Christian Drew Villaflor:
"Pasensya ka na Drew, kailangan na talaga naming magtanggal ng mga empleyado , bumababa na kasi ‘yung kita ng negosyo namin kaya nahihirapan na kaming magsweldo sa lahat ng empleyado rito," pagpapaliwanag ng boss ko dahil isa nga ako sa hindi sinwerteng manatili sa negosyo niya.
"Ok lang boss, naiintindihan ko naman ka'yo, hindi ko lang talaga swerteng araw ngayon," sabi ko pa sabay pakita ng pekeng pagtawa.
Inaalala ko kasi ang pamilya ko, wala na akong trabaho ngayon, ako pa man din ang inaasahan nilang magtataguyod sa kanila, kung wala na akong trabaho , ano na ang kakainin nila sa mga susunod na araw?
Kaya kailangan ko talagang makakita muli ng bagong trabaho.
Kahit ano kaya ko basta legal.
"Sa ngayon, dahil nga ay may natitira ka pang napagtrabahuang kalahating buwan ay kalahati ng sweldo mo ang ibibigay ko, " sabi niya sabay abot sakin ng kulay brown na sobre.
Tiningnan ko ‘yung laman ng sobreng ‘yun. Dalawang libo lang ang laman nito, pero okay na rin ito, ang mahalaga may sweldo pa rin akong matatanggap.
"Salamat dito boss, tutuloy na ako, maghahanap pa ako ng bagong trabaho eh, " sabi ko saka naglakad palayo roon.
Hindi ko naman alam kung saan ako magsisimulang maghanap ng bagong trabaho, kaya paikot-ikot lang ako rito sa palengke at baka may matyempohan pa akong naghahanap ng bagong empleyado na mga establisyemento.
Pero nalipasan na lang ako ng tanghali ay hindi pa rin ako nakakahanap ng bagong racket, kumakalam na ‘yung sikmura ko dahil sa gutom at kanina ko pa ito tinitiis.
Minabuti ko na lamang maglakad pauwi sa bahay namin, kahit tirik na tirik ang araw.
Araw kasi ng sabado ngayon kaya alam kong nasa bahay lahat ng myembro ng pamilya ko.
Nga pala baka iniisip niyo na kasal na ako ah, hindi pa ako kasal, binata pa ‘to mga tsong.
Yung tinutukoy kong pamilya ay ‘yung mga kapatid at ina ko, lima kaming magkakapatid sa aming pamilya, ako na ‘yung tumatayong padre de pamilya sa amin simula nang mawala sa amin si Papa dahil sa isang aksidente. At dahil nga ako ‘yung panganay sa aming magkakapatid kaya ako yung katuwang ni Nanay para mabuhay kami.
Two years course lang ang natapos ko sa college dahil nga kailangan kong magtrabaho at hindi ko rin kayang ipagsabay ang pagtratrabaho at pagkuha ng four years na course, dahil alam kong doble ang hirap ko nun pag nagkataon.
Si mama naman ay nakakapagtrabaho noon pero pinatigil ko na siya dahil ramdam kong nasosobrahan na ang kanyang sarili sa pagtratrabaho.
Hindi ko na lang siguro sasabihin itong nangyari sa akin ngayon dahil baka mag-alala lang siya, susubukan ko na lamang makahanap kaagad ng bagong trabaho o ‘di kaya'y racket-racket lang basta ba mataguyod ko lang sila okay na sa'kin yun.
‘Di bale ng ako yung maghirap 'wag lang sila.
Ilang lakad pa ang ginawa ko bago ako makarating sa bahay namin, papasok na sana ako nang marinig ko ‘yung kapitbahay namin dito na si Brono, mukhang kakagaling lang yata sa trabaho niya dahil naka formal attire pa ito.
"Oh, Pre, bakit mo ko tinawag, may kailangan ka ba? Wala pa kong pambayad sa utang ngayon eh sa susunod na lang," salubong ko rito.
“Wag mo alalahanin ‘yun, Pre. Nga pala, ‘di ba nakatapos ka ng 2 years course bilang I.T student?" tanong niya.
"Oo, bakit mo naitanong?"
"Yung isang department kasi sa pinagtratrabahuan kong kompanya ay naghahanap ng I.T specialist, at dahil wala pa naman silang nakukuhang bago kaya naisip agad kita, ‘di ba nga topnatcher ka naman sa klase mo noon?" tumango ako, pero nilinawan ko na ‘yung pandinig ko sa susunod niyang sasabihin.
Ramdam ko kasing magandang balita ito.
"Kaya ang naisip ko baka interesado kang mag-apply, wag kang mag-alala malaki naman magiging sweldo mo kung sakaling makuha ka—"
"Oo naman saktong-sakto, natanggal kasi ako sa trabaho ko kaya tamang-tama lang ang pagdating mo. Kahit kailan maaasahan ka talagang kaibigan eh, " sabi ko pa sabay akbay sa kanya na parang sasakalin na sa higpit ng pag-akbay ko.
Nagusot pa nga ‘yung suot nito dahil doon, humingi naman ako ng tawad agad.
"Kaso nga lang... medyo mahirap kausap ‘yung magiging boss mo, masyadong mapili," sabi pa niya sabay kamot sa ulo.
"Walang problema, Pre, yakang-yaka ko yan, ako pa ba kaya ‘yun ng karisma ko, " pagmamalaki ko pa.
"Sige sabi mo eh, pero mag-apply ka na lang sa online para madali ka nilang manotice, bigay ko na lang sa iyo mamaya ‘yung link, sige, pre, mauna na ko."
"Sige, salamat ulit."
Sa wakas kahit papano swerte pa rin pala ako dahil kahit natanggal ako sa trabaho ay may nakita naman agad akong bago.
"Whoaa, thank you lord!!" sigaw ko.
"Hoy, ano ba, Drew, manahimik ka nga, muntikan na akong mabuhusan ng kumukulong sabaw dahil sa'yo eh, aatakehin ako sa puso dahil sa'yo!Jusko!" biglang sigaw ng isang kapitbahay namin habang may dala-dala pang sandok .
"Sorry po, Aling Edna, nadala lang ho." Napalingo-lingo naman ito.
Pagkatapos nun ay dumiretso na ako papasok sa bahay, una ko kaagad nabungaran ay ‘yung tinig ni Mama. At ‘yung amoy ng napakasarap na niluluto niya.
"Nandito ka na pala, Anak, tamang-tama malapit nang maluto ‘tong ulam natin, ihahain ko na lang."
"Sige po, Nay,” sagot ko sa kanya pagkatapos ay tinawag ang isa kong kapatid. “Alexis, tawagin mo na ang mga kapatid mo, kakain na raw sabi ni Mama!" sabi ko dun sa kapatid kong nakaharap na naman ngayon sa TV.
"Maya na, Kuya, malapit na tong matapos!"
"Dalian mo dyan kundi lagot ka sa'kin."
"Hayst," huli niyang sabi bago siya padabog na tumayo at dumiretsong lumabas ng bahay.
"Ang ganda yata ng ngiti natin ngayon, Anak, may nangyari bang maganda?" sabat naman ni mama na ngayon ay hinahanda na ang lamesa na kakainan namin.
"Ahh, wala naman, Ma. Sa ngayon... " hininaan ko lang ‘yung huling dalawang salita.
"Oh siya, kung ano man ‘yang magandang bagay na ‘yan susuportahan kita."
"Salamat ho, Nay, hayaan nIyo sasabihin ko agad sa tamang panahon, " sabi ko.
Ilang sandali lang ay nagsidatingan na ‘yung mga kapatid ko na hindi ko alam kung saan nagsusuot, pagkatapos nun ay agad na kaming kumain.
"Kamusta naman mga pag-aaral niyo? Ikaw, Alexis, baka basketball lang ‘yang inaatupag mo ah, kapag nalaman ko talagang nagbubulakbol ka, malilintikan ka sa'kin," wika ko sa gitna ng pagkain namin.
"Hindi po, Kuya, good boy ata ‘to pasok pa nga ako sa top 10 ng klase namin eh," sagot naman nito.
"Ang sabihin mo kasali sa Top 10 na mababagsak, " sabat naman ng isa kong kapatid na si Kennydy.
"Oyy hindi ah, wag kang maniwala jan, Kuya, ang layo-layo nga ng classroom mo sa classroom ko, paano mo naman malalaman ‘yung totoong nangyayari sa'kin doon?” mahabang pagpapaliwanag ni Alexis saka bumaling sa akin. “Good boy to, Kuya, promise.”
" Anong akala mo sa'kin hindi ko nalalaman na ang dami mong nilalanding babae sa school na'tin, pati nga classmate ko natudas mo, " segunda pa ni Kennydy.
Sasagot pa sana si Alexis pero binara na sila ni Nanay.
"Tama na muna yan, kumain na muna tayo at baka san pa humantong ‘yang pagbabangayan n’yo, masama sa hapagkainan ang nagsisigwan.”
Tumahimik na sila pero makalipas ang ilang minuto ay nagsalita ako.
"Alam nyo, okay lang naman sa akin kahit anong gawin n’yo basta tama o mabuti at hindi n’yo napapabayaan ang inyng pag-aaral, susuportahan ko kayo palagi.
“At ikaw, Alexis, 'wag masyadong manghakot ng madaming nobya at baka bumalik ‘yan sa'yo pagdating ng araw, alam ko namang mga magagandang lalaki ‘yung lahi natin pero ‘wag mong abusuhin ah, hinay-hinay lang, " mahaba kong paliwanag sa kanila.
"Eh kasalanan ko bang naging mabenta itong mukha ko, sila ‘yung lumalapit sa'kin eh. Lalaki ako, natutukso," pangangatwiran pa niya.
"Hindi porket lalaki ka na pwede mo nang saktan ang loob ng lahat ng babaeng nakapalibot sa'yo ah, hindi ganun ‘yun, Alexis. May puso rin ang mga babae kagaya ni Nanay, dapat galangin mo rin sila,” sabat ko uli. “Naku pag ikaw talaga mahulog at ikaw na naman ‘tong masaktan, tatawanan talaga kita."
"Pumuti pa ang uwak, Kuya, ‘di yan mangyayari."
"Okay, sabi mo yan ah. "
At nagpatuloy na nga kami sa pagkain, kunting kulitan lang saka tawanan.
[...]
Nakwento ko sa inyo na lima kaming magkakapatid, ako yung panganay, dalawampu't limang taon (25) na ako. ‘Yung sumunod naman sa'kin ay si Kennydy labing anim (16) na taong gulang na s’ya at nasa fourth year highschool na rin ito ngayon. Sumunod naman sa kanya ay si Alexis na labing lima pa lang pero ang dami ng nagiging nobya, naungusan pa ako sa pagiging playboy eh.
Pero hindi naman talaga ako mapaglaro, dalawa lang talaga naging girlfriend ko since birth, ‘yung isa tumagal ng ilang taon, ‘yung isa pa buwan lang—Mata pobre kasi pamilya n’ya kaya 'di rin kami nagtagal.
Kaya ayaw ko rin sa mga mayayaman eh, kunti lang ang hindi tumitingin sa estado ng buhay ng mga katulad nila.
Third year student na si Alexis ngayon, sumunod naman ay sina Anna at Branx, kambal sila, babae tsaka lalaki, nasa sampung taong gulang na sila ngayon at Grade 4 na sila pareho.
Tiwala naman ako sa mga kapatid ko na hindi talaga nila napapabayaan ‘yung pag-aaral nila dahil magagaling naman talaga ang mga ito at matataas pa lagi ang mga marka, ewan ko lang talaga rito kay Alexis.
Sa kanilang apat, siya ang pilyo at masyadong siraulo pero maasahan pa rin naman sa bahay, hindi siya matalino pero hindi rin siya bubo kumbaga nasa katamtaman lang.
Si Kennydy naman ay consistent top 1 sa klase nila kaya tiwala pa rin ako sa kanya, siya nga ang tagapagbantay sa bawat galaw ni Alexis sa paaralan nila, siya lagi ang nagsusumbong sa'kin kung may kung anong kabulastugang ginagawa si Alexis doon sa eskwelahan nila.
"Nay, Kuya, labas lang po ako ah, gagala lang po kami ng mga barkada ko?" pagpapaalam samin ni Alexis pagkatapos naming kumain.
"O sige, pero 'wag magpapagabi ha, mapanganib jan sa labas baka kung anong mangyari sa'yo, " sagot naman ni Nanay.
"Opo, Nay." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay kaagad na siyang lumabas ng bahay para umalis na.
Ako naman ay nagpaalam din na pupunta muna ng Computer shop dahil may gagawin lang akong importante, pumayag naman agad si Nanay kaya lumabas na rin ako agad.
[...]
Nang makarating na ako dun ay nagbayad muna ako sa nagbabantay roon sa computer shop.
"Number 11, Pre, " sabi ko sabay bigay nung bayad ko, may kinalikot siya sa monitor n’ya saka ako nito sinabihang okay na.
Pagkatapos ay agad na akong nagpunta roon sa computer na may tatak sa ibabaw na number 11.
Tinype ko agad doon sa search tab ng google chrome ‘yung link na ibinigay sa'kin kanina ni Brono, agad ko namang nakita ang fill-up form na sinasabi niya. Pagkatapos kong mafill-apan lahat ay k-nlick ko na agad ‘yung submit button.
"Thank you for submitting, we will just inform you through sms or call if you are qualified to be choosen. Thank you!"
Nag pop-up doon sa screen matapos kong magsubmit. Napangiti naman ako dahil doon, sana makuha ko talaga 'tong trabahong 'to.
Pagkatapos ay umuwi na ‘ko agad, patuloy lang ako hanggang sa makapasok na sa aking kwarto.
Nang biglang mag-ring ang cellphone kong de-keypad.
Unregistered number ‘yung nandun kaya medyo kumunot angnoo ko, pero sinagot ko pa rin ito.
"Hello..—"
"Hi, Sir, This is from Montemayor Group of Company, Technology Department. Kayo po ba ‘yung nagsubmit ng application form kanina trough online?" boses babae ‘yung narinig ko.
"Opo, ako nga po."
"Gusto ko lamang pong sabihin sa inyo na bukas na po ang interview for your qualification."
"Wow! Bilis!— ah este, ang ibig ko pong sabihin ay sige, ready po ako bukas."
"Sige, Sir, I will just send you the requirements at kung ano pa pong dapat nyong dalhin at suotin."
"Okay sige, salamat, Miss."
Saka binaba niya na ‘yung tawag, wala naman akong mapagsidlan ng saya ko dahil sa wakas may bago na akong trabaho, salamat kay Brono, hulog talaga ito ng langit.
Ngayon hindi na ako mangangamba pa kung paano ko sasabihin kay Nanay na natanggal ako sa trabaho.
Sisiguraduhin ko talagang makukuha ko ang trabahong ito, para sa aking pamilya. Gagawin ko ang lahat, maitaguyod lamang sila.
_____________________