko sa kusina ay naabutan ko silang tatlo roon na nakaupo na sa hapag kainan at ako na lamang ang hinihintay na dumating, nang makita ako ni Itay na syang nakaupo sa harapang bahagi ng mesa ay agad niya naman akong tinawag para maupo na at nang makapagsimula na kami.
Bago kami kumain ay nagdasal na muna kami, si Gab ang nanguna sa pagdadasal, kagaya ng inaasahan ay napuno na naman ng kwentuhan at tawanan ang hapag kainan namin, palagi ko pa ring inaasar si Gab na sinisigundahan naman ni Itay, si Inay naman ang nag-iisa nyang tagapagtanggol sa pang-aasar naming mag-ama.
Pagkatapos naming kumain ay tinulungan namin si Inay sa paghuhugas ng pinggan tsaka namin ipinagpatuloy ang aming kwentuhan sa labas.
Makalipas ang mahigit isang oras na pagkwekwentuhan ay kaagad na kaming pumunta sa aming kanya-kanyang silid upang matulog na dahil may klase pa kami ni Gab bukas at maaga rin ang pasok ni Itay sa kanyang trabaho.
"Magandang Gabi, kuya?"
Magandang Gabi rin, bunso."
Palitang sabi namin ni Gab bago kami natulog.
****
Nagising ako kinabukasan dahil sa yugyog sa akin ng kung sinumang tao, nang imulat ko ang aking mata ay nakita ko si Gab na handang-handa ng pumasok sa paaralan at nakabihis na ng damit pampasok nya.
Sanay na naman talaga akong mas nauuna syang magising sa akin, kung tutuusin nga ay siya na ang nagsisilbing pampagising ko dahil sa lakas nyang mangyugyog ay wala talagang taong tulog na hindi magigising.
Pumunta muna ako ng kusina saka naghilamos at kumain.
Wala na si Itay, siguro ay pumasok na sya sa trabaho, si Inay naman ay sigurado akong nasa bakuran na namin ngayon at inaalagaan ang kanyang mga pananim na bulaklak.
Pagtingin ko sa mesa ay may nakahain ng pagkain, sigurado naman akong tapos nang kumain silang lahat at ako na lamang ang hindi, kaya sigurado na akong para sa akin na lamang 'tong pagkaing natira dito.
Matapos kong makakain ay agad na akong nagpunta ng banyo upang maligo, makalipas ang ilang minutong pagligo ay agad na akong pumuntang kwarto ko na nakatapis ng tuwalya lang, hindi ko na naman kailangang magsuot ng uniporme dahil mag-iinsayo na lang naman kami ngayon para sa darating na pagtatapos ko ng koleheyo. Paglabas ko ng bahay ay nandoon na si Gab sa labas nakatayo lang.
Matapos naming makapagpaalam ng maayos kay Inay ay kaagad na kaming humayo ng sabay patungong eskwelahan.
Magkaiba ang eskwelahang aming pinapasukang dalawa, dahil nga nasa sekondarya pa lamang sya ay malapit lamang ang eskwelahan nya sa bahay namin, habang ako naman ay aabutin siguro ng kalahating oras ang byahe bago ako makarating doon.
Nang makarating ako sa eskwelahan ko ay nakakita ako ng isang grupo ng estudyante na nagbubulong-bulongan.
"May sinalakay na naman daw ang mga Kastila kahapong bahay, " sabi nung nakasuot ng salamin na lalaki, sa palagay ko ay nasa ikalawa o ikatlo na silang baitang base sa kanilang mga mukha.
"Mga wala nga silang awa, pati mga mamamayang walang kalaban-laban dinadamay nila, " dugtong naman nung isa pang lalaki na naka-uniporme.
"Balita ko nga ay mga sundalong kastila yun na napadaan lang sa bahay ng pamilyang kanilang sinalakay, " yung babaeng kulot naman ang buhok ang nagsalita.
"Mga salbahi talaga sila!" sabat ng isang babaeng medyo maikli yung buhok.
"Pero sabi ng Ina ko ay hindi naman daw lahat, may mga kastila rin naman daw na mga mabubuti, " sabat din nung kasamahan nilang babae na pinaka mababa sa kanilang lahat.
"Ay basta, kapag kastila talaga walang ibang magawa kundi burahin tayong mga Pilipino rito sa sarili nating bayan, sa mahigit limang daan nilang pamamalagi rito sa Pilipinas ay hindi pa rin sila nagbabago kaya ang mga Pilipino ay laging takot sa kanila, pare-pareho laang silang lahat, mga salbahe! " wika na naman nung lalaking naka uniporme
Marami pa silang mga sinabing ibang masasakit na mga salita ngunit isinawalang bahala ko na lamang ang mga ito at nagpatuloy na sa pagpasok sa unibersidad na aking pinapasokan.
Habang naglalakad ay bigla ko na lamang naibigkas ang mga katagang...
"Wala na talaga sigurong pag-asang matanggap nila ang mga katulad namin."
****
Gabriel Basco's POV
Magandang pagbati sa inyo, ako nga pala si Gabriel Basco labing-apat na taong gulang, nasa ikatatlong baitang na ako sa sekondarya.
Matapos naming maghiwalay ng daan ng kuya ko kanina ay agad na akong pumunta papasok sa paaralang aking pinapasukan ngayon, at syempre hindi talaga maiiwasan ang mga tinginan sa'kin ng ibang mga estudyanteng nakakasalubong ko.
Medyo nasanay na rin ako sa trato nila sa'kin, ewan ko ba kung bakit ganyan na lang sila kung makatrato sa'kin wala naman akong inaapakang tao, dahil ba sa may lahi akong Kastila o dahil nasa mataas na ranggo sa lipunan ang Tatay ko? Wala rin akong kahit isang kaibigan man laang dito sa paaralan.
Si kuya lang talaga yung taong nakaka-usap ko eh, tuwing pasukan ay buong araw lang talaga akong nagmumokmok sa loob ng classroom namin kasama yung teacher namin tapos kapag uwian naman ay nagpapahuli akong labas para lang maka-iwas sa pang-aalipusta ng ibang estudyante.
Pero kahit na ganon ay masaya pa rin ako dahil nabiyayaan ako ng mga mababait at mapagmahal na pamilya, lalong lalo na sa kuya ko.
Marami na rin kaming pinag-samahan ng kuya ko, napakama-aalahanin nya saka malambing sa akin, medyo mapang-asar nga lang pero nakakaya naman, kapag na-asar kasi ako ng sobra eh lalambingin kaagad ako nun tapos bati na agad.
Kung ang hilig nya ay magpinta, ako naman ay mahilig sa pagtatanim.
Ako lagi yung katulong ni mama sa pag-aalaga ng mga pananim nyang bulaklak sa bakuran namin, namana ko raw ito sa lahi ni Papa, dahil mahilig daw talaga ang kanilang lahi sa pagtatanim.
Naglalakad na ako ngayon sa pasilyo papunta sa kantina namin dito, nakasanayan ko na rin kasing umaga pa lang ay bumibili na ako ng pagkain para mamaya ay hindi ko na kailangang makipagsisikan sa maraming tao.
"Isang tinapay tsaka tubig po," sabi ko roon sa tinderang nakatoka ngayon, sabay abot ko ng aking salapi.
Saka naman sya pumasok sa loob para kunin yung binili ko.
Ilang sandali pa ay bumalik na sya dala yung tinapay at tubig ko. Kaagad naman akong nagpasalamat sa kanya at dumiretso na sa silid-aralan ko.
Pagkarating ko roon ay may nauna na sa akin.
Si Maria, isa syang tunay na Pilipino, madalas niya rin akong ipagtanggol sa mga umaaway sa'kin dito sa paaralan pero kahit na ganon ay hindi ko pa rin sya kaibigan, tahimik kasi sya, yung parang lalaki yung dating, magsasalita lang sya kapag tinatanong ng teacher namin, tapos tipid lang din ang mga sagot nya.
Tumingin sya sa gawi ko ng ilang sandali tapos agad din namang binawi at nagsusulat doon sa kwadernong nasa mesa nya, ako naman ay dumiretso na sa upuang nasa likod lang nya.
Ilang minuto lang ay nagsidatingan na rin ang mga kaklase namin, wala naman kaming ginawa sa buong durasyon ng oras kundi makinig lamang sa mga sinasabi at tinuturo ng guro namin, nang matapos na ang buong araw kong klase ay hinintay ko munang lumabas ang lahat saka ako umalis ng silid-paaralan namin para umuwi na ng bahay.
Hindi kami sabay na umuwi ni Kuya, mas nauuna ako sa kanyang umuwi lagi, dahil nga nasa koleheyo na siya at mas mataas ang oras ng kanilang pag-aaral.
Pagkarating ko sa bahay ay nakita ko na agad ang likod ng aking Ina na nagluluto na ng hapunan namin, agad ko naman syang nilapitan at niyakap ng mahigpit sa likod.
"Nakauwi na po ako, Ma."
"O kamusta pag-aaral?"
"Ayos naman po, katulad pa rin ng dati."
"Mabuti naman, o sya magbihis ka na muna roon at malapit na tong matapos, tatawagin na lamang kita kapag nakapaghain na ako, hindi na natin hihintayin ang kuya at Papa mo, sigurado naman akong gagabihin ang dalawang iyon."
"Sige po."
Pagkasabi ko nun ay agad na akong pumanhik paitaas upang mag-bihis , pagkatapos kong magbihis ay humiga na muna ako, hindi ko namalayan na nakatulog pala ako, naalimpungatan na laang ako ng tinawag na ako ni mama para kumain na.
Pagtingin ko sa labas ay madilim na pala, pagbaba ko naman ay wala pa rin si Kuya at Papa, kaya nauna na lamang kami ni Mama na kumain.
Pagkatapos naming kumain ay ako na ang naghugas at pinagpahinga ko na lamang si Mama. Ako na rin ang nagsara ng lahat ng aming bintana at saka nagligpit ng pinag-kainan.
Pagkatapos kong magawa lahat ay agad na akong pumunta sa kwarto namin ni Kuya para matulog pero iniwan kong nakabukas ang pinto, para kung sakaling uuwi na sila Papa ay madali na lamang silang makakapasok.