Kabanata 5

2034 Words
Kabanata 5 “H’wag mo nga akong hilahin! Nasasaktan ako, Ali!” sigaw ko, halos mabali na ang pulso ko sa lakas ng kapit niya. Sa wakas, tuluyan na kaming lumabas ng club. Pagkarating namin sa malamig na hangin sa labas, na para bang sampal ng realidad sa mukha ko, saka niya ako binitawan. Para akong nabunutan ng tinik at agad na tumakbo papunta sa pinakamalapit na puno. Pagkatalikod ko, sumampa ang lahat ng kinain at ininom ko kanina. Napasubsob ako, hawak ang puno habang halos lumabas ang kaluluwa ko sa sobrang suka. Pakiramdam ko umiikot ang buong isla, parang gumugulong ang sikmura ko sa dami ng alak na pinilit kong tiisin. At ang mas malala, hindi man lang ako sanay uminom. “You look like a mess,” malamig na komento ni Ali mula sa likuran. Napairap ako kahit nakayuko pa. Gusto ko sana siyang sagutin ng mas malala, pero bago pa ako makapagsalita, sumakit ulit ang sikmura ko at napasuka na naman ako. Ang sama ng pakiramdam ko, parang gusto kong mawala sa mundo para lang matapos ’to. Nang maramdaman ko ang kamay niya sa buhok ko, napahinto ako. Tinali niya sa likod, marahan, para hindi madumihan. Para bang sanay siya sa ganitong eksena. Tinapik ko ang kanyang kamay, nahiya ako, pero hindi niya tinigilan hanggang matapos ako. “Iwan mo na ako dito,” bulong ko, pilit na kalmado. “Kaya ko na ’to. Baka may makakita pa sa atin.” At sa totoo lang, ayoko talaga may makakita. Ang pangit ko tingnan, mukha na akong madugyot. Pawis, lipstick na naghalo sa suka, at nilalagnat na dignidad. Tapos heto pa ako, nakikipag-away. May mukha pa akong magsungit? “Paano kita iiwan dito kung ganyan ang estado mo?” sagot niya, walang galit pero parang utos. Napatigil ako. Tagalog na naman. At ewan ko ba kung bakit, pero mas lalong tumindig ang balahibo ko tuwing nagtatagalog siya. Hindi ko alam kung bakit pero mas… may dating. Mas mabigat, mas may puwersa. Mas nakakatunaw sa utak at nakakairita, na hindi ko maintindihan. Pinunasan ko ang labi ko, pilit hinahabol ang hininga. Gusto ko na ngang magmura. Hindi ko nakita si Alistair V. Lasing pa ako. Nilagay ko lang ang sarili ko sa panganib. At kapag nalaman ’to ni Ate? Diyos ko, isang linggong sermon ang aabutin ko. “Kaya ko naman, o.” Pinilit kong tumayo, kahit medyo natatagilid pa. “Tingnan mo, marunong pa akong tumayo. Ikaw lang naman ’yong hila nang hila sa ’kin na para bang close tayo!” Nakataas ang boses ko, hindi ko na napigilan. “Hindi ba ayaw mo nga sa ’kin? Galit na galit ka nga nang natapunan ko ang damit mo, ’di ba? Ayaw mo ako makita, ayaw mo ako kausap, tapos ngayon nandito ka?!” Hindi ko na mapigil ang bibig ko. Lahat ng sama ng loob ko, nilabas ko. Siguro dahil lasing ako. Siguro dahil pagod ako. Siguro dahil natatakot ako sa mangyayari sa akin sa islang ‘to. O baka dahil… sobrang lapit niya at gusto kong malaman niya lahat ng hinaing ko… “Huwag mo kong lituhin, Ali,” napabulong ako, ramdam ang panginginig ng boses ko. “’Wag mo kong tratuhin ng ganito kung alam ko lang din naman na hindi ‘yan totoo.” Tumingala ako sa kanya, at doon ko nakita ang tingin niya. Matalim. Malalim. At parang may gustong sabihin na ayaw niyang sabihin. At mas lalo lang akong nalito. Wala siyang sinabi. Ni isang salita, ni isang buntong-hininga, wala. Basta’t marahan niya akong tinayo, para bang natatakot siyang mabasag ako kung madiin ang hawak niya. May inilabas siya mula sa bulsa ng slacks niya, isang puting panyo, malinis, mamahalin, halatang hindi basta nabibili kung saan-saan. Hindi ko iyon kinuha. Ni hindi ko nga tiningnan. Ayoko. Nahihiya ako. Naiinis ako. At hindi ko maintindihan kung bakit siya ganito. Pero nang maramdaman kong papalapit na sa mukha ko ang panyo, mabilis ko iyong hinablot mula sa kamay niya. Halos nag init ang pisngi ko sa hiya. Tumalikod ako agad, pilit ikinukubli ang mukha kong sigurado akong magulo at mukhang kawawa. Pinunasan ko ang labi at baba ko, pilit ibinabalik ang kahit anong natira sa dignidad ko. At doon ko naramdaman ang biglang bigat na bumagsak sa balikat ko. Mainit. Malambot. At amoy-lalaki na may halong mamahaling pabango. Paglingon ko, saka ko nakita, nakasabit sa akin ang black jacket suit ni Ali. Iyong suot niya sa loob ng club kanina. Iyong mamahalin, tailored, mukhang hindi basta hinuhubad kahit kani-kanino. At ngayon… nasa balikat ko. Napatingin ako sa kanya. Tahimik siyang nakatayo sa harap ko, matigas ang panga, para bang may nilulunok na salita na ayaw lumabas. Parang pinipigilan niya ang sarili, galit? inis? concern? Hindi ko malaman. “If that’s what you want…” mababa, malamig, pero may bahid ng sakit sa pagitan ng mga salita. “…then I’ll leave now.” At tumalikod siya. Walang dagdag na salita. Walang tingin. Walang pagsalo kung bigla akong matumba. Basta naglakad palayo. Iniwan niya akong mag-isa, nanginginig, lasing, nakabalot sa jacket niya, at hindi ko alam kung mas nainis ba ako o mas sumikip ang dibdib ko. Dahil sa unang pagkakataon ngayong gabi… alam ko na ang susunod na mangyayari sa akin sa islang ‘to. *** “Aray!” daing ko pagkagising sa sunod na araw. Parang hinampas ang ulo ko dahil sa sobrang sakit at parang pumipintig pa iyon. Mariin akong napapikit at sinubukan talagang tumayo mula sa pagkakahiga. Agad akong pumunta sa cr at naligo, dahil sa lamig parang laking tulong iyon sa nararamdaman ko. Pagkalabas ay uminom ako ng tubig, mabuti na lang at may ref nito. Napaupo ako balik sa aking kama at namataan ang damit na sinuot ko kagabi. Agad akong napahinto at napakagat ng labi. Isang mariin na mura ang pinakawalan ko bago hinampas ang aking ulo. “Paano ako nakauwi kagabi?” nanginginig na sambit ko. “Bakit nasa sahig na iyong damit ko?” Marahas akong napahiga sa kama at sinubukang alalahanin ang lahat ng nangyari. Ang huling ala ala ko, nasuka ako at naiwan mag isa sa labas ng club. Iniwan ako ni Ali mang isa doon pagkatapos ko siyang sabihan ng gusto ko. At pagkatapos no’n, hindi ko alam kung ano ang nangyari. Wala na talaga akong maalala! Kahit na wala akong ganang lumabas ay lumabas pa rin ako para kumain, sayang iyong binayad para sa libreng pang umagahan. Hindi ko alam kung malaking tulong ba ang pagsuka ko kagabi dahil hindi na ako masyadong nasusuka, iyong ulo ko lang talaga ang sobrang sakit. Nauna akong pumunta sa front desk para magtanong sa nangyari kagabi. Pero ibang staff na raw iyon dahil magkaiba ang umaga at gabi, wala din akong napala kaya nagtungo ako sa buffet area. Agad kaong natakam sa mga naka serve, na para bang nawala na iyong hangover ko dahil sa mga pagkaing nasa hapag. Isa isa akong pumuli ng pagkain, sinigurado kong mabubusog ako dahil gusto ko sanang maglibot libot sa isla, para maging pamilyar sa mga nandito. Umupo ako sa pang dalawahan na upuan, humigop ng mainit ng chocolate drink bago nagsimulang kumain. Ngunit hindi pa man ako nangangalahati, dinig ko kaagad na may tumawag sa akin, alam ko na kaagad kung sino iyon kaya lumingon ako. “Good morning, Lily! Ayos ka lang ba kagabi?” Nag aalalang tanong ni Zane. Ngumiti ako at nilunok ang pagkain. “Oo, nakauwi naman ako nang maayos kagabi. Bakit?” “Hindi ba nakatulog ka malapit sa batong umupan doon? Talaga bang nakauwi ka?” Nagulat ako sa kanyang sinabi. Ako, nakatulog sa labas kagabi? Kahit ako hindi ko rin alam kung ano ang nangyari sa akin kagabi eh. Wala akong maalala dahil sa kalasingan, ni hindi ko nga alam kung ano na iyong pinangagawa ko. Masyado akong na excite at hindi na namalayan ang nangyayari. Binawi ko ang gulat at natawa na lang sa kaba. Baka kung ano pa ang isipin ng lalaking ito sa akin. “Oo, nakauwi ako. Nagising nga ako sa kama ko eh. Ikaw nakauwi ka ba kagabi?” pabalik na tanong ko. Hindi na niya iyon nasagot dahil tumayo na siya at may nilapit sa likuran na bahagi ko. Namataan ko si Ali doon, kasama si Haven at may isang babae pa na nakahawak sa kanyang braso. Kumunot kaagad ang noo ko dahil sa nasaksihan. Girlfriend niya ba ‘yan? May girlfriend ba siya? Hindi ba, sinabi kagabi na iyon ang unang pagkakataon niyang nagdala ng babae? Agad na binawi ko ang pagtingin sa kanila at binalik iyon sa pagkain ko. Bakit ko ba pinuproblema pa iyon, eh hindi naman ‘yon ang pinunta ko dito. Bakit ba ang tagal magpakita ni Alistair. Gustong gusto ko na siya makita para masimulan na kaagad ang magiging plano ko. Paano ba kung bakla ang Alistair na ‘yon? Anong gagawin ko dito? Sunod kong kinain ang sandwich na kinuha ko. Dinig ko rin ang papalapit na boses sa likuran ko dahilan para mas lalo akong magtago sa dingding nasa nasa gilid ko. “Si Lily? Nandito siya Haven,” ani Zane at agad akong napangiwi. “Oh my god, is that you Lily?” sa arte pa lang ng boses, alam kong si Haven na iyon. Pagkatingin ay ibang iba na ang Haven na nakita ko. Walang kolorete ang mukha at mukhang simple dahil sa suot niya na pambahay pero gano’n may tatak ang suot niya at sa pangalan pa lang sumisigaw na rin iyon ng kayamanan. “Dito na ako uupo, Ali. Sabay na kayo ni Daphne sa kabilang table, gusto kong makasama si Lily.” si Haven habang tinataboy na iyong mga kasama. Dumapo ang tingin ko kay Ali. Malamig ang tingin, umiigting ang panga, at mukhang seryoso. Iyon na ata ang expresyon ng mukha niya, hindi na iyon magbabago pa. Habang ang babae naman na nasa tabi niya ay todo hawak sa braso niya, may kung ano pa iyong binulong sa kanya bago sila tuluyang umalis sa harapan ko. Maging si Zane ay sumama sa kanila at naiwan kaming dalawa ni Haven dito. Nakasunod naman ang mata ko sa tatlo habang naupo sila sa hindi kalayuan. Iyong Daphne ay parang natawa bago nilapit ang mukha sa pisngi ni Ali, habang ang lalaki naman ay nakatingin kay Zane. “H’wag mo silang tignan, nagmumukhang weird ‘yan.” naputol ang titig ko dahil sa boses ni Haven. Hindi ko namalayan na umalis pala siya para kumuha nang kanyang pagkain. Ngayon ay may mangkok na sa harapan niya na puno ng gulay at prutas. “Girlfriend niya ba ‘yan?” Kuryos na tanong ko sabay turo sa kanila gamit ang aking labi. Natawa si Haven habang ang tinidor ay nasa kanyang pisngi. Umiling siya bago nagsalita. “New flavor of the week? Hindi ko alam kung naiintindihan mo ang ibig sabihin niyan, pero parang gano’n nga. I don’t think Ali will stick to that girl. Ali isn’t the type of person who gets serious in a relationship. Para sa kanya, pera at tagumpay lang ang mahalaga. Iyon lang ang iniisip niya, money and success. Kaya nga siya nag iisa sa buhay. Wala siyang inaalala, wala siyang pinoprotektahan, kundi ang dalawang bagay na ’yon.” “Iyong pamilya niya?” Kibit balikat si Haven. “Wala akong alam tungkol d’yan. One thing about Ali is he is secretive like his friends, kung hindi ko siguro Kuya si Kuya Ferno wala din akong malalaman sa kanya. They are protecting their personal life, especially they’re in the business industry.” L Tumango tango ako sa sinabi niya. Una pa lang ramdam ko na rin iyon kay Ali. Ngayon parang mas lalo akong naging kuryos sa kanya. Talaga bang si Alistair V lang ang aakitin dito sa Islang ‘to? P’wede din naman kasi itong si Ali… mukhang mayaman din naman kasi siya. Agad akong kinalabutan sa mga nasa isip ko. Kailan kong magfocus sa goal ko dito at hindi ang ganito. Isa pa hindi naman ako malandi para akitin ang lalaking ‘to, masyadong siya mataas para sa isang kagaya ko. Pero isa lang ang sigurado ako, masyado akong kuryos sa lalaking ‘to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD