GAMIT ang cell phone ay agad ipinagbigay-alam ni Riza sa ina ang hindi inaasahang pagdating ni Marc. Halos matulig pa nga ang kanyang mga tainga sa tiling pinakawalan nito. Hindi magkandatuto sa pagsisiguro ang ina kung tama ba ang kanyang impormasyon. Halos na-imagine na niya ang pagkukumahog nito para maipaghanda ng pagkain ang binata. Wala pang isang oras ay sumulpot na sa rest house ang kanyang nanay. Kung gagamit ng tricycle o anumang sasakyan ay kulang beinte minutos din ang layo ng rest house mula sa nayon kung saan naroon ang bahay nila. Kaya madalang din ang naliligaw roon.
May dalang sariwa at malalaking isda ang kanyang ina at iniihaw ang mga iyon. Nagluto rin ito ng gulay. At pagkaraan nga ng dalawa pang oras, hayun at dumidighay na sa kabusugan ang binata.
Mukhang hindi naman talaga maselan, obserba ni Riza kay Marc. Nakakatuwa ring panoorin na magiliw ang pakikitungo ng binata sa kanyang nanay. Hayun nga at hindi pumayag si Marc na hindi nila ito saluhan sa pananghalian.
“Nakakahiya naman sa `yo, Marc. Hindi tuloy kami nakapaghanda sa pagdating mo,” anang nanay ni Riza. “Teka, ako ba ay nauunawaan mo?”
Marc chuckled. “Eh, nauunawaan ko po kayo, `Nay Hilda. Tagalog naman po ang first language ko bago pa man kami manirahan sa Catalonia. Bukod sa Pinay si Mama, eh, Pinay pa rin ho ang kasambahay namin. Si Papa nga nagta-Tagalog din sa bahay,” paliwanag ng binata.
Ang lanzones naman na sinungkit ni Riza sa likod-bahay ang nilalantakan ng binata. Dahil bagong pitas ang prutas ay madagta pa iyon at nakikita niya ang pagdudulot niyon ng kulay kalawang sa mahahabang daliri ni Marc. “At kanina pa ho kayo hingi nang hingi ng paumanhin. Sinasabi ko po sa inyo na ayos lang ang lahat. Ako po ang may gusto na huwag ianunsiyo ang pagdating ko. Nakiusap pa nga ako kina Tita na huwag na ho kayong tawagan at susulpot na lang ako rito.”
Magalang din… muling pagpuna ni Riza. Muntik na siyang mangalumbaba kung hindi lang siya sinulyapan ni Marc. Nakailang sulyap na ang binata sa kanya at may kakaibang kislap ang mga sulyap na iyon kaya naman nagsasayaw ang kanyang puso.
“Ganoon ba? Mabuti naman pala at gamay mo pa rin ang lengguwahe natin. `Hamo, bukas na bukas ay lalagyan ko ng pagkain ang refrigerator. Susunod daw ba dito sina Madam Stella?” Ang ina ni Marc ang tinutukoy ng kanyang nanay.
“Hindi po. Ako lang po ang magbabakasyon. Huwag n’yo ho akong alalahanin at kaya ko naman ho ang sarili ko. I’m fine, really.” Ilang minuto pang kuwentuhan ay tumayo na si Marc, himas-himas ang tiyan. “Nabusog talaga ako. I think I should take a walk.” Binalingan siya ng binata. “Samahan mo ako, Riza. Maglakad-lakad tayo sa baybayin.”
“Mabuti pa nga, anak. Samahan mo muna si Marc habang inaayos ko ang magiging silid niya,” anang nanay niya.
“Sige po.”
Kinuha ni Marc ang cap at isinuot iyon bago sila nagtungo sa baybayin. She was so aware of him beside her. Mula sa nabasa na damit ay nakapagpalit na si Marc ng loose shirt at pares ng khaki shorts. Itim na leather sandals ang sapin nito sa mga paa. Mayroon ding suot na sports watch. He seemed athletic. He was masculine but not the bulky type. Iyong tipong makisig pero hindi ma-muscle at hindi rin payat. Bigla ay bumangon sa kanyang dibdib ang kagustuhan na kuhanan ng litrato ang binata.
Hindi mapigilan ni Riza ang mapabuntong-hininga sa kaguwapuhan ni Marc. Gusto-gusto uli niyang pakawalan ang kilig. Kung wala nga lang ba ang binata roon, siguradong hindi lang pagsasayaw ang kanyang ginawa, baka tumambling din siya.
“Salamat nga pala at hindi mo talaga binanggit kay Inay ang tungkol sa muntik ko nang pagkakalunod,” wika ni Riza sa binata.
“It means you owe me one,” biro ni Marc.
“A big one. Habang-buhay na yata akong may utang sa `yo.”
“Hey, I’m just joking. Alam mong masaya ako na muli kang makita.”
Napangiti si Riza. “`Buti at hindi ka naligaw sa pagpunta rito?”
Marc shot her a sly smile. Napansin niya ang paglalaho ng kislap sa mga mata ng binata. Tila ba biglang naging okupado ang isip. “Mom gave me the address. Pati na rin ang kompletong detalye kung paano ako makakarating dito. Thank God hindi naman ako naligaw. I’m sorry hindi man lang ako nakatawag sa `yo or nakapangumusta over the years. I’ve been busy with the camps and the training. Idagdag pa ang schooling ko. My load is pretty hefty.”
“Y-you’re a MotoGP champion now, congratulations. U-uhm, I’m a fan.” A big, big fan. Naroong halos mabitin ang kanyang hininga kapag may karera ang binata. Natatawag yata niya ang lahat ng santo para lang proteksiyunan ito at hindi maaksidente. Noong huling crash nga ni Marc ay hindi siya nakakain at nakatulog nang maayos hanggang hindi niya nababalitaan na okay na uli ang binata. She even prayed several novenas just for him.
“Salamat.” Yumuko si Marc at pumulot ng bato. Inihagis din naman iyon sa lawa. Blangko pa rin ang mga mata nito. “So enough about me, let’s talk about you. Eh, any boyfriend?”
Meron na. Ikaw! ngalingaling isagot ni Riza. “Ah, wala. Wala pa akong boyfriend,” nag-iinit ang mga pisnging tugon niya.
There. Naroon na uli ang buhay sa mga mata ng binata. “That’s good to hear. But I bet marami ang gustong manligaw sa `yo, ano? Why, you’re pretty.”
Damn! Bakit ba napakasuwabeng lumalabas sa mga labi ni Marc ang papuring iyon? Pagkatapos ay sinasamahan pa ng binata ng paghuli sa kanyang paningin kaya naman hindi niya maiwasang hindi mag-blush. Pati dulo ng kanyang buhok ay kinikilig. It was just so weird dahil sanay naman na ang kanyang mga tainga sa papuri. Katulad nga ng sinabi nito, maraming kababata ni Riza ang nagpapahayag ng pagkagusto sa kanya. Maganda rin naman kasi siya.
Lalong nailang si Riza nang matiim siyang titigan ni Marc. “Wait!” anito. “Did you go under the knife and have a nose job?”
“Ha?” Nahawakan ni Riza ang kanyang ilong. Maliit iyon ngunit matangos naman. Ang sabi nila ay cute daw ang ilong niya at bumagay sa makipot niyang mga labi. “Totoo `to, ha!”
Humalakhak si Marc. That laugh captivated her soul. “Sa pagkakatanda ko kasi ay pango ka. Pero bakit ganyan na kaganda ang kinalabasan ng ilong mo?”
Hindi napigilan ni Riza na ingusan ang binata. Ang totoo ay hindi lang naman ito ang nagsabi nang ganoon sa kanya. Pango daw siya noong maliit pa siya. “Eh, sa na-develop ng maganda ang facial bones ko, eh.”
Tumigil si Marc sa pagtawa. “I couldn’t agree more.”
“HAVE fun, Kuya Marc. Bye,” paalam ng nakababatang kapatid niya na si Alex. Nag-uusap sila via Skype. Katulad niya ay nasa mundo rin ng motorcycling ang kapatid. They were very close. Pangarap ni Marc na sana ay dumating ang oras na makasama niya ang kapatid sa isang podium. Naihiling din niyang sana ay lumikha rin ng pangalan sa mundo nila si Alex. He just loved him dearly.
Nang mawala na ang kapatid sa monitor ay isinara na ni Marc ang laptop. Tumayo siya at binitbit ang mug ng kape sa veranda. It was a full moon. Maganda ang tanawing kanyang nasasaksihan. Kumikislap kasi na tila diyamante ang ilang bahagi ng tubig na tinatamaan ng reflection ng buwan. It also appeared as if there were two moons. Of course, reflection lang ang isa. Ganoon pa man, hindi lubusang ma-appreciate ni Marc ang tanawing iyon dahil sa isang alalahanin.
“Well, son, kailangan na nating tuparin ang napagkasunduan…”
Ang tinututukoy ng kanyang ama ay ang arranged marriage sa pagitan niya at ni Celine. Apparently, nangyari ang deal sa pagitan ng kanyang lolo at ng lola ni Celine. Hindi nagkatuluyan ang dalawa sa panahon ng mga ito. Crazy as it may it sound pero ang mga anak-anak ng dalawang matanda ang ipinagkasundo na lang nang sa gayon diumano ay magkaroon pa rin sila ng ugnayan. Iyon nga lang, nagkataon na parehong lalaki ang naging anak ng mga ito. Kung kaya napasa sa susunod na henerasyon ang kasunduan. Sila iyon ni Celine. At iyon pa rin ang huling hiling ng matatanda bago pumanaw ang dalawa.
He knew about that from the very beginning. Pareho nilang alam ni Celine. Celine was a beauty. Nag-aaral ang babae ng Medisina. Wala naman siyang mairereklamo sa ugali nito dahil mabait naman. They were in fact friends.
Hindi na itinuloy ni Marc ang planong pag-a-unwind, sa halip ay pinili niyang umuwi sa Pilpinas para mag-isip. Celine will make a good wife. Pero kailangan niyang timbangin ang mga bagay-bagay. Kailangan niyang makasiguro sa kanyang sarili. Pagtinging kapatid lang kasi ang nararamdaman niya para kay Celine. Of course, he knew the difference dahil minsan na rin naman siyang umibig.
“NAGBIBIRO ka ba?!”
Bahagyang inilayo ni Riza ang telepono sa kanyang tainga dahil sa malakas na tinig ni Kaycee. Tinawagan niya ang kaibigan nang makitang maraming text at missed calls siyang natanggap galing dito. Marahil ay nag-aalala na ito kung bakit hindi siya pumasok ng walang paalam. Well, paano pa ba namang papasok sa isip niya na tawagan si Kaycee kung ganoong nao-overwhelm siya sa hindi inaasahang pagdating ng binata. Hapon na siya nakauwi sa kanilang bahay. Ang nanay naman niya ay naiwan pa sa rest house para siguruhing maayos si Marc.
“Of course not. Narito ngayon sa Ibayo ang nobyo kong si Marc!” ani Riza pagkatapos ay tumili nang malakas.
“Hindi ako naniniwala. Pinagti-trip-an mo lang ako.”
“Kung hindi totoo, eh, di sige, magsaulian na lang tayo ng kandila. Magkalimutan na lang tayo.”
Nanahimik si Kaycee. Kapagkuwa’y tumili ang kaibigan. “Oh, my God!”
“I know, right. Oh, my God talaga! Ang guwapo niya, Kaycee! Nakakapanginig ng mga tuhod ang tingin niya. At makalaglag panty ang ngiti sa personal,” humahagikgik na pagkukuwento ni Riza. “Gosh! He’s matangkad, athletic, at napakaguwapo! Diyos ko, Kaycee, parang mawawala sa kinalalagyan ang puso ko kapag tinitingnan niya ako! `Pag nginingitian niya ako para akong ice cream sa ilalim ng araw. Natutunaw ako! Ganoong-ganoon ang epekto niya sa akin. Alam mo `yon, gusto kong kumanta, sumayaw, at tumambling.”
Natawa si Kaycee. “Nai-imagine ko nga. Loka! Huwag namang masyadong obvious ang pagpapakita mo sa kanya ng pagsinta mo. Baka ma-turn off `yon sa `yo, sige ka. Aha! May naalala ako. `Di ba, sinabi mo na hahagkan mo siya sa lips kapag nakita mo siya? O, ano na? Ginawa mo ba?”
“Siya ang humalik sa mga labi ko,” nangangarap na wika ni Riza.
“Yeah, right,” hindi naniniwalang sagot ni Kaycee.
“Well, ganito kasi iyon…” Napilitan siyang ikuwento sa kaibigan ang pagkakasagip ni Marc sa kanyang buhay. “Oy, Kaycee, huwag mong babanggitin kay Nanay ang tungkol sa muntik ko nang pagkakalunod, ha?” Wala siyang narinig na sagot. “Kaycee? Kaycee?”
“Mouth-to-mouth resuscitation `kamo? Damn, you’re one lucky girl!”
Humagikgik si Riza. “I know, right! Bumalik ang diwa ko na nakalapat pa sa mga labi ko ang labi niya. Isn’t it a little weird, Kaycee? Kung sino `yong lalaking kinakikiligan ko nang husto ay siya palang magliligtas sa akin sa isang tiyak na kapahamakan. It’s… heaven! Ayieee!”
Pumalatak ang kaibigan. “Alam mo kung ano’ng tawag diyan? Destiny.”
“Uy, hindi na siya kontrabida ngayon,” tudyo ni Riza na ikinahalakhak ni Kaycee. Nang magpakuwento pa ito ay buong puso niyang pinagbigyan.
KINABUKASAN ay tanghali nang nakapasok sa JeRi si Riza. Paano ay halos hindi siya nakakuha ng tulog nang nagdaang gabi sa kaiisip kay Marc. She was just dreaming while wide awake. Mukhang hindi doon natapos ang kanyang pangangarap dahil maging sa JeRi ay tulala siya habang nakangiti.
“I’ve got to go, Riza. `Susme! Kung hindi lang dahil sa isang software company na kailangan kong i-meeting, nunca na patatahimikin kita sa katatanong tungkol kay Marc,” puno ng panghihinayang na paalam ni Kaycee. Hapon na iyon at malapit na rin silang magsara. She kissed Riza’s cheeks. Kailangan kasing lumuwas sa Maynila ng kaibigan at tumigil doon ng isang linggo.
Natawa si Riza. “Kung ganoon, pabor sa akin ang pag-alis mo. Sige na, bye. Mag-ingat ka. Pasalubong ko, ha?” Hinintay niya na mawala sa kanyang paningin ang sasakyan ng kaibigan bago siya bumalik sa loob ng snack house.
Dahil alanganing oras ay walang masyadong customer sa café. Dumeretso si Riza sa likod ng kaha. Kinuha niya ang mga resibo na hindi pa naipapasok sa record book at iyon ang inasikaso. Nakakailang sulat pa lang siya ay binitiwan na niya iyon. She sighed. Wala rin naman kasi roon ang kanyang focus. Kanina pa lumilipad ang kanyang isip, papunta sa rest house, or rather kay Marc. Iniisip niya kung ano na kaya ang ginagawa ng binata.
Muling nagpakawala ng buntong-hininga si Riza. Hinagilap niya ang kanyang bag at ipinatong sa kandungan. Bubuksan pa lang niya iyon nang tumunog ang wind chime, indikasyon na may customer na pumasok. Nag-angat ng ulo si Riza para tingnan ang taong pumasok. Agad nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Marc. Nagwelga at malakas na tumibok ang kanyang puso.
Nakasuot ang binata ng puting t-shirt, brown na cargo shorts, at tsinelas. Mayroon din itong suot na cap. Napakasimple ng getup nito ngunit hindi maipagkakaila ang malakas na presensiya. Weird, ngunit pakiramdam ni Riza ay biglang lumiwanag sa loob ng JeRi dahil sa presensiya ng lalaki.
Dali-daling nagyuko ng ulo si Riza at nagkunwaring abala nang makita niyang inililibot ni Marc ang paningin sa kabuuan ng snack house.
At bakit ka umiiwas, Riza? kastigo niya sarili. Bagaman nakayuko, ramdam naman niya nang tunguhin ni Marc ang kanyang kinaroroonan. Lalo tuloy lumakas ang pagkabog ng kanyang dibdib.
“Riza…” sambit ni Marc sa kanyang pangalan bago pa man ito tuluyang makalapit sa kanya. His baritone voice gave her goose bumps. Paano ba naman, tila musika iyon sa kanyang pandinig. Kinalma niya ang sarili bago nagtaas ng ulo. “Hola.”
“M-Marc,” kunwari ay nasorpresang bulalas ni Riza. Alam niyang Spanish word ang “hola” na ang ibig sabihin ay “hello.” “Hi. Ano’ng ginagawa mo dito?” Sana naman ay hindi siya magmukhang trying hard. Sa gilid ng kanyang mata ay nakita niya ang nag-uusyosong tingin ng kanyang mga staff.
There it was again that smile that could launch a thousand ships; the smile that could light up any room. Si Marc lang ang kilala niyang lalaki na hindi nababawasan ang p*********i kahit laging nakangiti. “Na-curious ako na makita ang snack house na sinabi ni `Nay Hilda na business n’yo raw ng kaibigan mo.” Iginala ng binata ang paningin sa kabuuan ng lugar. “Nice place, eh. Maganda ang ambience.”
“T-thanks. Uhm…” Bumaba si Riza ng high stool at lumabas ng cashier booth. Kapagkuwa’y niyaya niya ang binata na maupo. “Coffee?” alok niya. Bakit ba kumakabog nang ganoon ang kanyang dibdib? Bakit tila hindi siya makahinga?
“Yes, please.”
“Err, sandali…” Mabilis na tumayo si Riza subalit bago pa siya tuluyang makalayo ay may pumigil na sa kanyang kamay. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil tila nagdulot ng kakaibang damdamin ang paghuhugpong na iyon ng mga kamay nila ni Marc. Bukod doon ay lalong nagwala ang kanyang puso. Lumingon siya. “Y-yes? May kailangan ka pa ba?”
“Well, I just need you to relax. Masyado ka yatang natataranta.”
Eh, sino ba naman kasi ang hindi matataranta sa presensiya mo?
Itinago ni Riza ang kanyang pagkataranta sa isang ngiti. “Marahil ay sadyang hindi lang ako sanay na may customer kami na celebrity,” biro niya. Please, bitawan mo na ang kamay ko bago pa iyan mamawis sa nerbiyos, lihim niyang pagsamo.
Tumawa si Marc. Pipisilin na naman sana nito ang kanyang pisngi kung hindi lang siya nakailag.
“Hoy!” nabiglang saway niya kay Marc.
Natigil sa ere ang kamay ng binata. Umangat ang sulok ng mga labi, tila ba pinipigilan nito ang pagguhit ng isang ngiti. Itinikom nito ang mga labi at pinakunot ang noo. Kapagkuwa’y namaywang ito. “Aba’t— did you just say ‘hoy!’ to me?” animo supladong tanong ni Marc.
“E-eh… eh, bubugbugin mo na naman ang pisngi ko, eh,” nanghahaba ang ngusong sagot ni Riza. Sinaway niya ang sarili nang mapagtanto kung ano ang kanyang inasal. At napangiwi naman siya nang mapagtanto na sa kanila ni Marc nakatuon ang atensiyon ang mga mata ng staff. Hindi siya sigurado kung nakikilala ng staff nila si Marc pero hayun at nakasungaw sa mga mata ng mga ito ang kaaliwan.
Bumunghalit ito ng tawa. Pupusta si Riza na hindi lang siya kay Kaycee makakatikim ng pangungulit kundi maging sa staff na rin nila.