Kabanata 6

2078 Words
Kabanata 6 “May gagawin ka ba after breakfast?” tanong ni Haven habang inilalapag ang baso niya sa mesa matapos naming ubusin ang pagkain. Napatingin ako sa paligid ng resort, malinis, tahimik, at sobrang ganda. Pero kahit gaano pa ito ka-relaxing, alam kong hindi ako naparito para magpahinga. Ano nga ba ang gagawin ko rito kung mananatili lang ako sa resort? Wala naman akong balak mag spa o mamasyal sa mga mamahaling kainan. At higit sa lahat, limitado lang ang pera ko. Pero mas importante pa roon… paano ko mahahanap si Alistair V. kung dito lang ako iikot? Umiling ako bago nagsalita. “Wala. Wala akong gagawin after breakfast,” sagot ko. “Bakit?” Biglang lumapad ang ngiti ni Haven, parang may magandang balitang matagal na niyang hinihintay na ibahagi. “Good! Ali and his team are having a land tour today.” Napakunot ang noo ko. “Land tour?” Tumango siya, halatang excited. “’Di ba sabi ko sa’yo, naghahanap sila ng lupa sa buong isla? Malaki ang Isla Dolor. Kailangan nilang i-explore lahat para makasigurong makakuha ng magandang location.” “Akala ko ba may napili na sila?” kuryosong tanong ko. “Iyon din ang akala ko,” sagot niya habang umiiling. “Pero ayaw daw ibenta ng may-ari ang lupa. May sarili rin daw silang plano. Kaya ngayon, Ali and his men are looking for a seaside lot, for business.” Napanganga ako sa isip. Seaside lot? Sa isla na ganito kaganda? Halatang milyon milyon ang usapan. “Wanna go with us?” bigla niyang alok, may halong panghihikayat sa boses. Sa totoo lang, sa tunog pa lang, gusto ko na agad pumayag. Makakalabas ako ng resort, makikita ko ang buong isla, at higit sa lahat, makakasama ko sila. Baka nandoon din si Alistair V. Pero agad sumagi sa isip ko ang nangyari kagabi. Kung paano ako nagsalita kay Ali. Kung paano ko siya tinulak palayo. Kung paano siya umalis nang hindi na lumingon. Paano kung magalit siya ulit? Paano kung ayaw niyang makita ako? “Baka magalit sila kung sumama ako?” nag-aalangan kong tanong. Tumaas ang kilay ni Haven, parang hindi makapaniwala. “Anong magagalit?” tawa niya. “Eh hindi naman sila ang masusunod sa desisyon natin. Isa pa,” bahagya siyang yumuko palapit sa akin, parang may ibubulong na sikreto, “wala na silang magagawa kapag nakasama na tayo.” May kakaibang tuwa sa boses niya, parang excited sa ideyang sumama kahit hindi inaasahan. Napatingin ako sa kanya, nanliit ang mata ko, pinag-aaralan ang ekspresyon niya. Hindi ko alam kung bakit, pero natuwa ako sa sinabi niya. Parang bigla akong nagkaroon ng lakas ng loob. Sunod-sunod akong tumango. “Sige,” sabi ko sa wakas. Wala rin naman akong gagawin dito. At kung totoo ngang kilala ni Ali si Alistair… baka ito na ang pagkakataon ko. Nang magsitayuan ang mga kalalakihan, sabay rin kaming tumayo ni Haven. Nauna silang maglakad, si Ali sa unahan, kasunod sina Zane. Sumunod naman kami ni Haven, ilang hakbang ang layo, tahimik pero alerto. Maya-maya pa’y dumating ang dalawa pang lalaki, sina L at Nico, ang mga kasamang dumating nila rito sa resort. Agad tumaas ang kilay ni L nang mapansing nakasunod kami. Hindi na ako nagtaka; halatang hindi nila inaasahang may dalawang babaeng sasama sa lakad nila. Ngumiti lang si Haven, parang walang kahit anong mali, habang umikot ang mata ni L bago siya may ibulong kay Ali. Dahil sa bulong na iyon, napalingon si Ali sa amin. “What are the two of you doing?” tanong niya sa matigas at malamig na Ingles. Nagpaka-inosente si Haven, halos mapang-asar pa ang tono. “We’re with Zane, Ali.” Napabaling agad ang tingin ni Ali kay Zane, na ngayo’y nakatingin na rin sa amin. “Don’t tell me they’re coming along with us.” Kibit-balikat si Zane, kalmado. “That was Ferno’s decision. And Haven is here because of Ferno. Besides, she knows the island well. We don’t have a tour guide. Nico only knows a few places, but Haven’s been here for a long time.” Napakunot ang noo ko. Matagal na si Haven sa islang ’to? Hindi na rin dapat ako nagtaka. Ang morenang kutis niya, ang relaxed na postura, ang pananamit na parang laging handa sa init at hangin ng dagat, lahat iyon, sumisigaw na taga rito siya. Isa siyang tunay na island girl. Napatingin ako kay Haven sandali, pero agad kong ibinalik ang tingin sa grupo nang muling magsalita si Ali. “How about the other girl?” tanong niya, malamig pa rin ang boses. “We barely know her.” Napakagat ako sa labi. Ayaw na niya talaga ako. O baka… simula pa lang, ayaw na niya. Naalala ko ang unang pagkikita namin. Ang galit niya. Ang sigaw niya. Ang tingin niyang parang kasalanan ko ang paghinga ko. Kaya hindi na ako nagulat. Huminga ako nang malalim, balak nang magsalita, handa nang umatras kung kailangan. Pero naunahan ako ni Haven. “She’s with me,” mabilis at matapang niyang sagot. “She won’t disturb your land shopping. And who knows? Baka nga hindi na tayo sabay sabay umuwi. We might have our own land shopping, too.” May pagmamalaki sa boses niya. May kumpiyansa. Parang sanay sa mga ganitong usapan. Napailing ako sa loob-loob ko. Grabe talaga ang mga mayayaman. Hindi ako makarelate. Wala nga akong pambili ng lupa, kahit bahay namin hindi amin ang lupang kinatitirikan, tapos sila, lupa sa isla ang pinag-uusapan na parang grocery lang. Wala nang nagawa si Ali kundi ang pumayag. Isang sulyap lang ang ibinigay niya sa akin, walang emosyon,bago siya tumalikod. Sumakay kami sa mga e-tric na inihanda nila. May sarili kaming sasakyan ni Haven, habang magkakasama naman ang apat na lalaki sa isa pa. Habang umaandar ang sasakyan, unti-unting bumungad ang Isla Dolor sa mas malinaw na anyo. Akala ko dati, luma at simple lang ang islang ’to. Pero mali pala ako. May mga gusaling mukhang hotel, may supermarket, beauty salon, souvenir shops, mga restaurant at maliliit na negosyo. Kumpleto rin, may fire station, may ospital. Hindi man kasing modern ng siyudad, pero sapat at maayos. “That’s a church,” sabi ni Haven sabay turo sa nag-iisang malaking simbahan sa isla. Napatingin ako roon. “Sabi nila, kapag diyan ka nagpakasal,” dugtong niya, “hindi kayo magtatagal ng partner mo. You won’t last long, because you married in pain. Just like Isla Dolor.” Tahimik akong napatingin sa simbahan. Maganda siya. Luma, pero matibay ang tindig, parang nakatayo laban sa panahon. Pero ang kasaysayang kaakibat niya… iyon ang nakakatakot. Isang simbahan na isinilang mula sa sakit. Isang isla na ginawa ring kanlungan ng mga pusong sugatan. At habang patuloy kaming bumibiyahe, hindi ko maiwasang isipin. Bakit nga ba ako napunta rito? “May totoong nagpakasal diyan?” kuryoso kong tanong habang hindi ko inaalis ang tingin ko sa simbahan. Tumango si Haven. “Of course. I knew some people who married there… and ended up divorcing each other.” Napabuntong-hininga ako. Masakit man pakinggan, may katotohanan iyon. Minsan, kung saan kayo nagpakasal, doon niyo rin talaga makikilala ang isa’t isa, doon masusukat kung hanggang saan ang pasensya, pagmamahal, at pang-unawa ninyo sa isa’t isa. “Parang gusto ko diyan magpakasal,” bigla kong sambit sabay turo sa simbahan na ngayo’y medyo may kalayuan na sa amin. Biglang huminto si Haven at binigyan ako ng kakaibang tingin, parang sinusukat kung seryoso ba ako o tuluyan nang nawalan ng bait. Sa isip niya, siguro isa na akong certified na baliw. Sino nga ba namang gustong magpakasal sa isang simbahan na kilala sa sumpang paghihiwalay? “Hindi dahil sa history,” agad kong paliwanag, marahan pero buo ang loob. “Kundi dahil sa ganda. Para na rin mawala ang sumpa. Dahil sigurado ako… kung sino man ang mapapakasalan ko, siya na ang makakasama ko habang buhay.” Buong puso kong sinabi iyon. Walang biro. Walang halong pag-aalinlangan. Umikot lang ang mata ni Haven. “Okay, Miss Broken-hearted,” pang-aasar niya, paalala sa dahilan kung bakit ako narito. Natawa na lang ako. Hindi ko na siya kinontra. Muli kaming umikot sa isla hanggang sa huminto ang e-tric na sinasakyan nila Ali. Kami rin ni Haven ay bumaba at lumapit sa kanila. Agad na nagtagpo ang tingin namin ni Ali, isang iglap lang, pero sapat para maramdaman ko ang talim ng titig niya. Mabilis akong umiwas, parang natakot sa bigat ng tingin niyang iyon. “This is the Guevarra’s land, right?” tanong ni Nico kay Haven. “Yup,” sagot niya. “The mansion’s already abandoned, and according to the people of Isla Dolor, the land is for sale. The son of Don Guevarra is the one in charge of selling it.” “Where is he now?” si Ali ang nagtanong, seryoso, diretso. “Out of the country. Pero may iniwan daw siyang contract number sa caretaker.” Tumango si Ali at sinuri ang lupain. Kita sa kilos niya na hindi siya impressed, napapailing, napapahinto ang tingin sa ilang parte, parang may nakikita siyang problema na hindi agad halata sa iba. Napahawak ako sa buhok kong sumasayaw sa lakas ng hangin. Mataas ang bahaging ito ng isla. Kita ang dagat, pero hindi ganoon kalapit, mas nangingibabaw ang luntiang berde kaysa sa asul ng karagatan. “Puwedeng tayuan ng hotel,” sabi ni Zane, “pero mukhang hindi rin masyadong mapupuntahan dahil malayo sa mismong seaside.” Halatang business-minded silang lahat. Mga mata nilang parang calculator, sukat, kita, balik puhunan. Ako? Para lang akong sampid. Pero kahit gano’n, hindi ko ipinagpalit ang karanasang makita ang Isla Dolor nang ganito. Hindi nila nagustuhan ang lugar, kaya muli kaming sumakay sa e-tric. Ngayon, kami na ni Haven ang nasa unahan dahil may alam siyang mas magandang spot. “That’s one of the tourists’ spots here,” sabi niya sabay turo sa isang napakalaking bato na may butas sa gitna. “That’s called Lagusan. Kapag nakapasok ka sa kabila, matutupad daw ang hiling mo. Lagusan, kasi pagdaan mo, may magandang makikita sa kabilang parte.” Biglang lumiwanag ang mga mata ko. Na-excite ako. “Pwede ba tayong pumunta roon? Kahit mabilis lang?” walang hiya kong pakiusap. Natawa si Haven. “Grabe, gusto mo ng love life ulit, ’no?” Natawa rin ako at tango lang ang sagot. Pinahinto niya ang e-tric namin. Maging ang sinasakyan nila Ali ay huminto rin. Bumaba kami, kasunod ang mga lalaki. “Lagusan?” si Zane ang unang nagsalita. “I heard a lot about this spot. Totoo bang natutupad ang hiling kapag pumasok ka diyan?” Walang pag-aalinlangang tumango si Haven. “Oo. Last time I was here, I wished to stay here longer, and it was granted.” “It was granted because you were grounded, Ven,” sabat ni Ali, walang emosyon. Masamang napatingin si Haven sa kanya. Bubuka na sana ang bibig niya nang muling magsalita si Ali. “Why did we stop here? Akala ko ba dadalhin mo kami sa magandang parte ng isla?” “Why shouldn’t we try it?” kontra ni Zane. “Hahakbang lang naman at magsasabi ng hiling.” Kay tamad naman maglakad ng lalaking ’to, bulong ng isip ko. Hindi na namin hinintay si Ali. Nauna na kaming lumapit sa bato. Sina Nico at L ay sumama rin. Isa-isa kaming pumasok sa butas, malaki ang bato, sapat para makadaan ang tao. Paglabas namin sa kabilang bahagi, agad sumalubong ang hampas ng alon at malakas na hangin. Napanganga ako. Malalaking rock formations ang bumungad sa amin, magaspang, matayog, at parang inukit ng panahon at sakit. Totoo nga. Hindi nagsisinungaling si Haven. Napakaganda. Huminga ako nang malalim at pumikit. Ang hiling ko? Makita si Alistair V. Matapos ang misyon na hindi ko naman ginusto. Makauwi. Makapiling ang kapatid ko. Mamuhay nang tahimik. Magkaroon ng masayang pamilya. Pinagdikit ko ang labi ko bago dahan-dahang binuksan ang mga mata ko. At doon…Hindi inaasahan. Nakatayo si Ali sa bandang kanan. Nakapasok din pala siya. Ang dalawang kamay niya ay nasa bulsa ng pantalon, habang sinasayaw ng hangin ang buhok niya. Hindi ko alam kung gaano na katagal siyang nakatingin sa akin, pero ang mas ikinabigla ko… hindi niya iniwas ang tingin. May binibigkas ang kanyang mga labi. Hindi ko marinig. Pero sapat ang galaw ng bibig niya para makaramdam ako ng kaba. At sa unang pagkakataon mula nang dumating ako sa Isla Dolor, pakiramdam ko, may hiling din siyang binubuo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD