“BUKOD sa mabait talaga, eh, naghahanap din iyon ng kapatid na babae, anak,” anang nanay ni Riza nang ikuwento niya ang ginawang pakikitungo sa kanya ni Marc. Kagagaling lang ng ina ng rest house para sa pagkain at iba pang kailangan ng binata. Alas-otso na iyon ng gabi. “Siguro hindi pa rin nagbabago `yong pagkagiliw niya sa `yo kahit na maraming taon kayong walang komunikasyon,” dagdag pa ng ina.
“Aray naman, Inay. Para bang sinasabi ninyo na pagtinging kapatid lang ang iuukol sa akin ni Marc at walang patutunguhan ang pagsinta ko sa kanya. Kilig na kilig na nga ako sa pagkukuwento rito, o.” Sinimangutan niya ang ina. Tumawa lang ito. Hindi naman kasi kaila sa ina na magtatatlong taon na niyang tinitilian si Marc. “Maganda kaya ako. At sexy rin. Hindi imposibleng mahulog sa ganda ko si Marc,” kunwari ay biro niya bagaman ang totoo ay may kasamang panalangin iyon. Na sana nga ay mahulog ang loob sa kanya ng binata.
Lumakas ang tawa ng nanay ni Riza. “Naku po. Natatakot na yata ako sa hihilingin ko sa `yo.”
Mula sa paglilinis ng camera ay nag-angat si Riza ng tingin. Bigla siyang naintriga sa sinabi ng ina. “Hihilingin na ano po, Inay?”
“Hindi na,” pagtanggi nito. Binigyan muna siya ng nang-iintrigang tingin bago tumayo.
Nilambing niya ang ina. “May kinalaman kay Marc, Inay? Naku, alam na alam ninyo kung paano ako bibitinin. Sabihin n’yo na, `Nay, please.”
Her mother laughed merrily. “Eh, kasi nga, nabanggit ko sa kanya na magaganda ang mga tanawin sa mga karatig-bayan. At mukhang interesado naman siya na makita ang mga iyon. Excited pa ng—”
“Ako ang magto-tour sa kanya,” agad na pagboboluntaryo ni Riza.
“Iyon na nga sana ang hihilingin ko sa `yo. Kung puwede sana, samahan mo si Marc sa pamama—”
“Walang problema, Inay. Ako’ng bahala,” kinikilig na sagot niya hindi pa man tapos ang kanyang ina sa pagsasalita. Kung puwede lang siyang tumili sa harap nito ay kanina pa niya ginawa.
“Riza, hane, puwede bang patapusin mo muna ako sa pagsasalita, `ne?”
Napahagikgik siya. “Sorry, `Nay. Excited lang. Alam n’yo naman na may HD ako kay Marc.”
“HD?” naguguluhan nitong tanong.
Ngumisi siya. “Hidden desire, `Nay. May itinatago ho akong pagnanasa kay Marc.”
Nanlaki ang mga mata ng ina. Tila ba hindik na hindik sa kanyang sinabi. Lumakas ang tawa ni Riza. “Biro lang `Nay. `To naman, hindi na mabiro.” Birong totoo, Riza. Hindi nga ba at hindi mo na mabilang kung ilang pantasya ang binuo mo kasama si Marc. Aminin… tudyo ng isip niya.
Hindi magawang itanggi ni Riza iyon dahil totoo naman. Minsan nga ay nanaginip pa siya ng rated SPG sa pagitan nila ni Marc. Kaulayaw raw niya ang binata sa isang napakainit na sandali.
“Iyon na nga. Mahigit isang linggo lang naman yatang mananatili rito ang batang iyon bago siya lumuwas sa Maynila. Kung ako kasi ang sasama sa kanya, eh, baka hindi mag-enjoy si Marc. Alam mo na, masyadong malayo ang agwat ng mga edad namin. Teka, posible ba na hindi ka muna pumasok sa snack house? `Di ba at nasa Maynila ngayon si Kaycee?”
Sumeryoso si Riza. Naintindihan niya agad ang gustong mangyari ng ina. Kung siya man ang nasa katayuan nito ay gagawin din niya ang lahat para mai-please ang binata. Kung tutuusin kasi ay ang pagiging caretaker na ang bumuhay sa kanilang mag-ina. Her father died when she was two years old.
“Wala naman pong problema `yon, Inay. Nasa Maynila si Kaycee pero puwede namang si Tiffany muna ang mamahala roon. Mapagkakatiwalaan naman ang kapatid na iyon ni Kaycee. Pero hiniling ho ba ni Marc na ako ang maging tour guide niya?” Wala kasing nabanggit sa kanya ang binata kanina sa JeRi. Nagkuwento lang si Marc kung gaano kaasikaso ang kanyang nanay.
“Eh, nag-alangan siya noong malaman na may inaasikaso kang negosyo sa bayan.”
Napatango-tango si Riza. “Sige po. Hayaan n’yo ho at ako na ang bahala sa bagay na `yan.” Setting her feelings aside, pakiramdam niya ay kailangan niya i-entertain nang husto si Marc dahil sa dalawang rason: una ay dahil amo ng kanyang nanay ang binata na kailangang i-please, at ang pangalawa at importante sa lahat ay dahil iniligtas ni Marc ang kanyang buhay. She owed him a lot. “Siyanga pala, Inay, eh, sikat ho si Marc. Paano `yon, hindi ba delikado na mag-isa lang siya?” tanong niya.
“Kunsabagay… Baka kung may makakilala man kay Marc dito sa probinsiya, eh, baka iilan-ilan lang naman,” ani Riza. “Nabanggit nga ho pala ni Kaycee na nakatakda raw po talagang umuwi sa Pilipinas si Marc para sa isang exhibition, saka meet and greet na rin po siguro para sa mga fans niya. Parang world tour po niya bago magsimula uli ang racing season.”
Hindi na naintindihan ni Riza ang sinasabi ng nanay niya. Paano ay kilig na kilig na siya sa kaalamang makakasama niya ang binata sa pamamasyal.
KINABUKASAN ay ipinaubaya muna ni Riza kay Tiffany ang pamamahala pansamantala sa JeRi. Naitawag na rin niya ang tungkol doon kay Kaycee at walang pagdadalawang-salita na pumayag ang kaibigan. Biniro pa nga siya ni Kaycee na pagkakataon na raw niya iyon para akitin si Marc.
Hindi na hinintay ni Riza ang closing ng snack house. Nang masiguro niyang nasa ayos na ang lahat ay nauna na siyang umuwi. Dumaan lang siya sa kanilang bahay para iwan ang kanyang mga gamit at para na rin makapagpalit ng damit. Pagkatapos niyon ay dumeretso na siya sa rest house.
Papalubog na ang araw nang makarating siya sa rest house. It was so spectacular. Nagsasabog ng kulay kahel at indigo ang araw at nagre-reflect iyon sa tubig sa lawa. Mayroon ding mga ulap na tila nagpaganda pa sa tanawin.
Nahigit ni Riza ang hininga nang dumako ang kanyang mga mata sa mahabang tulay sa lawa. Sa dulo ng tulay, sa malawak na platform, ay nakaupo ang isang bulto habang nakatanaw sa papalubog na araw.
Marc… Napalunok siya. On instinct, she grabbed her camera. Ini-adjust niya ang zoom at kinuhanan ang tanawing iyon. Laking pasasalamat niya na binitbit niya ang camera.
Patuloy sa pag-click ang daliri ni Riza kaya naman nakuhanan niya nang hindi inaasahan nang maghubad ng t-shirt si Marc at mag-dive sa tubig. “Oh, dear heaven…” bulalas niya nang tingnan ang mga kuha. There was wonderment in those images that leapt to life on the small screen.
“Riza!” anang tinig ni Marc na nagpapitlag sa kanya. Nang mag-angat siya ng paningin ay nakita niyang nakatayo na muli sa platform ang binata, kumakaway. Marahil ay nakita siya ng binata nang sumampa ito sa platform.
Napangiwi si Riza. Ano na lang ang iisipin nito sa kanyang camera?
Binagalan ni Riza ang paglapit kay Marc sa pag-asang makakapag-isip siya ng magandang sasabihin. Hindi kasi mahirap hulaan na kinuhanan niya ng larawan ang binata. Tinalunton niya ang tulay, hanggang sa makarating na rin sa platform. Nagpupunas na noon si Marc ng katawan gamit ang tuwalya. Nang tuluyan siyang makalapit ay agad tumuon ang kanyang mga mata sa nakahantad na upper body nito.
Marc Marquez was undoubtedly masculine. Bagaman hindi masyadong malapad ang kaha ng katawan ay toned naman iyon. Hindi maipagkakaila ang guhit ng abs sa katawan nito. He was really athletic. Maalaga ito sa katawan.
Uy, natulala ka na! Baka mamaya niyan ay tumulo na ang laway mo nang hindi mo namamalayan, tukso ng isip ni Riza na nagpa-init ng kanyang mga pisngi.
Laking pasasalamat niya dahil hindi naman yata napuna ni Marc ang paghagod ng kanyang mga mata sa katawan nito.
“Hola, Riza,” bati ni Marc. Hindi niya inaasahan nang dampian siya ng halik ni Marc sa kanyang pisngi. Muntik na siyang mapasinghap.
“Hola. Err… sorry kinuhanan kita ng picture ng walang paalam. Nagandahan kasi ako sa panoramic view.”
“Ah, kala ko dahil naguwapuhan ka sa akin,” tudyo ni Marc.
Muntik nang masamid si Riza sa sinabi ng binata.
“Biro lang. Nabanggit na rin sa akin ng nanay mo na hilig mo ang pagkuha ng pictures. Nanay Hilda is so proud of you.” Isinampay nito ang tuwalya sa balikat at sumandal sa railing. “So photography, eh? Puwede bang makita ang mga kuha mo?” Inabot nito ang camera. Dahil hawak pa niya iyon ay pumatong sa kamay niya ang kamay nito.
Napalunok siya sa init ng palad ng binata. Naglakbay iyon sa bawat himayhimay ng kanyang kalamnan na animo ginigising ang kanyang dugo. Idagdag pa ang nakapag-iinit na tingin sa kanya ni Marc. It appears na parang nagpi-flirt sa kanya ang binata.
“Huh? Puwede ko bang makita ang mga kuha mo?” muling tanong ni Marc.
“S-sure.” Niluwangan ni Riza ang pagkakahawak sa camera nang sa gayon ay maibigay iyon sa binata. Subalit sa kanyang panggigilalas ay humigpit ang pagkakahawak ni Marc sa kanyang kamay at sa loob ng isang kisap-mata ay nasa likuran na niya ang binata. Nakulong siya sa mga bisig ni Marc.
“Okay, let me see…” halos pabulong na wika nito sa kanyang tainga. Hindi naman lumalapat ang likod ni Riza sa katawan ng binata ngunit tila nararamdaman na niya ang singaw ng katawan nito. Marc was still holding her hand and her camera. Napaka-intimate ng kanilang posisyon. She had butterflies in her stomach. Gusto tuloy niyang pagpawisan nang malapot dahil sa excitement.
Tumikhim si Riza. Nang masigurong hindi na mabibitawan ni Marc ang kanyang camera ay dali-dali siyang kumawala sa pagkakakulong sa mga bisig nito. “A-ah… amoy-JeRi pa ako,” hindi tumitingin dito na sabi niya.
Hindi sumagot si Marc. Nang tingnan niya ang binata ay tutok ang atensiyon nito sa pagtingin sa kanyang mga kuha. Hindi mahirap sabihin na naa-appreciate ng binata ang mga larawan. She can’t blame him. She knew every shot revealed an artistic eye—her artistic eye.
“My! It looks like you’re a professional photographer,” humahangang sabi ni Marc, hindi maitago sa mga mata ang eagerness at excitement.
Hindi naman maiwasan ni Riza na pamulahan ng mukha. “Salamat. Pero hindi ako professional photographer. It’s just a hobby. Bagaman nagpapasa rin ako ng mga kuha ko sa isang glossy magazine.”
“Why not make it a career?” he asked with undeniable excitement. “Halimbawa, mag-held ka ng mga exhibit. Kahit maliliit lang muna, say, sa mga malls muna then—”
“Whoa!” awat niya. “Hindi ko yata kaya `yon. At saka, hindi naman `yon ganoon kadali. Sino ang magtitiwala sa isang probinsiyana na walang pangalan sa mundo ng photography?” She laughed nervously.
Isinukbit ni Marc ang camera sa leeg. Kapagkuwa’y hindi niya napaghandaan nang kunin ng binata ang kanyang palad at ipaloob iyon sa mga palad nito. Mabuti na lang at hindi kumawala ang isang singhap sa kanyang lalamunan. Mataman siyang tiningnan ni Marc. “Sa ngayon, wala pa dahil hindi mo ipinapakita sa mundo ang gawa mo. Pursue this career, sweetheart, and I’m telling you, you will gain international respect. You will be Riza Pabelonia. Just trust yourself.”
Ninenerbiyos na tumawa si Riza bago pasimpleng binawi ang kamay sa binata. Tila nagwewelga na naman kasi ang kanyang puso. Bakit naman hindi gayong naniniwala si Marc sa kanyang kakayahan. “H-hayaan mo at susubukan ko.”
“Not bad. Now, tingnan natin kung may artistic eye din ba ako,” he said, grinning. Umatras at inihanda ang camera sa pagkuha.
Ang akala ni Riza ay ang kukuhanan nito ang sunset. Laking gulat niya nang itutok nito sa kanya ang camera. The wind blew. Inilipad niyon ang kanyang buhok patabon sa kanyang mukha. Noon niya narinig ang pag-‘click’ ng camera.
Naagaw ang kanilang atensiyon ng pagdating ng kanyang nanay. Noon naalala ni Riza ang talagang pakay niya sa binata. Mabuti na nga lang pala at hindi naabutan ng ina ang posisyon nila ni Marc kanina. Tinipon niya ang kanyang buhok at hinawakan na lang iyon para hindi na ilipad ng hangin. “Err, Marc, okay lang ba sa `yo na ako ang maging tour guide mo?”
“Why, that’s perfect!” Marc exclaimed. Kapagkuwa’y bigla na lang dinampian ng halik ang kanyang mga labi. Smack lang iyon ngunit sapat na iyon para matulala si Riza. Bigla siyang napalingon sa nanay niya. Tila hindi naman nakita ng ina ang nangyari.
“WHOA!” humahangang bulalas ni Riza sa motorsiklong nasa harap ng bahay nila. Alam niyang pumunta si Marc sa isang rent-a-car shop sa bayan para umarkila ng motorsiklo na magagamit nila sa pamamasyal. Of course, hiningi ng binata ang kanyang permiso kung okay lang na mag-motorsiklo sila. Sa tingin naman ni Riza ay mas okay iyon dahil makikitid ang daan sa pupuntahan nila.
Napakaastig tingnan ng motorsiklo na para bang napakamahal niyon. Ang totoo ay noon lang nakakita si Riza ng ganoong klase ng motorsiklo. Sumipol siya ng mamataan ang tatak niyon. “BMW? Whew!”
Marc chuckled. Hindi nakaligtas sa kanya ang kakaibang passion na sumungaw sa mga mata nito habang tinitingnan ang motor. Walang duda, nasa puso talaga ni Marc ang pagmamahal sa sport na kinabibilangan. Ginalaw muna nito ang cap at inikot iyon. Napaka-cool nitong tingnan. “It’s a BMW R1200GS. Dual-sport siya, meaning puwede siya on and off-road. Actually, collection iyan noong may-ari. Akalain ko ba na makikilala niya ako at hahayaang ipagamit sa akin ang motorsiklo nang libre kapalit lang ng picture at autograph ko.”
“Cool. At nasa akin ang karangalan na makaangkas sa reigning MotoGP champion? Wow!”
“So, handa ka na?” tanong ni Marc bago siya hinagod ng tingin.
Bahagyang kinilabutan si Riza—isang masarap na kilabot—nang mapansin ang klase ng tingin ng binata. Hindi niya alam kung dinadaya lang ba siya ng kanyang paningin, but it seemed that Marc was giving her heated glances. Certainly, malayo sa pagtinging kapatid ang mga ganoong tingin. Gusto tuloy niyang magbunyi.
Nakasuot si Riza ng sando at fitted jeans. Bagaman pinatungan niya iyon ng jacket ay kita pa rin ang kurba ng kanyang katawan. She had rubber shoes on her feet. Ganoon din ang outfit ng binata maliban sa cargo shorts ang pang-ibaba ni Marc.
“Yup,” sagot niya. Isang backpack ang kanyang dala na kinalalagyan ng towels, bottled water, at spare clothing. Naroon din ang kanyang camera at cell phone. Napagkasunduan nila na sa mga restaurant na lang sila kakain.
Kinuha ni Marc ang isang helmet. Ang akala ni Riza ay iaabot lang iyon ng binata sa kanya. To her surprise, lumapit si Marc at ito ang nagsuot sa kanyang ulo ng helmet. Nagsuot rin ng helmet ang binata. Ilang sandali pa at pareho na silang nakaupo sa motorsiklo. “Sabihin mo lang sa akin kung kailan ako kakanan o kakaliwa, okay?”
“Okay.” Napalunok si Riza. Paano ay pumupuno sa kanyang pang-amoy ang mabangong amoy ng binata. His perfume was light but exotic and it seemed to swirl around her like a wisp of smoke. It was drugging her mind.
“Ready?”
“R-ready.” Napatingin si Riza sa likod ni Marc. Isang dangkal ang distansiya niya sa binata subalit tila nag-iimbita ang likod na iyon. Nag-iimbita na yumakap siya rito, damhin ang katawan nito, at ihimlay ang kanyang pisngi sa likod ni Marc kahit pa nga ba may suot siyang helmet. Napalunok siya. Ang totoo ay nagtitimpi lang siya na ipulupot sa katawan ni Marc ang kanyang mga braso.
Binuhay na nito ang makina ng motorsiklo. Subalit bago iyon tuluyang paandarin ng binata ay kinuha ni Marc ang kanyang mga braso at ipinulupot iyon sa katawan nito. Dahil doon ay napalapit siya sa likod ni Marc. Nanlaki na lang ang kanyang mga mata sa pagkabigla. Hindi niya inaasahan ang paglukob ng kung anong init sa kanyang katawan.
“Hold on tight,” ani Marc. Nai-imagine ni Riza ang kumikislap at nanunudyong mga mata ng binata.
Agad gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Hindi palalampasin ni Riza ang pagkakataong iyon.
Ump! Ambango-bango! This is heaven… la, la, la. Sorry girls, Marc is mine!